Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sinimulan Kong ‘Alalahanin ang Dakilang Maylalang’ 90 Taon Na ang Nakalilipas

Sinimulan Kong ‘Alalahanin ang Dakilang Maylalang’ 90 Taon Na ang Nakalilipas

Sinimulan Kong ‘Alalahanin ang Dakilang Maylalang’ 90 Taon Na ang Nakalilipas

Ayon sa salaysay ni Edwin Ridgwell

NOONG Nobyembre 11, 1918, biglang tinipon kaming magkakaeskuwela upang ipagdiwang ang pagtatapos ng Malaking Digmaan, na nang maglao’y tinawag na Digmaang Pandaigdig I. Limang taóng gulang pa lang ako noon at hindi ko masyadong naintindihan ang okasyon. Gayunman, dahil sa itinuro sa akin ng mga magulang ko tungkol sa Diyos, ayokong makibahagi sa pagdiriwang. Nanalangin ako, at dahil hindi ko mapigilan ang aking damdamin, napaiyak ako. Gayunpaman, hindi ako nakibahagi sa selebrasyon. Diyan nagsimula ang aking ‘pag-alaala sa Dakilang Maylalang.’​—Ecles. 12:1.

Mga ilang buwan bago nangyari ito, lumipat ang aming pamilya malapit sa Glasgow sa Scotland. Nang panahong iyon, napakinggan ni Itay ang pahayag pangmadlang pinamagatang “Milyun-Milyong Nabubuhay Ngayon ang Hindi Na Kailanman Mamamatay.” Binago nito ang buhay niya. Nagsimulang mag-aral ng Bibliya sina Itay at Inay. Madalas nilang pag-usapan ang tungkol sa Kaharian ng Diyos at ang mga pagpapalang idudulot nito. Mula noon, itinuro sa akin ng mga magulang ko na ibigin ang Diyos at magtiwala sa kaniya. At dahil dito ay nagpapasalamat ako sa Diyos.​—Kaw. 22:6.

Pasimula ng Buong-Panahong Ministeryo

Noong ako’y 15 anyos, nagkaroon ako ng pagkakataong mag-aral sa kolehiyo. Pero gusto ko talagang maging buong-panahong ministro. Inisip ni Itay na napakabata ko pa, kaya nagtrabaho muna ako sa opisina. Pero dahil gustung-gusto kong maglingkod kay Jehova nang buong panahon, sumulat ako kay J. F. Rutherford, ang nangangasiwa sa pandaigdig na pangangaral noong panahong iyon. Tinanong ko kung ano ang masasabi niya sa aking balak. Sumagot si Brother Rutherford: “Kung kaya mo nang magtrabaho, kaya mo na ring maglingkod sa Panginoon. . . . Naniniwala akong pagpapalain ka ng Panginoon kung magsisikap kang maglingkod sa Kaniya nang tapat.” Malaki ang naging epekto sa aming pamilya ng liham na iyon, na may petsang Marso 10, 1928. Di-nagtagal, sina Itay, Inay, Ate, at ako ay naging buong-panahong mga ministro.

Noong 1931 sa isang kombensiyon sa London, tinanong ni Brother Rutherford kung sino ang nagnanais magboluntaryong mangaral sa ibang lupain. Nagboluntaryo ako. Kami ni Andrew Jack ay inatasan sa Kaunas, ang kabisera noon ng Lithuania. Disiotso pa lang ako noon.

Pangangaral sa Ibang Bansa

Nang panahong iyon, mahirap na bansa ang Lithuania at karamihan sa mga mamamayan dito ay magsasaka. Hindi madaling mangaral doon. Mahirap maghanap ng matutuluyan. Hinding-hindi namin malilimutan ang ilan sa tinuluyan namin. Halimbawa, isang gabi, nagising kami ni Andrew na nangangati. Nang sindihan namin ang lampara, napakarami palang surot sa higaan namin. Pinapak nila kami mula ulo hanggang paa! Tuwing umaga, sa loob ng isang linggo, kinailangan kong magbabad sa malamig na tubig sa kalapít na ilog upang maibsan ang kirot. Gayunpaman, determinado kaming ipagpatuloy ang aming pangangaral. Di-nagtagal, nalutas ang aming problema nang makilala namin ang isang mag-asawa na tumanggap ng katotohanan. Pinatuloy nila kami sa kanilang maliit pero malinis na bahay. Bagaman sahig ang aming tinutulugan, napakahimbing ng aming tulog!

Malakas ang impluwensiya ng klero ng Romano Katoliko at ng Ruso Ortodokso sa Lithuania noon. Mayaman lang ang nakabibili ng Bibliya. Tunguhin naming makubrehan ang pinakamalaking teritoryo na magagawa namin at makapag-iwan ng mga literatura sa mga interesado hangga’t maaari. Una, naghahanap kami ng matutuluyan sa isang bayan. Pagkatapos, nangangaral muna kami sa katabing mga lugar, at saka namin kinukubrehan ang mismong bayan nang mabilisan. Sa ganitong paraan, madalas na natatapos namin ang aming gawain bago pa makapanggulo ang mga pari doon.

Naging Usap-usapan

Noong 1934, si Andrew ay inatasang maglingkod sa tanggapang pansangay sa Kaunas. Si John Sempey ang naging partner ko. Marami kaming di-malilimutang karanasan. Minsan, pinuntahan ko ang opisina ng isang abogado sa isang maliit na bayan. Nagalit ang lalaki, kinuha ang isang baril sa drower, at inutusan akong umalis. Tahimik akong nanalangin at naalaala ang payo ng Bibliya: “Ang sagot, kapag mahinahon, ay pumapawi ng pagngangalit.” (Kaw. 15:1) Kaya sinabi ko, “Dumalaw ako sa inyo bilang kaibigan na may mabuting balita.” Inalis ng lalaki ang daliri niya sa gatilyo ng baril, at unti-unti akong lumabas sa kaniyang opisina.

Nang magkita kami ni John, sinabi niya na siya naman ay dinala sa presinto. Napagbintangan siyang nagnakaw ng isang banknote na may malaking halaga mula sa isang babaing nakausap niya. Pinaghubad si John sa presinto para hanapin ang banknote. Siyempre wala silang nakita. Nang maglaon, nahuli nila ang magnanakaw.

Dahil naging usap-usapan sa maliit na bayan ang dalawang pangyayaring ito, hindi na kami nahirapang ipaalam sa mga tao ang aming gawain!

Patagong Gawain

Naatasan kaming magdala ng mga literatura ng Bibliya sa kalapít na bansang Latvia. Mapanganib ito dahil ipinagbabawal doon ang pangangaral. Minsan sa isang buwan, pumupunta kami sa Latvia sa gabi sakay ng tren. Kung minsan, pagkatapos naming magdala roon ng literatura, naglalakbay kami sa Estonia upang kumuha pa ng mga literatura, na dinadala rin namin sa Latvia pagbalik namin sa Lithuania.

Minsan, may nagsumbong sa isang opisyal ng adwana tungkol sa aming gawain. Inutusan kami ng opisyal na bumaba sa tren at dalhin ang literatura sa kaniyang superyor. Nanalangin kami ni John kay Jehova na tulungan kami. Nagulat kami nang hindi sabihin ng opisyal sa kaniyang superyor kung ano ang dala namin. Sinabi lang niya, “May idedeklara sila.” “Idineklara” ko na ang dala namin ay literaturang makatutulong sa mga paaralan na maunawaan ang kahulugan ng nangyayari sa ating magulong daigdig. Pinayagan kami ng superyor na umalis, at ligtas naming naihatid ang mga literatura.

Habang lumalala ang kaguluhan sa pulitika sa mga Estadong Baltic, dumami ang sumasalansang sa mga Saksi ni Jehova. Ipinagbawal na rin ang pangangaral sa Lithuania. Sina Andrew at John ay pinauwi sa kanilang bansa. Dahil nagbabanta na ang Digmaang Pandaigdig II, pinauwi na rin ang lahat ng Britano. Kaya malungkot akong umalis sa Lithuania.

Pribilehiyo at Pagpapala sa Hilagang Ireland

Lumipat ang aking mga magulang sa Hilagang Ireland. Noong 1937, sumama ako sa kanila roon. Ipinagbabawal din sa Hilagang Ireland ang ating mga literatura dahil sa kaguluhan, pero nagpatuloy pa rin kami sa pangangaral sa panahon ng digmaan. Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, inalis na ang pagbabawal sa ating gawain. Si Harold King, isang makaranasang payunir na nang maglaon ay naging misyonero sa Tsina, ang nag-organisa ng mga pahayag na ginagawa sa mga pampublikong lugar. “Ngayong Sabado,” ang sabi niya, “ako ang magpapahayag.” Tumingin siya sa akin at sinabi, “Sa susunod na Sabado, ikaw naman.” Nagulat ako.

Tandang-tanda ko pa ang unang pahayag ko. Daan-daang tao ang nakinig. Nagpahayag ako nang walang mikropono at nakatuntong sa isang kahon. Pagkatapos kong magpahayag, kinamayan ako ng isang lalaki at sinabing Bill Smith ang pangalan niya. Sinabi niyang nakita niya ang maraming tao kaya lumapit siya upang makita kung ano ang nangyayari. Si Bill pala ay nakausap na noon ni Itay. Pero hindi na sila muling nagkita nang lumipat si Itay at ang aking madrasta sa Dublin upang magpayunir. Nagsimula kami ni Bill na mag-aral ng Bibliya. Nang maglaon, siyam sa kapamilya ni Bill ang naging mga lingkod ni Jehova.

Nang dakong huli, nangaral ako sa lugar na may malalaking bahay sa dulo ng Belfast. Nakilala ko roon ang isang babaing Ruso na tumira sa Lithuania. Nang ipakita ko sa kaniya ang ilang literatura, itinuro niya ang isang aklat at sinabi: “May ganiyan akong aklat. Ibinigay ito sa akin ng aking tiyuhin na propesor sa isang unibersidad sa Kaunas.” Ipinakita niya sa akin ang aklat na Creation, sa wikang Polako. Punung-puno ng sulat ang mardyin ng aklat. Laking gulat niya nang sabihin kong ako ang nagbigay ng aklat na iyon sa kaniyang tiyuhin noong ako ay nasa Kaunas pa!​—Ecles. 11:1.

Nang malaman ni John Sempey na pupunta ako sa Hilagang Ireland, hiniling niya sa akin na dalawin ko ang kaniyang nakababatang kapatid na si Nellie. Sinabi niyang nagpakita si Nellie ng interes sa katotohanan. Na-Bible study namin ng kapatid kong si Connie si Nellie. Mabilis siyang sumulong sa espirituwal, at inialay ang kaniyang buhay kay Jehova. Di-nagtagal, niligawan ko siya at nagpakasal kami.

Kami ni Nellie ay magkasamang naglingkod kay Jehova sa loob ng 56 na taon. Nagkapribilehiyo kami na tulungan ang mahigit sandaan katao na malaman ang katotohanan. Gusto sana naming magkasamang makatawid nang buhay sa Armagedon. Pero noong 1998, inagaw siya sa akin ng malupit na kaaway, ang kamatayan. Napakalaking dagok nito sa aking buhay.

Bumalik Ako sa mga Estadong Baltic

Mga isang taon, pagkamatay ni Nellie, tumanggap ako ng napakagandang pagpapala. Inanyayahan akong dumalaw sa tanggapang pansangay sa Tallinn, Estonia. Ganito ang sinabi ng liham mula sa mga kapatid sa Estonia: “Sa sampung kapatid na inatasan sa mga Estadong Baltic noong huling mga taon ng dekada ng 1920 at unang mga taon ng dekada ng 1930, ikaw na lamang ang nabubuhay.” Sinabi rin nila na binubuo ng sangay ang kasaysayan ng gawain sa Estonia, Latvia, at Lithuania. Pagkatapos ay tinanong nila: “Maaari ka bang pumunta rito?”

Isa ngang karangalan na ikuwento ang mga karanasan ko at ng mga nakapartner ko noong mga panahong iyon! Sa Latvia, naipakita ko sa mga kapatid ang apartment na ginamit noon para maging tanggapang pansangay at ang bubungan kung saan namin itinatago ang mga literatura, na kailanman ay hindi natagpuan ng mga pulis. Sa Lithuania, dinala ako sa maliit na bayan ng Šiauliai kung saan ako nagpayunir noon. Sa isang salu-salo roon, sinabi sa akin ng isang brother: “Maraming taon na ang nakalilipas nang bumili kami ng nanay ko ng isang bahay sa bayan. Nang linisin namin ang attic, nakita ko ang mga aklat na The Divine Plan of the Ages at The Harp of God. Nang mabasa ko ito, alam kong natagpuan ko na ang katotohanan. Siguro ikaw ang nakapag-iwan ng mga aklat sa bahay na iyon noon!”

Dumalo rin ako ng pansirkitong asamblea sa isang bayan kung saan nagpayunir ako noon. Dumalo ako ng asamblea rito 65 taon na ang nakararaan, pero 35 lang ang dumalo noon. Napakasayang makita ang mahigit 1,500 dumalo! Talagang pinagpala ni Jehova ang gawain dito!

‘Hindi Ako Iniwan ni Jehova’

Kamakailan lamang, tumanggap ako ng isang di-inaasahang pagpapala. Isang sister na nagngangalang Bee ang pumayag na magpakasal sa akin noong Nobyembre 2006.

Tinitiyak ko sa mga kabataang nag-iisip kung ano ang gagawin nila sa kanilang buhay na isang katalinuhan na sundin ang payo ng Bibliya: ‘Alalahanin mo ang iyong Dakilang Maylalang sa mga araw ng iyong kabinataan.’ Makapagsasaya ako ngayon gaya ng salmista: “Diyos, tinuruan mo ako mula pa sa aking pagkabata, at hanggang ngayon ay inihahayag ko ang tungkol sa iyong mga kamangha-manghang gawa. At maging hanggang sa katandaan at pagiging may-uban, O Diyos, huwag mo akong iwan, hanggang sa masabi ko sa salinlahi ang tungkol sa iyong bisig, sa kanilang lahat na darating, ang tungkol sa iyong kalakasan.”​—Awit 71:17, 18.

[Mapa sa pahina 25]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Mapanganib ang magdala ng literatura sa Latvia

ESTONIA

TALLINN

Gulpo ng Riga

LATVIA

RIGA

LITHUANIA

VILNIUS

Kaunas

[Larawan sa pahina 26]

Nagsimula akong maglingkod bilang colporteur (payunir) sa Scotland sa edad na 15

[Larawan sa pahina 26]

Sa araw ng aming kasal ni Nellie noong 1942