Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hindi Na Nila Kinatatakutan ang Wakas

Hindi Na Nila Kinatatakutan ang Wakas

Hindi Na Nila Kinatatakutan ang Wakas

NOONG huling mga taon ng dekada ng 1970, kumbinsido na sina Gary at Karen na malapit na ang katapusan ng mundo. Gusto nilang makaligtas. Kaya mula sa lunsod, lumipat sila sa kabukiran at sinikap na mamuhay sa sarili nang hindi umaasa sa iba.

Para makapaghanda, bumili sila ng mga aklat, nag-aral, dumalo ng mga seminar, at humingi ng payo sa iba’t ibang tao. Nagtanim sila ng mga gulay at 50 maliliit na punungkahoy na namumunga. Nag-imbak din sila ng mga binhi at nag-ipon ng mga kasangkapan. Natuto silang magtanim. Tinuruan din sila ng isang kaibigan na magpreserba ng pagkain at magkatay ng hayop. Inalam ni Karen ang mga halaman at ugat sa gubat na puwedeng kainin para hindi sila magutom sakaling magkaubusan ng pagkain. Natuto si Gary na gumawa ng panggatong mula sa mais at ng kalang metal na kahoy ang gatong. Nagtayo rin siya ng bahay na hindi dumedepende sa linya ng tubig at kuryente.

“Grabe na talaga ang sitwasyon sa daigdig nang panahong iyon,” ang sabi ni Karen, “kaya naisip kong malapit na ang wakas.” Sinabi ni Gary: “Gaya ng ibang kabataan noon, aktibista rin ako at gusto kong matigil na ang pagtatangi ng lahi, Digmaan sa Vietnam, at katiwalian. Pero madali akong sumuko. Nakita kong wala na talagang magandang kahahantungan ang buhay ng tao.”

“Isang gabi,” ang sabi ni Gary, “wala akong ginagawa kaya binasa ko ang Bibliya mula Mateo hanggang Apocalipsis. Binasa ko itong muli sa sumunod na apat na gabi. Kinaumagahan, noong ikalimang araw, sinabi ko kay Karen: ‘Nasa mga huling araw na tayo. Malapit nang kumilos ang Diyos para linisin ang lupa. Kailangan nating hanapin ang mga makakaligtas.’” Nagpalipat-lipat ng relihiyon sina Gary at Karen para hanapin ang mga gustong maghanda para sa wakas.

Di-nagtagal, may dumalaw sa kanilang Saksi ni Jehova at nagsimula silang mag-aral ng Bibliya. “Tuwang-tuwa ako,” ang sabi ni Karen, “kasi talagang naipapaliwanag sa akin ang Kasulatan. Sa wakas, nalaman ko na rin ang katotohanan tungkol sa panahon ng kawakasan. Nagkaroon ako ng pag-asa sa hinaharap. Pero higit pa riyan, naging kaibigan ko ang aking makalangit na Ama, ang Maylalang at Diyos ng uniberso.”

Sinabi ni Gary: “Naging makabuluhan ang buhay ko. Nang simulan kong mag-aral ng Bibliya, ayaw ko nang huminto. Nagbasa ako ng mga hula sa Bibliya. Sinuri ko ang mga patunay na natutupad na ang mga ito, at nakumbinsi akong malapit nang kumilos ang Diyos. Naisip ko, ‘Dapat maghanda ang mga tao, hindi sa kasakunaan, kundi sa buhay na gusto ng Diyos para sa atin.’” Maganda na ang natatanaw na hinaharap nina Gary at Karen. Sa halip na matakot sa kawakasan, nagtitiwala silang aalisin ng Diyos ang problema ng mga tao at gagawing paraiso ang lupa.

Makalipas ang mahigit 25 taon, ano na ang pinagkakaabalahan ng mag-asawa? Sinabi ni Karen: “Patuloy kong pinasisidhi ang pag-ibig ko sa Diyos na Jehova at pinatitibay ang pananampalataya ko sa kaniya. Sinisikap ko ring tulungan ang iba na gawin din ang gayon. Nagtutulungan kami ni Gary para maging matibay ang aming pamilya at magkaisa sa pagsamba sa Diyos. Sinisikap naming manatiling simple at organisado para makapagpokus kami sa pangangailangan ng iba.”

Sinabi naman ni Gary: “Lagi kong ipinapanalanging dumating na ang Kaharian ng Diyos at magdulot ng ginhawa sa milyun-milyon. Tuwing ibinabahagi ko ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, nananalangin ako na sana’y mabigyan ko ng pag-asa mula sa Bibliya ang kahit isang tao. Sa mahigit 25 taon, patuloy na sinasagot ni Jehova ang panalanging iyon. Naniniwala kami ni Karen na malapit nang baguhin ni Jehova ang lupa, pero hindi na namin kinatatakutan ang wakas.”​—Mateo 6:9, 10; 2 Pedro 3:11, 12.

[Larawan sa pahina 9]

Nasisiyahan ngayon sina Gary at Karen sa pagtulong sa iba na magkaroon ng pag-asa mula sa Bibliya