Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Kristiyano Noong Unang Siglo

Ang Kanilang mga Tirahan

Ang Kanilang mga Tirahan

“Hindi ko ipinagkait . . . ang pagtuturo sa inyo nang hayagan at sa bahay-bahay.”​—GAWA 20:20.

PAGPASOK sa malaking pintuang-daan, bubungad ang isang lunsod noong unang-siglo. Gaya ng maraming lunsod, ito ay nasa burol. Mula sa malayo, matatanaw ang mataas na bahagi ng lunsod. Maraming magarbong puting bahay ang may mga napapaderang hardin na nasisinagan ng araw. Ito ang lugar ng mayayaman. Sa ibaba ng burol, makikita ang mas maraming bahay na iba-iba ang laki at hugis. Nakahilera sa tabi ng lansangang bato ang bahay ng mga mangangalakal at mga may-ari ng lupain. Ang mga ito ay matataas at yari sa bato. Sa gawing ibaba pa ng burol, nakatira ang mahihirap. Maliliit, simple, at parang kahon ang mga bahay na siksikan sa makikitid na iskinita o sa palibot ng looban.

Habang naglalakad ka sa mataong lansangan, magkakaideya ka sa kanilang pang-araw-araw na gawain dahil sa iyong naririnig at naaamoy. Nakakagutom ang amoy ng niluluto ng mga babae. Naririnig mo ang ingay ng mga hayop at ng mga batang naglalaro. Ang mga lalaki naman ay abalang nagtatrabaho sa kanilang maingay at mabahong gawaan.

Sa mga bahay na ito umiikot ang buhay araw-araw ng mga pamilyang Kristiyano. Ito rin ang dako kung saan sila sumasamba at natututo tungkol sa Diyos.

Ang Maliliit na Bahay Gaya ng mga bahay sa ngayon, iba-iba ang laki at hitsura ng tirahan ayon sa lokasyon at kabuhayan ng pamilya. Ang maliit na bahay (1) ay isa lamang makitid at madilim na silid na siyang tirahan ng buong pamilya. Maraming maliit na bahay ang yari sa laryong putik na pinatuyo sa araw. Ang iba naman ay yari sa tinibag na bato. Karaniwan nang bato ang pundasyon ng mga bahay na ito.

Ang mga dingding sa loob ay pinalitadahan at ang sahig ay nilatagan ng bato kaya kailangan itong laging imantini. May isang maliit na butas sa bubong o sa dingding na labasan ng usok kapag sila ay nagluluto. Makikita lamang sa loob ng bahay ang mga kasangkapang kailangan nila.

Ang bubong na luwad ay nakapatong sa mga sanga, tambo, at tahilan na nakapatong naman sa mga bigang sinusuhayan ng mga poste. Pagkatapos ay pinapalitadahan ito upang hindi tumulo ang tubig sa kisame. Mula sa labas ng bahay, maaakyat ang bubong gamit ang isang hagdan.

Bagaman ganito ang bahay ng mga Kristiyano, kaayaaya naman ito. Dahil kahit mahirap sila, maligaya naman sila at mayaman sa espirituwal.

Mga Bahay ng May-kaya sa Buhay Ang malaki at dalawang-palapag na mga bahay na bato (2) ng may-kaya sa buhay ay may silid para sa bisita. (Marcos 14:13-16; Gawa 1:13, 14) Ang malaking silid sa itaas ay maaaring gamitin para sa mga pagtitipon at kadalasan ding ginagamit kapag may kapistahan. (Gawa 2:1-4) Ang mga bahay na ito at ang mas malalaking bahay (3) ng mga mangangalakal at may-ari ng lupain ay yari sa mga bloke ng batong-apog, na hinahaluan ng argamasa para tumibay. Ang sahig na nilatagan ng bato at ang dingding sa loob ay pinalitadahan; ang mga dingding sa labas ay pininturahan ng puti.

Sa loob ng bahay ay may hagdan papunta sa mga silid sa itaas at sa bubong. Lahat ng bubong ay patag at may halang upang walang mahulog o maaksidente. (Deuteronomio 22:8) Kapag mainit ang panahon, maaaring gumawa ng pansamantalang masisilungan sa bubong para mag-aral, magbulay-bulay, manalangin, o magpahinga.​—Gawa 10:9.

Ang matitibay na bahay na ito, na kadalasan nang tinutuluyan ng mga kamag-anak, ay may malalaking silid na maaaring gawing sala, silid-tulugan, at malaking kusina at kainan.

Mas Magagarbong Bahay Ang mga bahay na istilong Romano (4) ay iba-iba ang laki, disenyo, at yari. May maluluwang na silid na nakapalibot sa isang malaking silid-kainan (triclinium), kung saan nagsasama-sama ang pamilya. Ang ilang bahay ay may ikalawa o ikatlong palapag (5) o may mga napapaderang hardin.

Ang mas magagarbong bahay ay baka mayroon pang magagandang muwebles na ang ilan ay may garing at ginto. Ang mga ito ay mayroon ding gripo at paliguan. Ang mga sahig ay maaaring yari sa kahoy o makukulay na marmol, at ang mga dingding ay may entrepanyong sedro. Baga ang ginagamit na pampainit. Ang mga bintana ay may sala-salang kahoy para sa seguridad, at may kurtina para hindi makita ang loob ng bahay. Ang pasamano ng bintana sa makakapal na dingding na bato ay ginagawang upuan.​—Gawa 20:9, 10.

Anuman ang laki o yari ng kanilang bahay, ang unang-siglong mga Kristiyano ay mapagpatuloy at bukas-palad. Kaya hindi nahihirapan ang mga naglalakbay na tagapangasiwa ng kongregasyong Kristiyano na makakita ng matutuluyan hanggang matapos ang kanilang ministeryo sa lunsod o bayang iyon.​—Mateo 10:11; Gawa 16:14, 15.

“Tahanan Nina Simon at Andres” Si Jesus ay malugod na pinatuloy sa “tahanan nina Simon at Andres.” (Marcos 1:29-31) Ang bahay ng mga mangingisdang ito ay maaaring isa sa maliliit at siksikang bahay (6) sa palibot ng isang looban na nilatagan ng bato.

Ang mga pinto at bintana ng mga bahay na ito ay nakaharap sa looban, kung saan ginagawa ang kanilang mga gawain sa araw-araw, kasali na ang pagluluto, paghuhurno, paggiling ng binutil, at pagsasama-sama at kainan.

Ang mga bahay sa Capernaum na isa lamang palapag ay yari sa di-tinabas na batong-bulkan. Sa pamamagitan ng hagdan sa labas, maaakyat ang patag na bubong na yari sa luwad o tisa na nakapatong sa mga tambo at tahilang nakapatong naman sa mga biga. (Marcos 2:1-5) Ang sahig sa loob ay nilatagan ng mga bato na kadalasan nang pinapatungan ng hinabing mga banig.

Tabi-tabing bahay ang makikita sa kahabaan ng mga lansangan at iskinita sa baybayin ng Dagat ng Galilea. Tamang-tama ang lugar ng Capernaum para sa mga mangingisda.

“Sa Bahay-bahay” Sa kabuuan, iba-iba ang bahay ng mga Kristiyano noong unang siglo​—mula sa bahay na may isang silid at yari sa laryong putik hanggang sa malalaki at magagarbong bahay na bato.

Hindi lamang isang kanlungan para sa pamilya ang mga bahay na iyon. Dito rin sila natututo tungkol sa Diyos at sumasamba bilang isang pamilya. Nagtitipun-tipon sila sa mga pribadong bahay para mag-aral ng Kasulatan at makipagsamahan sa mga kapananampalataya. Ikinakapit nila ang kanilang natututuhan sa kanilang mga bahay sa napakahalaga nilang gawain, ang pangangaral at pagtuturo “sa bahay-bahay” sa mga sakop ng Roma.​—Gawa 20:20.