Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Ano ang nasa isip ni apostol Pablo nang banggitin niya ang tungkol sa “prusisyon ng tagumpay”?

Sumulat si Pablo: “[Inaakay tayo ng] Diyos . . . sa isang prusisyon ng tagumpay kasama ng Kristo at sa pamamagitan natin ay nagpapabatid ng amoy ng kaalaman tungkol sa kaniya sa bawat dako! Sapagkat sa Diyos tayo ay mabangong amoy ni Kristo sa gitna niyaong mga inililigtas at sa gitna niyaong mga nalilipol; sa mga huling nabanggit ay isang amoy na nanggagaling sa kamatayan tungo sa kamatayan, sa mga unang nabanggit ay isang amoy na nanggagaling sa buhay tungo sa buhay.”​—2 Corinto 2:14-16.

Ang tinutukoy ni Pablo ay ang kaugaliang Romano na pagkakaroon ng prusisyon para parangalan ang isang heneral sa kaniyang tagumpay laban sa mga kaaway ng Estado. Sa gayong mga prusisyon, ipinaparada ang mga samsam at mga bihag pati na ang mga torong ihahain habang binibigyang-parangal ang nagwaging heneral at ang kaniyang hukbo. Pagkatapos ng prusisyon, inihahain ang mga toro at malamang na pinapatay ang karamihan sa mga bihag.

Ang “mabangong amoy ni Kristo” na sagisag ng buhay para sa ilan at kamatayan naman para sa iba ay “malamang na nakuha sa kaugaliang Romano na pagsusunog ng insenso habang nagpuprusisyon,” ang sabi ng The International Standard Bible Encyclopedia. “Ang mabangong amoy na sagisag ng tagumpay para sa mga manlulupig ay nagpapaalaala sa mga bihag na malamang na malapit na silang patayin.” *

Ano ang “matataas na dako” na madalas banggitin sa Hebreong Kasulatan?

Noong malapit nang pumasok ang mga Israelita sa Lupang Pangako, sinabihan sila ni Jehova na alisin ang lahat ng dako ng pagsamba ng mga Canaanitang tumira doon. “Sisirain ninyo ang lahat ng kanilang mga rebultong bato, at ang lahat ng kanilang mga imahen na binubong metal ay sisirain ninyo, at ang lahat ng kanilang sagradong matataas na dako ay gigibain ninyo,” ang iniutos ng Diyos. (Bilang 33:52) Ang mga sentrong iyon ng huwad na pagsamba ay nasa taas ng mga burol, sa ilalim ng puno, o kaya’y nasa lunsod. (1 Hari 14:23; 2 Hari 17:29; Ezekiel 6:3) Kung minsan, mayroon itong mga altar, sagradong haligi o poste, imahen, patungan ng insenso, at iba pang mga kagamitan sa pagsamba.

Bago itayo ang templo sa Jerusalem, sumasamba kay Jehova ang mga Israelita sa mga lugar na tinatawag sa Kasulatan na matataas na dako. Ang propeta ng Diyos na si Samuel ay naghandog ng hain sa “mataas na dako” sa isang di-pinangalanang lunsod sa lupain ng Zup. (1 Samuel 9:11-14) Pero nang maitayo na ang templo, sinikap ng ilang haring tapat kay Jehova na alisin sa lupain ang “matataas na dako.”​—2 Hari 21:3; 23:5-8, 15-20; 2 Cronica 17:1, 6.

[Talababa]

^ par. 5 Para sa kahulugan ng ilustrasyon ni Pablo, tingnan Ang Bantayan, Nobyembre 15, 1990, pahina 27.

[Larawan sa pahina 23]

Isang bahagi ng relyebeng Romano na nagpapakita ng prusisyon ng tagumpay, ikalawang siglo C.E.

[Credit Line]

Photograph taken by courtesy of the British Museum

[Larawan sa pahina 23]

Mga sagradong haligi sa Gezer