Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Masunurin at Magpakalakas-Loob Gaya ni Kristo

Maging Masunurin at Magpakalakas-Loob Gaya ni Kristo

Maging Masunurin at Magpakalakas-Loob Gaya ni Kristo

“Lakasan ninyo ang inyong loob! Dinaig ko ang sanlibutan.”​—JUAN 16:33.

1. Paano ipinakita ni Jesus na lubusan siyang sumunod sa Diyos?

LAGING ginagawa ni Jesu-Kristo ang kalooban ng Diyos. Hindi niya kailanman inisip na suwayin ang kaniyang makalangit na Ama. (Juan 4:34; Heb. 7:26) Pero hindi naging madali sa kaniya na sumunod noong siya’y nasa lupa. Mula nang magsimula siyang mangaral, tinangka ng mga kaaway ni Jesus, pati na si Satanas mismo, na kumbinsihin, pilitin, o linlangin siya para tumalikod sa Diyos. (Mat. 4:1-11; Luc. 20:20-25) Dahil dito, nagdusa si Jesus sa mental, emosyonal, at pisikal na paraan. Sa dakong huli, naipapatay nila siya sa pahirapang tulos. (Mat. 26:37, 38; Luc. 22:44; Juan 19:1, 17, 18) Sa kabila ng lahat ng ito, naging “masunurin [si Jesus] hanggang sa kamatayan.”​—Basahin ang Filipos 2:8.

2, 3. Ano ang matututuhan natin sa pagiging masunurin ni Jesus sa kabila ng dinanas niyang pagdurusa?

2 May natutuhan si Jesus tungkol sa pagsunod nang siya’y maging tao sa lupa. (Heb. 5:8) Waring wala nang kailangan pang malaman si Jesus tungkol sa paglilingkod kay Jehova. Tutal, napakatagal na niyang nakasama si Jehova at siya ang “dalubhasang manggagawa” ng Diyos noong panahon ng paglalang. (Kaw. 8:30) Gayunpaman, dahil nanatili siyang tapat at nagbata ng pagdurusa noong narito siya sa lupa, naging ganap ang kaniyang katapatan sa Diyos. Si Jesus, ang Anak ng Diyos, ay sumulong sa espirituwal. Ano ang matututuhan natin dito?

3 Bagaman sakdal siya, hindi nagtiwala si Jesus sa kaniyang sarili. Humingi siya ng tulong sa Diyos sa panalangin upang manatili siyang masunurin. (Basahin ang Hebreo 5:7.) Dapat din tayong maging mapagpakumbaba at regular na manalangin para sa tulong ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit pinayuhan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano: “Panatilihin ninyo sa inyo ang pangkaisipang saloobing ito na nasa kay Kristo Jesus,” na “nagpakababa . . . at naging masunurin hanggang sa kamatayan.” (Fil. 2:5-8) Pinatunayan mismo ni Jesus na posibleng maging masunurin ang mga tao sa gitna ng masamang sanlibutan. Totoo, si Jesus ay sakdal, pero kumusta naman tayo na di-sakdal?

Masunurin sa Kabila ng Di-kasakdalan

4. Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng kalayaang magpasiya?

4 Pinagkalooban ng Diyos sina Adan at Eva ng talino at kalayaang magpasiya. Totoo rin ito sa atin bilang kanilang mga inapo. Ano ang ibig sabihin nito? Maaari nating ipasiya na gumawa ng mabuti o masama. Sa ibang salita, binigyan tayo ng Diyos ng kalayaang magpasiya kung susundin natin siya o hindi. Gayunman, may kaakibat itong pananagutan. Sa katunayan, ang ating mga pasiya ay maaaring mangahulugan sa atin ng buhay o kamatayan. May epekto rin ito sa ating mga mahal sa buhay.

5. Anong hamon ang napapaharap sa ating lahat? Paano natin ito mapagtatagumpayan?

5 Dahil sa minana nating di-kasakdalan, hindi laging madali para sa atin na sundin ang mga utos ng Diyos. Ganiyan ang naranasan ni Pablo. Sumulat siya: “Nakikita ko sa aking mga sangkap ang isa pang kautusan na nakikipagdigma laban sa kautusan ng aking pag-iisip at dinadala akong bihag sa kautusan ng kasalanan na nasa aking mga sangkap.” (Roma 7:23) Sabihin pa, mas madaling sumunod kung kumbinyente ito sa atin o wala tayong isasakripisyo. Pero paano tayo tumutugon kapag nagtatalo ang ating pagnanais na sumunod at “ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata”? Napakalakas ng impluwensiya ng mga pagnanasang ito. Nagkakaroon tayo ng ganitong masasamang hangarin dahil sa ating di-kasakdalan at sa “espiritu ng sanlibutan.” (1 Juan 2:16; 1 Cor. 2:12) Upang malabanan ang mga ito, dapat nating ‘ihanda ang ating puso’ bago tayo mapaharap sa pagsubok o tukso. (Awit 78:8) Dapat din tayong maging determinado na sundin si Jehova anuman ang mangyari. Maraming halimbawa sa Bibliya na nagtagumpay sa pagsubok dahil inihanda nila ang kanilang puso.​—Ezra 7:10; Dan. 1:8.

6, 7. Ilarawan kung paano makatutulong sa atin ang personal na pag-aaral na gumawa ng matalinong mga pasiya.

6 Maihahanda natin ang ating puso kung masikap tayong mag-aaral ng Bibliya at ng mga publikasyong salig dito. Sabihin nating iskedyul mo ngayon ng personal na pag-aaral ng Bibliya. Katatapos mo lang manalangin na tulungan ka ng espiritu ni Jehova na maikapit ang iyong natutuhan sa kaniyang Salita. May balak kang panoorin ang isang pelikula sa telebisyon kinabukasan. Marami ang nagsasabing maganda ang pelikula; pero alam mo ring may mga imoral at marahas na eksena ito.

7 Binulay-bulay mo ang payo ni Pablo sa Efeso 5:3: “Ang pakikiapid at bawat uri ng karumihan o kasakiman ay huwag man lamang mabanggit sa gitna ninyo, gaya ng angkop sa mga taong banal.” Naaalaala mo rin ang payo niya sa Filipos 4:8. (Basahin.) Habang pinag-iisipan mo ang payong ito, tinanong mo ang iyong sarili, ‘Kung sasadyain kong manood ng gayong mga programa, tinutularan ko ba ang halimbawa ni Jesus na mahigpit na sumusunod sa utos ng Diyos?’ Ano ang gagawin mo? Itutuloy mo ba ang panonood ng pelikulang iyon?

8. Bakit hindi tayo dapat maging maluwag sa pagsunod sa mga pamantayan ni Jehova?

8 Isang pagkakamali na maging maluwag sa pagsunod sa mga pamantayan ni Jehova, anupat iniisip na kayang-kaya nating labanan ang epekto ng masamang kasama, kasali na rito ang marahas at imoral na libangan. Sa halip, dapat nating ingatan ang ating sarili at ang ating mga anak mula sa masamang impluwensiya ng espiritu ni Satanas. Nagsisikap nang husto ang mga gumagamit ng computer na hindi magkaroon ng mga virus ang kanilang mga computer dahil maaari nitong sirain ang computer at mga programa nito. Hindi ba tayo dapat higit na magsikap na ingatan ang ating sarili mula sa tusong “mga pakana” ni Satanas?​—Efe. 6:11.

9. Bakit tayo dapat maging determinado araw-araw na sumunod kay Jehova?

9 Halos araw-araw, may mga pagkakataong kailangan nating magpasiya kung susundin natin si Jehova o hindi. Upang maligtas, dapat nating sundin ang Diyos at mamuhay ayon sa kaniyang matuwid na mga simulain. Kung tutularan natin ang pagiging masunurin ni Kristo maging “hanggang sa kamatayan,” maipakikita natin na tunay ang ating pananampalataya. Gagantimpalaan ni Jehova ang ating katapatan. Ipinangako ni Jesus: “Siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.” (Mat. 24:13) Malinaw na kailangan nating linangin ang tunay na lakas ng loob na ipinakita ni Jesus.​—Awit 31:24.

Si Jesus​—Ang Pinakadakilang Halimbawa ng Lakas ng Loob

10. Anong mga impluwensiya ang maaaring mapaharap sa atin? Ano ang dapat nating gawin?

10 Yamang palasak ang masamang saloobin at paggawi ng sanlibutan, kailangan natin ng lakas ng loob para hindi tayo maimpluwensiyahan nito. Napapaharap ang mga Kristiyano sa mababang moral, masamang lipunan, problema sa pinansiyal, at pagsalansang ng relihiyon. Marami ang inuusig ng kanilang pamilya. Sa ilang bansa, mas itinataguyod na ngayon ang teoriya ng ebolusyon sa mga paaralan, at lalong lumalaganap ang ateismo. Maaari tayong ilihis ng mga ito mula sa matuwid na daan ni Jehova. Hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang mga impluwensiyang ito. Dapat tayong kumilos upang malabanan ang mga ito. Ipinakikita ng halimbawa ni Jesus kung paano natin ito magagawa.

11. Paano makatutulong sa atin ang halimbawa ni Jesus para magkaroon tayo ng higit na lakas ng loob?

11 Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Sa sanlibutan ay may kapighatian kayo, ngunit lakasan ninyo ang inyong loob! Dinaig ko ang sanlibutan.” (Juan 16:33) Hindi siya kailanman nagpadala sa impluwensiya ng sanlibutan. Hindi niya hinayaan ito na humadlang sa kaniya na tuparin ang kaniyang atas na mangaral. Hindi rin niya ito hinayaan na maimpluwensiyahan ang kaniyang mga pamantayan sa tunay na pagsamba at tamang paggawi. Ganiyan din ang dapat nating gawin. Ganito ang sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang mga alagad sa kaniyang panalangin: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Kapag pinag-aralan at binulay-bulay natin ang lakas ng loob na ipinakita ni Kristo, magkakaroon din tayo ng lakas ng loob na manatiling hiwalay sa sanlibutan.

Matuto sa Lakas ng Loob ni Jesus

12-14. Magbigay ng mga halimbawa kung paano nagpakita si Jesus ng lakas ng loob.

12 Ipinakita ni Jesus ang lakas ng loob sa kaniyang ministeryo. Yamang may awtoridad bilang Anak ng Diyos, hindi siya natakot na ‘pumasok sa templo at palayasin ang lahat niyaong mga nagtitinda at bumibili sa templo, at itaob ang mga mesa ng mga tagapagpalit ng salapi at ang mga bangkô niyaong mga nagtitinda ng mga kalapati.’ (Mat. 21:12) Nang dumating ang mga sundalo upang arestuhin si Jesus noong gabi bago siya mamatay, lakas-loob siyang nagsalita upang protektahan ang kaniyang mga alagad: “Kung ako nga ang hinahanap ninyo, hayaan ninyong umalis ang mga ito.” (Juan 18:8) Pagkalipas ng ilang sandali, sinabi niya kay Pedro na itago ang tabak nito. Sa gayon, ipinakita ni Jesus na kay Jehova siya nagtitiwala, hindi sa mga sandata.​—Juan 18:11.

13 Walang-takot na ibinunyag ni Jesus ang maling mga turo ng malupit at huwad na mga guro noong panahon niya. “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagkat isinasara ninyo ang kaharian ng langit sa harap ng mga tao,” ang sabi ni Jesus. “Winalang-halaga ninyo ang mas mabibigat na bagay ng Kautusan, samakatuwid nga, katarungan at awa at katapatan. . . . Nililinis ninyo ang labas ng kopa at ng pinggan, ngunit sa loob ay punô ang mga ito ng pandarambong at pagmamalabis.” (Mat. 23:13, 23, 25) Kailangan din ng mga alagad ni Jesus ang gayong lakas ng loob dahil uusigin sila ng mga huwad na relihiyosong lider at papatayin ang ilan sa kanila.​—Mat. 23:34; 24:9.

14 Nagpakita rin si Jesus ng lakas ng loob sa harap ng mga demonyo. Minsan, lumapit sa kaniya ang isang lalaking sinasaniban ng mga demonyo. Napakalakas ng lalaking ito anupat walang sinuman ang makagapos sa kaniya sa tanikala. Hindi natakot si Jesus at pinalayas ang mga demonyong sumanib sa lalaki. (Mar. 5:1-13) Sa ngayon, hindi pinagkakalooban ng Diyos ang mga Kristiyano ng kapangyarihan na gumawa ng gayong mga himala. Pero sa ating pangangaral at pagtuturo, dapat tayong makipaglaban kay Satanas, ang ‘bumulag sa pag-iisip ng mga di-sumasampalataya.’ (2 Cor. 4:4) Tulad ni Jesus, ang ating mga sandata ay “hindi makalaman, kundi makapangyarihan sa pamamagitan ng Diyos para sa pagtitiwarik ng mga bagay na matibay ang pagkakatatag”​—mga maling relihiyosong turo na malalim na nakaugat sa isip ng mga tao. (2 Cor. 10:4) Sa paggamit ng mga espirituwal na sandatang ito, marami tayong matututuhan sa halimbawa ni Jesus.

15. Sa ano nakasalig ang lakas ng loob ni Jesus?

15 Ang lakas ng loob ni Jesus ay hindi lamang bugso ng damdamin. Nakasalig ito sa pananampalataya. Dapat na gayundin tayo. (Mar. 4:40) Paano tayo magkakaroon ng tunay na pananampalataya? Matutulungan tayong muli ng halimbawa ni Jesus. Malalim ang kaalaman niya sa Kasulatan at lubusan siyang naniniwala rito. Ang sandatang ginamit ni Jesus ay ang tabak ng espiritu, ang Salita ng Diyos, hindi literal na tabak. Lagi niyang sinisipi ang Kasulatan upang ipakitang nakasalig ang kaniyang mga turo dito. Sa katunayan, madalas niyang ginagamit ang mga salitang “nasusulat” at “nakasulat.” *

16. Paano tayo magkakaroon ng matibay na pananampalataya?

16 Mapagtatagumpayan natin ang mga pagsubok na kaakibat ng pagiging Kristiyano kung may matibay tayong pananampalataya. Para magawa ito, kailangan nating pag-aralan at basahin ang Bibliya araw-araw at dumalo sa mga pagpupulong. Sa gayon, naikikintal sa ating isip ang mga katotohanan na siyang saligan ng ating pananampalataya. (Roma 10:17) Dapat din nating bulay-bulaying mabuti ang ating natututuhan upang tumagos ito sa ating puso. Para magkaroon ng lakas ng loob, dapat na buháy ang ating pananampalataya. (Sant. 2:17) At kailangan nating manalangin para sa banal na espiritu dahil ang pananampalataya ay isa sa mga bunga nito.​—Gal. 5:22.

17, 18. Paano ipinakita ng isang kabataang sister ang kaniyang lakas ng loob sa paaralan?

17 Naranasan ng isang kabataang sister na nagngangalang Kitty kung paano nakatulong ang tunay na pananampalataya upang magkaroon siya ng lakas ng loob. Mula pagkabata, alam niyang hindi niya dapat ‘ikahiya ang mabuting balita’ sa paaralan. (Roma 1:16) Taun-taon, gusto niyang magpatotoo sa kaniyang mga kaklase pero wala siyang sapat na lakas ng loob na gawin ito. Pagkalipas ng ilang taon, lumipat siya ng paaralan. Inisip niya, “Kapag nagkaroon ako ng pagkakataong magpatotoo, hindi ko na ito palalampasin.” Nanalangin si Kitty para magkaroon siya ng tulad-Kristong lakas ng loob, kaunawaan, at ng pagkakataong makapagpatotoo.

18 Noong unang araw ng pasukan, hinilingan ang mga estudyante na ipakilala ang kanilang mga sarili. Bagaman binanggit ng iba ang kanilang relihiyon, ipinahiwatig nilang hindi sila aktibo rito. Natanto ni Kitty na ito na ang pagkakataong ipinanalangin niya. Nang siya na ang tawagin para magsalita, lakas-loob niyang sinabi, “Isa akong Saksi ni Jehova, at sinisikap kong sundin ang sinasabi ng Bibliya pagdating sa pagsamba at sa kagandahang-asal.” Habang nagsasalita siya, nagtaas ng kilay ang ilang estudyante. Pero ang iba ay nakinig at nagtanong pagkatapos niyang magsalita. Sinabi pa nga ng guro niya na isa siyang mabuting halimbawa dahil kaya niyang panindigan ang kaniyang paniniwala. Tuwang-tuwa si Kitty na natularan niya ang lakas ng loob ni Jesus.

Tularan ang Pananampalataya at Lakas ng Loob ni Kristo

19. (a) Upang magkaroon ng tunay na pananampalataya, ano ang kailangan nating gawin? (b) Paano natin mapaluluguran si Jehova?

19 Alam ng mga apostol na ang kanilang lakas ng loob ay dapat ding nakasalig sa pananampalataya. Nakiusap sila kay Jesus: “Bigyan mo kami ng higit pang pananampalataya.” (Basahin ang Lucas 17:5, 6.) Ang tunay na pananampalataya ay hindi lamang basta paniniwalang umiiral ang Diyos. Kailangan tayong magkaroon ng malapít na kaugnayan sa kaniya katulad ng isang maliit na bata sa kaniyang mabait at mapagmahal na ama. Kinasihan si Solomon na sumulat: “Anak ko, kung ang iyong puso ay nagpapakarunong, ang aking puso ay magsasaya, ang akin nga. At magbubunyi ang aking mga bato kapag ang iyong mga labi ay nagsasalita ng katuwiran.” (Kaw. 23:15, 16) Sa katulad na paraan, kung lakas-loob tayong maninindigan sa matuwid na mga simulain, malulugod si Jehova, at ito naman ang tutulong sa atin para lalong lumakas ang ating loob. Kung gayon, palagi nawa nating tularan si Jesus at lakas-loob na manindigan sa katuwiran!

[Talababa]

Maipaliliwanag Mo Ba?

• Ano ang makatutulong sa atin na maging masunurin sa kabila ng di-kasakdalan?

• Sa ano nakasalig ang tunay na pananampalataya, at paano ito makatutulong para magkaroon tayo ng lakas ng loob?

• Ano ang resulta kung magiging masunurin tayo at magpapakita ng lakas ng loob gaya ni Kristo?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 13]

‘Inihahanda mo ba ang iyong puso’ para malabanan ang mga tukso?

[Larawan sa pahina 15]

Gaya ni Jesus, maipakikita rin natin ang lakas ng loob na nakasalig sa pananampalataya