Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pangingisda sa Dagat ng Galilea

Pangingisda sa Dagat ng Galilea

Pangingisda sa Dagat ng Galilea

ANO kaya ang buhay ng isang mangingisda sa Dagat ng Galilea noong unang siglo? Ang sagot sa tanong na ito ay tutulong sa atin na maunawaan ang mga ulat sa Ebanghelyo, gaya ng tinalakay sa naunang artikulo.

Sa katunayan, ang “dagat” na ito ay isang lawa na tubig-tabang na may habang mga 21 kilometro at lapad na mga 12 kilometro. Maraming nahuhuling isda rito kaya matagal na itong pinagkakakitaan ng mga mangingisda. Lumilitaw na ang Pintuang-Daan ng mga Isda sa Jerusalem ay pamilihan ng isda. (Nehemias 3:3) Ang isa sa pinanggagalingan ng isda roon ay ang Dagat ng Galilea.

Si apostol Pedro ay mula sa bayan ng Dagat ng Galilea na tinatawag na Betsaida, na nangangahulugang “Bahay ng Mangingisda.” Ang isa pang bayan sa lawa ay tinatawag na Magadan, o Magdala. Dito dinala ni Jesus ang kaniyang mga alagad pagkatapos niyang lumakad sa tubig. (Mateo 15:39) Ayon sa isang manunulat, ang Griegong pangalan ng bayang iyan ay nangangahulugang “bayan kung saan pinoproseso ang mga isda.” Kilala ito dahil sa malalaking pabrika. Ang mga huling isda ay inaasnan at pinatutuyo​—o binuburo upang gawing parang patis na pinipreserba naman sa mga banga na tinatawag na amphora. Ang mga produktong ito ay malamang na ipinadadala sa loob at labas ng Israel.

Kaya ang panghuhuli, pagpoproseso, at pagtitinda ng isda ay isang malaking negosyo sa Galilea noong panahon ni Jesus. Baka isipin mo na maraming tao sa lugar na ito ang umasenso. Pero hindi gayon. Sinabi ng isang iskolar na ang pangingisda ay “hindi isang ‘malayang kalakalan’ gaya ng naiisip ng mga nagbabasa ng Bagong Tipan ngayon.” Ito ay “negosyong kontrolado ng estado kung saan mayayaman o piling mga tao lamang ang nakikinabang.”

Si Herodes Antipas ang itinalaga ng Roma na tagapamahala ng distrito. Kaya kinokontrol niya ang mga daan, daungan, at likas na yaman sa kaniyang teritoryo, gaya ng mga minahan, kagubatan, lupaing sinasaka, at palaisdaan. Ito ang pangunahing pinagmumulan ng mga kita sa buwis. Wala tayong detalyadong impormasyon tungkol sa mga patakaran sa paniningil ng buwis noong unang siglo sa Galilea. Pero lumilitaw na katulad ito ng paniningil ng buwis ng mga sinaunang tagapamahalang Griego o ng mga Romano sa kanilang iba pang lalawigan sa silangan. Ang karamihan sa mga kinikita sa mga negosyo roon at sa likas na yaman ay napupunta sa mayayaman sa halip na sa pangkaraniwang mga tao, na siyang nagpapakahirap magtrabaho.

Ang Pabigat na mga Buwis

Noong panahon ni Jesus, ang pinakamaiinam na lupain ay pag-aari ng maharlika. Ang mga lupaing ito ay hinahati-hati sa malalaking bahagi na ipinamimigay ni Herodes Antipas bilang mga regalo sa mga taong mahal at sa iba pa. Obligado ang mga nasasakupan ni Herodes na suportahan ang kaniyang maluhong pamumuhay, malalaking proyekto ng pagtatayo, masalimuot na administrasyon, at ang kaniyang iba’t ibang kaloob sa kaniyang mga kaibigan at mga lunsod. Masasabing napakabigat at lubhang mapaniil ang mga buwis na ipinapataw sa karaniwang mga tao.

Kontrolado rin ni Herodes ang mga palaisdaan. Kaya ang pangingisda ay bahagi ng malaking negosyong hawak niya o ng mga pinagkalooban niya ng kaniyang mga ari-arian. Sa mga lugar na nasa ilalim ng kaniyang pamamahala, mayroon siyang mga punong maniningil ng buwis​—mayayamang indibiduwal na bumibili ng karapatan na maningil ng buwis sa pamamagitan ng tawaran. Ang punong maniningil ng buwis ang may awtoridad na magbigay ng mga kontrata sa mga mangingisda. Sinasabi ng ilang komentarista na yamang ang opisina ni Mateo ay nasa Capernaum​—isang sentro ng pangingisda sa Dagat ng Galilea​—malamang na nagtatrabaho siya sa punong maniningil ng buwis bilang “kontratista” roon. *

Ipinakikita ng mga katibayan na noong una at ikalawang siglo B.C.E., kadalasan nang ang ipinambabayad ng buwis sa Palestina ay mga produkto sa halip na pera. Kaya nagbabayad ang ilang mangingisda ng mga 25 hanggang 40 porsiyento ng kanilang huli kapalit ng karapatang mangisda. Ipinakikita ng sinaunang mga dokumento na ang pangingisda sa ilang lugar na nasa ilalim ng pamamahala ng Roma ay kontrolado pa rin ng Estado at pinangangasiwaan ng mga inspektor. Sa Pisidia, tinitiyak ng mga tagapagbantay na walang puwedeng mangisda nang walang pahintulot. Tinitiyak nila na ang mga nahuli ng mangingisda ay ibinibenta sa mga pinahintulutan lamang ng Estado na mamakyaw na nagbabayad din ng buwis sa Estado.

Ipinakikita ng lahat ng ito na “ang hari o ang pinagkalooban ng ari-arian ay kumikita nang napakalaki, samantalang napakaliit naman ang kinikita ng mga mangingisda,” gaya ng sinabi ng isang analista. Ang mga nagtatrabaho sa ibang larangan ng negosyo ay kumikita rin nang maliit dahil sa mataas na ipinapataw na buwis. Kaya kinamuhian ng mga tao ang buwis. Pero ang pagkamuhi sa mga maniningil ng buwis, gaya ng binabanggit sa ulat ng Ebanghelyo, ay tiyak na lalo pang tumindi dahil sa di-katapatan at kasakiman. Nangingikil sila sa karaniwang mga tao para yumaman.​—Lucas 3:13; 19:2, 8.

Mga Mangingisda na Binanggit sa Ebanghelyo

Ipinakikita ng Ebanghelyo na may kasamahan si Simon Pedro sa pangingisda. Tinulungan si Pedro ng kaniyang “kasamahan sa isa pang bangka” nang makahuli siya ng napakaraming isda. (Lucas 5:3-7) Ipinaliwanag ng mga iskolar na “maaaring bumuo ng ‘kooperatiba’ ang mga mangingisda . . . para ito ang makipagtawaran sa mga kontrata ng pangingisda.” Maaaring ganito rin ang ginawa nina Pedro, Andres, ng mga anak ni Zebedeo, at ng kanilang mga kasama para makakuha ng pahintulot na mangisda.

Hindi espesipikong binanggit sa Kasulatan kung ang mga mangingisda sa Galilea ay may sariling bangka at kagamitan sa pangingisda. Naniniwala ang ilan na ganoon nga. Sa katunayan, binanggit na si Jesus ay sumakay sa bangka na pag-aari ni Simon. (Lucas 5:3) Pero pansinin ang sinabi ng isang artikulo hinggil dito, “posible na ang mga bangka ay pag-aari ng mga punong maniningil ng buwis at ginagamit ng kooperatiba.” Totoo man ito o hindi, sinabi ng Kasulatan na inaayos nina Santiago at Juan ang kanilang mga lambat. Malamang din na binabaan ng mga mangingisda ang presyo ng kanilang mga huli at, kung kinakailangan, kumukuha sila ng mga arawang trabahador.

Kaya ang pangingisda ay hindi lamang simpleng hanapbuhay sa Galilea noong unang siglo. Ito ay bahagi ng isang masalimuot na sistema ng ekonomiya. Kung tatandaan natin ito, mas magiging makabuluhan ang ulat sa Ebanghelyo at ang mga sinabi ni Jesus tungkol sa pangingisda at sa mga mangingisda. Higit pa riyan, ang impormasyong ito ay makatutulong din sa atin na pahalagahan ang pananampalataya nina Pedro, Andres, Santiago, at Juan. Bagaman pangingisda ang kanilang ikinabubuhay​—na nagbibigay sa kanila ng tiyak na kita​—handa nila itong iwan nang tawagin sila ni Jesus upang maging “mangingisda ng mga tao.”​—Mateo 4:19.

[Talababa]

^ par. 9 Lumilitaw na lumipat si apostol Pedro sa Capernaum, kung saan siya nangingisda kasama ng kaniyang kapatid na si Andres at ng mga anak ni Zebedeo. Minsan ay nanirahan din si Jesus sa Capernaum.​—Mateo 4:13-16.

[Mapa sa pahina 25]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Lawa ng Hula

Betsaida

Capernaum

Magadan

Dagat ng Galilea

Jerusalem

Dagat na Patay

[Credit Line]

Todd Bolen/Bible Places.com

[Picture Credit Line sa pahina 26]

Todd Bolen/Bible Places.com