Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dapat Bang Sumali sa Digmaan ang mga Kristiyano?

Dapat Bang Sumali sa Digmaan ang mga Kristiyano?

Dapat Bang Sumali sa Digmaan ang mga Kristiyano?

“Isa bang krimen o kasalanan ang pakikipagdigma? Ito nga ay isang palaisipan.”​—Oliver O’Donovan, propesor ng Christian Ethics

ISANG ipinintang larawan na tinawag na Sacrifice ang nakadispley sa Canadian War Museum. Inilalarawan nito ang mga sundalong namatay at nasugatan sa Digmaang Pandaigdig I, at ang kani-kanilang pamilyang naghihintay sa kanila. Makikita rin sa larawang ito si Jesu-Kristo na nakapako sa krus. Nagulat ang ilang nagmamasid kung bakit si Jesus, ang “Prinsipe ng Kapayapaan,” ay nasa ipinintang larawan. (Isaias 9:6) Nagpapasalamat naman ang iba sa sakripisyong ginawa ng kanilang mga kababayan. Inaakala nilang inaasahan ng Diyos at ng kaniyang Anak na makikipaglaban ang mga Kristiyano para ipagsanggalang ang katiwasayan at kalayaan ng kanilang bansa.

Sinuportahan ng mga lider ng relihiyon ang mga digmaan sa loob ng mga dantaon. Noong 417 C.E., isinulat ng teologo ng simbahan na si Augustine: “Huwag ninyong isipin na hindi katanggap-tanggap sa Diyos ang isa na nagsusundalo at nakikipagdigma. . . . Ang iba ay nakikipagdigma sa di-nakikitang mga kaaway para sa inyo sa pamamagitan ng pagdarasal, kayo naman ay nakikipaglaban sa mga barbaro alang-alang sa kanila.” Noong ika-13 siglo, ipinaliwanag ni Thomas Aquinas na “hindi naman masamang makipagdigma upang ipagtanggol ang mahihirap at ang buong bansa mula sa kaaway.”

Ano sa palagay mo? Kung ang pakikipagdigma ay waring may marangal na layunin​—alang-alang sa kalayaan ng bayan o ng mga naaapi​—sinasang-ayunan kaya ito ng Diyos? Paano malalaman ng mga Kristiyano kung ano ang kalooban ng Diyos sa bagay na ito?

Ang Halimbawa ni Jesu-Kristo

Posible bang malaman ang kaisipan ng Diyos tungkol sa masalimuot na isyu na gaya ng mga digmaan sa modernong panahon? Alam ni apostol Pablo ang ating sitwasyon, anupat nagtanong siya: “‘Sino ang nakaaalam ng pag-iisip ni Jehova, upang maturuan niya siya?’ Ngunit taglay nga natin ang pag-iisip ni Kristo.” (1 Corinto 2:16) Para tulungan tayo, isinugo ng Diyos na Jehova si Jesus sa lupa upang maging Huwaran. Makikita sa sinabi at ginawa ni Jesus kung ano ang kaisipan mismo ni Jehova. Kaya ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa pakikipagdigma? Ano ang paninindigan niya tungkol sa digmaan?

Maaaring isipin ng ilan na ang pinakamarangal na layunin sa pakikipaglaban ay ang ipagtanggol si Jesu-Kristo. Ganiyan ang nadama ng isa sa mga apostol niya. Nang ipagkanulo at arestuhin si Jesus ng mga armadong pulutong sa kalaliman ng gabi, si Pedro na kaniyang kaibigan ay ‘nag-unat ng kamay at hinugot ang tabak at tinaga ang alipin ng mataas na saserdote at tinagpas ang tainga nito.’ Makatuwiran ba ang ginawa ni Pedro? Sinabi ni Jesus kay Pedro: “Ibalik mo ang iyong tabak sa kinalalagyan nito, sapagkat ang lahat niyaong humahawak ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.”​—Mateo 26:47-52.

Hindi kataka-taka ang naging reaksiyon ni Jesus. Dalawang taon bago nito, sinabi niya: “Narinig ninyo na sinabi, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa at kapopootan mo ang iyong kaaway.’ Gayunman, sinasabi ko sa inyo: Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at ipanalangin yaong mga umuusig sa inyo; upang mapatunayan ninyo na kayo ay mga anak ng inyong Ama na nasa langit, yamang pinasisikat niya ang kaniyang araw sa mga taong balakyot at sa mabubuti at nagpapaulan sa mga taong matuwid at sa mga di-matuwid.” (Mateo 5:43-45) Hindi nga magiging makatuwiran para sa isang Kristiyano na ibigin at ipanalangin ang kaniyang kaaway habang nakikipagdigma siya sa mga ito.

Ipinakikita ng kasaysayan na maraming kaaway ang mga Kristiyano. Halimbawa, hinatulan at ipinapatay ng mga Romano si Jesu-Kristo. Di-nagtagal pagkatapos nito, ang pagiging Kristiyano ay itinuring na isang krimeng karapat-dapat sa parusang kamatayan. Alam ni Jesus na maaaring matuksong humawak ng armas ang mga Kristiyano at magrebelde laban sa paniniil ng mga Romano, gaya ng ginawa ng ilang Judio. Pero ganito ang sinabi niya tungkol sa kaniyang mga tagasunod: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Pinili ng mga Kristiyano na manatiling neutral sa pulitika. Hindi sila nakikibahagi sa digmaan kahit dumanas sila o ang kanilang bansa ng kawalang-katarungan o pagbabanta.

Mga Tagapagtaguyod ng Kaharian ng Diyos

Sinunod ng mga tunay na Kristiyano ang mga tagubilin ni Jesus at nanatiling neutral. Tingnan kung ano ang nangyari sa Iconio, isang sinaunang lunsod sa Asia Minor. “Nang isang marahas na pagtatangka ang maganap kapuwa mula sa mga tao ng mga bansa at sa mga Judio kasama ng kanilang mga tagapamahala, na pakitunguhan [sina Pablo at Bernabe] nang walang pakundangan at pagpupukulin sila ng mga bato, sila, nang masabihan tungkol dito, ay tumakas patungo sa mga lunsod ng Licaonia, Listra at Derbe at sa nakapalibot na lupain; at doon ay nagpatuloy sila sa paghahayag ng mabuting balita.” (Gawa 14:5-7) Pansinin na nang mapaharap sa mararahas na pagsalansang, hindi lumaban ang mga Kristiyano, ni gumanti man sila. Sa halip, patuloy silang nangaral ng “mabuting balita.” Anong mabuting balita ang ipinangaral nila?

Katulad din ng ipinangaral ni Jesus. Sinabi niya: “Dapat kong ipahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos.” (Lucas 4:43) Itinaguyod ni Jesus at ng kaniyang mga tagasunod ang Kaharian ng Diyos. Hindi gumamit si Kristo ng hukbong militar upang ipagtanggol ang Kahariang iyan. Sinabi ni Jesus: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito. Kung ang kaharian ko ay bahagi ng sanlibutang ito, lumaban sana ang mga tagapaglingkod ko upang hindi ako maibigay sa mga Judio. Ngunit, ang totoo, ang kaharian ko ay hindi nagmumula rito.”​—Juan 18:36.

‘May Pag-ibig Sila sa Isa’t Isa’

Ang pagiging neutral sa panahon ng digmaan ay isang katangian ng tunay na pagsamba. Sinabi ni Jesus: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Milyun-milyon ang naging masaya nang matuklasan nila ang isang grupo na nagpapakita ng gayong pag-ibig, kahit na ang mga ito ay tinuya, ibinilanggo, o pinatay pa nga dahil sa pagtangging humawak ng sandata.

Sa mga bansa sa Europa na sakop ng mga Nazi, mga 10,000 Saksi ni Jehova ang ibinilanggo ng mga opisyal dahil sa kanilang pagiging neutral, kasama rito ang mga 3,000 ipinadala sa mga kampong piitan. Kasabay nito, mahigit 4,300 Saksi sa Estados Unidos ang ibinilanggo dahil tumangging magsundalo. Kapuwa ang mga Aleman at Amerikanong Saksi ay hindi humawak ng armas at nakipagdigma sa kanilang mga Kristiyanong kapatid o sa kanino pa man. Hindi nga nila magagawang makipagdigma at kasabay nito ay sabihing mahal nila ang isa’t isa at ang kanilang kapuwa.

Iniisip ng maraming tao na ang pakikipagdigma ay mahalaga para maipagtanggol ang sarili. Pero isaalang-alang ito: Hindi lumaban ang unang-siglong mga Kristiyano nang pag-usigin sila ng makapangyarihang Imperyo ng Roma. Gayunpaman, hindi napawi ang Kristiyanismo. Dumarami pa nga ang mga tunay na Kristiyano sa ngayon, at nananatili silang neutral. Sa halip na gumanti, may-pagtitiwala silang umaasa sa tulong ng Diyos. Sinasabi ng kaniyang Salita, ang Bibliya: “Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, kundi bigyan ninyo ng dako ang poot; sapagkat nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.’”​—Roma 12:19.

[Kahon sa pahina 30]

MGA DIGMAANG SINANG-AYUNAN NG DIYOS

Ang Israel ay isang bansa na pantanging pinili ng Diyos bago ang panahong Kristiyano. May panahong sinang-ayunan ng Diyos ang bansang ito na bumuo ng hukbo para makipagdigma. Bago pumasok sa Canaan, ang lupain na ipinangako ng Diyos kay Abraham, sinabi sa mga Israelita: “Tiyak na pababayaan [o, ibibigay] sila [ang pitong bansa] sa iyo ni Jehova na iyong Diyos, at tatalunin mo sila. Walang pagsalang itatalaga mo sila sa pagkapuksa. Huwag kang makikipagtipan sa kanila ni magpapakita ka man sa kanila ng anumang lingap.” (Deuteronomio 7:1, 2) Kaya tinalo ng heneral ng Israel na si Josue ang mga kaaway na bansang iyon “gaya ng iniutos ni Jehova na Diyos ng Israel.”​—Josue 10:40.

Walang-awa bang nilupig ng Israel ang banyagang mga bansa at may-kasakimang kinamkam ang lupain nito? Hinding-hindi. Ang mga bansang iyon ay punung-puno ng idolatriya, pagbububo ng dugo, at kalaswaan. Maging ang kanilang mga anak ay sinusunog nila bilang handog. (Bilang 33:52; Jeremias 7:31) Dahil banal at makatarungan ang Diyos, at dahil sa kaniyang pag-ibig sa kaniyang bayan, napakilos siya na alisin ang lahat ng kasamaan sa lupaing iyon. Gayunpaman, nababasa ni Jehova ang puso ng bawat indibiduwal​—isang bagay na hindi kayang gawin ng komandante ng militar ngayon. Sa gayon, inililigtas niya ang mga tumatalikod sa masasamang gawain at ang mga gustong maglingkod sa kaniya.

[Larawan sa pahina 31]

Inaasahan ba ni Jesus na makikipaglaban ang kaniyang mga tagasunod upang ipagtanggol siya o ang kanilang kapuwa Kristiyano?

[Larawan sa pahina 31]

Mga Saksi ni Jehova na napalaya sa kampong piitan sa Buchenwald noong 1945