Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maling Turo Laban sa Tamang Turo—Ang Katotohanan Tungkol kay Jesus

Maling Turo Laban sa Tamang Turo—Ang Katotohanan Tungkol kay Jesus

Maling Turo Laban sa Tamang Turo​—Ang Katotohanan Tungkol kay Jesus

ANO ANG TINGIN MO SA SUMUSUNOD NA MGA PANGUNGUSAP, TAMA O MALI?

Si Jesus ay isinilang noong Disyembre 25.

Dinalaw si Jesus ng tatlong pantas na lalaki nang ipanganak siya.

Si Jesus ay nag-iisang anak.

Si Jesus ay Diyos sa anyong tao.

Si Jesus ay hindi lamang isang mabuting tao.

MARAMI ang sasagot na tama ang lahat ng pangungusap na ito. Maaari namang sabihin ng iba na mahirap sagutin o imposible pa ngang matiyak ang tamang sagot. Marahil, iniisip nila na basta naniniwala sila kay Jesus, hindi na mahalaga kung ano ang sagot nila.

Pero iba ang sinasabi ng Bibliya. Hinihimok tayo nito na magkaroon ng “tumpak na kaalaman sa ating Panginoong Jesu-Kristo.” (2 Pedro 1:8) Magkakaroon tayo ng kaalamang ito kung susuriin natin ang mga Ebanghelyo. Isinisiwalat nito ang katotohanan tungkol kay Jesus anupat matutukoy natin kung ano ang mali at kung ano ang tama. Kaya isaalang-alang natin kung ano ang sinasabi ng mga Ebanghelyo tungkol sa nabanggit na mga paniniwala.

PANINIWALA: Si Jesus ay isinilang noong Disyembre 25.

SAGOT: MALI.

Walang tuwirang binabanggit ang Bibliya hinggil sa buwan o araw ng kapanganakan ni Jesus. Kung gayon, saan nanggaling ang petsang Disyembre 25? Ayon sa The Encyclopædia Britannica, “nais [ng ilang nag-aangking Kristiyano] na ang petsa ay tumapat sa paganong kapistahang Romano sa panahon . . . ng winter solstice, kung kailan nagiging mas mahaba na muli ang araw kaysa sa gabi at mas mataas ang araw.” Sinabi pa ng reperensiyang iyon na maraming kaugalian hinggil sa Pasko ang nagmula sa “paganong mga pagdiriwang may kaugnayan sa agrikultura at araw kapag kalagitnaan ng taglamig.”

Sang-ayon kaya si Jesus na ipagdiwang ang kaniyang kapanganakan tuwing Disyembre 25? Isipin ito: Hindi alam ang petsa ng kapanganakan ni Jesus. Hindi rin sinasabi ng Bibliya na ipagdiwang ito, ni may anumang ebidensiya na ipinagdiwang ito ng unang mga Kristiyano. Pero binabanggit sa Bibliya ang eksaktong petsa ng kamatayan ni Jesus, at inuutusan niya ang kaniyang mga tagasunod na ipagdiwang ito sa araw na iyon. * (Lucas 22:19) Maliwanag, gusto ni Jesus na alalahanin natin hindi ang kaniyang kapanganakan, kundi ang kaniyang sakripisyong kamatayan.​—Mateo 20:28.

PANINIWALA: Dinalaw si Jesus ng tatlong pantas na lalaki (o hari ayon sa ilang tradisyon) nang ipanganak siya.

SAGOT: MALI.

Marahil nakakita ka ng ipinintang larawan o aktuwal na belen kung saan nakahiga sa isang sabsaban ang sanggol na si Jesus at nasa paligid niya ang tatlong pantas na lalaking may dalang mga regalo. Pero ang paglalarawang ito ay mali.

Totoo na mula sa Silangan ang mga dumalaw at nagbigay-galang sa batang si Jesus. Pero hindi sila mga pantas na lalaki o hari, sila ay mga astrologo. (Mateo 2:1) At sa sabsaban ba nila nakita si Jesus? Hindi; dinalaw nila si Jesus sa bahay mga ilang buwan pagkatapos siyang maipanganak.​—Mateo 2:9-11.

Ilan sila na dumalaw, 2? 3? 30? Walang sinasabi ang Bibliya. Marahil ang bilang na tatlo ay dahil sa tatlong regalo na ibinigay nila. * (Mateo 2:11) Sinasabi pa nga ng ilan na ang bawat isa sa pantas na mga lalaki ay kumakatawan sa iba’t ibang lahi ng tao. Subalit ang ideyang ito ay wala sa Kasulatan. Sa halip, gaya ng sinasabi ng isang komentaryo sa Ebanghelyo, ang turong ito ay gawa-gawa lamang ng “malawak na imahinasyon ng isang istoryador noong ikawalong siglo.”

PANINIWALA: Si Jesus ay nag-iisang anak.

SAGOT: MALI.

Maliwanag na ipinakikita ng mga Ebanghelyo na may mga kapatid si Jesus. Tinukoy ng Ebanghelyo ni Lucas si Jesus bilang “panganay” ni Maria na ang ibig sabihin ay nagkaroon pa ng ibang mga anak si Maria. * (Lucas 2:7) Iniulat ng Ebanghelyo ni Marcos na alam ng ilan sa lunsod ng Nazaret na si Jesus ay may mga kapatid. Nagtanong sila: “Hindi ba ito ang . . . kapatid nina Santiago, Jose, Judas at Simon? Hindi ba narito rin ang mga kapatid niyang babae?”​—Marcos 6:3, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino; Mateo 12:46; Juan 7:5.

Sa kabila ng ulat sa mga Ebanghelyo, naniniwala pa rin ang maraming teologo na si Jesus ay nag-iisang anak. Sinasabi ng ilan na ang binabanggit na mga kapatid ni Jesus ay mga pinsan lamang niya. * Ipinapalagay naman ng iba na ang mga kapatid na ito ay mga anak ni Jose sa ibang babae. Ngunit isaalang-alang ito: Kung si Jesus ay nag-iisang anak ni Maria, sasabihin kaya ng mga taga-Nazaret ang tungkol sa kaniyang mga kapatid? Sabihin pa, malamang na nasaksihan mismo ng ilan sa kanila ang mga pagdadalang-tao ni Maria. Alam nila na si Jesus ay isa sa mga isinilang ni Maria.

PANINIWALA: Si Jesus ay Diyos sa anyong tao.

SAGOT: MALI.

Ang ideya na ang Diyos ay pumarito sa lupa bilang ang taong si Jesus, na saligan ng doktrina ng Trinidad, ay matagal nang pinaniniwalaan​—pero hindi ito nabuo noong panahong narito si Jesus sa lupa. Sa halip, sinasabi ng The Encyclopædia Britannica: “Hindi lumilitaw ang salitang Trinidad, ni ang doktrinang ito sa Bagong Tipan . . . Ang doktrina ay unti-unting nabuo sa loob ng daan-daang taon at sa kabila ng maraming kontrobersiya.”

Ang totoo, winawalang-galang ng relihiyon si Jesus kapag itinuturo nito na siya ay Diyos sa anyong tao. * Paano? Isaalang-alang ang ilustrasyong ito. Ang ilang manggagawa ay may hinihiling sa kanilang superbisor, pero sabi niya, wala siyang awtoridad na ipagkaloob ito. Kung totoo ito, inaamin niya na limitado ang kaniyang awtoridad. Kung hindi naman ito totoo at maibibigay pala niya ang kahilingan pero ayaw lamang niya, nililinlang niya ang mga manggagawa.

Ano ang naging tugon ni Jesus sa kahilingan ng dalawa niyang apostol na naghahangad ng prominenteng posisyon? Sinabi niya sa kanila: “Ang pag-upong ito sa aking kanan at sa aking kaliwa ay hindi sa akin ang pagbibigay, kundi nauukol ito sa kanila na mga pinaghandaan niyaon ng aking Ama.” (Mateo 20:23) Kung Diyos nga si Jesus, hindi ba isang kasinungalingan ang sinabi niyang iyon? Sa halip, nang tukuyin niya ang Isa na may higit na awtoridad, nagpakita si Jesus ng magandang halimbawa ng kapakumbabaan​—na hindi siya kapantay ng Diyos.

PANINIWALA: Si Jesus ay hindi lamang isang mabuting tao.

SAGOT: TAMA.

Sinabi ni Jesus na hindi lamang siya isang mabuting tao. Sinabi niya: “Ako ang Anak ng Diyos.” (Juan 10:36) Oo, maaaring angkinin ng sinuman na siya ang Anak ng Diyos. Pero kung hindi totoo ang sinabi ni Jesus, ano ang maitatawag mo sa kaniya? Isa siyang impostor!

Gayunman, ang Diyos mismo ang nagpatotoo sa sinabing ito ni Jesus. Dalawang beses niyang sinabi tungkol kay Jesus: “Ito ang aking Anak.” (Mateo 3:17; 17:5) Isipin ito: Sa Kasulatan, ilang pagkakataon lamang narinig ang mismong tinig ng Diyos sa lupa, at sa dalawa sa mga ito, tiniyak niya na si Jesus ang kaniyang Anak! Ito ang pinakamatibay na ebidensiya na hindi lamang isang pag-aangkin ang sinabi ni Jesus na siya ang Anak ng Diyos.

Mayroon ka bang nabasa sa artikulong ito na katotohanan tungkol kay Jesus na dati’y hindi mo alam? Kung gayon, bakit hindi mo suriing mabuti ang kinasihang ulat ng mga Ebanghelyo? Ang gayong pag-aaral ay kasiya-siya at kapaki-pakinabang. Sinabi mismo ni Jesus na ang pagkatuto ng katotohanan tungkol sa kaniya at sa kaniyang Ama ay “nangangahulugan ng buhay na walang hanggan.”​—Juan 17:3.

[Mga talababa]

^ par. 13 Namatay si Jesus noong Araw ng Paskuwa, o Nisan 14, ayon sa kalendaryong Judio.​—Mateo 26:2.

^ par. 18 Iniulat ni Mateo na “binuksan” ng mga banyaga “ang kanilang mga kayamanan” at inihandog kay Jesus ang ginto, olibano, at mira. Kapansin-pansin, tamang-tama ang dating ng mamahaling mga regalong iyon, yamang malapit nang mapilitang lumikas ang pamilya ni Jesus na malamang ay mahirap lamang.​—Mateo 2:11-15.

^ par. 21 Si Jesus ay ipinaglihi ni Maria sa makahimalang paraan, samantalang ang iba pang mga anak ni Maria kay Jose ay ipinaglihi sa likas na paraan.​—Mateo 1:25.

^ par. 22 Ang ideyang ito na iginigiit ni Jerome noong mga 383 C.E. ay popular sa mga naniniwala na nanatiling birhen si Maria sa buong buhay niya. Nang maglaon, pinag-alinlanganan ni Jerome ang teoriya niyang ito, pero nanatili pa rin ang ideyang ito sa isipan ng marami at sa paniniwala ng Simbahang Katoliko.

^ par. 26 Para sa detalyadong pagtalakay sa doktrina ng Trinidad, tingnan ang brosyur na Dapat ba Kayong Maniwala sa Trinidad? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon/Larawan sa pahina 14]

Iba Pang Katotohanan na Baka Hindi Mo Pa Alam

Anong uri ng tao si Jesus? Siya ba ay istrikto, walang-malasakit at hindi madaling lapitan, anupat hindi niya nauunawaan ang nadarama ng karaniwang tao? Ang ilan ay maaaring sumagot ng oo. Marahil iyan ang dahilan kaya nagugulat silang malaman na si Jesus ay . . .

• dumalo sa masasayang pagtitipon.​—Juan 2:1-11.

• nagbigay ng komendasyon sa iba.​—Marcos 14:6-9.

• natutuwang makasama ang mga bata.​—Marcos 10:13, 14.

• tumangis sa harap ng ibang tao.​—Juan 11:35.

• nakadama ng habag.​—Marcos 1:40, 41.