Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Sino ang “kapitan ng templo,” at ano ang kaniyang mga tungkulin?

Ang “kapitan ng templo” ay kasama sa mga Judiong lider ng relihiyon na umaresto sa mga apostol na sina Pedro at Juan habang nangangaral sila. (Gawa 4:1-3) Walang binanggit ang Bibliya tungkol sa mga tungkulin ng kapitan ng templo, pero may sinasabi hinggil dito ang ilang reperensiya sa kasaysayan.

Waring noong panahon ni Jesus, ang posisyon ng kapitan ng templo ay ginagampanan ng isang saserdote na pumapangalawa sa posisyon ng mataas na saserdote. Pinananatili niya ang kaayusan sa loob at labas ng templo sa Jerusalem. Pinangangasiwaan niya ang pagsamba sa templo gayundin ang mga pulis sa templo. Ang mga kapitan na nasa ilalim niya naman ang nangangasiwa sa mga bantay na nagbubukas sa mga pintuang-daan ng templo sa umaga at nagsasara nito sa gabi. Tinitiyak nila na walang makapapasok sa ipinagbabawal na mga lugar, at sila ang nagbabantay sa kabang-yaman ng templo.

Ang mga saserdote at Levita na nagtatrabaho sa templo ay inorganisa sa 24 na dibisyon. Bawat dibisyon ay naglilingkod nang isang linggo, dalawang beses sa isang taon, at malamang na may kani-kaniyang kapitan.​—1 Cronica 24:1-18.

Ang mga kapitang ito sa templo ay maimpluwensiya. Nakipagsabuwatan sila kasama ng mga punong saserdote upang ipapatay si Jesus. Ginamit din nila ang kanilang mga tauhan upang dakpin si Jesus.​—Lucas 22:4, 52.

Sinasabi ng Mateo 3:4 na si Juan na Tagapagbautismo ay kumain ng “balang at pulot-pukyutang ligaw.” Karaniwang pagkain ba noong panahong iyon ang mga balang?

Pinag-alinlanganan ng ilan kung kumain nga ba si Juan ng mga kulisap. Sinasabi nilang ang tinutukoy ni Mateo ay ang mga bunga ng punong algarroba, ligaw na bunga, o isang uri pa nga ng isda. Pero ang salitang Griego na ginamit ni Mateo ay tumutukoy sa pamilya ng mga tipaklong na kilala ngayon bilang Acrididae. Ang pinakakaraniwan sa Israel ay ang balang sa disyerto, na ang kulupon nito ay maaaring sumira ng pananim.​—Joel 1:4, 7; Nahum 3:15.

Ang mga balang ay itinuturing na masarap na pagkain ng sinaunang mga tao na gaya ng mga Asiryano at mga Etiope at kinakain pa rin sa ngayon ng ilang Bedouin at mga Judiong Yemenite. Sa Israel, ang mga balang ay itinuturing na pagkain ng mahihirap. Pagkatapos alisan ng ulo, paa, at tiyan, ang dibdib ay kinakain nang hilaw o iniihaw o pagkatapos patuyuin sa araw. Kung minsan ito ay inaasnan o ibinababad sa suka o pulot-pukyutan. Sinasabi ng istoryador na si Henri Daniel-Rops na ito ay lasang hipon.

Yamang si Juan ay nangangaral sa ilang, malamang na madali siyang makakuha ng mga balang. (Marcos 1:4) Ang mga balang ay may 75 porsiyentong protina, kaya ito ay napakasustansiyang pagkain lalo na kung sasamahan pa ng pulot-pukyutang ligaw.

[Larawan sa pahina 28]

Mga lingkod na asiryano na may dalang mga balang at granada

[Credit Line]

Mula sa aklat na Discoveries Among the Ruins of Nineveh and Babylon (1853)