Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nakarating sa mga Liblib na Lugar ang Binhi ng Katotohanan

Nakarating sa mga Liblib na Lugar ang Binhi ng Katotohanan

Nakarating sa mga Liblib na Lugar ang Binhi ng Katotohanan

ANG Republika ng Tuva sa Russia ay nasa pinakadulong bahagi ng timog ng Siberia. Nasa timog-silangan nito ang Mongolia. Maraming tao sa Tuva ang nakatira sa mga liblib na pamayanan kaya mahirap silang mapaabutan ng mensahe ng Kaharian. Gayunman, minsan, isang grupo ng mga dadalo sa seminar mula sa iba’t ibang bahagi ng Tuva ang pumunta sa kabisera nito, ang Kyzyl. Nalaman ni Maria, isang payunir sa Kyzyl, ang kanilang pagdating. Naisip niya na isa itong napakagandang pagkakataon para maibahagi ang mabuting balita.

Sinabi ni Maria: “Isang seminar tungkol sa kung paano tutulungan ang mga nag-aabuso sa droga at alkohol ang nakaiskedyul na ganapin sa paaralan kung saan ako nagtuturo. Mga 50 katao mula sa mga liblib na lugar ng Tuva ang dadalo. Kabilang sa mga ito ay mga guro, sikologo, inspektor ng mga institusyon ng child welfare, at iba pa.” Para kay Maria, isa itong pagkakataon para mangaral pero hindi ito madali para sa kaniya. Ipinaliwanag niya: “Mahiyain ako, at nahihirapan akong magpatotoo nang di-pormal. Gayunman, nanalangin ako na sana’y bigyan ako ng lakas ng loob ni Jehova para makapagpatotoo.” Ano ang naging resulta?

Nagpatuloy si Maria: “Nakakita ako ng magasing Gumising! na tumatalakay tungkol sa mga phobia. ‘Malamang na magugustuhan ito ng isang sikologo,’ ang naisip ko, kaya dinala ko ang magasin sa paaralan. Noong araw na iyon, isa sa mga gurong dumadalo sa seminar ang nagpunta sa aking opisina at inialok ko sa kaniya ang magasin. Tinanggap niya ito. Sinabi pa niyang siya mismo ay may phobia. Kinabukasan, binigyan ko siya ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1. Tinanggap niya rin ito. Dahil sa kaniyang magandang pagtugon, naisip ko na malamang na magugustuhan din ito ng ibang mga guro. Kaya nagdala ako sa paaralan ng isang kahon ng aklat na Mga Tanong ng Kabataan at ng iba pang mga publikasyon.” Madaling naubos ang mga ito. Naalaala ni Maria: “Marami sa mga katrabaho ng gurong nabigyan ko ng aklat na Mga Tanong ng Kabataan ay nagpunta sa aking opisina at nagtanong, ‘Saan ba kami makakakuha ng aklat?’ ” Tama ang lugar na pinuntahan nila!

Sabado ang huling araw ng seminar. Walang pasok si Maria, kaya nag-iwan siya ng mga literatura sa ibabaw ng mga mesa sa kaniyang opisina. Isinulat niya sa pisara: “Mahal na mga Guro! Maaari kayong kumuha ng literatura para sa inyo at sa inyong mga kakilala. Makatutulong ang magagandang publikasyong ito para maging matagumpay kayo sa inyong trabaho at sa inyong buhay pampamilya.” Ano ang nangyari? “Nang araw ding iyon bumalik ako sa opisina at nakita kong halos ubos na ang literatura. Kumuha uli ako agad ng mga aklat at magasin.” Sa pagtatapos ng seminar, nakapagpasakamay si Maria ng 380 magasin, 173 aklat, at 34 na brosyur. Dala-dala ng mga dumalo sa seminar ang mga literatura nang umuwi sila. Sinabi ni Maria: “Tuwang-tuwa ako na nakarating sa mga liblib na lugar ng Tuva ang mga binhi ng katotohanan!”​—Ecles. 11:6.

[Mapa sa pahina 32]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

RUSSIA

REPUBLIKA NG TUVA