Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Malapít sa Diyos

Ano ang Hinihiling sa Atin ni Jehova?

Ano ang Hinihiling sa Atin ni Jehova?

Deuteronomio 10:12, 13

SUSUNOD ba tayo o susuway? Hindi laging madali ang magdesisyon. Ang mga tao ay napipilitan lamang sumunod sa isang marahas o mapaghanap na amo. Gayunman, ang mga mananamba ng Diyos na Jehova ay kusang sumusunod sa kaniya. Bakit? Upang masagot iyan, suriin natin ang mga salita ni Moises sa Deuteronomio 10:12, 13. *

Nang binubuod ang mga kahilingan ng Diyos, itinanong ni Moises: “Ano ang hinihiling sa iyo ni Jehova na iyong Diyos?” (Talata 12) May karapatan ang Diyos na hilingin sa atin ang anumang gusto niya. Tutal, siya ang Soberanong Panginoon at Bukal at Tagatustos ng buhay. (Awit 36:9; Isaias 33:22) Kaya nararapat lamang na sundin natin si Jehova. Pero hindi niya tayo pinipilit na gawin iyon. Ano ang hinihiling niya sa atin? Hinihiling niya na tayo’y maging ‘masunurin mula sa puso.’​—Roma 6:17.

Ano ang dapat mag-udyok sa atin na kusang sumunod sa Diyos? Binanggit ni Moises ang isang punto. Sinabi niya: “Matakot kay Jehova na iyong Diyos.” * (Talata 12) Hindi ito labis na pagkatakot sa maaaring maging parusa ng hindi pagsunod sa Diyos. Sa halip, ito ay may-pagpipitagang pagkatakot sa kaniya, anupat gusto natin siyang mapalugdan.

Ano naman ang dapat maging pangunahing motibo natin sa pagsunod sa Diyos? Sinabi ni Moises: “Ibigin siya [si Jehova] at paglingkuran si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa.” (Talata 12) Ang pag-ibig sa Diyos ay hindi lamang damdamin. Ipinaliwanag ng isang reperensiya: “Ang mga pandiwang Hebreo para sa damdamin ay maaari ding tumukoy kung minsan sa damdaming may kalakip na pagkilos.” Kaya kung talagang mahal natin ang Diyos, kikilos tayo sa paraang nakalulugod sa kaniya.​—Kawikaan 27:11.

May limitasyon ba ang ating pagsunod sa Diyos? Sinabi ni Moises: “Lumakad sa lahat ng . . . mga daan [ng Diyos].” (Talata 12) Nais ni Jehova na gawin natin ang lahat ng hinihiling niya. Makasasamâ ba sa atin ang lubusang pagsunod sa Diyos? Hinding-hindi.

Magdudulot ng pagpapala ang ating kusang pagsunod. Isinulat ni Moises: “Tuparin ang mga utos . . . na iniuutos ko sa iyo ngayon, para sa iyong ikabubuti.” (Talata 13) Oo, lahat ng utos ni Jehova​—ang lahat ng hinihiling niya​—ay para sa ating ikabubuti. Bakit natin nasabi iyan? Kasi, sinasabi ng Bibliya: “Ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Kaya, ang kaniyang mga utos ay para sa ating walang-hanggang kapakanan. (Isaias 48:17) Kung susundin natin si Jehova, maiiwasan natin ang maraming kabiguan ngayon at aakay ito sa walang-hanggang mga pagpapala sa hinaharap sa ilalim ng pamamahala ng kaniyang Kaharian. *

Susunod ba tayo o susuway? Pagdating sa hinihiling ni Jehova sa atin, isa lamang ang matalinong desisyon. Ang lubusan at kusang pagsunod. Kung gagawin natin iyan, lalo tayong mapapalapít kay Jehova, ang maibiging Diyos na laging iniisip ang pinakamabuti para sa atin.

[Mga talababa]

^ par. 1 Bagaman ang mga sinabi ni Moises ay kapit sa sinaunang Israel, kapit pa rin ito sa mga nagnanais sumunod sa Diyos ngayon.​—Roma 15:4.

^ par. 3 Sa buong aklat ng Deuteronomio, idiniin ni Moises na ang pagkatakot sa Diyos ang dapat na gumabay sa buhay ng Kaniyang mga lingkod.​—Deuteronomio 4:10; 6:13, 24; 8:6; 13:4; 31:12, 13.

^ par. 6 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 3, “Ano ang Layunin ng Diyos Para sa Lupa?,” ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.