Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Adan at Eva—Talaga Bang Nabuhay Sila?

Adan at Eva—Talaga Bang Nabuhay Sila?

Adan at Eva​—Talaga Bang Nabuhay Sila?

PARA sa marami, ang ulat ng Genesis tungkol kina Adan at Eva ay isa lamang kawili-wiling kuwento. “Malaon nang itinuturing ng mga nag-aangking Kristiyano na talinghaga ang mga kuwento ng Genesis na gaya ng kina Adan at Eva,” ang sabi ng isang liham sa editor ng Time. Sumasang-ayon dito ang maraming iskolar na Katoliko, Protestante, at Judio. Sinasabi nila na ang maraming ulat sa Genesis ay hindi kaayon ng kasaysayan o siyensiya.

Ano sa palagay mo? Naniniwala ka ba na talagang nabuhay sina Adan at Eva? May katibayan ba na talagang nabuhay sila? Paano naman kung hindi ka maniniwala sa ulat ng Genesis? Ano kaya ang magiging implikasyon nito?

Ang Ulat ng Genesis​—Mapananaligan Ayon sa Siyensiya?

Una, balikan natin ang mga pangyayari nang lalangin ang unang tao. Tungkol kay Adan, sinasabi ng Bibliya: “Pinasimulang anyuan ng Diyos na Jehova ang tao mula sa alabok ng lupa at inihihip sa mga butas ng kaniyang ilong ang hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.” (Genesis 2:7) Mapananaligan ba ito ayon sa siyensiya?

Sinasabi ng aklat na Nanomedicine na ang katawan ng tao ay binubuo ng 41 kemikal na elemento. Ang mga elementong ito​—karbon, iron, oksiheno, at iba pa​—ay makikita sa “alabok” ng lupa. Kaya gaya ng sinasabi ng Genesis, ang mga tao ay talagang inanyuan “mula sa alabok ng lupa.”

Paano nabuo ang isang nabubuhay na tao mula sa walang-buhay na mga elementong ito? Upang maunawaan kung paano ito nangyari, kuning halimbawa ang space shuttle ng NASA, isa sa pinakamasalimuot na makina na naimbento kailanman. Ang kahanga-hangang makinang ito ay binubuo ng 2.5 milyong piyesa. Ilang taon itong dinisenyo at binuo ng mga grupo ng mga inhinyero. Isaalang-alang naman ngayon ang katawan ng tao. Binubuo ito ng 7 octillion na atomo, 100 trilyong selula, maraming sangkap ng katawan at mga 9 na pangunahing sistema. * Paano nabuo ang kahanga-hanga at masalimuot na katawan ng tao? Nagkataon lamang ba o may matalinong nagdisenyo nito?

Isa pa, paano ba nabubuhay ang tao? Saan nagmula ang buhay? Inaamin ng mga siyentipiko na hindi nila alam. Sa katunayan, hindi pa nga sila magkasundo sa kahulugan ng buhay. Sa mga naniniwala sa Maylalang, maliwanag ito. Siyempre pa, ang Bukal ng buhay ay ang Diyos. *

Kumusta naman ang paglalarawan ng Genesis na si Eva ay kinuha sa tadyang ni Adan? (Genesis 2:21-23) Bago ipalagay na alamat lamang ang ulat na ito, isaalang-alang ang sumusunod: Noong Enero 2008, ang mga siyentipiko sa California, E.U.A., ay nakapag-clone ng kauna-unahang mga embryo ng tao mula sa mga selula ng balat ng isang adulto. Nakapag-clone din sila ng mga 20 hayop. Ang pinakapopular sa mga ito ay ang tupang si Dolly, na na-clone noong 1996 mula sa mammary gland ng isang adultong tupa. *

Hindi pa natin alam kung ano ang mangyayari sa mga eksperimentong ito. Ngunit ang punto: Kung nagagamit ng mga tao ang isang materyal mula sa isang organismo upang gumawa ng isa pang uri nito, hindi ba magagawa ng Maylalang na makapangyarihan sa lahat ang isang tao mula sa isa pang tao? Kapansin-pansin, ginagamit ng mga siruhano ang tadyang sa reconstructive surgery dahil sa kakayahan nitong tumubong muli at palitan ang nawala.

Ang Katibayan Mismo ng Bibliya

Nagugulat ang ilan kapag nalaman nilang sina Adan at Eva ay paulit-ulit na binabanggit sa buong Bibliya. Ano ang pinatutunayan nito tungkol sa pagiging totoo ng ulat ng Genesis?

Kuning halimbawa ang talaangkanan ng mga Judio na nakaulat sa aklat ng Bibliya na Unang Cronica kabanata 1 hanggang 9 at sa Ebanghelyo ni Lucas kabanata 3. Ang kahanga-hanga at detalyadong ulat na ito ng talaangkanan ay sumasaklaw ng 48 at 75 henerasyon. Iniuulat ni Lucas ang talaangkanan ni Jesu-Kristo, samantalang iniuulat naman ng Cronica ang talaangkanan ng mga hari at saserdote ng bansang Israel. Mababasa sa mga talaangkanang ito ang mga pangalan ng kilalang mga tao na gaya nina Solomon, David, Jacob, Isaac, Abraham, Noe, at Adan. Ang lahat ng pangalang binanggit sa dalawang talaang ito ay mga taong talagang nabuhay. At sa parehong talaang ito, nakalista si Adan na unang taong nabuhay.

Isa pa, paulit-ulit na binabanggit ng Bibliya sina Adan at Eva bilang totoong mga tao, hindi lamang mga tauhan sa alamat. Narito ang ilang halimbawa:

• “Ginawa [ng Diyos] mula sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao.”​—GAWA 17:26.

• “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon . . . ang kamatayan ay namahala bilang hari mula kay Adan hanggang kay Moises.”​—ROMA 5:12, 14.

• “Ang unang taong si Adan ay naging kaluluwang buháy.”​—1 CORINTO 15:45.

• “Si Adan ang unang inanyuan, pagkatapos ay si Eva.”​—1 TIMOTEO 2:13.

• “Ang ikapito sa linya mula kay Adan, si Enoc, ay nanghula rin may kinalaman [sa balakyot].”​—JUDAS 14.

Higit na mahalaga, kinilala ni Jesu-Kristo, ang pinakamapagkakatiwalaang saksi sa Bibliya, na umiral sina Adan at Eva. Nang tanungin may kinalaman sa diborsiyo, sumagot si Jesus: “Mula sa pasimula ng sangnilalang ay ‘ginawa [ng Diyos] silang lalaki at babae. Dahil dito ay iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina, at ang dalawa ay magiging isang laman’ . . . Kaya nga ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” (Marcos 10:6-9) Gagamitin ba ni Jesus ang isang talinghaga upang itatag ang isang legal na pamarisan? Tiyak na hindi! Sinipi ni Jesus ang Genesis bilang isang tunay na pangyayari.

Hinggil dito, ganito ang naging konklusyon ng The New Bible Dictionary: “Pinatutunayan ng Bagong Tipan ang pagiging totoo ng ulat sa mga naunang kabanata ng Genesis.”

Bakit Kailangang Paniwalaan ang Ulat Tungkol Kina Adan at Eva?

Iniisip ng maraming taimtim na nagsisimba na hindi naman kailangang maniwala sa ulat tungkol kina Adan at Eva upang maging mabuting Kristiyano. Mukhang makatuwiran ito. Pero suriin natin ang pangangatuwirang ito at kung ano ang kahihinatnan nito.

Kuning halimbawa ang turo ng Bibliya na napakahalaga sa maraming nagsisimba​—ang pantubos. Ayon sa turong ito, ibinigay ni Jesu-Kristo ang kaniyang sakdal na buhay-tao bilang pantubos upang iligtas ang mga tao sa kanilang kasalanan. (Mateo 20:28; Juan 3:16) Gaya ng alam natin, ang pantubos ay kabayaran na kasinghalaga ng isang bagay na tinutubos. Kaya inilalarawan ng Bibliya si Jesus bilang “katumbas na pantubos.” (1 Timoteo 2:6) Baka maitanong natin, ‘Katumbas ng ano?’ Ganito ang sagot ng Bibliya: “Kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin naman kay Kristo ang lahat ay bubuhayin.” (1 Corinto 15:22) Ang sakdal na buhay na inihandog ni Jesus para tubusin ang masunuring sangkatauhan ay katumbas ng sakdal na buhay na naiwala ni Adan nang magkasala siya sa Eden. (Roma 5:12) Maliwanag, kung hindi umiral si Adan, walang saysay ang haing pantubos ni Kristo.

Kung hindi paniniwalaan ang ulat ng Genesis tungkol kina Adan at Eva, magiging walang saysay ang halos lahat ng pangunahing turo sa Bibliya! * Dahil dito, maraming tanong ang di-masasagot at hindi magkakaroon ng matibay na pundasyon ang pananampalataya.​—Hebreo 11:1.

May Layunin ba ang Buhay?

Ang mahalagang tanong ngayon ay: Masasapatan ba ang pangangailangan ng tao na malaman ang kahulugan at layunin ng buhay kung tatanggihan nila ang ulat ng Genesis? Ayon kay Richard Dawkins, isang kilalang ebolusyonista at ateista, ang uniberso ay “walang disenyo, walang layunin, walang kasamaan at walang kabutihan, walang saysay.” Isa ngang napakamiserableng pananaw, ibang-iba sa likas na iisipin ng tao!

Kabaligtaran nito, ang Bibliya ay nagbibigay ng kasiya-siyang sagot sa napakahalagang mga tanong: Saan tayo nagmula? Ano ang layunin ng buhay? Bakit napakaraming kasamaan at pagdurusa sa daigdig? Magwawakas pa kaya ang kasamaan? At marami pang iba. Bukod diyan, ang pananampalataya sa pantubos ni Kristo ay nagbibigay ng pag-asang buhay na walang hanggan sa Paraiso, gaya ng sa Eden, kung saan inilagay ng Diyos ang unang tao, sina Adan at Eva. (Awit 37:29; Apocalipsis 21:3-5) Isa ngang kahanga-hangang pag-asa! *

Bagaman ang ulat tungkol kina Adan at Eva ay hindi kaayon ng teoriya ng ebolusyon, kasuwato naman ito ng siyensiya. Bukod diyan, lubos itong kasuwato ng kinasihang Salita ng Diyos, ang Bibliya, na nagbibigay ng kasiya-siyang kahulugan at layunin sa buhay.

Kaya bakit hindi mo suriin nang higit pa ang Bibliya? Handa kang tulungan ng mga Saksi ni Jehova.

[Mga talababa]

^ par. 7 Sa sistema ng pagbilang sa E.U., ang mga bilang na ito ay 7 na sinundan na 27 sero at 100 na sinundan ng 12 sero.

^ par. 8 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang mga aklat na Is There a Creator Who Cares About You? at Life​—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 9 Sabihin pa, ang mga siyentipikong ito ay hindi lumalalang ng buhay. Sa halip, ginagamit lamang nila ang nabubuhay nang mga selula.

^ par. 25 Kabilang dito ang turo tungkol sa soberanya ng Diyos, katapatan ng tao, mabuti at masama, malayang kalooban, kalagayan ng mga patay, pag-aasawa, ipinangakong Mesiyas, paraisong lupa, Kaharian ng Diyos, at marami pang iba.

^ par. 28 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?, sa kabanata 3, “Ano ang Layunin ng Diyos Para sa Lupa?,” at kabanata 5, “Ang Pantubos​—Ang Pinakamahalagang Regalo ng Diyos,” na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Blurb sa pahina 14]

Maliwanag, kung hindi umiral si Adan, walang saysay ang haing pantubos ni Kristo

[Mga larawan sa pahina 12, 13]

Kung paanong ang space shuttle ay maingat na dinisenyo, gayundin ang katawan ng tao

[Larawan sa pahina 15]

Naniniwala si Jesus na nabuhay sina Adan at Eva