Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tulungan ang mga Nagsosolong Magulang

Tulungan ang mga Nagsosolong Magulang

Tulungan ang mga Nagsosolong Magulang

ANG mga nagsosolong magulang ay isa sa mga pinakaabala at pinakapagod na tao. Napakarami nilang hamon sa buhay. Kailangan nilang asikasuhin ang maraming pananagutan sa pamilya. Bukod sa pagtatrabaho, nariyan din ang pamimili, pagluluto, paglilinis, at pag-aasikaso sa mga anak. Kailangan din nilang pangalagaan ang kalusugan ng pamilya at paglaanan ng panahon ang kanilang mga anak para makasama ang mga ito sa paglilibang at sa mga panahong kailangan ng mga ito ng magulang. Kailangan din nila ng panahon para sa sarili.

Bagaman dumarami sa ngayon ang mga pamilyang may nagsosolong magulang, hindi pa rin sila nabibigyang-pansin. Ganito ang inamin ng isang ina, “Hindi ko napapansin ang mga nagsosolong magulang hanggang sa naging ganoon din ako.” Paano mo matutulungan ang mga nagsosolong magulang? Dapat mo ba silang alalahanin? Isaalang-alang natin ang tatlong dahilan kung bakit dapat silang tulungan.

Mga Dahilan Upang Tumulong

Kailangan ng maraming nagsosolong magulang ng tulong. Isang 41-anyos na biyuda na may dalawang anak ang nagsabi: “May mga panahong hindi ko alam ang gagawin ko. Napakarami kong pananagutan.” Nadarama rin ng mga biyudo’t biyuda, ng mga iniwan ng asawa, o ng iba pang nagsosolong magulang ang nadama ng isang nagsosolong ina. Sinabi niya, “Kailangang-kailangan namin ng tulong!”

Magiging mas maligaya ka. May natulungan ka na bang magbuhat ng isang napakabigat na bagay? Kung gayon, malamang na nasiyahan ka dahil alam mong nakatulong ka. Sa katulad na paraan, ang mga nagsosolong magulang ay may mga responsibilidad na kung minsan ay napakabigat para sa kanila. Kapag tinulungan mo sila, madarama mo ang sinasabi sa Awit 41:1: “Maligaya ang sinumang gumagawi nang may pakundangan [o tumutulong] sa maralita.”

Nakalulugod ito sa Diyos. Sinasabi ng Santiago 1:27: “Ang anyo ng pagsamba na malinis at walang dungis sa pangmalas ng ating Diyos at Ama ay ito: alagaan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian.” Kasama rito ang mga nagsosolong magulang. * Sinasabi ng Hebreo 13:16: “Huwag ninyong kalilimutan ang paggawa ng mabuti at ang pagbabahagi ng mga bagay-bagay sa iba, sapagkat sa gayong mga hain ay lubos na nalulugod ang Diyos.”

Ngayong alam na natin ang tatlong dahilan kung bakit dapat tulungan ang mga nagsosolong magulang, tingnan naman natin kung paano ka makatutulong at kung paano mo matitiyak na kapaki-pakinabang ang ibibigay mong tulong.

Alamin ang Kailangan Nila

Waring ang pinakamadaling gawin ay tanungin ang nagsosolong magulang, “Ano ang maitutulong ko?” Pero sa totoo lang, bihira silang magsabi kung ano talaga ang kailangan nila. Gaya ng nabanggit kanina, iminumungkahi ng Awit 41:1 na ‘gumawi nang may pakundangan.’ Ipinaliliwanag ng isang reperensiya na ang terminong Hebreo na ginamit dito ay maaaring mangahulugan ng “proseso ng pag-iisip nang mabuti . . . na ang resulta ay paggawi nang may karunungan.”

Kaya upang malaman kung paano ka talaga makatutulong, kailangan mong pag-isipang mabuti ang mga hamong nakakaharap ng nagsosolong magulang. Maging mapagmasid. Tanungin ang sarili, ‘Kung ako ang nasa kalagayan nila, anong tulong ang kakailanganin ko?’ Siyempre pa, sasabihin sa iyo ng maraming nagsosolong magulang na hindi mo lubusang mauunawaan ang kalagayan nila hangga’t hindi mo ito nararanasan. Pero kung sisikapin mong ilagay ang iyong sarili sa kanilang kalagayan, mas magagawa mong ‘gumawi nang may pakundangan’ sa mga nagsosolong magulang.

Tularan ang Sakdal na Halimbawa ng Diyos

Pagdating sa pangangalaga sa mga nagsosolong magulang, wala nang hihigit pa sa pag-ibig na ipinakikita ng Diyos na Jehova. Itinatampok ng maraming teksto ang tulong at pagmamalasakit na ipinakikita ng Diyos na Jehova sa mga babaing balo, batang lalaking walang ama, at samakatuwid, sa mga nagsosolong magulang. Marami tayong matututuhan kung susuriin natin kung paano sila tinutulungan ng Diyos. Isaalang-alang natin ang apat na paraan.

Maglaan ng panahon para makinig

Sa Kautusang ibinigay ni Jehova sa sinaunang Israel, sinabi niya na ‘walang pagsalang diringgin niya ang daing’ ng isang nahihirapan. (Exodo 22:22, 23) Paano mo matutularan ang kaniyang halimbawa? Madalas makadama ng matinding kalungkutan ang mga nagsosolong magulang dahil wala silang makausap. “Kapag tulog na ang mga bata, kung minsan hindi ko mapigilang umiyak,” ang sabi ng isang nagsosolong ina. “Parang hindi ko kakayanin ang kalungkutan.” Kung angkop, puwede mo bang ‘dinggin ang daing’ ng nagsosolong magulang na gustong maghinga sa iyo ng kaniyang niloloob? Malaki ang magagawa ng pakikinig upang matulungan ang isa na maharap ang mga hamon ng pagiging nagsosolong magulang.

Patibayin sila

Ginabayan ng espiritu ni Jehova ang pagsulat ng sagradong mga awit, o salmo, na ginagamit ng mga Israelita sa pagsamba. Isip-isipin kung paano napatitibay ang mga babaing balo at batang lalaking walang ama sa Israel kapag inaawit ang mga ito at naipaaalaala sa kanila na si Jehova ay isang “ama” at “hukom” na magpapaginhawa sa kanila. (Awit 68:5; 146:9) Tayo rin ay makapagbibigay ng pampatibay-loob na hindi malilimutan ng nagsosolong magulang. Bagaman 20 taon na ang nakalipas, naaalaala pa rin ni Ruth, isang nagsosolong ina, ang sinabi sa kaniya ng isang makaranasang ama: “Mahusay ang pagpapalaki mo sa dalawa mong anak. Ipagpatuloy mo iyan.” Sinabi ni Ruth: “Talagang naantig ako sa sinabi niya.” Oo, “ang magiliw na pananalita ay nakapagpapagaling” at talagang nakapagpapatibay sa nagsosolong magulang. (Kawikaan 15:4, Contemporary English Version) May naiisip ka bang espesipiko at taimtim na komendasyon para sa kanila?

Magbigay ng materyal na tulong kung kinakailangan

Sa Kautusan ni Jehova sa sinaunang Israel, may kaayusan para mapaglaanan ng pagkain ang mga babaing balo at batang lalaking walang ama sa paraang hindi sila mawawalan ng dangal. Sa kaayusang ito, sila ay nagkakaroon ng sapat na ‘kakainin at nabubusog.’ (Deuteronomio 24:19-21; 26:12, 13) Matutulungan din natin sa materyal na paraan ang pamilya ng nagsosolong magulang nang hindi ito pinangangalandakan. Maaari mo ba silang dalhan ng pagkain o isang bag ng groseri sa kanilang bahay? Mayroon ka bang mga damit na magagamit ng nagsosolong magulang o ng mga bata? O puwede ka bang mag-abot ng kaunting pera upang mabili nila ang kanilang kailangan?

Anyayahan sila

Iniutos ni Jehova na isama ang mga babaing balo at batang lalaking walang ama sa taunang mga kapistahan ng bansa, kung saan masisiyahan sila sa pakikisama sa mga kapuwa Israelita. Sa katunayan, sinabihan sila na ‘magsaya.’ (Deuteronomio 16:10-15) Ang mga Kristiyano sa ngayon ay pinapayuhan din na “maging mapagpatuloy sa isa’t isa,” anupat inaanyayahan ang iba sa masasayang okasyon. (1 Pedro 4:9) Bakit hindi anyayahang kumain sa inyong bahay ang isang pamilya ng nagsosolong magulang? Hindi naman kailangang maraming handa. “Iilang bagay ang kinakailangan, o isa lamang,” ang sabi ni Jesus nang anyayahan siya sa tahanan ng kaniyang mga kaibigan.​—Lucas 10:42.

Pahahalagahan ang Iyong Tulong

Si Kathleen ay nagsosolong magulang na nagpalaki ng tatlong anak. Sinabi niyang hindi niya malilimutan ang matalinong payo na ito, “Huwag umasa ng anuman; pahalagahan ang anumang tulong.” Gaya ni Kathleen, alam ng maraming nagsosolong magulang na pananagutan nilang palakihin ang kanilang mga anak. Kaya hindi nila inaasahan na gagawin ito ng iba para sa kanila. Pero tiyak na pinahahalagahan nila ang anumang tulong na tinatanggap nila. Matutulungan mo na sila, liligaya ka pa, at makapagtitiwala kang “gagantimpalaan [ng Diyos na Jehova] ang ginawa mo.”​—Kawikaan 19:17, New Century Version.

[Talababa]

^ par. 7 Bagaman hindi lumilitaw sa Bibliya ang terminong “nagsosolong magulang,” ang mga salitang “babaing balo” at “batang lalaking walang ama” ay madalas gamitin. Ipinakikita nito na ang mga nagsosolong magulang ay karaniwan na kahit noong panahon ng Bibliya.​—Isaias 1:17.

[Larawan sa pahina 24]

Kailan ka huling nag-anyaya sa isang pamilya ng nagsosolong magulang na kumaing kasama mo? Bakit hindi ito gawin sa lalong madaling panahon?