Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Ano ang Matututuhan Natin Mula kay Jesus

Tungkol sa Pagsunod sa Kaniya

Tungkol sa Pagsunod sa Kaniya

Kapag nananampalataya ang mga tao kay Jesus, kadalasan nang sinasabi niya: “Maging tagasunod kita.” (Mateo 9:9; 19:21) Ano ang nasasangkot sa pagiging tagasunod ni Jesus, o sa pagiging Kristiyano? Isaalang-alang ang sagot sa tatlong mahahalagang tanong.

Paano mo dapat pakitunguhan ang iba?

▪ Dapat sundin ng isang alagad ni Jesus ang mga tagubilin niya tungkol sa pakikitungo sa iba: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” Paano kung malaman mong may naghihinanakit sa iyo? Sinabi ni Jesus: “Makipag-ayos kang madali sa isa na nagrereklamo . . . laban sa iyo.” Sinabi rin niya sa kaniyang mga tagasunod ang dapat gawin kapag may nakasakit sa kanilang damdamin: “Kung hindi ninyo pinatatawad ang mga tao sa kanilang mga pagkakamali, hindi rin naman patatawarin ng inyong Ama ang inyong mga pagkakamali.”​—Mateo 5:25; 6:15; 7:12.

Ito naman ang payo ni Jesus sa mga may-asawa: “Narinig ninyo na sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo na ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso.” Isinasaisip at isinasapuso ng isang tunay na Kristiyano ang mga turo ni Jesus.​—Mateo 5:27, 28.

Nagsasakripisyo ang mga tunay na Kristiyano upang tumulong sa iba gaya ni Jesus. Halimbawa, sa kanilang nakapapagod na paglalakbay habang nangangaral, si Jesus at ang kaniyang mga apostol ay wala man lamang panahon para kumain. Kaya isinama sila ni Jesus sakay ng isang bangka tungo sa isang tahimik na lugar upang magpahinga. Pero nabalitaan ng mga tao kung saan siya pupunta kaya inunahan nila siya. Ganito ang sinasabi ng Bibliya: “Pagkababa, nakita niya ang isang malaking pulutong, ngunit nahabag siya sa kanila, sapagkat sila ay gaya ng mga tupang walang pastol. At nagsimula siyang magturo sa kanila ng maraming bagay.” (Marcos 6:30-34) Matutularan mo si Jesus kung gagawin mo ang hinihiling sa iyo ng Diyos sa kabila ng mga problemang maaaring mapaharap sa iyo.

Bakit dapat mong ipangaral ang mabuting balita?

▪ Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na ipangaral ang mabuting balita. Sinabi niya sa mga apostol: “Samantalang humahayo kayo, mangaral, na sinasabi, ‘Ang kaharian ng langit ay malapit na.’” (Mateo 10:7) Napakahalaga ng mensahe ng mga tagasunod ni Jesus. Nanalangin si Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos.”​—Juan 17:3.

Inihula ni Jesus ang gagawin ng milyun-milyon niyang mga tagasunod: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.” (Mateo 24:14) Kung natutuhan mo ang tungkol sa Kaharian ng Diyos at naniniwala ka sa sinasabi ng Bibliya, tiyak na mananabik kang sabihin ito sa iba. Unang ibinalita ng maraming tagasunod ni Jesus ang tungkol sa Kaharian ng Diyos sa kanilang mga kamag-anak.​—Juan 1:40, 41.

Bakit dapat kang magpabautismo?

▪ Nang bautismuhan si Jesus sa Ilog Jordan, nanalangin siya: ‘Ako ay dumating upang gawin ang iyong kalooban, O Diyos.’ (Hebreo 10:7) Kung gusto mong gawin ang kalooban ng Diyos, dapat ka ring magpabautismo. Iniutos ni Jesus: “Gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila.”​—Mateo 28:19.

Ano ang mga pananagutan at pagpapala kapag nagpabautismo? Buong-kaluluwang naglilingkod sa Diyos ang bautisadong mga tagasunod ni Jesus. Ganito ang sinabi ni Jesus nang sipiin niya ang Kautusan ng Diyos: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa.” (Mateo 22:37) Sinabi rin niya: “Kung ang sinuman ay nagnanais na sumunod sa akin, itatwa niya ang kaniyang sarili.” (Mateo 16:24) Ang bautismo ay sumasagisag sa desisyon ng isang tao na itatwa ang kaniyang sarili at maging pag-aari ng Diyos. Ang mga taong pag-aari na ng Diyos ay makahihiling sa Kaniya ng kapatawaran upang magkaroon sila ng malinis na budhi.​—1 Pedro 3:21.

Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 18 ng aklat na ito, Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.