Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

1 Bakit Kailangang Manalangin?

1 Bakit Kailangang Manalangin?

Panalangin

1 Bakit Kailangang Manalangin?

PANALANGIN. Isa ito sa mga paksa sa Bibliya na pinakamadalas pag-usapan. Tingnan natin ang pitong karaniwang tanong tungkol sa panalangin at suriin natin ang sagot ng Bibliya. Ang mga artikulong ito ay dinisenyo para tulungan kang magsimulang manalangin o manalangin sa paraang diringgin ka ng Diyos.

SAANMAN sa mundo, sa bawat kultura at relihiyon, nananalangin ang mga tao. Ginagawa nila ito nang mag-isa o kaya’y bilang isang grupo. Nananalangin sila sa mga simbahan, templo, sinagoga, moske, o mga dambana. Maaaring gumagamit sila ng mga prayer rug, rosaryo, prayer wheel, larawan, aklat-dasalan, o mga panalanging nakasulat sa maliliit na tabla na isinasabit sa iba’t ibang lugar.

Dahil sa pananalangin, naiiba tayo sa lahat ng iba pang nilalang sa mundo. Totoo, marami tayong pagkakatulad sa mga hayop. Tulad ng mga ito, kailangan natin ng pagkain, hangin, at tubig. Tayo rin ay isinisilang, nabubuhay, at namamatay. (Eclesiastes 3:19) Pero ang mga tao lamang ang nananalangin. Bakit?

Marahil ang pinakasimpleng sagot ay dahil kailangan natin itong gawin. Para sa marami, ang panalangin ay isang paraan para makipag-ugnayan sa isa na itinuturing nilang banal at walang hanggan. Sinasabi ng Bibliya na nilalang tayo na may pagnanais sa gayong mga bagay. (Eclesiastes 3:11) Sinabi ni Jesu-Kristo: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.”​—Mateo 5:3.

“Espirituwal na pangangailangan”​—ano pa nga ba ang dahilan kung bakit ang mga tao ay gumagawa ng mga imahen at bahay-panalanginan at nananalangin nang mahaba? Sabihin pa, ang ilan ay umaasa sa sarili o sa kanilang kapuwa para sapatan ang kanilang espirituwal na pangangailangan. Pero nadarama mo bang limitado lang ang tulong na maibibigay ng tao? Napakahina natin, maikli ang buhay, at hindi malawak ang pananaw. Isang di-hamak na mas matalino, mas makapangyarihan, at mas mahaba ang buhay kaysa sa atin ang tanging makapagbibigay ng kailangan natin. Pero ano nga ba ang espirituwal na mga pangangailangang nag-uudyok sa atin na manalangin?

Pag-isipan ito: Minsan ba’y naghahanap ka ng patnubay, karunungan, o sagot sa mga tanong na waring hindi kayang ibigay ng tao? Nadama mo na rin bang kailangan mo ng kaaliwan nang mamatayan ka, ng patnubay nang mapaharap ka sa isang mahirap na pagpapasiya, o ng kapatawaran nang usigin ka ng iyong budhi?

Ayon sa Bibliya, ang lahat ng iyan ay makatuwirang dahilan para manalangin. Ang Bibliya ang pinakamaaasahang aklat hinggil sa paksang ito, at naglalaman ito ng maraming panalangin ng tapat na mga lalaki’t babae. Nanalangin sila para sa kaaliwan, patnubay, kapatawaran, at sagot sa pinakamahihirap na tanong.​—Awit 23:3; 71:21; Daniel 9:4, 5, 19; Habakuk 1:3.

Bagaman magkakaiba ang mga panalanging iyon, magkakatulad sila sa isang bagay. Taglay ng mga nanalangin ang isang napakahalagang susi sa mabisang panalangin, na kadalasang wala o ipinagwawalang-bahala sa daigdig ngayon. Alam nila kung kanino dapat manalangin.