Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nakarating ang Bibliya sa Big Red Island

Nakarating ang Bibliya sa Big Red Island

Nakarating ang Bibliya sa Big Red Island

ANG Madagascar na kilala rin bilang Big Red Island, mga 400 kilometro mula sa timog-silangang baybayin ng Aprika, ay ikaapat na pinakamalaking isla sa mundo. Matagal nang alam ng mga tagaroon ang pangalang Jehova, dahil mahigit 170 taon na nilang nababasa sa mga salin ng Bibliya sa wikang Malagasy ang pangalan ng Diyos. Ang pagsasalin ng Bibliya sa wikang ito ay isang kuwento ng tiyaga at dedikasyon.

Ang pagsisikap na isalin ang Bibliya sa wikang Malagasy ay nagsimula sa kalapít na isla ng Mauritius. Noong 1813, naisip ni Sir Robert Farquhar, Britanong gobernador ng Mauritius, na isalin ang mga Ebanghelyo sa wikang ito. Hinimok niya si Radama I, hari ng Madagascar, na mag-anyaya ng mga guro mula sa London Missionary Society (LMS).

Noong Agosto 18, 1818, dumating sa daungang lunsod ng Toamasina ang dalawang misyonerong Welsh na sina David Jones at Thomas Bevan mula sa Mauritius. Nakita nilang napakarelihiyoso ng mga taga-Madagascar​—importante sa kanila ang mga tradisyon at pagsamba sa mga ninuno. Maganda ang wika nila na pangunahin nang nagmula sa Malayo-Polynesiano.

Di-nagtagal matapos makapagbukas ng isang maliit na paaralan, isinama na nina Jones at Bevan sa Toamasina ang kani-kanilang asawa at mga anak mula sa Mauritius. Pero nakalulungkot, nagkasakit ng malarya ang buong grupo, at namatay ang asawa at anak ni Jones noong Disyembre 1818. Pagkalipas ng dalawang buwan, namatay naman ang buong pamilyang Bevan. Si David Jones na lang ang natira.

Hindi nakapigil kay Jones ang trahedyang iyon. Determinado siyang isalin ang Salita ng Diyos para sa mga taga-Madagascar. Nang bumalik siya sa Mauritius para magpagaling, matiyagang pinag-aralan ni Jones ang wikang Malagasy. Di-nagtagal, inihanda na niya ang pagsasalin ng Ebanghelyo ni Juan.

Noong Oktubre 1820, bumalik si Jones sa Madagascar. Nanirahan siya sa kabisera, sa Antananarivo, at nagtayo ng isang paaralan. Kulang na kulang sila sa gamit. Wala silang libro, blackboard, o mga desk. Pero napakaganda ng kanilang kurikulum, at sabik na sabik matuto ang mga bata.

Makalipas ang mga pitong-buwang pagtatrabahong mag-isa, dumating ang misyonerong si David Griffiths, ang bagong makakasama ni Jones kapalit ni Bevan. Nagsunog ng kilay ang dalawang misyonerong ito para maisalin ang Bibliya sa wikang Malagasy.

Nagsimula ang Pagsasalin

Noong unang mga taon ng dekada ng 1820, ang tanging paraan ng pagsulat sa Madagascar ay tinatawag na sorabe​—mga salitang Malagasy na isinulat sa titik Arabe. Kakaunti lang ang nakakabasa nito. Kaya nakipag-usap ang mga misyonero kay Haring Radama I, at pumayag naman siyang gamitin ang alpabetong Romano kapalit ng sorabe.

Nagsimula ang pagsasalin noong Setyembre 10, 1823. Isinalin ni Jones ang Genesis at Mateo; Exodo at Lucas naman ang kay Griffiths. Wala silang kapaguran. Bukod sa pagsasalin, maghapon din silang nagtuturo. Naghahanda rin sila at nagbibigay ng sermon sa tatlong wika. Pero pinakaimportante pa rin sa kanila ang pagsasalin.

Sa tulong ng 12 estudyante, naisalin ng dalawang misyonero ang buong Griegong Kasulatan at maraming aklat ng Hebreong Kasulatan sa loob lang ng 18 buwan. Nang sumunod na taon, natapos ang pagsasalin ng buong Bibliya. Siyempre, kailangan pa itong iwasto at pagandahin. Kaya dalawang eksperto sa wika, sina David Johns at Joseph Freeman, ang ipinadala mula sa Inglatera para tumulong.

Pagharap sa mga Hadlang

Nang matapos ang proyekto, ipinadala ng LMS si Charles Hovenden para buuin sa Madagascar ang kauna-unahan nitong makinang pang-imprenta. Dumating si Hovenden noong Nobyembre 21, 1826. Pero nagkamalarya siya at namatay wala pang isang buwan pagkarating niya. Sino na kaya ang bubuo at magpapatakbo ng makina? Nang sumunod na taon, isang bihasang manggagawang taga-Scotland, si James Cameron, ang nakabuo sa makina sa tulong ng manwal na nakita nila sa makinaryang ito. Pagkatapos ng paulit-ulit na pag-eeksperimento, naimprenta ni Cameron ang isang bahagi ng Genesis kabanata 1 noong Disyembre 4, 1827. *

Nagkaroon ng isa pang hadlang nang mamatay si Radama I noong Hulyo 27, 1828. Napakalaking tulong ni Haring Radama sa proyekto ng pagsasalin. Sinabi noon ni David Jones: “Napakabait at napakadaling lapitan ni Haring Radama. Isa siyang masugid na tagapagtaguyod ng edukasyon.” Para sa hari, mas mahalaga ang edukasyon kaysa sa ginto at pilak. Pero pumalit sa kaniya ang asawa niyang si Ranavalona I, na hindi interesado sa pagsasalin.

Di-nagtagal pagkaupo ng reyna sa trono, hiniling sa kaniya ng isang bisitang taga-Inglatera na makausap siya tungkol sa proyekto. Tumanggi ang reyna. Minsan naman, nang sabihin ng mga misyonero sa reyna na marami pa silang gustong ituro sa mga tao, pati na ang wikang Griego at Hebreo, sinabi nito: “Hindi ako interesado sa wikang Griego at Hebreo. Ang gusto kong malaman ay kung matuturuan n’yo ang mga sakop ko ng mas kapaki-pakinabang na mga bagay, gaya ng paggawa ng sabon.” Sa pag-aalalang baka sila pauwiin nang hindi natatapos ang Bibliyang Malagasy, hiniling ni Cameron na bigyan siya ng isang linggo para pag-isipan ang sinabi ng reyna.

Nang sumunod na linggo, nagbigay si Cameron sa mga mensahero ng reyna ng dalawang maliit na sabong gawa sa lokal na mga materyales. Dahil dito at sa iba pang proyektong pambayan na ginawa ng mga misyonero, natuwa ang reyna at nagkaroon sila ng pagkakataong ilimbag ang buong Bibliya maliban sa ilang aklat ng Hebreong Kasulatan.

Nasorpresa at Nabigo

Bagaman noong una’y hindi sinuportahan ng reyna ang mga misyonero, nakakasorpresa ang naging pasiya niya noong Mayo 1831. Payag na siyang bautismuhan ang kaniyang mga sakop bilang mga Kristiyano! Pero hindi ito nagtagal. Ayon sa A History of Madagascar, “dahil sa dami ng nagpapabautismo, nabahala ang mga konserbatibo sa palasyo kung kaya kinumbinsi nila ang reyna na ang pangungumunyon ay katumbas na rin ng panunumpa ng katapatan sa Britanya.” Kaya pinahinto ang pagbabautismo sa mga Kristiyano sa pagtatapos ng 1831, anim na buwan lamang matapos itong ipahintulot.

Dahil walang paninindigan ang reyna at lumalakas ang impluwensiya ng mga pulitikong tutol sa pagbabago, sinikap ng mga misyonero na maimprenta ang Bibliya sa lalong madaling panahon. Naimprenta na ang Kristiyanong Griegong Kasulatan, at libu-libong kopya ang naipamahagi. Pero noong Marso 1, 1835, nagkaroon na naman ng problema nang ipagbawal ni Reyna Ranavalona I ang Kristiyanismo at iutos na isuko sa mga awtoridad ang lahat ng aklat ng mga Kristiyano.

Dahil sa utos na ito ng reyna, hindi na makakatulong ang mga estudyanteng taga-Madagascar sa pag-iimprenta. Kaya iilang misyonero na lang ang tumapos sa trabaho. Maghapon at magdamag silang nag-iimprenta hanggang sa matapos ang buong Bibliya noong Hunyo 1835. Sa wakas, nagkaroon na rin ng Bibliyang Malagasy!

Sa panahon ng pagbabawal, agad na ipinakalat ang mga Bibliya, at 70 kopya naman ang ibinaon sa lupa upang maingatan. Tamang-tama ito dahil wala pang isang taon, dalawang misyonero na lang ang natira sa isla. Pero patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos sa Big Red Island.

Minahal ng mga Taga-Madagascar ang Bibliya

Tuwang-tuwa ang mga taga-Madagascar na mabasa ang Salita ng Diyos sa sarili nilang wika! May ilang pagkakamali sa salin, at makaluma na ang mga salita roon. Gayunpaman, halos lahat ng bahay ay may Bibliya, at regular itong binabasa ng maraming taga-Madagascar. Kapansin-pansin ang madalas na paggamit ng pangalan ng Diyos na Jehova sa saling ito sa buong Hebreong Kasulatan. Sa orihinal na mga kopya, makikita rin ang pangalan ng Diyos sa Griegong Kasulatan. Kaya alam ng karamihan sa mga taga-Madagascar ang pangalan ng Diyos.

Nang imprentahin ang unang mga kopya ng Griegong Kasulatan, nakita ng nagpapatakbo ng makina na si Mr. Baker ang tuwa ng mga taga-Madagascar at sinabi niya: “Hindi naman sa nanghuhula ako, pero sa tingin ko’y mapapaukit na sa bansang ito ang salita ng Diyos.” Totoo naman ang sinabi niya. Kahit ang malarya o ang hamon sa pag-aaral ng isang mahirap na wika, ni ang pagbabawal ng reyna, ay hindi naging hadlang. Oo, nakarating ang Salita ng Diyos sa Madagascar.

Mas maganda pa ngayon ang sitwasyon. Bakit? Noong 2008, inilabas ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Malagasy. Napakalaking pagsulong nito dahil makabago at madaling maunawaan ang pagkakasalin. Kaya naman lalong nag-ugat ang Salita ng Diyos sa Big Red Island.​—Isa. 40:8.

[Talababa]

^ par. 14 Ang Sampung Utos at ang Panalangin ng Panginoon, na ginawa sa Mauritius noong mga Abril/Mayo 1826, ang kauna-unahang mga bahagi ng Bibliya na inilimbag sa wikang Malagasy. Pero ang nabigyan lang ng kopya ay ang pamilya ni Haring Radama at ilang opisyal ng gobyerno.

[Larawan sa pahina 31]

Ang “Bagong Sanlibutang Salin” sa wikang Malagasy ay nagpaparangal sa pangalan ng Diyos na Jehova