Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Linangin ang Pag-ibig na Hindi Kailanman Nabibigo

Linangin ang Pag-ibig na Hindi Kailanman Nabibigo

Linangin ang Pag-ibig na Hindi Kailanman Nabibigo

‘Binabata ng pag-ibig ang lahat ng bagay. Hindi ito kailanman nabibigo.’​—1 COR. 13:7, 8.

1. (a) Paano karaniwang itinatampok ang pag-ibig? (b) Kanino at sa ano nakatuon ang pag-ibig ng marami?

ANG pag-ibig ay isang paboritong paksa. Palagi itong itinatampok sa mga awitin. Mahalaga ito sa buhay ng tao. Pero karaniwan nang kathang-isip lang ang mga kuwento ng pag-ibig sa mga aklat at pelikula. At nagkalat ang mga ito sa pamilihan. Gayunman, salat na salat pa rin ang mga tao sa tunay na pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa. Nakikita nating natutupad ang mga hula ng Bibliya tungkol sa mga huling araw na ito. Ang mga tao ay nagiging ‘maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, maibigin sa kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.’​—2 Tim. 3:1-5.

2. Ano ang babala ng Bibliya tungkol sa maling pag-ibig?

2 Ang mga tao ay may kakayahang umibig, pero nagbababala ang Salita ng Diyos laban sa maling pag-ibig. Inilalarawan ng Bibliya ang mangyayari kapag nag-ugat ang gayong pag-ibig sa puso ng tao. (1 Tim. 6:9, 10) Natatandaan mo ba ang isinulat ni apostol Pablo tungkol kay Demas? Kasa-kasama siya ni Pablo noon, pero inibig niya ang iniaalok ng sanlibutan. (2 Tim. 4:10) Binabalaan ni apostol Juan ang mga Kristiyano laban sa mismong panganib na ito. (Basahin ang 1 Juan 2:15, 16.) Kung iniibig natin ang sanlibutang ito at ang pansamantalang mga bagay na naririto, hindi masasabing iniibig natin ang Diyos at ang mga bagay na nagmumula sa kaniya.

3. Anong panganib ang napapaharap sa atin? Anu-anong tanong ang bumabangon?

3 Hindi tayo bahagi ng sanlibutan, pero dito pa rin tayo namumuhay. Kaya may panganib na maimpluwensiyahan tayo ng pilipit na pangmalas ng sanlibutan tungkol sa pag-ibig. Huwag nating hayaang mangyari ito. Kung gayon, kanino tayo dapat magpakita ng pag-ibig na salig sa simulain? Anong mga paglalaan ang tutulong sa atin na malinang ang pag-ibig na nagbabata ng lahat ng bagay at hindi kailanman nabibigo? Paano tayo makikinabang dito sa ngayon at sa hinaharap? Makabubuting alamin natin ang pangmalas ng Diyos tungkol dito.

Linangin ang Pag-ibig kay Jehova

4. Paano lalago ang ating pag-ibig sa Diyos?

4 Ang paglilinang ay maaaring mangahulugan ng paghahanda at pagpapalago ng isang bagay. Halimbawa, ang isang magsasaka ay nagbabanat ng buto para ihanda ang lupa at itanim ang binhi. Inaasahan niyang tutubo ito at lalago. (Heb. 6:7) Sa katulad na paraan, dapat ding lumago ang pag-ibig natin sa Diyos. Paano? Dapat nating pangalagaan ang ating puso, kung saan naihasik ang binhi ng katotohanan ng Kaharian. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng masikap na pag-aaral ng Salita ng Diyos para lumago ang ating kaalaman tungkol sa kaniya. (Col. 1:10) Makakatulong din ang regular na pagdalo at pakikibahagi sa mga pulong ng kongregasyon. Patuloy ba tayong nagsisikap na magkaroon ng mas malalim na kaalaman?​—Kaw. 2:1-7.

5. (a) Paano tayo matututo tungkol sa mga pangunahing katangian ni Jehova? (b) Ano ang masasabi mo sa katarungan, karunungan, at kapangyarihan ng Diyos?

5 Sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ipinaaalam ni Jehova ang kaniyang personalidad. Kung pag-aaralan natin ang Kasulatan at patuloy na kukuha ng kaalaman tungkol kay Jehova, lalo nating mapahahalagahan ang kaniyang mga katangian​—ang kaniyang katarungan, kapangyarihan, karunungan, at higit sa lahat, ang kaniyang walang-kapantay na pag-ibig. Makikita ang katarungan ni Jehova sa lahat ng kaniyang mga gawa at sa kaniyang sakdal na kautusan. (Deut. 32:4; Awit 19:7) Kapag pinag-iisipan natin ang kaniyang mga nilalang, napapahanga tayo sa kaniyang nakahihigit na karunungan. (Awit 104:24) Ang uniberso ay patotoo rin na si Jehova ang Pinagmumulan ng dinamikong lakas at kapangyarihan.​—Isa. 40:26.

6. Paano ipinakita ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa atin? Ano ang epekto nito sa iyo?

6 Ano naman ang masasabi natin tungkol sa nangingibabaw na katangian ng Diyos, ang pag-ibig? May epekto ito sa ating lahat. Ipinakita niya ang pag-ibig na ito nang maglaan siya ng pantubos para sa sangkatauhan. (Basahin ang Roma 5:8.) Ang paglalaang ito ay para sa lahat, pero ang mga tumutugon lang sa pag-ibig ng Diyos at nananampalataya sa kaniyang Anak ang makikinabang dito. (Juan 3:16, 36) Yamang inihandog ng Diyos si Jesus bilang pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan, dapat lang na maudyukan tayong suklian ang pag-ibig ni Jehova.

7, 8. (a) Paano natin maipakikita na iniibig natin ang Diyos? (b) Ano ang mga kalagayang napapaharap sa bayan ng Diyos habang tinutupad nila ang kaniyang mga utos?

7 Paano natin maipakikita ang ating pag-ibig sa Diyos bilang pasasalamat sa lahat ng ginawa niya para sa atin? Maganda ang sagot ng Bibliya: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga utos; gayunma’y ang kaniyang mga utos ay hindi pabigat.” (1 Juan 5:3) Oo, uudyukan tayo ng pag-ibig sa Diyos na Jehova na tuparin ang kaniyang mga utos. Iyan ang isa sa mga dahilan kung bakit tayo nagpapatotoo tungkol sa kaniyang pangalan at Kaharian, na nagdudulot ng kapakinabangan sa iba. Ang buong-pusong paggawa nito ay katibayan na tama ang motibo natin sa pagtupad sa mga utos ng Diyos.​—Mat. 12:34.

8 Ang mga kapatid natin sa buong daigdig ay matiyagang tumutupad sa mga utos ng Diyos kahit na ipinagwawalang-bahala o tahasang tinatanggihan ng mga tao ang mensahe ng Kaharian. Lubusan pa rin nilang ginaganap ang kanilang ministeryo. (2 Tim. 4:5) Gaya nila, ibinabahagi rin natin sa iba ang kaalaman tungkol sa Diyos at tinutupad ang lahat ng iba pa niyang utos.

Kung Bakit Natin Iniibig ang Ating Panginoong Jesu-Kristo

9. Ano ang tiniis ni Kristo? Bakit siya nakapagbata?

9 Bukod sa Diyos, nililinang din natin ang pag-ibig sa kaniyang Anak, at maraming dahilan para gawin ito. Oo nga’t hindi natin nakita si Jesus, pero habang natututo tayo tungkol sa kaniya, lalong lumalalim ang pag-ibig natin sa kaniya. (1 Ped. 1:8) Ano ang ilan sa mga tiniis ni Jesus? Habang ginagawa ang kalooban ng kaniyang Ama, kinapootan siya nang walang dahilan, pinag-usig, pinaratangan, nilait, at hinamak. (Basahin ang Juan 15:25.) Dahil sa pag-ibig sa kaniyang makalangit na Ama, nabata ni Jesus ang gayong mga pagsubok. Pag-ibig din ang nag-udyok sa kaniya na ibigay ang kaniyang buhay bilang pantubos para sa marami.​—Mat. 20:28.

10, 11. Bilang tugon sa ginawa ni Kristo para sa atin, ano ang tunguhin natin?

10 Napapakilos tayo ng halimbawa ni Jesus. Habang iniisip natin ang mga ginawa niya para sa atin, lalong sumisidhi ang pag-ibig natin sa kaniya. Bilang mga tagasunod niya, dapat nating linangin at patuloy na ipakita ang tulad-Kristong pag-ibig para makapagbata tayo habang tinutupad ang utos na magpatotoo tungkol sa Kaharian at gumawa ng mga alagad.​—Mat. 28:19, 20.

11 Bilang tugon sa pag-ibig ni Kristo sa buong sangkatauhan, nauudyukan tayong tapusin ang ating atas bago dumating ang wakas. (Basahin ang 2 Corinto 5:14, 15.) Pag-ibig ang nag-udyok kay Kristo na tuparin ang layunin ng Diyos sa sangkatauhan. At dahil sa huwarang iniwan ni Kristo na dapat nating maingat na tularan, ang bawat isa sa atin ay puwedeng magkaroon ng bahagi sa katuparan ng layuning iyan. Kailangan nating linangin ang pag-ibig sa Diyos sa abot ng ating makakaya. (Mat. 22:37) Kung sinusunod natin ang mga turo at utos ni Jesus, ipinakikita nating iniibig natin siya at determinado tayong itaguyod ang soberanya ng Diyos anuman ang mangyari, gaya ng ginawa ni Jesus.​—Juan 14:23, 24; 15:10.

Itaguyod ang Nakahihigit na Daan ng Pag-ibig

12. Anong “nakahihigit na daan” ang tinutukoy ni Pablo?

12 Tinularan ni apostol Pablo si Kristo. Yamang maingat niyang sinundan ang mga yapak ni Kristo, hindi nag-alangan si Pablo na himukin ang kaniyang mga kapatid na tularan siya. (1 Cor. 11:1) Bagaman hinimok niya ang mga Kristiyano sa Corinto na patuloy na hanapin nang may kasigasigan ang mga kaloob ng espiritu noong unang siglo​—gaya ng pagpapagaling at pagsasalita ng mga wika​—ipinakita ni Pablo na may mas mabuting bagay na dapat itaguyod. Sa 1 Corinto 12:31, sinabi niya: “Gayunma’y ipakikita ko sa inyo ang isang nakahihigit na daan.” Makikita sa sumunod na mga talata na ang tinutukoy niya ay ang nakahihigit na daan ng pag-ibig. Bakit kaya ito nakahihigit? Inilarawan ni Pablo ang ibig niyang sabihin. (Basahin ang 1 Corinto 13:1-3.) Kung mayroon siyang pantanging mga kakayahan at nakagawa ng kahanga-hangang mga bagay pero wala namang pag-ibig, ano ang silbi niya? Wala! Sa tulong ng espiritu ng Diyos, malinaw niyang naitawid ang napakahalagang puntong ito. Oo, naidiin niya ang kahalagahan ng pag-ibig!

13. (a) Ano ang taunang teksto sa 2010? (b) Bakit masasabing hindi kailanman nabibigo ang pag-ibig?

13 Ipinaliwanag ni Pablo sa sumunod na mga talata kung ano ang kahulugan at di-kahulugan ng pag-ibig. (Basahin ang 1 Corinto 13:4-8.) Tingnan natin ngayon kung talaga nga bang nagpapakita tayo ng pag-ibig. Suriin natin ang huling parirala sa talata 7 at ang unang pangungusap sa talata 8: ‘Binabata ng pag-ibig ang lahat ng bagay. Hindi ito kailanman nabibigo,’ na siyang taunang teksto sa 2010. Pansinin na sa talata 8, sinabi ni Pablo na ang mga kaloob ng espiritu, kasama na ang panghuhula at pagsasalita ng mga wika​—na ginamit noong bagong tatag pa lamang ang kongregasyong Kristiyano​—ay aalisin. Mawawala ang mga ito. Pero mananatili ang pag-ibig. Si Jehova mismo ang personipikasyon ng pag-ibig, at siya’y walang hanggan. Kaya ang pag-ibig ay hindi kailanman mabibigo, o magwawakas. Mananatili magpakailanman ang katangiang ito ng ating walang-hanggang Diyos.​—1 Juan 4:8.

Binabata ng Pag-ibig ang Lahat ng Bagay

14, 15. (a) Paano makakatulong sa atin ang pag-ibig para mabata ang mga pagsubok? (b) Bakit hindi nakipagkompromiso ang isang kabataang brother?

14 Bakit nakapagbabata ang mga Kristiyano sa harap ng mga pagsubok, mahihirap na kalagayan, at problema? Pangunahin nang dahil sa pag-ibig na salig sa simulain. Higit pa sa materyal na mga bagay ang kayang isakripisyo ng ganitong pag-ibig. Dahil sa pag-ibig na ito, handa nating panatilihin ang ating katapatan at ibigay pa nga ang ating buhay alang-alang kay Kristo. (Luc. 9:24, 25) Isip-isipin na lang ang katapatan ng mga Saksing nagdusa sa mga kampong piitan, kampo ng puwersahang pagtatrabaho, at bilangguan noong Digmaang Pandaigdig II at pagkatapos nito.

15 Magandang halimbawa ang Saksing kabataang Aleman na si Wilhelm. Sa halip na makipagkompromiso, nanatili siyang tapat, patayin man siya ng mga Nazi sa pamamagitan ng firing squad. Bago patayin, sumulat siya sa kaniyang pamilya: “Dapat nating ibigin ang Diyos nang higit sa lahat, gaya ng iniutos ng ating Lider na si Jesu-Kristo. Kung maninindigan tayo, gagantimpalaan niya tayo.” Nang maglaon, ganito ang isinulat ng isang kapamilya niya sa isang artikulo ng Bantayan: “Sa lahat ng pinagdaanan ng aming pamilya, sinikap naming unahin ang pag-ibig sa Diyos.” Ganiyan din ang saloobin ng maraming kapatid na nakakulong ngayon sa Armenia, Eritrea, Timog Korea, at iba pang bansa. Napananatiling matibay ng mga kapatid na ito ang kanilang pag-ibig kay Jehova.

16. Ano ang nabata ng mga kapatid natin sa Malawi?

16 Sa maraming lugar, nasubok din ang pananampalataya at pagbabata ng ating mga kapatid. Sa loob ng 26 na taon, nabata ng mga Saksi ni Jehova sa Malawi ang pagbabawal ng gobyerno, matinding pag-uusig, at iba pang kalupitan. Ginantimpalaan ang kanilang pagbabata. Nang magsimula ang pag-uusig, mga 18,000 ang Saksi sa bansang iyon. Makalipas ang 30 taon, dumami nang mahigit dalawang ulit ang kanilang bilang​—38,393. Ganiyan din ang nangyari sa ibang bansa.

17. Ano ang napapaharap sa ilang kapatid na may mga kapamilyang di-Saksi? Paano sila nakapagbabata?

17 Mahirap kapag harapang sinasalakay ang bayan ng Diyos. Pero mas mahirap kapag sinasalansang ang isang Kristiyano ng kaniya mismong mga kapamilya o malapit na kamag-anak. Hindi ba’t inihula ito ni Jesus? Oo, at marami na ang nakaranas nito. (Mat. 10:35, 36) May mga tin-edyer na sinasalansang ng kanilang di-Saksing mga magulang. May mga pinalayas pa nga sa kanilang bahay, pero kinupkop naman sila ng mababait na kapatid. Ang iba ay itinakwil ng kanilang mga magulang. Paano nakapagbata ang mga kapatid na iyon? Hindi lamang dahil sa pag-ibig nila sa mga kapatid kundi, higit sa lahat, dahil sa kanilang tunay na pag-ibig kay Jehova at sa kaniyang Anak.​—1 Ped. 1:22; 1 Juan 4:21.

18. Paano makakatulong sa mag-asawang Kristiyano ang pag-ibig na nagbabata ng lahat ng bagay?

18 Marami pang ibang sitwasyon kung saan kailangan ang pag-ibig na nagbabata ng lahat ng bagay. Kung may pag-ibig sa isa’t isa ang mag-asawa, masusunod nila ang utos ni Jesus: “Ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” (Mat. 19:6) Kapag dumaranas ng “kapighatian sa kanilang laman,” dapat tandaan ng mag-asawang Kristiyano na si Jehova ay mahalagang bahagi ng kanilang pagsasama. (1 Cor. 7:28) Sinasabi ng kaniyang Salita na ‘binabata ng pag-ibig ang lahat ng bagay.’ Kapag may ganitong pag-ibig ang mag-asawa, titibay ang kanilang pagsasama at hindi sila maghihiwalay.​—Col. 3:14.

19. Ano ang nakikita sa bayan ng Diyos sa panahon ng likas na kasakunaan?

19 Tinutulungan tayo ng pag-ibig na mabata ang lahat ng bagay sa panahon ng likas na kasakunaan. Nakita ito nang magkaroon ng lindol sa gawing timog ng Peru at nang hagupitin ng Bagyong Katrina ang gawing timog-silangan ng Estados Unidos. Marami sa mga kapatid natin ang nawalan ng tirahan o mga ari-arian. Pag-ibig ang nagpakilos sa mga kongregasyon sa buong daigdig na magpadala ng tulong. May mga nagboluntaryo para itayong muli ang mga bahay at kumpunihin ang mga Kingdom Hall. Pinatutunayan nito ang pag-ibig at pagmamalasakit ng mga kapatid sa isa’t isa, sa lahat ng panahon at sa anumang pagkakataon.​—Juan 13:34, 35; 1 Ped. 2:17.

Ang Pag-ibig ay Hindi Kailanman Nabibigo

20, 21. (a) Bakit nakahihigit ang halaga ng pag-ibig? (b) Bakit determinado kang itaguyod ang daan ng pag-ibig?

20 Nakikita natin ngayon sa bayan ni Jehova ang kahalagahan ng pagtataguyod ng nakahihigit na daan ng pag-ibig. Talagang kapaki-pakinabang ito sa lahat ng pagkakataon. Pansinin kung paano idiniin ni apostol Pablo ang puntong iyan. Una, binanggit niya na ang mga kaloob ng espiritu ay lilipas at ang kongregasyong Kristiyano ay hindi mananatiling baguhan kundi susulong tungo sa pagkamaygulang. Pagkatapos, sinabi niya: “Gayunman, ngayon ay nananatili ang pananampalataya, pag-asa, pag-ibig, ang tatlong ito; ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay pag-ibig.”​—1 Cor. 13:13.

21 Sa hinaharap, magkakatotoo na ang mga bagay na sinasampalatayanan natin, kaya hindi na natin kailangan ang pananampalataya sa mga ito. Hindi na rin kailangan ang pag-asa sa mga pangakong pinananabikan nating matupad kapag naging bago na ang lahat ng bagay. Kumusta naman ang pag-ibig? Hindi ito kailanman mabibigo, o magwawakas. Ito ay mananatili. Dahil mabubuhay tayo magpakailanman, tiyak na marami pa tayong matututuhan tungkol sa pag-ibig ng Diyos. Kung gagawin natin ang kalooban ng Diyos at itataguyod ang nakahihigit na daan ng pag-ibig na hindi kailanman nabibigo, maaari tayong manatili magpakailanman.​—1 Juan 2:17.

Paano Mo Sasagutin?

• Bakit tayo dapat mag-ingat laban sa maling pag-ibig?

• Ano ang mababata natin nang dahil sa pag-ibig?

• Bakit masasabing hindi kailanman nabibigo ang pag-ibig?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Blurb sa pahina 27]

Ang taunang teksto sa 2010 ay: ‘Binabata ng pag-ibig ang lahat ng bagay. Hindi ito kailanman nabibigo.’​—1 Cor. 13:7, 8.

[Larawan sa pahina 25]

Pag-ibig sa Diyos ang nag-uudyok sa atin na magpatotoo

[Larawan sa pahina 26]

Pag-ibig na hindi nabibigo ang tumulong sa mga kapatid sa Malawi na mabata ang mga pagsubok