Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Kabataan—Ano ang Gagawin Ninyo sa Inyong Buhay?

Mga Kabataan—Ano ang Gagawin Ninyo sa Inyong Buhay?

Mga Kabataan​—Ano ang Gagawin Ninyo sa Inyong Buhay?

“Ang paraan ng aking pagsuntok ay hindi upang sumuntok sa hangin.”​—1 COR. 9:26.

1, 2. Anu-ano ang kailangan mo para magtagumpay habang patungo ka sa pagiging adulto?

KUNG maglalakbay ka sa isang di-pamilyar na daan, malamang na magdadala ka ng mapa at kompas. Ang mapa ay para malaman mo kung nasaan ka mismo at makapagplano ka kung saan dapat dumaan. Ang kompas naman ay para malaman mo kung nasa tamang direksiyon ka pa rin. Pero walang kabuluhan ang mapa at kompas kung hindi mo alam ang pupuntahan mo. Para hindi ka magpagala-gala kung saan-saan, dapat na alam mo ang iyong destinasyon.

2 Ganiyan din ang kalagayan mo habang patungo ka sa pagiging adulto. Mayroon kang isang maaasahang mapa at isang kompas. Ang Bibliya ang mapa na tutulong sa iyo na malaman kung aling landas ang dapat mong piliin. (Kaw. 3:5, 6) Kung mahusay ang pagkakasanay sa iyong budhi, malaking tulong ito para makapanatili ka sa tamang landas. (Roma 2:15) Ito ang magsisilbing kompas mo. Pero para magtagumpay ka sa buhay, dapat na alam mo rin ang iyong pupuntahan. Kailangang magkaroon ka ng mga tunguhin.

3. Ano ang mga pakinabang ng pagkakaroon ng tunguhin ayon sa sinabi ni Pablo sa 1 Corinto 9:26?

3 Binanggit ni apostol Pablo ang mga pakinabang ng pagkakaroon ng tunguhin at ng pagsisikap na maabot ito. Sinabi niya: “Ang paraan ng aking pagtakbo ay hindi walang katiyakan; ang paraan ng aking pagsuntok ay hindi upang sumuntok sa hangin.” (1 Cor. 9:26) Kung may tunguhin ka, ang pagtakbo mo ay may katiyakan. Di-magtatagal at gagawa ka na ng mahahalagang desisyon tungkol sa pagsamba, trabaho, pag-aasawa, pamilya, at iba pa. Kung minsan, baka malito ka sa dami ng pagpipilian. Pero kung naiplano mo na ang iyong patutunguhan, anupat nagpapasiya batay sa mga katotohanan at simulain sa Bibliya, hindi ka matutuksong lumihis ng daan.​—2 Tim. 4:4, 5.

4, 5. (a) Ano ang posibleng mangyari kung wala kang mga tunguhin? (b) Bakit dapat na makalugod sa Diyos ang iyong mga desisyon?

4 Kung wala kang mga tunguhin, malamang na himukin ka ng iyong mga kaeskuwela at guro na gawin ang isang bagay na sa palagay nila’y makabubuti sa iyo. Siyempre pa, kahit may espesipikong mga tunguhin ka na, baka magbigay pa rin ng mungkahi ang iba. Kapag naririnig mo ang kanilang mga opinyon, tanungin ang sarili, ‘Makakatulong ba ito na alalahanin ko ang Maylalang sa panahon ng aking kabataan o makakahadlang ito sa akin?’​—Basahin ang Eclesiastes 12:1.

5 Bakit dapat na makalugod sa Diyos ang mga desisyon mo sa buhay? Ang isang dahilan ay sapagkat si Jehova ang nagbigay ng lahat ng mabubuting bagay na taglay natin. (Sant. 1:17) Oo, ang lahat ay may utang na loob kay Jehova. (Apoc. 4:11) Wala nang mas magandang paraan para tumanaw ng utang na loob kundi ang isaisip si Jehova kapag nagtatakda ng mga tunguhin. Tingnan natin kung anong mga tunguhin ang talagang kapaki-pakinabang at kung ano ang dapat mong gawin para maabot ang mga ito.

Anu-anong Tunguhin ang Maitatakda Mo?

6. Anong mahalagang tunguhin ang puwede mong itakda, at bakit?

6 Gaya ng binanggit sa naunang artikulo, ang isang mahalagang tunguhin na maitatakda mo ay ang patunayan sa iyong sarili na totoo ang sinasabi ng Bibliya. (Roma 12:2; 2 Cor. 13:5) Baka naniniwala sa ebolusyon o sa iba’t ibang maling doktrina ang mga kaeskuwela mo dahil iyon ang itinuro sa kanila. Pero hindi ka basta na lang maniniwala sa sinasabi ng iba. Tandaan, gusto ni Jehova na paglingkuran mo siya nang buong pag-iisip. (Basahin ang Mateo 22:36, 37.) Gusto ng ating makalangit na Ama na magkaroon ka ng pananampalatayang nakasalig sa matibay na ebidensiya.​—Heb. 11:1.

7, 8. (a) Anu-anong simpleng tunguhin ang makatutulong para tumibay ang iyong pananampalataya? (b) Ano ang madarama mo kapag naabot mo na ang ilan sa mga tunguhing ito?

7 Para tumibay ang iyong pananampalataya, puwede kang magtakda ng ilang simpleng tunguhin. Isa na rito ang pananalangin araw-araw. Para maging espesipiko ang iyong panalangin at hindi iyo’t iyon ding pananalita ang ginagamit mo, maaari mong tandaan o isulat ang mga nangyari sa maghapon na gusto mong isama sa iyong panalangin. Banggitin mo hindi lang ang mga naging problema mo kundi pati ang masasayang bagay na nangyari sa iyo. (Fil. 4:6) Ang isa pang tunguhin ay ang pagbabasa ng Bibliya araw-araw. Alam mo ba na kung magbabasa ka ng apat na pahina bawat araw, matatapos mo ang buong Bibliya sa loob lang ng isang taon? * ‘Maligaya ang tao na ang kaluguran ay sa kautusan ni Jehova,’ ang sabi ng Awit 1:1, 2, “at sa kaniyang kautusan ay nagbabasa siya nang pabulong araw at gabi.”

8 Ang ikatlong simpleng tunguhin na maaari mong itakda ay ang pagsagot sa pulong. Sa simula, puwedeng basahin mo lang ang sagot o ang isang teksto. Sa kalaunan, subukan mo namang sumagot sa sariling pananalita. Ang totoo, sa tuwing sasagot ka, naghahandog ka ng hain kay Jehova. (Heb. 13:15) Kapag naabot mo na ang ilan sa mga tunguhing ito, magkakaroon ka ng kumpiyansa sa sarili at mas lalalim ang pagpapahalaga mo kay Jehova. Handa ka na ngayon para sa pangmatagalang mga tunguhin.

9. Kung hindi ka pa mamamahayag ng Kaharian, anu-anong pangmatagalang tunguhin ang puwede mong itakda?

9 Anu-ano namang pangmatagalang tunguhin ang puwede mong itakda? Kung hindi ka pa nakikibahagi sa pangangaral, puwede mong gawing tunguhin na maging mamamahayag ng Kaharian. Kapag naabot mo na ang marangal na tunguhing ito, nanaisin mo namang maging regular at epektibo, anupat hindi lumiliban ng kahit isang buwan sa paglilingkod. Nanaisin mo ring gamitin ang Bibliya sa ministeryo. Sa paggawa nito, malamang na lalo kang masiyahan sa pangangaral. Puwede mo ring dagdagan ang oras mo sa pagbabahay-bahay o pagsikapan pa ngang magkaroon ng inaaralan sa Bibliya. Bilang di-bautisadong mamamahayag, wala nang hihigit pang tunguhin kaysa sa magpabautismo at maging nakaalay at bautisadong Saksi ni Jehova.

10, 11. Anu-anong pangmatagalang tunguhin ang puwedeng itakda ng mga bautisadong kabataan?

10 Kung ikaw naman ay bautisado na, narito ang ilang pangmatagalang tunguhin na puwede mong abutin. Paminsan-minsan, baka gusto mong tumulong sa mga kongregasyon na mangaral sa teritoryong bihirang magawa. Baka gusto mo ring mag-auxiliary o mag-regular pioneer hangga’t malakas ka at malusog. Libu-libong masasayang payunir ang makapagsasabi sa iyo na ang buong-panahong paglilingkod ay isang kasiya-siyang paraan ng pag-alaala sa iyong Maylalang sa panahon ng kabataan. Ang mga tunguhing ito ay puwede mong abutin habang nasa poder ka pa ng iyong mga magulang. Makikinabang din ang inyong kongregasyon kapag naabot mo ang mga ito.

11 Ang iba pang pangmatagalang tunguhin ay hindi lang sa kapakinabangan ng inyong kongregasyon. Halimbawa, puwede kang maglingkod sa ibang lugar o bansa kung saan mas malaki ang pangangailangan. Baka gusto mong tumulong sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall o mga pasilidad ng sangay sa ibang lupain. Baka puwede ka pa ngang maging Bethelite o misyonero. Siyempre pa, magagawa mo lang ang mga tunguhing ito kung bautisado ka na. Kaya kung hindi ka pa nagpapabautismo, pag-isipan kung ano ang kailangan para maabot mo ang napakahalagang hakbang na ito sa iyong buhay.

Pag-abot sa Tunguhing Magpabautismo

12. Anu-ano ang dahilan ng iba sa pagpapabautismo? Bakit hindi sapat na dahilan ang mga ito?

12 Ano sa palagay mo ang layunin ng bautismo? Iniisip ng ilan na ito’y proteksiyon para hindi sila magkasala. Ipinalalagay naman ng iba na dapat silang magpabautismo dahil bautisado na ang mga kaibigan nila. Ang iba ay nagpapabautismo para lang mapaluguran ang kanilang mga magulang. Gayunman, ang bautismo ay hindi isang kontrata na pipigil sa iyo sa paggawa ng mga bagay na gusto mo sanang gawin nang palihim. Hindi ka rin magpapabautismo dahil lang sa ginigipit ka ng iba. Gagawin mo ito kapag nauunawaan mo na ang kahulugan ng pagiging isang Saksi ni Jehova at kapag handa ka na sa responsibilidad na ito.​—Ecles. 5:4, 5.

13. Bakit ka dapat magpabautismo?

13 Ang isang dahilan sa pagpapabautismo ay sapagkat inatasan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na “gumawa ng mga alagad . . . , na binabautismuhan sila.” Nagpakita rin siya ng halimbawa nang magpabautismo siya. (Basahin ang Mateo 28:19, 20; Marcos 1:9.) Bukod diyan, ang bautismo ay isang mahalagang hakbang para sa mga gustong makaligtas. Matapos banggitin ang paggawa ni Noe ng arka na nagligtas sa kaniya at sa kaniyang pamilya noong Baha, sinabi ni apostol Pedro: “Yaong katumbas nito ay nagliligtas din ngayon sa inyo, samakatuwid nga, ang bautismo, . . . sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo.” (1 Ped. 3:20, 21) Pero hindi ibig sabihin nito na ang bautismo ay parang insurance na proteksiyon mo kapag nagkaroon ng sakuna. Sa halip, magpapabautismo ka dahil iniibig mo si Jehova at gusto mo siyang paglingkuran nang buong puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas.​—Mar. 12:29, 30.

14. Bakit atubiling magpabautismo ang ilan? Pero ano ang tinitiyak sa iyo?

14 Ang ilan ay atubiling magpabautismo dahil natatakot silang matiwalag lang sa bandang huli. Ganiyan din ba ang nadarama mo? Kung oo, hindi naman masasabing masama ang gayong pagkatakot. Nangangahulugan ito na nauunawaan mo ang malaking responsibilidad ng pagiging Saksi ni Jehova. May iba pa kayang dahilan? Baka hindi ka pa kumbinsido na ang pamumuhay ayon sa mga pamantayan ng Diyos ang magdudulot sa iyo ng tunay na kaligayahan. Kung gayon, makatutulong sa iyo na pag-isipan ang kinahinatnan ng mga nagwalang-bahala sa mga pamantayan ng Bibliya. O puwede rin namang pinahahalagahan mo ang mga pamantayan ng Diyos pero iniisip mong hindi mo ito kayang sundin. Sa isang banda, magandang senyales iyan dahil pagpapakita iyan ng kapakumbabaan. Sinasabi naman talaga sa Bibliya na mapandaya ang di-sakdal na puso ng tao. (Jer. 17:9) Pero magtatagumpay ka kung ‘mananatili kang mapagbantay ayon sa salita ng Diyos.’ (Basahin ang Awit 119:9.) Anuman ang dahilan ng iyong pag-aatubiling magpabautismo, kailangan mo itong lutasin. *

15, 16. Paano mo matitiyak na handa ka nang magpabautismo?

15 Pero paano mo matitiyak na handa ka nang magpabautismo? Puwede mong itanong sa iyong sarili: ‘Kaya ko bang ipaliwanag ang mga pangunahing turo sa Bibliya? Sumasama ba ako sa pangangaral kahit hindi kasama ang mga magulang ko? Nagsisikap ba akong dumalo sa lahat ng pulong? Nakaranas na ba akong gipitin ng aking mga kasama at napaglabanan ko ito? Maglilingkod pa ba ako kay Jehova kahit huminto na ang aking mga magulang at mga kaibigan? Nanalangin na ba ako tungkol sa kaugnayan ko sa Diyos? At buong-puso na ba akong nag-alay kay Jehova sa panalangin?’

16 Ang bautismo ay isang hakbang na babago sa iyong buhay kung kaya dapat itong seryosohin. May-gulang ka na ba para pag-isipan ito? Ang pagkamaygulang ay hindi lang makikita sa kahusayan ng isa na magpahayag sa plataporma o magkomento sa pulong. Kailangang nakapagdedesisyon ka na ayon sa pagkaunawa mo sa mga simulain sa Bibliya. (Basahin ang Hebreo 5:14.) Kung nagagawa mo na ito, nasa harap mo ngayon ang pinakadakilang pribilehiyo​—ang paglingkuran si Jehova nang buong puso at mamuhay kaayon ng pag-aalay mo sa kaniya.

17. Ano ang tutulong sa iyo na mapagtagumpayan ang mga pagsubok pagkatapos ng bautismo?

17 Pagkatapos ng bautismo, baka sabik na sabik kang maglingkod sa Diyos. Pero di-magtatagal, baka mapaharap ka sa mga problemang susubok sa iyong pananampalataya at katatagan. (2 Tim. 3:12) Huwag mong isiping nag-iisa ka. Humingi ng payo sa iyong mga magulang. Humingi ng tulong sa mga maygulang sa kongregasyon. Panatilihin ang pakikipagkaibigan sa mga kapatid na aalalay sa iyo. Huwag na huwag mong kalilimutan na nagmamalasakit sa iyo si Jehova, at palalakasin ka niya para maharap ang anumang problema.​—1 Ped. 5:6, 7.

Paano Mo Maaabot ang Iyong mga Tunguhin?

18, 19. Paano ka makikinabang sa pagsusuri sa iyong mga priyoridad?

18 Sa kabila ng iyong mga pagsisikap, sa tingin mo ba’y kulang pa rin ang panahon mo para magawa ang lahat ng gusto mo at kailangan mong gawin? Kung gayon, dapat mong suriin ang mga priyoridad mo. Bilang ilustrasyon: Kumuha ng isang timba at lagyan ito ng malalaking bato. Pagkatapos, punuin ito ng buhangin. Mayroon ka nang isang timba na punô ng bato at buhangin. Alisan mo ng laman ang timba. Ngayon, ibalik mo ulit ang laman nito pero unahin mo naman ang buhangin, at saka mo ilagay ang mga bato. Hindi na kasya? Inuna mo kasi ang buhangin.

19 Ganiyan din ang problema mo sa paggamit ng panahon. Kung inuuna mo ang mga bagay na gaya ng paglilibang, talagang kukulangin ka ng panahon para sa mas importanteng mga bagay​—ang espirituwal na mga gawain. Pero kung susundin mo ang payo ng Bibliya na ‘tiyakin ang mga bagay na higit na mahalaga,’ magkakaroon ka ng panahon sa espirituwal na mga gawain at pati na sa paglilibang.​—Fil. 1:10.

20. Ano ang dapat mong gawin kapag nababalisa ka at nag-aalinlangan habang inaabot mo ang iyong mga tunguhin?

20 Habang inaabot mo ang iyong mga tunguhin, pati na ang bautismo, posibleng mabalisa ka at mag-alinlangan paminsan-minsan. Kung gayon, “ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo.” (Awit 55:22) May pagkakataon ka ngayong makibahagi sa pinakakapana-panabik at pinakamahalagang gawain sa kasaysayan ng tao​—ang pambuong-daigdig na pangangaral at pagtuturo. (Gawa 1:8) Puwede kang pumili: makibahagi sa gawain o maging tagapanood lang. Huwag kang mag-atubiling gamitin ang iyong kakayahan para suportahan ang gawaing pang-Kaharian. Hinding-hindi mo pagsisisihan ang paglilingkod sa “iyong Manlilikha sa panahon ng iyong kabataan.”​—Ecles. 12:1, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino.

[Mga talababa]

^ par. 7 Tingnan Ang Bantayan, Agosto 1, 2009, pahina 15-18.

Paano Mo Sasagutin?

• Bakit ka dapat magtakda ng mga tunguhin?

• Ano ang ilang tunguhin na talagang kapaki-pakinabang?

• Ano ang kailangan para maabot ang tunguhing magpabautismo?

• Paano makatutulong ang pagsusuri sa iyong priyoridad para maabot mo ang iyong mga tunguhin?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 13]

Tunguhin mo bang magbasa ng Bibliya araw-araw?

[Larawan sa pahina 15]

Ano ang tutulong sa iyo na maabot ang tunguhing magpabautismo?

[Larawan sa pahina 16]

Ano ang matututuhan mo sa ilustrasyong ito?