Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Kawan, Isang Pastol

Isang Kawan, Isang Pastol

Isang Kawan, Isang Pastol

“Kayo na sumunod sa akin ay uupo rin mismo sa labindalawang trono, na hahatol sa labindalawang tribo ng Israel.”​—MAT. 19:28.

1. Paano pinakitunguhan ni Jehova ang mga inapo ni Abraham, at bakit hindi naman ito nangangahulugang binale-wala na niya ang lahat ng iba pang tao?

MAHAL ni Jehova si Abraham, kaya naman nagpakita siya ng tapat na pag-ibig sa mga inapo nito. Sa loob ng mahigit 15 siglo, itinuring niya ang bansang Israel, na nagmula kay Abraham, bilang kaniyang piniling bayan, ang kaniyang “pantanging pag-aari.” (Basahin ang Deuteronomio 7:6.) Nangangahulugan ba ito na binale-wala na ni Jehova ang mga tagaibang bansa? Hindi naman. Ang mga di-Israelitang gustong sumamba noon kay Jehova ay puwede rin namang makisama sa kaniyang pantanging bayan. Ang mga nakumberteng ito, o mga proselita, ay itinuturing na bahagi ng bansa. Dapat silang pakitunguhan na parang mga kapatid. (Lev. 19:33, 34) At obligado silang sumunod sa lahat ng kautusan ni Jehova.​—Lev. 24:22.

2. Ano ang nakakagulat na sinabi ni Jesus, na umaakay sa anong mga tanong?

2 Pero nakakagulat ang sinabi ni Jesus sa mga Judio noon: “Ang kaharian ng Diyos ay kukunin sa inyo at ibibigay sa isang bansang nagluluwal ng mga bunga nito.” (Mat. 21:43) Sino kaya ang bubuo sa bagong bansa, at paano tayo apektado sa ngayon ng pagbabagong ito?

Ang Bagong Bansa

3, 4. (a) Paano ipinakilala ni apostol Pedro ang bagong bansa? (b) Sino ang bumubuo sa bagong bansa?

3 Malinaw na ipinakilala ni apostol Pedro ang bagong bansang ito. Isinulat niya sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano: “Kayo ay ‘isang piniling lahi, isang maharlikang pagkasaserdote, isang banal na bansa, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari, upang ipahayag ninyo nang malawakan ang mga kagalingan’ ng isa na tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.” (1 Ped. 2:9) Gaya ng inihula, ang mga unang miyembro ng bagong bansang ito ay ang likas na mga Judiong tumanggap kay Jesus bilang Mesiyas. (Dan. 9:27a; Mat. 10:6) Nang maglaon, naging kabilang din sa bansang ito ang maraming di-Israelita, yamang sinabi pa ni Pedro: “Dati ay hindi kayo bayan, ngunit ngayon ay bayan na ng Diyos.”​—1 Ped. 2:10.

4 Sino ang kausap dito ni Pedro? Sa simula ng kaniyang liham, sinabi niya: ‘Binigyan tayo ng Diyos ng isang bagong pagsilang tungo sa isang buháy na pag-asa sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo mula sa mga patay, tungo sa isang walang-kasiraan at walang-dungis at walang-kupas na mana. Ito ay nakataan sa langit para sa inyo.’ (1 Ped. 1:3, 4) Kung gayon, ang bagong bansang ito ay binubuo ng mga pinahirang Kristiyano na may makalangit na pag-asa. Sila ang “Israel ng Diyos.” (Gal. 6:16) Sa isang pangitain, nakita ni apostol Juan na ang espirituwal na mga Israelitang ito ay may bilang na 144,000. Sila’y “binili mula sa sangkatauhan bilang mga unang bunga sa Diyos at sa Kordero” para maglingkod bilang “mga saserdote” at ‘mamahala bilang mga hari na kasama ni Jesus sa loob ng isang libong taon.’​—Apoc. 5:10; 7:4; 14:1, 4; 20:6; Sant. 1:18.

May Iba Pa Bang Kabilang?

5. (a) Kanino tumutukoy ang “Israel ng Diyos”? (b) Bakit masasabing ang terminong “Israel” ay puwede ring tumukoy sa iba pang grupo?

5 Kung gayon, maliwanag na tumutukoy lang sa mga pinahirang Kristiyano ang pananalitang “Israel ng Diyos” sa Galacia 6:16. Pero may mga pagkakataon bang ginamit ni Jehova ang bansang Israel para lumarawan sa iba pang mga Kristiyano bukod sa mga pinahiran? Makikita ang sagot sa sinabi ni Jesus sa kaniyang tapat na mga apostol: “Nakikipagtipan ako sa inyo, kung paanong ang aking Ama ay nakipagtipan sa akin, ukol sa isang kaharian, upang kayo ay makakain at makainom sa aking mesa sa kaharian ko, at makaupo sa mga trono upang humatol sa labindalawang tribo ng Israel.” (Luc. 22:28-30) Magaganap ito sa “muling-paglalang,” o panahon ng pagpapanauli, sa Milenyong Paghahari ni Kristo.​—Basahin ang Mateo 19:28.

6, 7. Kanino tumutukoy ang “labindalawang tribo ng Israel” sa Mateo 19:28 at Lucas 22:30?

6 Ang 144,000 ay maglilingkod bilang makalangit na mga hari, saserdote, at hukom sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari. (Apoc. 20:4) Sino ang kanilang hahatulan at pamamahalaan? Sa Mateo 19:28 at Lucas 22:30, sinasabi sa atin na hahatulan nila ang “labindalawang tribo ng Israel.” Kanino lumalarawan ang “labindalawang tribo ng Israel” sa dalawang tekstong ito? Kumakatawan sila sa lahat ng may makalupang pag-asa​—doon sa mga nananampalataya sa hain ni Jesus pero hindi kabilang sa maharlika at makasaserdoteng uri. (Ang makasaserdoteng tribo ni Levi ay hindi kabilang sa listahan ng 12 tribo ng likas na Israel.) Sa mga tekstong ito, ang 12 tribo ng Israel ay lumalarawan sa mga magkakamit ng espirituwal na mga pakinabang mula sa makasaserdoteng paglilingkod ng 144,000. Ang di-makasaserdoteng uring ito ay bayan din ng Diyos, at iniibig niya sila at tinatanggap. Angkop lang na itulad sila sa kaniyang sinaunang bayan.

7 Kaya naman matapos makita ni apostol Juan ang 144,000 espirituwal na Israelita na permanenteng tinatatakan bago ang malaking kapighatian, nakita rin niya ang di-mabilang na ‘malaking pulutong mula sa lahat ng mga bansa.’ (Apoc. 7:9) Ang mga ito ay makaliligtas sa malaking kapighatian at magiging sakop ni Kristo sa kaniyang Milenyong Paghahari. Makakasama nila roon ang bilyun-bilyong bubuhaying muli. (Juan 5:28, 29; Apoc. 20:13) Ang lahat ng ito ang bubuo sa makasagisag na “labindalawang tribo ng Israel” na hahatulan ni Jesus at ng kaniyang 144,000 kasamang tagapamahala.​—Gawa 17:31; 24:15; Apoc. 20:12.

8. Paano inilalarawan ng mga kaganapan sa taunang Araw ng Pagbabayad-Sala ang kaugnayan ng 144,000 at ng iba pa sa sangkatauhan?

8 Ang kaugnayang ito sa pagitan ng 144,000 at ng iba pa sa sangkatauhan ay inilalarawan ng mga kaganapan sa taunang Araw ng Pagbabayad-Sala. (Lev. 16:6-10) Una sa lahat, ang mataas na saserdote ay kailangang maghain ng toro bilang handog ukol sa kasalanan “para sa kaniyang sarili at sa kaniyang sambahayan.” Kaya ang hain ni Jesus ay kumakapit muna sa kaniyang sambahayan​—mga katulong na saserdote​—na makakasama niyang maglingkod sa langit. Gayundin, sa Araw ng Pagbabayad-Sala noon, dalawang kambing ang inilalaan para naman sa mga kasalanan ng iba pang Israelita. Sa kaayusang ito, ang makasaserdoteng tribo ay lumalarawan sa 144,000, at ang iba pang Israelita naman ay sa mga may makalupang pag-asa. Ang pagkakapit na ito ay nagpapakita na ang terminong “labindalawang tribo ng Israel” sa Mateo 19:28 ay tumutukoy, hindi sa inianak-sa-espiritung mga katulong na saserdote ni Jesus, kundi sa lahat ng iba pang sumasampalataya sa hain ni Jesus. *

9. Kanino lumalarawan ang mga saserdote sa pangitain ni Ezekiel? Kanino naman lumalarawan ang mga di-makasaserdoteng Israelita?

9 Narito ang isa pang halimbawa. Si propeta Ezekiel ay binigyan ng isang detalyadong pangitain tungkol sa templo ni Jehova. (Ezek., kab. 40-48) Sa pangitaing iyon, ang mga saserdote ay naglilingkod sa templo, na nagbibigay ng mga tagubilin at tumatanggap ng payo at pagtutuwid mula kay Jehova. (Ezek. 44:23-31) Samantala, ang mga miyembro naman ng iba’t ibang tribo ay dumarating para sumamba at maghandog ng mga hain. (Ezek. 45:16, 17) Kaya dito, ang mga saserdote ay lumalarawan sa mga pinahiran, samantalang ang di-makasaserdoteng mga miyembro ng Israel ay lumalarawan naman sa mga may makalupang pag-asa. Idiniriin sa pangitain na ang dalawang grupong ito ay nagkakaisa sa dalisay na pagsamba, sa pangunguna ng uring saserdote.

10, 11. (a) Anong nakapagpapatibay na katuparan ng mga salita ni Jesus ang nakita natin? (b) Anong tanong ang bumangon tungkol sa ibang mga tupa?

10 May binanggit si Jesus na “ibang mga tupa” na hindi kabilang sa ‘kulungan’ ng “munting kawan” ng mga pinahirang tagasunod niya. (Juan 10:16; Luc. 12:32) Sinabi niya: “Ang mga iyon din ay dapat kong dalhin, at makikinig sila sa aking tinig, at sila ay magiging isang kawan, isang pastol.” Nakapagpapatibay ngang makita ang katuparan ng mga salitang ito! Dalawang grupo ng mga tao ang pinagsama​—ang maliit na grupo ng mga pinahiran at ang malaking pulutong ng ibang mga tupa. (Basahin ang Zacarias 8:23.) Ang ibang mga tupa ay hindi naglilingkod sa pinakaloob na looban ng espirituwal na templo, pero naglilingkod naman sila sa looban sa dakong labas.

11 Yamang ginagamit ni Jehova kung minsan ang di-makasaserdoteng mga miyembro ng sinaunang Israel para lumarawan sa ibang mga tupang ito, dapat din bang makibahagi sa mga emblema ng Memoryal ang mga may makalupang pag-asa? Tatalakayin natin ang sagot sa tanong na ito.

Ang Bagong Tipan

12. Anong bagong kaayusan ang inihula ni Jehova?

12 Inihula ni Jehova ang isang bagong kaayusan para sa kaniyang bayan nang sabihin niya: “Ito ang tipan na ipakikipagtipan ko sa sambahayan ng Israel pagkatapos ng mga araw na iyon . . . Ilalagay ko sa loob nila ang aking kautusan, at sa kanilang puso ay isusulat ko iyon. At ako ang magiging kanilang Diyos, at sila mismo ang magiging aking bayan.” (Jer. 31:31-33) Sa pamamagitan ng bagong tipang ito, magkakaroon ng maluwalhati at walang-hanggang katuparan ang pangako ni Jehova kay Abraham.​—Basahin ang Genesis 22:18.

13, 14. (a) Sino ang makikibahagi sa bagong tipan? (b) Sino ang makikinabang, at paano sila “nanghahawakan” sa bagong tipang ito?

13 Tinukoy ni Jesus ang bagong tipang ito noong gabi bago siya mamatay nang sabihin niya: “Ang kopang ito ay nangangahulugan ng bagong tipan sa bisa ng aking dugo, na siyang ibubuhos alang-alang sa inyo.” (Luc. 22:20; 1 Cor. 11:25) Kasali ba ang lahat ng Kristiyano sa bagong tipang ito? Hindi. Ang ilan, gaya ng mga apostol na uminom sa kopa nang gabing iyon, ay makikibahagi sa bagong tipan. * Gumawa si Jesus ng isa pang tipan sa kanila​—ang mamahalang kasama niya sa kaniyang Kaharian. (Luc. 22:28-30) Samakatuwid, makakasama sila ni Jesus sa kaniyang Kaharian.​—Luc. 22:15, 16.

14 Kumusta naman ang mga mabubuhay sa lupa sa ilalim ng kaniyang Kaharian? Sila ang makikinabang sa bagong tipan. (Gal. 3:8, 9) Bagaman hindi mga kabahagi, “nanghahawakan” sila sa tipang ito sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kahilingan nito, gaya ng inihula ni propeta Isaias: “Ang mga banyaga na lumakip kay Jehova upang maglingkod sa kaniya at umibig sa pangalan ni Jehova, upang maging mga lingkod niya, lahat ng nangingilin ng sabbath upang huwag itong malapastangan at nanghahawakan sa aking tipan, dadalhin ko rin sila sa aking banal na bundok at pagsasayahin ko sila sa loob ng aking bahay-panalanginan.” Saka sinabi ni Jehova: “Sapagkat ang aking sariling bahay ay tatawagin ngang bahay-panalanginan para sa lahat ng mga bayan.”​—Isa. 56:6, 7.

Sino ang Dapat Makibahagi?

15, 16. (a) Ayon kay apostol Pablo, ano ang pribilehiyo ng mga kabahagi sa bagong tipan? (b) Bakit hindi dapat makibahagi sa mga emblema ng Memoryal ang mga may makalupang pag-asa?

15 Ang mga kabahagi sa bagong tipan ay ‘may katapangan para sa daang papasók sa dakong banal.’ (Basahin ang Hebreo 10:15-20.) Sila ang mga “tatanggap . . . ng isang kaharian na hindi mayayanig.” (Heb. 12:28) Kung gayon, tanging ang mga magiging hari at saserdote lang sa langit kasama ni Jesu-Kristo ang dapat uminom sa ‘kopa’ na kumakatawan sa bagong tipan. Ang mga kabahaging ito sa bagong tipan ang ipinangakong ipakakasal sa Kordero. (2 Cor. 11:2; Apoc. 21:2, 9) Ang iba pang dumadalo sa taunang Memoryal ay magagalang na tagamasid lang at hindi nakikibahagi sa mga emblema.

16 May sinabi rin si Pablo na nagpapakita kung bakit hindi nakikibahagi sa mga emblema ng Memoryal ang mga may makalupang pag-asa. Sinabi niya sa mga pinahirang Kristiyano: “Sapagkat sa tuwing kakainin ninyo ang tinapay na ito at iinuman ang kopang ito, patuloy ninyong inihahayag ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa dumating siya.” (1 Cor. 11:26) Kailan ‘darating’ ang Panginoon? Sa panahong kukunin na niya ang pinakahuli sa kaniyang pinahirang uring kasintahang babae para dalhin sa kanilang tirahan sa langit. (Juan 14:2, 3) Maliwanag na may katapusan ang taunang pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon. Ang “mga nalalabi” sa binhi ng babae ay patuloy na makikibahagi sa hapunang ito hanggang sa matanggap na nilang lahat ang kanilang makalangit na gantimpala. (Apoc. 12:17) Pero kung may karapatang makibahagi sa mga emblema ang mga mabubuhay nang walang hanggan sa lupa, magpapatuloy magpakailanman ang Memoryal na ito.

“Sila ay Magiging Aking Bayan”

17, 18. Paano natupad ang hula sa Ezekiel 37:26, 27?

17 Inihula ni Jesus ang pagkakaisa ng kaniyang bayan: “Makikipagtipan ako sa kanila ng isang tipan ng kapayapaan; isang tipan na namamalagi nang walang takda ang siyang sasakanila. At ilalagay ko sila at pararamihin ko sila at ilalagay ko sa gitna nila ang aking santuwaryo hanggang sa panahong walang takda. At ang aking tabernakulo ay mapapasaibabaw nila, at ako nga ang magiging kanilang Diyos, at sila mismo ang magiging aking bayan.”​—Ezek. 37:26, 27.

18 Ang buong bayan ng Diyos ay may pribilehiyong makinabang sa katuparan ng kahanga-hangang pangakong ito, ang tipan ng kapayapaan. Oo, nangako si Jehova na magkakaroon ng kapayapaan sa gitna ng kaniyang masunuring mga lingkod. Makikita sa kanila ang mga bunga ng kaniyang espiritu. Nasa kanila ang kaniyang santuwaryo, na sa hulang ito’y lumalarawan sa dalisay na pagsamba ng mga Kristiyano. Tunay na sila’y naging bayan niya, dahil iniwan na nila ang lahat ng uri ng idolatriya at si Jehova lang ang tanging Diyos na sinasamba nila.

19, 20. Sino ang kabilang sa tinatawag ni Jehova na “aking bayan”? Ano ang naging posible dahil sa bagong tipan?

19 Talagang kapana-panabik masaksihan ang pagkakaisang ito ng dalawang grupo sa ngayon! Bagaman hindi sa langit ang pag-asa ng dumaraming bilang ng malaking pulutong, isang karangalan para sa kanila na makisama sa mga may gayong pag-asa​—ang Israel ng Diyos. Sa paggawa nito, napapabilang sila sa tinatawag ni Jehova na “aking bayan.” Nakikita natin sa kanila ang katuparan ng hulang ito: “Ang maraming bansa ay tiyak na malalakip kay Jehova sa araw na iyon, at sila ay magiging aking bayan; at tatahan ako sa gitna mo.”​—Zac. 2:11; 8:21; basahin ang Isaias 65:22; Apocalipsis 21:3, 4.

20 Sa pamamagitan ng bagong tipan, pinangyari ni Jehova na maging posible ang lahat ng ito. Milyun-milyong espirituwal na banyaga ang naging bahagi ng sinang-ayunang bansa ni Jehova. (Mik. 4:1-5) Determinado silang patuloy na manghawakan sa tipang iyan sa pamamagitan ng pagtanggap at pagsunod sa mga kahilingan nito. (Isa. 56:6, 7) Sa paggawa nito, nagtatamasa sila ng namamalaging kapayapaan kasama ng Israel ng Diyos. Sana’y matamasa mo rin iyan​—ngayon at magpakailanman!

[Mga talababa]

^ par. 8 Sa katulad na paraan, “ang kongregasyon” ay pangunahin nang tumutukoy sa mga pinahiran. (Heb. 12:23) Pero may iba pang kahulugan ang salitang “kongregasyon.” Tumutukoy rin ito sa lahat ng Kristiyano, anuman ang kanilang pag-asa.​—Tingnan Ang Bantayan, Abril 15, 2007, pahina 21-23.

^ par. 13 Si Jesus ang Tagapamagitan sa tipang iyon, hindi kabahagi. Kaya maliwanag na hindi siya nakibahagi sa mga emblema.

Natatandaan Mo Ba?

• Sino ang “labindalawang tribo ng Israel” na hahatulan ng 144,000?

• Ano ang kaugnayan ng mga pinahiran at ng ibang mga tupa sa bagong tipan?

• Dapat bang makibahagi sa mga emblema ng Memoryal ang lahat ng Kristiyano?

• Anong pagkakaisa ang inihulang magaganap sa ngayon?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Graph/Mga larawan sa pahina 25]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Marami ang naglilingkod ngayon kasama ng Israel ng Diyos

1950 | 373,430

1970 | 1,483,430

1990 | 4,017,213

2009 | 7,313,173