Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nakapagpapatibay Ka ba sa mga Pulong?

Nakapagpapatibay Ka ba sa mga Pulong?

Nakapagpapatibay Ka ba sa mga Pulong?

“Kapag nagtitipon kayo, . . . maganap ang lahat ng bagay ukol sa ikatitibay.”​—1 COR. 14:26.

1. Ayon sa 1 Corinto kabanata 14, ano ang isang mahalagang layunin ng mga pulong?

‘NAPATIBAY ako sa pulong!’ Tiyak na nasabi mo na rin iyan pagkatapos ng pulong sa Kingdom Hall. Talagang nakagiginhawa ang mga pulong, at hindi naman ito nakapagtataka. Kasi, gaya ng unang mga Kristiyano noon, ang isang mahalagang layunin ng ating mga pulong sa ngayon ay para palakasin sa espirituwal ang lahat ng dumadalo. Pansinin kung paano idiniin ni apostol Pablo sa kaniyang unang liham sa mga taga-Corinto ang partikular na tunguhing ito ng mga pulong. Sa kabanata 14, paulit-ulit niyang binanggit na ang bawat bahagi sa mga pulong ng kongregasyon ay dapat na gayundin ang tunguhin​—“sa ikatitibay ng kongregasyon.”​—Basahin ang 1 Corinto 14:3, 12, 26. *

2. (a) Bakit nakapagpapatibay ang mga pulong? (b) Anong tanong ang pag-uusapan natin?

2 Alam nating nakapagpapatibay ang mga pulong dahil sa patnubay ng espiritu ng Diyos. Kaya naman sinisimulan natin ang bawat pulong sa isang taimtim na panalangin anupat hinihiling sa ating makalangit na Ama na pagpalain sana ito sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. Pero alam din natin na ang lahat ng kapatid ay puwedeng makapagpatibay sa panahon ng pulong. Kung gayon, ano ang dapat gawin ng bawat isa para tiyak na maging nakagiginhawa at nakapagpapatibay ang mga pulong linggu-linggo?

3. Gaano kahalaga ang mga pulong sa kongregasyon?

3 Para masagot ito, susuriin natin ang ilang aspekto ng ating mga pulong na dapat tandaan ng mga nangangasiwa rito. Tatalakayin din natin kung paano makatutulong ang buong kongregasyon para mapatibay ang lahat ng dumadalo. Interesadung-interesado tayo rito dahil ang ating mga pulong ay sagradong pagtitipon. Oo, mahalagang bahagi ng ating pagsamba kay Jehova ang pagdalo at pakikibahagi sa mga pulong.​—Awit 26:12; 111:1; Isa. 66:22, 23.

Pulong Para sa Pag-aaral ng Bibliya

4, 5. Ano ang layunin ng Pag-aaral sa Bantayan?

4 Gusto nating lahat na lubusang makinabang sa ating Pag-aaral sa Bantayan. Kaya para maunawaang mabuti ang pangunahing layunin ng pulong na iyan, repasuhin natin ang ilang pagbabago sa magasing Bantayan at sa mga araling artikulo.

5 Mula sa unang edisyon para sa pag-aaral ng Ang Bantayan, isyu ng Enero 15, 2008, isang mahalagang detalye ang idinagdag sa pabalat. Napansin mo ba? Tingnan mong mabuti ang pabalat ng magasing hawak mo. Sa ibaba ng tore, mapapansin mo ang isang nakabukas na Bibliya. Idiniriin ng detalyeng iyan ang dahilan kung bakit mayroon tayong Pag-aaral sa Bantayan. Ito’y para pag-aralan ang Bibliya sa tulong ng magasing iyan. Oo, sa ating Pag-aaral sa Bantayan, ang Salita ng Diyos ay “ipinaliliwanag,” at gaya noong panahon ni Nehemias, “binibigyan iyon ng kahulugan.”​—Neh. 8:8; Isa. 54:13.

6. (a) Anong pagbabago ang ginawa sa Pag-aaral sa Bantayan? (b) Ano ang dapat tandaan tungkol sa mga tekstong minarkahan ng “basahin”?

6 Dahil ang Bibliya ang ating pangunahing aklat-aralin, gumawa ng pagbabago sa Pag-aaral sa Bantayan. Ang ilang teksto sa araling artikulo ay minarkahan ng “basahin.” Ang lahat ay hinihimok na subaybayan ang pagbasa sa mga tekstong ito sa ating sariling Bibliya. (Gawa 17:11) Bakit? Kapag nakikita natin mismo sa ating Bibliya ang payo ng Diyos, mas tumatagos ito sa ating puso. (Heb. 4:12) Kung gayon, bago ipabasa ng konduktor ang teksto, dapat muna niyang bigyan ng sapat na panahon ang mga kapatid para makita ito at makasubaybay sa pagbabasa.

Mas Malaking Panahon Para sa Pagkokomento

7. Anong pagkakataon ang inilalaan sa atin ng Pag-aaral sa Bantayan?

7 Ang isa pang binago ay ang haba ng mga araling artikulo. Mas maiikli na ito ngayon. Kaya naman sa Pag-aaral sa Bantayan, mas malaki na ang panahon sa pagkokomento kaysa sa pagbabasa ng mga parapo. Mas marami na ang may pagkakataong magpahayag ng kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng pagsagot sa tanong sa parapo, pagpapaliwanag kung paano kumakapit ang isang teksto, pagbibigay ng maikling karanasan na nagpapakitang isang katalinuhan ang pagsunod sa mga simulain ng Bibliya, at iba pa. Dapat ding maglaan ng panahon para talakayin ang mga larawan sa artikulo.​—Basahin ang Awit 22:22; 35:18; 40:9.

8, 9. Ano ang papel ng konduktor ng Pag-aaral sa Bantayan?

8 Gayunman, magkakaroon lang ng mas malaking panahon para sa iba’t ibang komento kung iiklian ng mga kapatid ang kanilang komento at kung hindi gaanong magkokomento ang konduktor sa Pag-aaral sa Bantayan. Kung gayon, ano ang makatutulong sa konduktor para maging balanse ang komento niya at ang komento ng mga kapatid upang maging nakapagpapatibay ang pulong?

9 Para masagot iyan, tingnan natin ang isang ilustrasyon. Ang Pag-aaral sa Bantayan na pinangasiwaang mabuti ay parang isang magandang pumpon ng bulaklak. Kung paanong ang malaking pumpon na ito ay binubuo ng maraming bulaklak, ang Pag-aaral sa Bantayan naman ay binubuo ng maraming iba’t ibang komento. At kung paanong magkakaiba ang laki at kulay ng mga bulaklak, magkakaiba rin ang haba at paraan ng pagkokomento. At ano naman ang papel ng konduktor? Ang kaniyang paminsan-minsang pagkokomento ay parang ilang piraso ng dahon na maingat na isiningit sa pumpon ng bulaklak. Inilagay lang ang mga ito para mapatingkad ang ganda ng mga bulaklak at mabuo ang pumpon. Sa katulad na paraan, dapat tandaan ng konduktor na hindi dapat mangibabaw ang kaniyang mga komento; ang papel niya ay para magbigay lang ng maiikling pananalita na magpapatingkad sa komento ng mga kapatid. Oo, kapag pinagsama-sama ang iba’t ibang komento ng mga kapatid at ang ilang angkop na pananalita ng konduktor, makabubuo sila ng isang magandang ‘pumpon’ ng mga salita na kaakit-akit sa lahat.

“Lagi Tayong Maghandog sa Diyos ng Hain ng Papuri”

10. Ano ang pangmalas ng unang mga Kristiyano sa mga pulong ng kongregasyon?

10 Batay sa sinabi ni Pablo sa 1 Corinto 14:26-33, mauunawaan natin kung paano idinaraos ang mga pulong noong unang siglo. Bilang komento sa mga talatang ito, isinulat ng isang iskolar ng Bibliya: “Talagang kapansin-pansin na sa pagtitipon noon ng Iglesya, nadarama ng halos lahat ng dumadalo na mayroon silang pribilehiyo at obligasyong makibahagi roon. Dumadalo ang isa hindi lang para makinig; pumupunta siya hindi lang para tumanggap kundi para magbigay rin naman.” Oo, sa pangmalas ng unang mga Kristiyano, ang mga pulong ng kongregasyon ay pagkakataon para ipahayag ang kanilang pananampalataya.​—Roma 10:10.

11. (a) Ano ang malaking tulong para maging nakapagpapatibay ang mga pulong? Bakit? (b) Ano ang mga mungkahi para mapasulong ang ating pagkokomento? (Tingnan ang talababa.)

11 Ang ating pagpapahayag ng pananampalataya sa panahon ng pulong ay malaking tulong sa “ikatitibay ng kongregasyon.” Tiyak na sasang-ayon ka na kahit matagal na tayong dumadalo sa pulong, nasisiyahan pa rin tayong makinig sa mga komento ng ating mga kapatid. Naaantig tayo sa taimtim na sagot ng isang tapat na kapatid na may-edad na; napatitibay tayo sa mahusay na obserbasyon ng isang mapagmalasakit na elder; at napapangiti tayo sa sariling sagot ng isang bata bilang pagpapahayag ng kaniyang pag-ibig kay Jehova. Maliwanag na sa pagkokomento, tayong lahat ay nakikibahagi para maging nakapagpapatibay ang mga pulong. *

12. (a) Ano ang matututuhan sa halimbawa nina Moises at Jeremias? (b) Paano nakatutulong ang panalangin sa pagkokomento?

12 Pero sa mga mahiyain, napakahirap ang magkomento. Kung ganiyan ka, hindi ka nag-iisa. Sa katunayan, kahit ang tapat na mga lingkod na sina Moises at Jeremias ay wala ring tiwala sa kanilang kakayahang magsalita sa publiko. (Ex. 4:10; Jer. 1:6) Pero kung paanong tinulungan sila ni Jehova na purihin siya sa harap ng madla, tutulungan ka rin niyang maghandog ng mga hain ng papuri. (Basahin ang Hebreo 13:15.) Paano ka makatatanggap ng tulong ni Jehova para mawala ang takot mo sa pagkokomento? Una, maghandang mabuti para sa pulong. Pagkatapos, bago dumalo sa Kingdom Hall, manalangin muna kay Jehova at espesipikong humingi ng lakas ng loob para makapagkomento. (Fil. 4:6) Humihiling ka ng isang bagay na “ayon sa kaniyang kalooban,” kaya makapagtitiwala kang sasagutin ni Jehova ang iyong panalangin.​—1 Juan 5:14; Kaw. 15:29.

Mga Pulong Para ‘Magpatibay, Magpasigla, at Umaliw’

13. (a) Ano ang dapat na maging epekto ng mga pulong sa mga dumadalo? (b) Anong tanong ang mahalagang pag-isipan ng mga elder?

13 Sinabi ni Pablo na ang isang mahalagang layunin ng mga pulong ay para ‘magpatibay, magpasigla, at umaliw.’ * (1 Cor. 14:3) Paano matitiyak ng mga elder sa ngayon na ang kanilang mga bahagi sa pulong ay talagang nakapagpapatibay at nakaaaliw sa mga kapatid? Para masagot iyan, isaalang-alang natin ang isang pulong, o pagtitipon, na pinangasiwaan ni Jesus matapos siyang buhaying muli.

14. (a) Ano ang mga nangyari bago ang pulong na isinaayos ni Jesus? (b) Bakit nakahinga nang maluwag ang mga apostol nang “si Jesus ay lumapit at nagsalita sa kanila”?

14 Pansinin ang mga nangyari bago ang pulong na iyon. Bago mamatay si Jesus, “iniwan siya [ng mga apostol] at tumakas,” at gaya ng inihula, ‘nangalat sila bawat isa sa kaniyang sariling bahay.’ (Mar. 14:50; Juan 16:32) Nang siya’y buhaying muli, inanyayahan ni Jesus ang kaniyang nanlulumong mga apostol na dumalo sa isang pantanging pulong. * Bilang tugon, “ang labing-isang alagad ay pumaroon sa Galilea sa bundok sa dakong isinaayos ni Jesus para sa kanila.” Pagdating nila, “si Jesus ay lumapit at nagsalita sa kanila.” (Mat. 28:10, 16, 18) Tiyak na nakahinga nang maluwag ang mga apostol nang si Jesus mismo ang unang lumapit sa kanila! Ano ang sinabi ni Jesus?

15. (a) Anu-ano ang tinalakay ni Jesus? Ano naman ang hindi niya ginawa? (b) Ano ang epekto sa mga apostol ng pulong na iyon?

15 Nagsimula si Jesus sa ganitong pahayag: “Ang lahat ng awtoridad ay ibinigay na sa akin.” Saka niya sila binigyan ng atas: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad.” Pinakahuli, magiliw niyang tiniyak sa kanila: “Ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw.” (Mat. 28:18-20) Pero napansin mo ba kung ano ang hindi ginawa ni Jesus? Hindi niya pinagalitan ang kaniyang mga apostol; ni ginamit niya ang pulong na iyon para kuwestiyunin ang kanilang motibo o konsiyensiyahin sila sa pag-iwan nila sa kaniya. Sa halip, tiniyak sa kanila ni Jesus ang pag-ibig niya at ng kaniyang Ama nang ipagkatiwala niya sa kanila ang isang mabigat na atas. Ano ang epekto sa mga apostol ng ginawa ni Jesus? Sila’y lubos na napatibay, napasigla, at naaliw anupat pagkaraan ng pulong na iyon, muli silang ‘nagturo at nagpahayag ng mabuting balita.’​—Gawa 5:42.

16. Paano tinutularan ng mga elder si Jesus para maging nakagiginhawa ang mga pulong?

16 Bilang pagtulad kay Jesus, ginagamit ng mga elder sa ngayon ang mga pulong para tiyakin sa mga kapatid ang di-nagmamaliw na pag-ibig ni Jehova sa kaniyang bayan. (Roma 8:38, 39) Kaya sa kanilang mga bahagi sa pulong, ang pinagtutuunan nila ng pansin ay ang magagandang katangian ng mga kapatid at hindi ang kanilang mga kahinaan. Hindi nila kinukuwestiyon ang motibo ng mga kapatid. Sa halip, ipinahihiwatig ng kanilang pananalita ang pangmalas nila sa kanilang mga kapananampalataya​—na sila’y mga indibiduwal na umiibig kay Jehova at nagnanais gumawa ng tama. (1 Tes. 4:1, 9-12) Siyempre pa, baka may mga pagkakataon na kailangan ding ituwid ng mga elder ang kongregasyon sa pangkalahatan, pero kung iilan lang ang kailangang ibalik sa ayos, kadalasan nang mas mabuting payuhan na lang sila nang pribado. (Gal. 6:1; 2 Tim. 2:24-26) Kapag ang pahayag ay para sa buong kongregasyon, nagbibigay ng komendasyon ang mga elder kailanma’t naaangkop. (Isa. 32:2) Sinisikap nilang gawing nakapagpapatibay ang kanilang mga pahayag, upang sa pagtatapos ng pulong, ang mga kapatid ay uuwing naginhawahan at napalakas.​—Mat. 11:28; Gawa 15:32.

Ligtas na Kanlungan

17. (a) Bakit lalo nang dapat na maging isang ligtas na kanlungan ang ating mga pulong sa ngayon? (b) Ano ang magagawa mo para maging nakapagpapatibay ang mga pulong? (Tingnan ang kahong “Sampung Paraan Para Maging Nakapagpapatibay sa Iyo at sa Iba ang mga Pulong.”)

17 Yamang patindi nang patindi ang panggigipit ng sanlibutan ni Satanas, ang ating mga pulong ay dapat na maging gaya ng isang ligtas na kanlungan na nagdudulot ng kaaliwan sa lahat. (1 Tes. 5:11) Nagugunita pa ng isang sister na dumanas ng matinding pagsubok kasama ng kaniyang asawa: “Kapag nasa Kingdom Hall, pakiramdam namin ay hinahaplos kami ni Jehova. Sa mga oras na iyon na kasama ang mga kapatid, para na rin naming ipinapápasán kay Jehova ang aming problema at nagiging payapa ang aming isip.” (Awit 55:22) Ganito rin sana ang madama ng mga dumadalo sa ating mga pulong. Para mangyari ito, patuloy nating gawin ang ating bahagi upang maging nakapagpapatibay ang mga pulong.

[Mga talababa]

^ par. 1 May ilang bahagi ng mga pulong noong unang siglo na inihulang aalisin. Halimbawa, hindi na tayo “nagsasalita ng mga wika” o ‘nanghuhula.’ (1 Cor. 13:8; 14:5) Gayunman, sa tulong ng mga tagubilin ni Pablo, mas magiging malinaw sa atin kung paano dapat isagawa ang mga pulong sa ngayon.

^ par. 11 Para sa mga mungkahi kung paano mapasusulong ang ating pagkokomento, tingnan Ang Bantayan, Setyembre 1, 2003, pahina 19-22.

^ par. 13 Tungkol sa pagkakaiba ng “magpasigla” at “umaliw,” ipinaliwanag ng Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words na ang salitang Griego na isinaling “umaliw” ay nagpapahiwatig ng “mas matinding pagmamalasakit kaysa sa [magpasigla].”​—Ihambing ang Juan 11:19.

^ par. 14 Ito marahil ang tinutukoy ni Pablo nang sabihin niyang ‘nagpakita si Jesus sa mahigit limang daan.’​—1 Cor. 15:6.

Paano Mo Sasagutin?

• Gaano kahalaga ang mga pulong?

• Bakit nakatutulong sa “ikatitibay ng kongregasyon” ang pagkokomento sa mga pulong?

• Ano ang matututuhan sa isang pulong na pinangasiwaan ni Jesus?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 22, 23]

SAMPUNG PARAAN PARA MAGING NAKAPAGPAPATIBAY SA IYO AT SA IBA ANG MGA PULONG

Maghanda. Kapag pinag-aralan mo nang patiuna ang materyal, mas mawiwili kang makinig at mas matatandaan mo ang mga tinalakay.

Dumalo nang regular. Dahil nakapagpapatibay kapag maraming dumadalo, mahalagang naroroon ka.

Dumating nang nasa oras. Kung nakaupo ka na bago magsimula ang programa, makakasama ka sa pambukas na awit at panalangin, na bahagi rin ng ating pagsamba kay Jehova.

Dumalo nang kumpleto sa gamit. Dalhin ang iyong Bibliya at mga publikasyong gagamitin sa pulong para makasubaybay ka at mas maintindihan mo ang tinatalakay.

Iwasang magambala. Halimbawa, huwag magbasa ng mga text message sa panahon ng pulong. Sa ganitong paraan, nailalagay mo sa tamang lugar ang personal na mga bagay.

Makibahagi. Kapag maraming nagkokomento, mas marami ang napasisigla at napatitibay.

Magkomento nang maikli. Magbibigay ito ng pagkakataon sa mas marami na makibahagi sa pagkokomento.

Gampanan ang atas. Kapag may atas ka sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo o sa Pulong sa Paglilingkod, maghandang mabuti, mag-ensayo, at sikaping magampanan ito.

Bigyan ng komendasyon ang mga may bahagi. Sabihin sa mga may bahagi sa pulong o sa mga nagkomento na pinahahalagahan ang kanilang pagsisikap.

Makihalubilo. Ang pagbabatian at nakapagpapatibay na kuwentuhan bago at pagkatapos ng pulong ay nakadaragdag sa kasiyahan at kapakinabangang natatamo sa pagdalo sa mga pulong.