Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tanong ng mga Mambabasa

Kaya ba ng Lupa na Patuloy na Sustinihan ang Ating Buhay?

Kaya ba ng Lupa na Patuloy na Sustinihan ang Ating Buhay?

▪ Kayang-kaya ng ating magandang planeta, ang Lupa, na sustinihan ang buhay. Gayunman, dahil sa pagdami ng tao at nakababahalang bilis ng paggamit ng mga tao sa saganang likas na yaman ng lupa, baka maitanong mo: ‘Magkakaroon kaya lagi ng sapat na pagkain at likas na yaman ang lupa para sustinihan ang ating buhay?’

Habang pinag-iisipang mabuti ang tanong na ito, makatitiyak tayo sa pangako ng Diyos sa sangkatauhan mahigit 4,000 taon na ang nakalilipas: “Sapagkat sa lahat ng mga araw na ang lupa ay nananatili, ang paghahasik ng binhi at pag-aani, at ang lamig at init, at ang tag-araw at taglamig, at ang araw at gabi, ay hindi maglilikat.” (Genesis 8:22) Kaya, kung paanong nakatitiyak tayo na sisikat ang araw sa bawat araw, makatitiyak din tayong patuloy na susustinihan ng lupa ang pangangailangan natin para mabuhay.

Sa isang report noong 2004 na pinamagatang “Can the Planet Feed Us?” ganito ang sinabi ni Alex Kirby, isang reporter tungkol sa kapaligiran: “Kayang pakanin ng lupa ang lahat. Pero ang pagkain ay kadalasan nang nasa maling lugar, o napakamahal, o hindi puwedeng maimbak nang matagal. Kaya ang pagtiyak na may sapat na pagkain para sa lahat ay isang usaping pulitikal, hindi makasiyensiya.” Kung mapangangasiwaan nang tama at gagamitin sa mahusay na paraan ang lupa at likas na yaman nito, walang dahilan para matakot na magkakaroon ng kakapusan. Halimbawa, noong panahon ng sinaunang Israel, nagbigay ang Diyos ng malinaw na tagubilin hinggil sa wastong paggamit ng lupa. Ayon sa Levitico 25:4, sinabi ng Diyos sa mga Israelita: “Sa ikapitong taon ay magkakaroon ng isang sabbath ng lubusang kapahingahan para sa lupain . . . Ang iyong bukid ay huwag mong hahasikan ng binhi.” Bagaman hindi nila dapat sakahin ang lupa tuwing ikapitong taon, nangako ang Diyos na titiyakin niyang magagalak ang bayan sa masaganang ani at hindi sila dapat mag-alala na baka kapusin sila sa pagkain.​—Levitico 26:3-5.

Sa kabila ng taimtim na pagsisikap ng ilan sa ngayon na lutasin ang pinsalang nagawa ng tao sa lupa at sa likas na yaman nito, marami pa rin ang nababahala na ang gayong pagsisikap ay wala nang magagawa pa at huli na. Ang tanging permanenteng lunas ay mababasa sa Apocalipsis 11:18. Binabanggit doon ng Bibliya na ‘ipapahamak ni Jehova yaong mga nagpapahamak sa lupa.’ Tinitiyak din ni Jehova sa atin na magluluwal ang lupa ng saganang ani para sa lahat ng naninirahan dito. Aalisin ng Diyos ang lahat ng sadyang nagwawalang-bahala sa kaniyang layunin at pahihintuin ang lahat ng pag-abuso sa lupa dahil sa kasakiman. Sa kabilang panig naman, mararanasan ng mga kusang sumusuporta sa pamamahala ni Jehova ang katuparan ng sinasabi sa Awit 72:16: “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw.”

Dahil sa kaniyang walang-hanggang pag-ibig at karunungan, nilayon ni Jehova na manirahan at pangalagaan ng sangkatauhan ang kanilang tahanan​—ang paraisong lupa. (Genesis 1:28) Sa ilalim ng kaniyang pamamahala, matututuhan ng masunuring sangkatauhan kung paano gagamitin sa matalinong paraan ang likas na mga yaman ng lupa, nang hindi inuubos ang saganang suplay nito. Kaylaki nga ng pasasalamat natin sa ating maibiging Tagapaglaan, na siyang sasapat sa nasa ng bawat bagay na may buhay!​—Awit 145:16.

[Blurb sa pahina 22]

“Ang pagtiyak na may sapat na pagkain para sa lahat ay isang usaping pulitikal, hindi makasiyensiya”