Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pasulungin ang Iyong Panalangin sa Tulong ng Pag-aaral ng Bibliya

Pasulungin ang Iyong Panalangin sa Tulong ng Pag-aaral ng Bibliya

Pasulungin ang Iyong Panalangin sa Tulong ng Pag-aaral ng Bibliya

“Ah, Jehova, pakisuyo, magbigay-pansin nawa ang iyong tainga sa panalangin ng iyong lingkod.”​—NEH. 1:11.

1, 2. Bakit makakatulong ang pagsasaalang-alang sa ilang panalanging nakaulat sa Bibliya?

ANG panalangin at pag-aaral ng Bibliya ay napakahalaga sa tunay na pagsamba. (1 Tes. 5:17; 2 Tim. 3:16, 17) Siyempre pa, hindi naman aklat-dasalan ang Bibliya. Pero marami itong panalangin, kasama na ang nasa aklat ng Mga Awit.

2 Sa iyong pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya, malamang na makakita ka ng mga panalanging angkop sa iyong kalagayan. Sa katunayan, kung tutularan mo ang mga salitang ginamit sa mga panalanging nakaulat sa Bibliya, susulong ang iyong panalangin. Ano ang matututuhan mo sa mga panalangin ng mga lingkod ni Jehova noon? Bakit sinagot ang kanilang mga pakiusap?

Hanapin at Sundin ang Patnubay ng Diyos

3, 4. Ano ang misyon ng lingkod ni Abraham? Ano ang matututuhan mo sa naging sagot ni Jehova sa panalangin ng lingkod?

3 Sa pag-aaral ng Bibliya, natutuhan mong dapat hilingin lagi ang patnubay ng Diyos. Tingnan natin ang nangyari nang papuntahin ng patriyarkang si Abraham ang kaniyang pinakamatandang lingkod​—malamang na si Eliezer​—sa Mesopotamia para ikuha si Isaac ng isang asawang may takot sa Diyos. Habang umiigib sa balon ang mga babae, nanalangin ang lingkod: “Jehova . . . , mangyari nga na ang kabataang babae na sasabihan ko, ‘Pakisuyo, ibaba mo ang iyong bangang pantubig upang ako ay makainom,’ at magsasabi nga, ‘Uminom ka, at paiinumin ko rin ang iyong mga kamelyo,’ siya ang italaga mo sa iyong lingkod, kay Isaac; at sa ganito mo ipaalam sa akin na nagpakita ka ng matapat na pag-ibig sa aking panginoon.”​—Gen. 24:12-14.

4 Nasagot ang panalanging ito nang painumin ni Rebeka ang mga kamelyo ng lingkod ni Abraham. Pagkatapos nito, sumama sa kaniya si Rebeka sa Canaan para maging asawa ni Isaac. Siyempre pa, hindi ka dapat umasa na bibigyan ka rin ng Diyos ng palatandaan. Pero papatnubayan ka niya kung mananalangin ka at magpapaakay sa kaniyang espiritu.​—Gal. 5:18.

Nakakabawas ng Kabalisahan ang Panalangin

5, 6. Ano ang mapapansin sa panalangin ni Jacob nang malapit na silang magkita ni Esau?

5 Nababawasan ang kabalisahan dahil sa panalangin. Dala ng takot sa kaniyang kakambal na si Esau, nanalangin si Jacob: “O Jehova, . . . ako ay di-karapat-dapat sa lahat ng maibiging-kabaitan at sa lahat ng katapatan na ipinakita mo sa iyong lingkod . . . Iligtas mo ako, ipinamamanhik ko sa iyo, mula sa kamay ng aking kapatid, mula sa kamay ni Esau, sapagkat natatakot ako sa kaniya na baka dumating siya at salakayin nga ako, ang ina kasama ang mga anak. At ikaw, ikaw ang nagsabi, ‘Walang pagsalang gagawan kita ng mabuti at gagawin kong tulad ng mga butil ng buhangin sa dagat ang iyong binhi, na hindi mabibilang dahil sa dami.’”​—Gen. 32:9-12.

6 Matapos manalangin, gumawa ng paraan si Jacob para protektahan ang kaniyang pamilya. Nasagot ang kaniyang panalangin nang magkasundo sila ni Esau. (Gen. 33:1-4) Basahin mong mabuti ang pakiusap na iyon. Makikita mong hindi lamang humingi ng tulong si Jacob. Nagpakita rin siya ng pananampalataya sa ipinangakong Binhi at ng pasasalamat sa maibiging-kabaitan ng Diyos. Nakadarama ka ba ng “mga takot sa loob”? (2 Cor. 7:5) Kung oo, maipaaalaala sa iyo ng pagsusumamo ni Jacob na nakakabawas ng kabalisahan ang panalangin. Pero hindi ito dapat na puro kahilingan lamang. Dapat ding makita rito ang iyong pananampalataya.

Humiling ng Karunungan

7. Bakit hiniling ni Moises na ipaalam sa kaniya ang mga daan ni Jehova?

7 Kung gusto mong palugdan si Jehova, mapapakilos kang humiling ng karunungan. Hiniling ni Moises na ipaalam sa kaniya ang mga daan ng Diyos. Nagsumamo siya: “Tingnan mo, sinasabi mo [Jehova] sa akin, ‘Iahon mo ang bayang ito [mula sa Ehipto]’ . . . At ngayon, pakisuyo, kung nakasumpong ako ng lingap sa iyong paningin, pakisuyong ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, . . . nang sa gayon ay makasumpong ako ng lingap sa iyong paningin.” (Ex. 33:12, 13) Bilang tugon, binigyan ng Diyos si Moises ng higit na kaalaman sa Kaniyang mga daan na kailangan sa pangunguna sa bayan ni Jehova.

8. Ano ang matututuhan mo sa 1 Hari 3:7-14?

8 Nanalangin din si David: “Ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, O Jehova.” (Awit 25:4) Nagsumamo sa Diyos ang anak ni David na si Solomon na bigyan siya ng karunungan upang magampanan niya ang kaniyang mga tungkulin bilang hari ng Israel. Natuwa rito si Jehova, at binigyan niya si Solomon hindi lamang ng karunungan kundi pati na rin ng kayamanan at kaluwalhatian. (Basahin ang 1 Hari 3:7-14.) Kapag nakatanggap ka ng mga pribilehiyong sa tingin mo’y hindi mo kayang gampanan, humiling ng karunungan at maging mapagpakumbaba. Tutulungan ka ng Diyos na magkaroon ng kaalaman at karunungan upang magampanan mo ang iyong mga pananagutan sa angkop at maibiging paraan.

Manalangin Mula sa Puso

9, 10. Ano ang mapapansin mo sa mga pagtukoy ni Solomon sa puso noong manalangin siya sa inagurasyon ng templo?

9 Para dinggin ang panalangin, dapat itong magmula sa puso. Sa 1 Hari kabanata 8, taos-pusong nanalangin si Solomon sa harap ng mga taong nagkakatipon sa Jerusalem para sa inagurasyon ng templo ni Jehova noong 1026 B.C.E. Matapos mailagay ang kaban ng tipan sa Kabanal-banalan at mapuno ng ulap ni Jehova ang templo, pinuri ni Solomon ang Diyos.

10 Pag-aralan ang panalangin ni Solomon, at pansinin ang mga pagtukoy nito sa puso. Kinilala ni Solomon na si Jehova lamang ang nakaaalam sa puso ng isang tao. (1 Hari 8:38, 39) Ipinakikita rin nito na may pag-asa pa ang nagkasala kung ‘manunumbalik siya sa Diyos nang kaniyang buong puso.’ Kapag may bumihag sa bayan ng Diyos, diringgin ang kanilang pagsusumamo kung ang kanilang puso ay sakdal kay Jehova. (1 Hari 8:48, 58, 61) Kaya talagang dapat magmula sa puso ang iyong panalangin.

Susulong ang Iyong Panalangin sa Tulong ng Mga Awit

11, 12. Ano ang natutuhan mo sa inawit ng Levita na pansamantalang hindi makapunta sa santuwaryo ng Diyos?

11 Kung pag-aaralan mo ang Mga Awit, susulong ang iyong panalangin at matutulungan kang maghintay sa sagot ng Diyos. Tingnan natin ang halimbawa ng pagtitiis ng isang ipinatapong Levita. Bagaman pansamantala siyang hindi makapunta sa santuwaryo ni Jehova, umawit siya: “Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko, at bakit ka nababagabag sa loob ko? Maghintay ka sa Diyos, sapagkat pupurihin ko pa siya bilang ang dakilang kaligtasan ng aking pagkatao at bilang aking Diyos.”​—Awit 42:5, 11; 43:5.

12 Ano ang matututuhan mo sa Levitang iyon? Kung mabilanggo ka dahil sa katuwiran at pansamantalang hindi ka makadalo at hindi mo makasama ang iyong mga kapananampalataya, magtiis na lamang at maghintay sa pagkilos ng Diyos. (Awit 37:5) Alalahanin ang maliligayang araw ng paglilingkod mo sa Diyos, at manalanging sana’y makapagbata ka habang ‘hinihintay ang Diyos’ na tulungan kang makasamang muli ng kaniyang bayan.

Manalangin Nang May Pananampalataya

13. Ayon sa Santiago 1:5-8, bakit ka dapat manalangin nang may pananampalataya?

13 Anuman ang kalagayan mo, palaging manalangin nang may pananampalataya. Kung nasusubok ang iyong katapatan, sundin ang payo ng alagad na si Santiago. Manalangin kay Jehova, at magtiwalang bibigyan ka niya ng karunungan para maharap ang pagsubok. (Basahin ang Santiago 1:5-8.) Alam ng Diyos ang mga pinagdaraanan mo. Papatnubayan ka niya at aaliwin sa tulong ng kaniyang espiritu. May-pananampalataya mong sabihin sa kaniya ang iyong nadarama, nang “walang anumang pag-aalinlangan,” at tanggapin ang patnubay ng kaniyang espiritu at ang payo ng kaniyang Salita.

14, 15. Bakit masasabing si Hana ay nanalangin at kumilos nang may pananampalataya?

14 Ang Levitang si Elkana ay may dalawang asawa​—sina Hana at Penina. Tinutuya ni Penina, na maraming anak, ang baog na si Hana. Nanalangin si Hana at kumilos nang may pananampalataya. Sa tabernakulo, nanata si Hana na kung magkakaanak siya ng isang lalaki, ibibigay niya ito kay Jehova. Dahil gumagalaw ang kaniyang mga labi habang nananalangin, inakala ng mataas na saserdoteng si Eli na lasing siya. Nang malaman ni Eli na hindi pala, sinabi niya: “Ipagkaloob nawa ng Diyos ng Israel ang iyong pakiusap.” Bagaman hindi tiyak ni Hana ang eksaktong mangyayari, nanampalataya siyang sasagutin ang kaniyang panalangin. Kaya “ang kaniyang mukha ay hindi na nabahala.” Napawi na ang kaniyang kalungkutan.​—1 Sam. 1:9-18.

15 Matapos ipanganak at maawat sa suso si Samuel, dinala siya ni Hana sa tabernakulo para maglingkod kay Jehova. (1 Sam. 1:19-28) Sa pagbubulay-bulay sa panalangin ni Hana, mapasusulong mo ang iyong panalangin. Makikita mo ring makakayanan mo kahit ang kalungkutang dulot ng mabigat na problema kung mananalangin ka at mananampalatayang sasagutin ka ni Jehova.​—1 Sam. 2:1-10.

16, 17. Ano ang nangyari nang manalangin si Nehemias at kumilos nang may pananampalataya?

16 Ang matuwid na si Nehemias, na nabuhay noong ikalimang siglo B.C.E., ay nanalangin at kumilos nang may pananampalataya. Nakiusap siya: “Ah, Jehova, pakisuyo, magbigay-pansin nawa ang iyong tainga sa panalangin ng iyong lingkod at sa panalangin ng iyong mga lingkod na nalulugod na matakot sa iyong pangalan; at, pakisuyo, maggawad ka ng tagumpay sa iyong lingkod ngayon at pangyarihin mong kahabagan siya sa harap ng lalaking ito.” Sino ang “lalaking ito”? Siya si Haring Artajerjes ng Persia, na pinaglilingkuran ni Nehemias bilang katiwala ng kopa.​—Neh. 1:11.

17 Ilang araw na nanalangin si Nehemias matapos niyang malaman na ang mga Judiong pinalaya mula sa Babilonya ay “nasa napakasamang kalagayan at kadustaan; at ang pader ng Jerusalem ay giba.” (Neh. 1:3, 4) Dininig ang panalangin ni Nehemias sa paraang hindi niya inaasahan nang pumayag si Haring Artajerjes na pumunta siya sa Jerusalem para itayong muli ang pader nito. (Neh. 2:1-8) Mabilis na naayos ang pader. Sinagot ang mga panalangin ni Nehemias dahil nakatuon ito sa tunay na pagsamba at sinambit nang may pananampalataya. Ganiyan din ba ang iyong panalangin?

Laging Pumuri at Magpasalamat

18, 19. Bakit dapat pumuri at magpasalamat kay Jehova ang mga lingkod niya?

18 Kapag nananalangin, laging purihin at pasalamatan si Jehova. Napakaraming dahilan para gawin ito! Halimbawa, gustung-gustong luwalhatiin ni David ang paghahari ni Jehova. (Basahin ang Awit 145:10-13.) Makikita ba sa iyong panalangin na pinahahalagahan mo ang pribilehiyong ihayag ang Kaharian ni Jehova? Tutulungan ka rin ng mga salita ng salmista na maipahayag sa Diyos ang iyong taimtim na pasasalamat para sa mga Kristiyanong pagpupulong, asamblea, at mga kombensiyon.​—Awit 27:4; 122:1.

19 Dahil pinasasalamatan mo ang iyong mahalagang kaugnayan sa Diyos, mauudyukan kang taos-pusong manalangin: “Pupurihin kita sa gitna ng mga bayan, O Jehova; aawit ako sa iyo sa gitna ng mga liping pambansa. Sapagkat ang iyong maibiging-kabaitan ay dakila hanggang sa langit, at ang iyong katapatan ay hanggang sa kalangitan. Maging dakila ka nawa sa ibabaw ng langit, O Diyos; mapasaibabaw nawa ng buong lupa ang iyong kaluwalhatian.” (Awit 57:9-11) Napakaganda ngang pananalita! Tiyak na mapasusulong ng ganitong nakaaantig na pananalita mula sa Mga Awit ang iyong mga panalangin.

May-Pagpipitagang Manalangin sa Diyos

20. Paano ipinahayag ni Maria ang pagpipitagan niya sa Diyos?

20 Ang pagpipitagan sa Diyos ay dapat makita sa iyong panalangin. Ang mapitagang mga salita ni Maria nang malaman niyang siya ang magiging ina ng Mesiyas ay katulad ng mga sinabi ni Hana nang dalhin niya si Samuel sa tabernakulo para maglingkod doon. Kitang-kita ang pagpipitagan ni Maria sa Diyos sa mga salitang ito: “Dinadakila ng aking kaluluwa si Jehova, at hindi mapigilan ng aking espiritu ang mag-umapaw sa kagalakan sa Diyos na aking Tagapagligtas.” (Luc. 1:46, 47) Matutularan mo ba ang ganitong panalangin? Hindi nga kataka-takang ang makadiyos na si Maria ang napiling maging ina ni Jesus na Mesiyas!

21. Bakit masasabing may pagpipitagan at pananampalataya ang mga panalangin ni Jesus?

21 Nanalangin si Jesus nang may pagpipitagan at lubos na pananampalataya. Halimbawa, bago niya buhaying muli si Lazaro, “itiningin ni Jesus sa langit ang kaniyang mga mata at nagsabi: ‘Ama, nagpapasalamat ako sa iyo na dininig mo ako. Totoo, alam ko na lagi mo akong dinirinig.’” (Juan 11:41, 42) Makikita ba sa iyong panalangin ang ganitong pagpipitagan at pananampalataya? Kung pag-aaralan mo ang mapitagang modelong panalangin ni Jesus, makikita mong pangunahin dito ang pagpapabanal sa pangalan ni Jehova, pagdating ng kaniyang Kaharian, at ang pagsasagawa ng kaniyang kalooban. (Mat. 6:9, 10) Kumusta naman ang iyong panalangin? Makikita ba rito na napakahalaga sa iyo ng Kaharian ni Jehova, ng paggawa ng kaniyang kalooban, at ng pagpapabanal sa kaniyang pangalan? Dapat naman.

22. Bakit ka makatitiyak na bibigyan ka ni Jehova ng lakas ng loob para maihayag ang mabuting balita?

22 Dahil sa pag-uusig o iba pang pagsubok, madalas na isinasama sa panalangin ang paghingi ng tulong na makapaglingkod kay Jehova nang may lakas ng loob. Nang utusan ng Sanedrin sina Pedro at Juan na huwag nang ‘magturo salig sa pangalan ni Jesus,’ buong-tapang silang tumanggi. (Gawa 4:18-20) Matapos palayain, ikinuwento nila sa kanilang mga kapananampalataya ang nangyari. At ang lahat ng naroroon ay nagsumamo sa Diyos na tulungan silang maihayag ang kaniyang salita nang may katapangan. Tiyak na tuwang-tuwa sila nang sagutin ang kanilang panalangin, sapagkat sila’y “napuspos ng banal na espiritu at nagsalita ng salita ng Diyos nang may katapangan”! (Basahin ang Gawa 4:24-31.) Dahil dito, napakarami ang naging mananamba ni Jehova. Sa tulong ng panalangin, maihahayag mo rin ang mabuting balita nang may katapangan.

Patuloy na Pasulungin ang Iyong Panalangin

23, 24. (a) Ano pa ang ilang halimbawa na nagpapakitang mapasusulong ng pag-aaral ng Bibliya ang iyong panalangin? (b) Paano mo mapasusulong ang iyong panalangin?

23 Marami pang halimbawa na nagpapakitang mapasusulong ng pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya ang iyong panalangin. Gaya ni Jonas, puwede mo ring sabihin sa iyong panalangin na “ang kaligtasan ay kay Jehova.” (Jon. 2:1-10) Kung nababagabag ka dahil sa isang malubhang kasalanan at nakahingi ka na ng tulong sa mga elder, ang inawit ni David ay maaaring makatulong sa iyo na masabi sa panalangin ang iyong pagsisisi. (Awit 51:1-12) Sa ilang panalangin, puwede mong purihin si Jehova gaya ni Jeremias. (Jer. 32:16-19) Kung naghahanap ka ng mapapangasawa, ang panalangin sa Ezra kabanata 9 kasabay ng iyong pagsusumamo ay magpapatibay sa iyong determinasyong sundin ang utos ng Diyos na ‘mag-asawa tangi lamang sa Panginoon.’​—1 Cor. 7:39; Ezra 9:6, 10-15.

24 Patuloy mong basahin, pag-aralan, at saliksikin ang Bibliya. Maghanap ng mga puntong maisasama mo sa iyong panalangin. Magagamit mo ito sa iyong pagsusumamo, pasasalamat, at pagpuri. Tiyak na lalo kang mápapalapít sa Diyos na Jehova habang pinasusulong mo ang iyong panalangin sa tulong ng pag-aaral ng Bibliya.

Paano Mo Sasagutin?

• Bakit dapat nating hanapin at sundin ang patnubay ng Diyos?

• Ano ang dapat magpakilos sa atin na humiling ng karunungan?

• Paano mapasusulong ng Mga Awit ang ating panalangin?

• Bakit dapat tayong manalangin nang may pananampalataya at pagpipitagan?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 8]

Nanalangin ang lingkod ni Abraham para sa patnubay ng Diyos. Ikaw rin ba?

[Larawan sa pahina 10]

Mapasusulong ng Pampamilyang Pagsamba ang iyong panalangin