Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tamang Pangmalas sa Alak

Tamang Pangmalas sa Alak

Tamang Pangmalas sa Alak

IBA sana ang naging buhay ni Tony, na nabanggit sa naunang artikulo, kung tinanggap lamang niya na may problema siya sa pag-inom. Pero dahil tila hindi siya nalalasing kahit marami na siyang naiinom, akala niya kontrolado niya ang kaniyang sarili. Bakit mali ang kaniyang akala?

Kasi hindi siya nakapag-iisip nang tama dahil sa labis na pag-inom ng alak. Batid man ni Tony o hindi, ang utak​—ang sangkap na kumokontrol sa kaniyang katawan, isip, at damdamin​—ay hindi na gumagana nang maayos dahil sa labis na alak. Habang mas marami siyang naiinom, mas nahihirapan ang kaniyang utak na kontrolin ang mga ito.

Ang pangalawang dahilan kung bakit ganoon mag-isip si Tony ay dahil ayaw niyang ihinto ang pag-inom. Dati ikinakaila ni Allen, na binanggit sa mga naunang artikulo, na may problema siya sa pag-inom ng alak. “Itinatago ko ang aking pag-inom,” inamin niya, “at nagdadahilan ako at pinalalabas na hindi naman ako malakas uminom. Isa lang ang gusto ko​—ituloy ang aking pag-inom.” Kahit na nakikita ng iba na kontrolado na ng alak ang buhay nina Tony at Allen, patuloy nilang sinasabi sa kanilang sarili na wala namang problema. Kailangan nilang kumilos upang makontrol ang kanilang pag-inom. Ngunit paano?

Kumilos!

Sinunod ng maraming huminto sa pag-abuso sa alak ang pananalita ni Jesus: “Ngayon, kung ang kanang mata mong iyan ay nagpapatisod sa iyo, dukitin mo ito at itapon mula sa iyo. Sapagkat higit na kapaki-pakinabang sa iyo na isa sa iyong mga sangkap ang mawala sa iyo kaysa ang buong katawan mo ang ihagis sa Gehenna.”​—Mateo 5:29.

Sabihin pa, hindi itinuturo ni Jesus na pinsalain natin ang ating katawan. Sa halip, idiniriin niya sa makasagisag na paraan na dapat ay handa nating alisin sa ating buhay ang anumang makapipinsala sa ating kaugnayan sa Diyos. Totoo, hindi ito madaling gawin pero ito ang tutulong sa atin na makaiwas sa pag-abuso sa alak. Kaya kapag may nakipag-usap sa atin tungkol sa labis na pag-inom, kumilos upang makontrol ito. * Kung hindi mo ito kayang kontrolin, ihinto mo ito. Napakahirap man, kailangan mong gawin iyan para hindi masira ang iyong buhay.

Hindi ka man alkoholiko, medyo malakas ka bang uminom ng alak? Kung gayon, ano ang magagawa mo para magkaroon ka ng tamang pangmalas sa alak?

Mga Tulong

1. Magtiwala sa kapangyarihan ng madalas at taos-pusong panalangin. Ganito ang payo ng Bibliya sa lahat ng gustong palugdan ang Diyos na Jehova: “Sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:6, 7) Ano ang maaari mong ipanalangin para magkaroon ng kapayapaan ng isip?

Aminin mo na may problema ka sa pag-inom ng alak dahil ikaw rin naman ang makalulutas nito. Kung sasabihin mo sa Diyos na gusto mong madaig ang problema sa alak, pagpapalain niya ang iyong pagsisikap. “Siyang nagtatakip ng kaniyang mga pagsalansang ay hindi magtatagumpay, ngunit siyang nagtatapat at nag-iiwan ng mga iyon ay pagpapakitaan ng awa.” (Kawikaan 28:13) Sinabi ni Jesus na maaari din nating ipanalangin: “Huwag mo kaming dalhin sa tukso, kundi iligtas mo kami mula sa isa na balakyot.” (Mateo 6:13) Paano mo maiaayon ang iyong gagawin sa mga panalangin mo, at saan mo masusumpungan ang mga sagot sa iyong mga pagsusumamo?

2. Kumuha ng lakas mula sa Salita ng Diyos. “Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas . . . at may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.” (Hebreo 4:12) Maraming dating malakas uminom ang natulungan ng pagbabasa at pagbubulay-bulay ng Bibliya araw-araw. “Maligaya ang taong hindi lumalakad sa payo ng mga balakyot,” ang isinulat ng may takot sa Diyos na salmista, “kundi ang kaniyang kaluguran ay sa kautusan ni Jehova, at sa kaniyang kautusan ay nagbabasa siya nang pabulong araw at gabi. . . . Ang lahat ng kaniyang gawin ay magtatagumpay.”​—Awit 1:1-3.

Ganito ang sinabi ni Allen na nadaig ang pag-abuso sa alak dahil sa pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, “Kumbinsido ako na kung hindi dahil sa Bibliya at mga simulain dito na tumulong sa akin na maihinto ang pag-inom, patay na sana ako.”

3. Linangin ang pagpipigil sa sarili. Binanggit sa Bibliya na ang mga dating lasenggo bago naging bahagi ng kongregasyong Kristiyano ay nilinis na “sa espiritu ng ating Diyos.” (1 Corinto 6:9-11) Paano? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng pagpipigil sa sarili, isang katangian na nalilinang sa tulong ng banal na espiritu ng Diyos. Ito ang nakatulong sa kanila na ihinto ang paglalasing at walang-taros na pagsasaya. “Huwag kayong magpakalasing sa alak, kung saan may kabuktutan, kundi patuloy kayong mapuspos ng espiritu.” (Efeso 5:18; Galacia 5:21-23) Nangako si Jesu-Kristo na “ang Ama sa langit ay magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya.” Kaya “patuloy na humingi, at ibibigay ito sa inyo.”​—Lucas 11:9, 13.

Malilinang ng mga nagnanais sumamba kay Jehova ang pagpipigil sa sarili sa pamamagitan ng pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya at madalas na pananalanging nagmumula sa puso. Sa halip na padaig sa pagkasira ng loob, magtiwala sa pangakong ito na nasa Salita ng Diyos: “Siyang naghahasik may kinalaman sa espiritu ay mag-aani ng buhay na walang hanggan mula sa espiritu. Kaya huwag tayong manghihimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam, sapagkat sa takdang kapanahunan ay mag-aani tayo kung hindi tayo manghihimagod.”​—Galacia 6:8, 9.

4. Pumili ng mabubuting kasama. “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.” (Kawikaan 13:20) Sabihin sa iyong mga kaibigan na determinado kang kontrolin ang iyong pag-inom. Pero nagbababala ang Salita ng Diyos na kapag inihinto mo na ang “mga pagpapakalabis sa alak, mga walang-taros na pagsasaya, [at] mga paligsahan sa pag-inom,” ang iyong dating mga kasamahan ay ‘magtataka at patuloy na magsasalita nang may pang-aabuso tungkol sa iyo.’ (1 Pedro 4:3, 4) Makabubuting putulin ang pakikisama sa mga taong sumisira ng iyong determinasyong kontrolin ang iyong pag-inom.

5. Magtakda ng limitasyon. “Huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.” (Roma 12:2) Kung hahayaan mong ang mga simulain sa Salita ng Diyos ang tumulong sa iyo na magtakda ng limitasyon sa halip na ang iyong mga kasamahan o ang “sistemang ito ng mga bagay,” ang iyong paraan ng pamumuhay ay magiging kalugud-lugod sa Diyos. Pero paano mo matitiyak kung hanggang saan ang iyong limitasyon?

Kung ang dami ng alak na iyong nainom ay nakaaapekto na sa iyong pag-iisip, labis na iyon. Kaya kung iinom ka, magtakda ng tiyak na limitasyon. Huwag mong dayain ang iyong sarili. Makatutulong ito sa iyo na matiyak na katamtaman lamang ang iyong iinumin.

6. Matutong magsabi ng hindi. “Ang inyo lamang salitang Oo ay mangahulugang Oo, ang inyong Hindi, Hindi.” (Mateo 5:37) Kapag inalok kang uminom ng alak ng mabait pero mapilit na nag-anyaya sa iyo, magalang siyang tanggihan. “Ang inyong pananalita nawa ay laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin, upang malaman kung paano kayo dapat magbigay ng sagot sa bawat isa.”​—Colosas 4:6.

7. Humingi ng tulong. Hilingin ang tulong ng mapagmalasakit na mga kaibigang magpapatibay sa iyong determinasyong kontrolin ang iyong pag-inom at magbibigay sa iyo ng espirituwal na tulong. “Ang dalawa ay mas mabuti kaysa sa isa, sapagkat sila ay may mabuting gantimpala dahil sa kanilang pagpapagal. Sapagkat kung mabuwal ang isa sa kanila, maibabangon ng isa pa ang kaniyang kasama.” (Eclesiastes 4:9, 10; Santiago 5:14, 16) Ganito rin ang payo ng National Institute on Alcohol Abuse and Alcoholism sa Estados Unidos: “Maaaring mahirap kung minsan na kontrolin ang pag-inom ng alak. Hingin ang tulong ng iyong pamilya at mga kaibigan para magawa ito.”

8. Gawin mo ang iyong pasiya. “Maging mga tagatupad kayo ng salita, at hindi mga tagapakinig lamang, na nililinlang ang inyong sarili sa pamamagitan ng maling pangangatuwiran. Ngunit siya na nagmamasid sa sakdal na kautusan na nauukol sa kalayaan at nananatili rito, ang taong ito, sa dahilang siya ay hindi isang tagapakinig na malilimutin kundi isang tagatupad ng gawain, ay magiging maligaya sa paggawa niya nito.”​—Santiago 1:22, 25.

Paglaya sa Pagkasugapa

Hindi lahat ng malakas uminom ay nagiging alkoholiko. Pero ang ilan na nagsimulang uminom ng maraming alak​—o madalas​—ay naging sugapa rito. Hinahanap-hanap ng kanilang katawan at isip ang matatapang na sangkap ng alak, kaya kailangan nila ng higit na determinasyon at espirituwal na tulong para makalaya sa pagkasugapa sa alak. “Napakahirap ng pinagdaanan ko nang ihinto ko ang pag-inom ng alak,” ang naalaala ni Allen. “Noon ko naisip na kailangan ko ring magpatingin sa doktor bukod pa sa espirituwal na tulong na tinatanggap ko.”

Maraming mahilig uminom ng alak ang kailangang magpagamot bukod pa sa espirituwal na tulong para makalaya sa pag-abuso sa alak. * Naospital pa nga ang ilan dahil sa matitinding sakit na kaugnay ng paghinto sa pag-inom ng alak. Umiinom naman ng gamot ang ilan para mabawasan ang kanilang paghahanap sa alak upang hindi na gustuhin pang tumikim nito. Ganito ang sinabi ng mapaghimalang Anak ng Diyos: “Yaong malalakas ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi yaong mga may karamdaman.”​—Marcos 2:17.

Mga Pakinabang ng Pagsunod sa Utos ng Diyos

Ang matalinong payo ng Bibliya tungkol sa alak ay nagmula sa tunay na Diyos, na walang ibang hinangad kundi ang pinakamabuti para sa atin​—hindi lamang sa ngayon kundi pati sa hinaharap. Pagkalipas ng 24 na taon mula nang ihinto ni Allen ang pag-inom ng alak, ganito ang sinabi niya: “Ang sarap ng pakiramdam na nagawa kong magbago, at na gusto ni Jehova na tulungan akong magbago, at na . . . ” napahinto si Allen dahil naiiyak siya habang naaalaala ang nakaraan. “Ah, . . . na nauunawaan at nagmamalasakit si Jehova at naglalaan siya ng kinakailangang tulong​—iyan ay walang katulad.”

Kaya kung kontrolado ng alak ang iyong buhay, huwag agad sumuko o isiping wala nang pag-asa. Ganiyan din ang naranasan ni Allen at ng marami pang iba. Nakontrol nila o naihinto pa nga ang kanilang pag-inom ng alak. Hindi nila ito pinagsisihan; hindi mo rin ito pagsisisihan.

Piliin mo mang uminom ng alak nang katamtaman o hindi na uminom pa, makabubuting sundin ang maibiging pagsamo ng Diyos: “O kung magbibigay-pansin ka lamang sana sa aking mga utos! Ang iyong kapayapaan nga ay magiging gaya ng ilog, at ang iyong katuwiran ay magiging gaya ng mga alon sa dagat.”​—Isaias 48:18.

[Mga talababa]

^ par. 7 Tingnan ang kahong  “Kontrolado ba ng Alak ang Buhay Mo?” sa pahina 8.

^ par. 24 Makakatulong ang maraming rehabilitation center, ospital, at programa sa pagpapagaling. Ang Bantayan ay hindi nagrerekomenda ng anumang partikular na paggamot. Dapat maingat na suriin ng bawat isa kung anong paggamot ang pipiliin niya at saka gumawa ng pasiya na hindi salungat sa mga simulain ng Bibliya.

[Kahon/Larawan sa pahina 8]

 Kontrolado ba ng Alak ang Buhay Mo?

Maaari mong tanungin ang iyong sarili:

• Mas marami na ba ang naiinom kong alak?

• Dumadalas na ba ang aking pag-inom?

• Mas matapang na ba ang iniinom kong alak?

• Dinadaan ko ba sa pag-inom ang aking stress o problema?

• Kinausap na ba ako ng isang kaibigan o kapamilya tungkol sa aking pag-inom?

• Naging problema na ba sa bahay, trabaho, o bakasyon ang aking pag-inom?

• Makatatagal ba ako ng isang linggo nang hindi umiinom ng alak?

• Naaasiwa ba ako sa mga ayaw uminom ng alak?

• Inililihim ko ba sa iba ang dami ng naiinom kong alak?

Kung oo ang sagot mo sa isa o higit pang mga tanong, baka kailangan mong gumawa ng hakbang para makontrol ang iyong pag-inom ng alak.

[Kahon/Larawan sa pahina 9]

Matalinong Pagpapasiya Tungkol sa Alak

Isaalang-alang ang mga sumusunod bago uminom ng alak:

Tama bang uminom ako ng alak, o dapat ko itong iwasan?

Mungkahi: Dapat na iwasan ng isang tao ang pag-inom ng alak kung hindi niya ito kayang limitahan.

Gaano karami ang dapat kong inuming alak?

Mungkahi: Alamin mo kung gaano karami ang kaya mong inumin nang hindi naaapektuhan ang iyong pag-iisip.

Kailan ako dapat uminom ng alak?

Mungkahi: Huwag uminom ng alak bago magmaneho o kapag kailangan mong maging alisto; kapag sasamba at maglilingkod sa Diyos; kapag buntis; kapag may iniinom kang ilang gamot.

Saan ako dapat uminom?

Mungkahi: Huwag uminom sa mga kuwestiyunableng lugar; huwag itago ang pag-inom; huwag uminom sa harap ng mga taong di-pabor sa pag-inom.

Sino ang dapat kong kasama kapag umiinom ng alak?

Mungkahi: Mga kaibigan o kapamilya; hindi mga taong may problema sa pag-inom.

[Kahon/Larawan sa pahina 10]

Natulungan ng Salita ng Diyos ang Isang Dating Manginginom

Malakas uminom ng alak si Rantsan na taga-Thailand. * Noong una, sa gabi lang siya umiinom. Unti-unti, umiinom na rin siya sa umaga at nang maglaon, pati sa tanghali. Madalas, umiinom siya para malasing. Pero nakipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Nang matutuhan niyang ayaw ng Diyos na Jehova ang paglalasing, tumigil si Rantsan sa pag-inom. Pero pagkalipas ng ilang panahon, bumalik siya sa pag-inom. Labis na nalungkot ang kaniyang pamilya.

Gayunman, mahal pa rin ni Rantsan si Jehova at gusto niya siyang sambahin sa tamang paraan. Patuloy na tinulungan si Rantsan ng kaniyang mga kaibigan. Hinimok nila ang pamilya ni Rantsan na maglaan ng panahon sa kaniya at huwag susuko sa pagtulong sa kaniya. Noong panahong iyon, nakatulong kay Rantsan ang tuwirang pananalita sa 1 Corinto 6:10 na ‘ang mga lasenggo ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos’ para makita na dapat niyang seryosohin ang kaniyang kalagayan. Naunawaan niya na kailangan niyang magsikap nang husto para maihinto ang kaniyang problema sa pag-inom.

Ngayon, determinado na si Rantsan na lubusang itigil ang kaniyang pag-inom ng alak. Nang maglaon, tumibay ang kaugnayan ni Rantsan sa Diyos at napagtagumpayan niya ang kaniyang problema sa alak sa tulong ng banal na espiritu ng Diyos, Salita ng Diyos, at ng kaniyang pamilya at kongregasyon. Tuwang-tuwa ang kaniyang pamilya nang ialay niya ang kaniyang sarili sa Diyos at magpabautismo. Ngayon ay may malapít nang kaugnayan sa Diyos si Rantsan gaya ng matagal na niyang inaasam. Ginagamit niya ang kaniyang panahon para tulungan ang iba na maging malapít din sa Diyos.

[Talababa]

^ par. 60 Binago ang pangalan.