Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Naipagbangong-Puri ang Pamamahala ng Diyos!

Naipagbangong-Puri ang Pamamahala ng Diyos!

Naipagbangong-Puri ang Pamamahala ng Diyos!

“Ang Kataas-taasan ay Tagapamahala sa kaharian ng mga tao.”​—DAN. 4:17.

1, 2. Ano ang ilang dahilan ng pagkabigo ng pamamahala ng tao?

BIGO ang pamamahala ng tao! Hindi na ito dapat pag-alinlanganan. Ang pangunahing dahilan ay ang kakulangan ng tao sa karunungan. Lalo nang kitang-kita ngayon ang kabiguan ng pamahalaan ng tao dahil napakaraming tagapamahala ang ‘maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mapagmapuri sa sarili, palalo, di-matapat, hindi bukás sa anumang kasunduan, maninirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, mabangis, walang pag-ibig sa kabutihan, mapagkanulo, at mapagmalaki.’​—2 Tim. 3:2-4.

2 Tinanggihan noon ng ating unang mga magulang ang pamamahala ng Diyos. Sa paggawa nito, inakala nilang natamo na nila ang kalayaan. Pero ang totoo, napasailalim lang sila sa pamamahala ni Satanas. Ang anim-na-libong-taóng pamamahala ng tao​—na lubhang naiimpluwensiyahan ng “tagapamahala ng sanlibutang ito,” si Satanas​—ay nagsadlak sa atin sa pinakamasaklap na kalagayan sa buong kasaysayan ng tao. (Juan 12:31) May kinalaman sa kalagayan natin sa ngayon, sinabi ng The Oxford History of the Twentieth Century na walang mararating ang “paghahanap sa isang perpektong daigdig.” Ipinaliwanag nito: “Bukod sa imposible itong matagpuan, ang pagsisikap na matamo ito ay hahantong lamang sa kapahamakan, totalitaryanismo, at sa pinakamalagim na digmaan.” Isa nga itong tahasang pag-amin na bigo ang pamamahala ng tao!

3. Paano kaya namahala ang Diyos kung hindi nagkasala sina Adan at Eva?

3 Nakapanghihinayang na tinanggihan ng ating unang mga magulang ang tanging pamamahalang tiyak na magtatagumpay​—ang pamamahala ng Diyos! Siyempre pa, hindi natin eksaktong masasabi kung paano talaga mamamahala si Jehova sa lupa kung nanatiling tapat sina Adan at Eva. Pero nakatitiyak tayong ang pamamahala ng Diyos, na tinatanggap ng lahat ng tao, ay uugitan ng pag-ibig at kawalang-pagtatangi. (Gawa 10:34; 1 Juan 4:8) Dahil sa walang-kapantay na karunungan ng Diyos, makatitiyak din tayo na kung nanatili lamang ang tao sa ilalim ng pamamahala ni Jehova, naiwasan sana ang lahat ng pagkakamaling nagawa ng mga tagasuporta ng pamamahala ng tao. ‘Nasasapatan sana ng pamamahala ng Diyos ang nasa ng bawat bagay na may buhay.’ (Awit 145:16) Sa maikli, isa sana itong sakdal na pamamahala. (Deut. 32:4) Talagang nakapanghihinayang!

4. Hanggang saan pinahihintulutang mamahala si Satanas?

4 Magkagayunman, makabubuti ring alalahanin na bagaman pinahintulutan ni Jehova ang mga tao na pamahalaan ang kanilang sarili, hindi niya kailanman isinuko ang karapatan niyang mamahala sa kaniyang mga nilalang. Maging ang makapangyarihang hari ng Babilonya ay napilitang umamin na talagang “ang Kataas-taasan [ang] Tagapamahala sa kaharian ng mga tao.” (Dan. 4:17) Sa dakong huli, magaganap ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang Kaharian. (Mat. 6:10) Oo, pansamantalang pinahintulutan ni Jehova si Satanas na maging “diyos ng sistemang ito ng mga bagay” upang maliwanag na masagot ang mga isyung ibinangon ng mananalansang na iyon. (2 Cor. 4:4; 1 Juan 5:19) Pero kailanman, hindi makalampas si Satanas sa limitasyong ibinigay ni Jehova. (2 Cro. 20:6; ihambing ang Job 1:11, 12; 2:3-6.) At palaging may mga indibiduwal na mas gustong magpasakop sa Diyos, kahit nabubuhay sila sa isang sanlibutang pinamamahalaan ng mortal na Kaaway ng Diyos.

Ang Pamamahala ng Diyos sa Israel

5. Ano ang ipinangako ng Israel sa Diyos?

5 Mula noong panahon ni Abel hanggang sa panahon ng mga patriyarka, may mga tapat na indibiduwal na sumamba kay Jehova at sumunod sa kaniyang mga utos. (Heb. 11:4-22) Noong 1513 B.C.E., sa panahon ni Moises, nakipagtipan si Jehova sa mga anak ng patriyarkang si Jacob, at sila ang naging bansang Israel. Nangako sila at ang kanilang mga inapo na kikilalanin nila si Jehova bilang Tagapamahala na sinasabi: “Ang lahat ng sinalita ni Jehova ay handa naming gawin.”​—Ex. 19:8.

6, 7. Paano namahala ang Diyos sa Israel?

6 May layunin si Jehova sa pagpili sa mga Israelita na maging bayan niya. (Basahin ang Deuteronomio 7:7, 8.) Ito’y hindi lamang para sa kapakanan ng mga Israelita. Para din ito sa pangalan at soberanya ng Diyos, na siyang higit na mahalaga. Ang Israel ay magsisilbing saksi sa katotohanang si Jehova ang tanging tunay na Diyos. (Isa. 43:10; 44:6-8) Kaya naman sa pamamagitan ni Moises, sinabi ni Jehova sa bansang iyon: “Ikaw ay isang banal na bayan kay Jehova na iyong Diyos, at pinili ka ni Jehova upang maging kaniyang bayan, isang pantanging pag-aari, mula sa lahat ng mga bayan na nasa ibabaw ng lupa.”​—Deut. 14:2.

7 Makonsiderasyon ang pamamahala ng Diyos sa mga Israelita dahil alam niyang hindi sila sakdal. Magkagayunman, ang kaniyang mga kautusan ay sakdal at nasasalamin dito ang mga katangian ng Tagapagbigay nito. Ang mga utos ni Jehova na ibinigay sa pamamagitan ni Moises ay maliwanag na nagdiriin na ang Diyos ay banal, maibigin sa katarungan, handang magpatawad, at matiisin. Nang maglaon, noong panahon ni Josue at ng kaniyang henerasyon, ang bansa ay sumunod sa mga utos ni Jehova at nagtamasa ng kapayapaan at espirituwal na mga pagpapala. (Jos. 24:21, 22, 31) Nakita sa panahong iyon ng kasaysayan ng Israel ang tagumpay ng pamamahala ni Jehova.

Ang Kabayaran ng Pagpili sa Pamamahala ng Tao

8, 9. Ano ang hiniling ng Israel? Ano ang masamang resulta nito?

8 Gayunman, sa paglipas ng panahon, ang mga Israelita ay madalas na hindi nagpapasakop sa pamamahala ng Diyos kung kaya nawala sa kanila ang kaniyang proteksiyon. Nang maglaon, sa pamamagitan ni propeta Samuel, humiling ang Israel ng isang taong hari. Sinabi ni Jehova kay Samuel na ibigay ang kanilang hinihiling. Pero sinabi rin Niya: “Hindi ikaw ang itinatakwil nila, kundi ako ang itinatakwil nila mula sa pagiging hari sa kanila.” (1 Sam. 8:7) Bagaman pinahintulutan ni Jehova ang mga Israelita na magkaroon ng nakikitang hari, binabalaan niya sila na ang pagpili sa pamamahala ng tao ay may kabayaran.​—Basahin ang 1 Samuel 8:9-18.

9 Nakita sa kasaysayan na totoo nga ang babala ni Jehova. Dahil taong hari ang namamahala, nagkaroon ng malulubhang problema ang mga Israelita, lalo na kapag di-tapat ang kanilang hari. Sa nangyaring iyon sa Israel, hindi na dapat pagtakhan kung hindi man nakapagbibigay ng permanenteng ginhawa ang pamahalaan ng mga taong hindi nakakakilala kay Jehova. Oo nga’t may mga pulitikong nakikiusap sa Diyos na pagpalain sana ang kanilang pagsisikap na matamo ang kapayapaan at katiwasayan, pero paano sila pagpapalain ng Diyos kung hindi naman sila nagpapasakop sa kaniyang pamamahala?​—Awit 2:10-12.

Isang Bagong Bansa sa Ilalim ng Pamamahala ng Diyos

10. Bakit pinalitan ang Israel bilang piniling bansa ng Diyos?

10 Talagang ayaw ng bansang Israel na maglingkod nang tapat kay Jehova. Nang maglaon, itinakwil nito ang Mesiyas na hinirang ng Diyos, kaya itinakwil din ito ni Jehova at nilayong palitan ng isang grupo ng mga taong bubuo ng isang bagong bansa. Noong 33 C.E., naitatag ang kongregasyong Kristiyano ng mga pinahirang mananamba ni Jehova. Sa diwa, ang kongregasyong iyon ay naging isang bagong bansa sa ilalim ng pamamahala ni Jehova. Tinawag ito ni Pablo na “Israel ng Diyos.”​—Gal. 6:16.

11, 12. Ano ang pagkakatulad ng Israel at ng “Israel ng Diyos” kung tungkol sa pangangasiwa?

11 Ang orihinal na bansang Israel at ang bagong “Israel ng Diyos” ay may mga pagkakaiba, pero may mga pagkakatulad din naman. Di-gaya ng sinaunang Israel, ang kongregasyong Kristiyano ay walang taong hari at hindi na nito kailangang maghandog ng mga haing hayop para sa mga makasalanan. Ang isang pagkakatulad naman nila ay ang kaayusan sa matatandang lalaki. (Ex. 19:3-8) Ang Kristiyanong matatandang lalaking ito ay hindi namamanginoon sa kawan. Sa halip, nagpapastol sila sa kongregasyon at masigasig na nangunguna sa mga gawaing Kristiyano. Mapagmahal sila sa bawat isa sa kongregasyon, anupat pinakikitunguhan ang lahat nang may karangalan at dangal.​—2 Cor. 1:24; 1 Ped. 5:2, 3.

12 Kapag binubulay-bulay ng mga miyembro ng “Israel ng Diyos” at ng kasama nilang “ibang mga tupa” ang pakikitungo ng Diyos sa Israel, higit nilang napahahalagahan si Jehova at ang kaniyang pamamahala. (Juan 10:16) Makikita sa kasaysayan na malaki ang impluwensiya ng mga taong tagapamahala ng Israel sa kanilang mga sakop, sa ikabubuti man o sa ikasasama. Idiniriin nito sa mga nangunguna sa mga Kristiyano na, bagaman hindi sila mga tagapamahalang gaya ng mga hari noon, dapat na palagi silang nagpapakita ng magandang halimbawa ng pananampalataya.​—Heb. 13:7.

Paano Namamahala si Jehova sa Ngayon?

13. Anong napakahalagang pangyayari ang naganap noong 1914?

13 Sa ngayon, inihahayag ng mga Kristiyano na malapit nang magwakas ang pamamahala ng tao. Noong 1914, itinatag ni Jehova ang kaniyang Kaharian sa langit sa ilalim ng pamamahala ng kaniyang hinirang na Hari, si Jesu-Kristo. Ipinagkaloob niya noon kay Jesus ang awtoridad na ‘manaig at lubusin ang kaniyang pananaig.’ (Apoc. 6:2) Sinabi sa bagong-luklok na Hari: “Manupil ka sa gitna ng iyong mga kaaway.” (Awit 110:2) Kaya lang, ang mga bansa ay paulit-ulit na tumangging magpasakop sa pamamahala ni Jehova. Patuloy silang gumagawi na para bang “walang Jehova.”​—Awit 14:1.

14, 15. (a) Paano tayo pinamamahalaan ng Kaharian ng Diyos sa ngayon? Anu-ano ang dapat nating itanong sa ating sarili? (b) Paano nakikitang nakahihigit ang pamamahala ng Diyos maging sa ngayon?

14 May ilan pang nalalabing pinahirang miyembro ng “Israel ng Diyos,” at bilang mga kapatid ni Jesus, patuloy sila sa pagiging “mga embahador na humahalili para kay Kristo.” (2 Cor. 5:20) Sila’y hinirang bilang uring tapat at maingat na alipin para mangalaga at maglaan ng espirituwal na pagkain sa mga pinahiran at sa lumalaking pulutong na binubuo ngayon ng milyun-milyong Kristiyano na may pag-asang mabuhay sa lupa magpakailanman. (Mat. 24:45-47; Apoc. 7:9-15) Kitang-kitang pinagpapala ni Jehova ang kaayusang iyan dahil sa espirituwal na kasaganaang tinatamasa ng mga tunay na mananamba sa ngayon.

15 Makabubuting tanungin ang ating sarili: ‘Alam na alam ko ba ang mga pananagutan ko sa loob ng kongregasyong Kristiyano? Sinusuportahan ko ba ang pamamahala ni Jehova sa wastong paraan? Ikinararangal ko ba na ako’y sakop ng Kaharian ni Jehova? Determinado ba akong patuloy na sabihin sa iba ang tungkol sa Kaharian ng Diyos sa abot ng aking makakaya?’ Bilang isang grupo, handa tayong magpasakop sa tagubilin ng Lupong Tagapamahala at makipagtulungan sa hinirang na mga elder sa kongregasyon. Sa gayon, ipinakikita nating tinatanggap natin ang pamamahala ng Diyos. (Basahin ang Hebreo 13:17.) Ang ganitong pagpapasakop ay nagbubunga ng pandaigdig na pagkakaisa na ibang-iba sa nababahaging daigdig na ito. Nagdudulot din ito ng kapayapaan at katuwiran at lumuluwalhati kay Jehova anupat ipinakikitang wala nang hihigit pa sa kaniyang pamamahala.

Tagumpay ang Pamamahala ni Jehova

16. Ano ang pagpapasiyahan ng bawat isa sa ngayon?

16 Napakalapit nang malutas ang mga isyung ibinangon noon sa Eden. Kaya ngayon na ang panahon ng pagpapasiya. Bawat isa’y dapat magpasiya kung tatanggapin niya ang pamamahala ni Jehova o manghahawakan siya sa pamamahala ng tao. Pribilehiyo nating tulungan ang maaamo na makapagpasiya nang tama. Sa dumarating na Armagedon, permanente nang papalitan ng pamamahala ni Jehova ang pamamahala ng tao na iniimpluwensiyahan ni Satanas. (Dan. 2:44; Apoc. 16:16) Magwawakas na ang pamamahala ng tao, at mamamahala naman sa buong lupa ang Kaharian ng Diyos. Oo, lubusan nang maipagbabangong-puri ang pamamahala ni Jehova.​—Basahin ang Apocalipsis 21:3-5.

17. Ano ang makatutulong sa maaamo na makapagpasiya nang tama may kinalaman sa pamamahala?

17 Para sa mga hindi pa makapagpasiya kung papanig sila kay Jehova, dapat na may-pananalangin nilang pag-isipan ang mga kapakinabangang idudulot sa mga tao ng pamamahala ng Diyos. Hindi nalutas ng pamamahala ng tao ang krimen, kasali na ang terorismo. Aalisin ng pamamahala ng Diyos ang lahat ng masasama sa lupa. (Awit 37:1, 2, 9) Ang pamamahala ng tao ay humantong sa walang-katapusang digmaan, pero ‘patitigilin ng pamamahala ng Diyos ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa.’ (Awit 46:9) Aba, ibabalik pa nga ng pamamahala ng Diyos ang kapayapaan sa pagitan ng tao at ng hayop! (Isa. 11:6-9) Sa pamamahala ng tao, hindi nawawala ang hirap at gutom, pero aalisin ito ng pamahalaan ng Diyos. (Isa. 65:21) Maganda man ang intensiyon ng mga tagapamahalang tao, hindi pa rin nila kayang alisin ang sakit at kamatayan; pero sa pamamahala ng Diyos, ang matatanda at maysakit ay babalik sa lakas ng kanilang kabataan. (Job 33:25; Isa. 35:5, 6) Sa katunayan, magiging paraiso ang lupa at bubuhayin pa nga roon ang mga patay.​—Luc. 23:43; Gawa 24:15.

18. Paano natin maipakikitang naniniwala tayo na ang pamamahala ng Diyos ang pinakamagaling?

18 Oo, aalisin ng pamamahala ng Diyos ang lahat ng pinsalang idinulot ni Satanas nang udyukan niya ang ating unang mga magulang na talikuran ang kanilang Maylalang. At pag-isipan ito, mga 6,000 taon nang namiminsala si Satanas, pero sa pamamagitan ni Kristo, aalisin ng Diyos ang lahat ng pinsalang iyon sa loob lang ng 1,000 taon! Isa ngang matibay na ebidensiya na talagang nakahihigit ang pamamahala ng Diyos! Bilang mga Saksi ng ating Diyos, kinikilala natin siya bilang ating Tagapamahala. Kaya ipakita natin sa bawat araw at oras ng ating buhay na tayo’y mga mananamba ni Jehova at sakop ng kaniyang Kaharian, at na ikinararangal nating maging mga Saksi niya. Samantalahin natin ang bawat pagkakataon na sabihin sa sinumang makikinig na wala nang hihigit pa sa pamamahala ni Jehova.

May Kinalaman sa Pamamahala ng Diyos, Ano ang Natutuhan Natin sa . . .

Deuteronomio 7:7, 8?

1 Samuel 8:9-18?

Hebreo 13:17?

Apocalipsis 21:3-5?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 29]

Hindi kailanman isinuko ni Jehova ang karapatan niyang mamahala

[Larawan sa pahina 31]

Ang pagpapasakop sa pamamahala ni Jehova ay nagbubunga ng pandaigdig na pagkakaisa