Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

500 Taon ng Calvinismo—Ano ang Nagawa Nito?

500 Taon ng Calvinismo—Ano ang Nagawa Nito?

500 Taon ng Calvinismo​—Ano ang Nagawa Nito?

SI Jean Cauvin (John Calvin) ay isinilang sa Noyon, Pransiya, noong 1509. Nagtatag siya ng isang relihiyosong kilusan na nakaimpluwensiya sa buhay ng maraming tao sa Europa, mga lupain sa Amerika, Timog Aprika, at sa iba pa. Kinikilala siya bilang isa sa mga pangunahing Repormador ng simbahan sa kasaysayan ng Kanluran.

Sa ngayon, mga 500 taon mula nang ipanganak si Calvin, ang Calvinismo​—ang mga ideya at turo ni Calvin​—ay laganap pa rin sa mga denominasyong Protestante gaya ng Reformed, Presbyterian, Congregational, Puritan, at iba pa. Nitong nakaraang Setyembre, iniulat ng World Alliance of Reformed Churches na mayroon silang 75 milyong tagasunod sa 107 bansa.

Laban sa Katolisismo

Ang tatay ni Calvin ay isang abogado at kalihim ng simbahang Katoliko sa Noyon. Malamang na dahil sa trabaho niya, nasaksihan niya ang laganap na maling paggawi ng mga klero nang panahong iyon. Hindi natin matiyak kung nagprotesta siya o nawalan ng galang sa simbahan dahil dito. Pero nang maglaon, itiniwalag ng simbahan ang tatay at kapatid na lalaki ni Calvin. Nang mamatay ang tatay niya, nahirapan si John na bigyan ito ng Kristiyanong libing. Ito marahil ang dahilan kung kaya lalong nawalan ng tiwala si John sa Katolisismo.

Walang masyadong sinasabi ang karamihan ng mga akda tungkol sa kabataan ni Calvin maliban sa siya ay mahiyain at walang-kibo. Kahit na noong estudyante pa siya sa Paris, Orléans, at Bourges, tila kaunti lamang ang kaniyang kaibigan. Pero mabilis mag-isip si Calvin at napakatalas ng kaniyang memorya. Dahil dito at sa kaniyang kasipagan​—araw-araw siyang nag-aaral mula alas singko ng umaga hanggang hatinggabi​—naging abogado na siya bago pa tumuntong ng 23 anyos. Nag-aral din siya ng wikang Hebreo, Griego, at Latin para mapag-aralan ang Bibliya. Pero mas nakilala si Calvin sa kaniyang seryoso at disiplinadong kaugalian sa pagtatrabaho, isang katangian na iniuugnay ng marami sa Calvinismo.

Samantala, sa Alemanya, binatikos ni Martin Luther ang Simbahang Katoliko dahil sa katiwalian nito at sa mga turong wala sa Bibliya. Ipinalalagay ng marami na noong 1517, ipinako niya sa pinto ng simbahan sa Wittenberg ang kaniyang 95 tesis, o mga protesta, na humihimok ng pagbabago sa simbahan. Marami ang sumang-ayon kay Luther, at mabilis na lumaganap sa buong Europa ang Repormasyon. Sabihin pa, naging dahilan ito ng matinding pagsalansang sa maraming lugar, at ang mga nagprotesta, o mga Protestante, ay nagdusa sa pagtatanggol ng kanilang paniniwala. Noong 1533 sa Paris, nagbigay ng talumpati ang kaibigan ni Calvin na si Nicholas Cop bilang suporta kay Luther, at dahil tumulong si Calvin sa pagsulat ng talumpating iyon, silang dalawa ni Cop ay kailangang tumakas dahil nanganib ang kanilang buhay. Hindi na kailanman bumalik si Calvin sa Pransiya.

Noong 1536, inilathala ni Calvin ang Institutes of the Christian Religion, isang aklat tungkol sa relihiyong Protestante. Ipinatungkol niya ito kay Haring Francis I bilang pagtatanggol sa mga Protestanteng Pranses, na nakilala bilang mga Huguenot. Inatake ni Calvin ang mga turong Katoliko at itinaguyod ang saligan ng kaniyang pananampalataya​—ang soberanya ng Diyos. Ang Institutes ni Calvin ay nakaimpluwensiya, hindi lamang sa relihiyon, kundi maging sa wika at panitikang Pranses. Si Calvin ay kinikilala bilang isa sa mga pangunahing Repormador. Nang dakong huli, nanirahan siya sa Geneva, Switzerland, at mula noong 1541, ginawa niyang sentro ng kaniyang mga reporma ang lunsod na ito.

Itinaguyod ang Repormasyon sa Geneva

Malakas ang impluwensiya ni Calvin sa Geneva. Dahil sa kaniyang matinding pagpapahalaga sa moralidad at katuwiran, binago niya ang Geneva mula sa “isang lunsod na may masamang reputasyon tungo sa isa na may mataas na pamantayang moral na gumagabay sa buhay ng bawat isa,” ang sabi ng Encyclopedia of Religion. Pero hindi lang ito ang naging pagbabago. Ganito ang paliwanag ni Dr. Sabine Witt, tagapangasiwa ng German Historical Museum sa Berlin: “Dahil sa relihiyosong mga digmaan sa Pransiya, dumoble ang populasyon [ng Geneva] sa loob lamang ng ilang taon matapos dumagsa rito ang libu-libong nagsilikas na mga Protestante.” Dahil sa kasipagan ng mga Huguenot na naimpluwensiyahan ni Calvin, umunlad ang ekonomiya ng lunsod, kaya ang Geneva ay naging sentro ng palimbagan at paggawa ng mga orasan.

May mga lumikas din sa Geneva na nagmula sa iba pang mga lugar. Kasali rito ang marami mula sa Inglatera, kung saan nanganib ang buhay ng mga Protestante dahil kay Reyna Mary I. Dahil karamihan sa kanila ay ipinatapon at mga nagsilikas lamang, ang mga Calvinista ay nakabuo ng teolohiya na tinatawag ng relihiyosong babasahin na Christ in der Gegenwart (Kontemporaryong Kristiyano) na “ang teolohiya ng mga pinag-usig.” Noong 1560, inilathala ng mga nagsilikas ang Geneva Bible, ang unang Bibliyang Ingles na nahahati sa mga talata. Dahil maliit lamang ang Bibliyang ito, mas madaling pag-aralan ang Salita ng Diyos. Ito marahil ang salin ng Bibliya na dala ng mga Puritan nang mandayuhan sila sa Hilagang Amerika noong 1620.

Gayunman, hindi naging ligtas na kanlungan ang Geneva para sa lahat. Si Michael Servetus, isinilang noong 1511 sa Espanya, ay nag-aral ng medisina at ng wikang Griego, Latin, at Hebreo. Malamang na nagkakilala sila ni Calvin nang mga estudyante pa sila sa Paris. Sa pag-aaral ni Servetus ng Bibliya, natutuhan niyang hindi nito itinuturo ang Trinidad. Nakipag-ugnayan siya kay Calvin tungkol dito, ngunit itinuring siya ni Calvin na kaaway. Palibhasa’y pinag-usig ng mga Katoliko sa Pransiya, nagtungo si Servetus sa lunsod ni Calvin, sa Geneva. Pero sa halip na tanggapin, siya ay inaresto, nilitis sa salang erehiya, at sinunog sa tulos noong 1553. “Ang pagpatay kay Servetus ay isa pa ring batik sa pangalan ng dakilang Repormador [si Calvin],” ang sabi ng istoryador na si Friedrich Oehninger.

Napakaraming ginawa ni Calvin habang isinusulong ang kaniyang mga reporma. Sinasabing sumulat siya ng mahigit 100 reperensiyang akda at 1,000 liham at nagbigay ng mga 4,000 sermon sa Geneva. Sa lahat ng ito, hindi basta ipinaliwanag ni Calvin ang pangmalas niya tungkol sa Kristiyanismo kundi sinikap din niyang ipasunod ito sa mga Kristiyano, lalo na sa Geneva, na nakini-kinita niya bilang lunsod ng Diyos. *

Ano ang naging bunga ng walang-pagod na pagsisikap ni Calvin na ipatupad ang mga reporma sa Geneva? Noong 2000, ayon sa Swiss Federal Statistics Office, 16 na porsiyento lamang ng mga naninirahan sa Geneva ang miyembro ng Reformed Church ng mga Calvinista, at mas marami ang Katoliko kaysa sa mga Calvinista sa lunsod na iyon.

Mga Di-pagkakasundo sa Relihiyon

Bilang resulta ng Repormasyon, ang mga lunsod at estado sa Europa ay nabaha-bahagi sa Katolisismo, Luteranismo, at Calvinismo. Bagaman ang mga Repormador ay nagkakaisa sa kanilang pagbatikos sa Simbahang Katoliko, sila-sila naman ay hindi magkasundo. Sinabi ni Dr. Witt, na nabanggit kanina: “Nagkaroon din ng mga pagkakasalungatan sa paniniwala maging sa pagitan ng mga Protestante.” Bagaman kinikilala nilang lahat na ang Bibliya ang dapat na maging saligan ng mga paniniwalang Kristiyano, maraming pagkakasalungatan sa kanilang mga turo. Ang una nilang hindi napagkasunduan ay ang paliwanag tungkol sa Huling Hapunan at sa pagkanaririto ni Kristo. Nang maglaon, itinuro ng Calvinismo ang isa sa kanilang pinakakontrobersiyal na doktrina: ang pagtatadhana.

Pinagdebatihan nang husto ang tungkol sa pagtatadhana. Sinasabi ng isang grupo ng mga Calvinista na bago pa nagkasala ang tao, itinadhana na ng Diyos na may ilang makaliligtas sa pamamagitan ni Kristo samantalang ang iba ay mapupuksa. Naniniwala ang grupong ito na ang Diyos ang magpapasiya kung sino ang makaliligtas at na hindi pantay-pantay ang oportunidad ng tao. Para naman sa ibang Calvinista, ang kaligtasan ay bukás sa lahat ng tao, at depende sa indibiduwal kung gugustuhin niya ito o hindi. Nangangahulugan ito na ang kaligtasan ay nakadepende sa kalayaang magpasiya ng tao. Matagal nang patay si Calvin, pero isyu pa rin ang tungkol sa pagtatadhana ng Diyos, kalayaang magpasiya, at pagkakapantay-pantay ng oportunidad ng tao.

Batik sa Calvinismo

Noong ika-20 siglo, ginamit ng Dutch Reformed Church ng mga Calvinista ang turo ng pagtatadhana para ipagmatuwid ang pagtatangi ng lahi sa Timog Aprika. Hinggil sa patakaran ng pamahalaan na nakahihigit ang mga puti, sinabi ni Nelson Mandela, ang kauna-unahang itim na presidente ng Timog Aprika: “Ang patakaran ay suportado ng Dutch Reformed Church, na nagsasabing ang apartheid [o pagtatangi ng lahi] ay may relihiyosong saligan. Ang mga Afrikaner [o mga Aprikanong may lahing Europeo] daw ay piniling bayan ng Diyos at na ang mga itim ay nakabababang lahi. Para sa mga Afrikaner, suportado ng simbahan ang apartheid.”

Noong dekada ng 1990, humingi ng tawad sa publiko ang Dutch Reformed Church dahil sa pagsuporta nito sa apartheid. Sa isang pormal na pahayag na tinatawag na Deklarasyon ng Rustenburg, inamin ng mga lider ng simbahan: “May-kamaliang ginamit ng ilan sa amin ang Bibliya upang ipagmatuwid ang apartheid, na naging dahilan para isipin ng mga tao na ito ay may basbas ng Diyos.” Ang pagpanig ng simbahan sa apartheid ay hindi lamang nagdulot ng pagdurusa dahil sa pagtatangi ng lahi kundi nagpahiwatig din na ang Diyos ang dapat sisihin!

Namatay si John Calvin sa Geneva noong 1564. Sinasabing pinasalamatan niya ang kaniyang mga kababayan sa “pagbibigay ng napakaraming karangalan sa isa na hindi naman karapat-dapat dito” at humingi siya ng tawad para sa kaniyang maikling pasensiya at mainiting ulo. Magkagayunman, hindi maikakaila na naaaninag sa kaugalian sa trabaho ng mga Protestante​—ang kasipagan, disiplina sa sarili, at dedikasyon sa trabaho​—ang pagkatao at mga pamantayan ni John Calvin.

[Talababa]

^ par. 13 Para sa higit na impormasyon, tingnan ang aklat na Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos, pahina 321-325, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Blurb sa pahina 21]

Bilang resulta ng Repormasyon, ang mga lunsod at estado sa Europa ay nabaha-bahagi sa Katolisismo, Luteranismo, at Calvinismo

[Mapa sa pahina 18]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

ESPANYA

PRANSIYA

PARIS

Noyon

Orléans

Bourges

SWITZERLAND

GENEVA

[Larawan sa pahina 19]

Ang “Institutes” (1536) ni Calvin ay isa sa mga naging saligan ng turo ng relihiyong Protestante

[Credit Line]

© INTERFOTO/Alamy

[Larawan sa pahina 20]

Ang pagpatay kay Servetus ay isa pa ring batik sa pangalan ni Calvin

[Credit Line]

© Mary Evans Picture Library

[Larawan sa pahina 21]

Ang “Geneva Bible” (1560) ang unang Bibliyang Ingles na nahahati sa mga talata

[Credit Line]

Courtesy American Bible Society

[Picture Credit Line sa pahina 18]

French town: © Mary Evans Picture Library