Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ngayon ang Lalong Kaayaayang Panahon”

“Ngayon ang Lalong Kaayaayang Panahon”

“Ngayon ang Lalong Kaayaayang Panahon”

“Narito! Ngayon ang lalong kaayaayang panahon. Narito! Ngayon ang araw ng kaligtasan.”​—2 COR. 6:2.

1. Bakit kailangan nating malaman kung ano ang dapat gawin sa isang partikular na panahon?

“SA LAHAT ng bagay ay may takdang panahon, isang panahon nga para sa bawat pangyayari sa silong ng langit.” (Ecles. 3:1) Ipinahihiwatig ni Solomon na mahalagang malaman ang pinakaangkop na panahon para sa anumang makabuluhang gawain​—ito man ay pagtatanim, paglalakbay, pagnenegosyo, o pakikipag-usap sa iba. Pero dapat din nating malaman kung ano ang pinakamahalagang bagay na dapat gawin sa isang partikular na panahon. Sa ibang salita, dapat na maging malinaw sa atin ang ating priyoridad.

2. Bakit masasabing alam na alam ni Jesus ang panahong kinabubuhayan niya noong narito siya sa lupa?

2 Noong nasa lupa si Jesus, alam na alam niya ang panahong kinabubuhayan niya at kung ano ang dapat niyang gawin. Palibhasa’y malinaw sa isip ang kaniyang mga priyoridad, alam niyang iyon na ang panahon para matupad ang maraming hula tungkol sa Mesiyas. (1 Ped. 1:11; Apoc. 19:10) Mayroon siyang kailangang gawin para patunayang siya nga ang ipinangakong Mesiyas. Kailangan niyang lubusang magpatotoo tungkol sa Kaharian at magtipon ng mga makakasama niyang tagapagmana sa Kaharian. At kailangan niyang itatag ang pundasyon ng kongregasyong Kristiyano na mangangaral at gagawa ng mga alagad hanggang sa mga dulo ng lupa.​—Mar. 1:15.

3. Paano nakaapekto kay Jesus ang pagkaalam tungkol sa panahong kinabubuhayan niya?

3 Ang gayong pagkaalam tungkol sa panahon ang nag-udyok kay Jesus na maging masigasig sa paggawa ng kalooban ng kaniyang Ama. Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Ang aanihin ay marami, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti. Kaya nga magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.” (Luc. 10:2; Mal. 4:5, 6) Mula sa kaniyang mga alagad, pumili muna si Jesus ng 12 at pagkatapos ay 70, binigyan sila ng espesipikong tagubilin, at isinugo para ipangaral ang isang kapana-panabik na mensahe: “Ang kaharian ng langit ay malapit na.” Tungkol kay Jesus mismo, mababasa natin: “Nang matapos [niya] ang pagbibigay ng mga tagubilin sa kaniyang labindalawang alagad, siya ay humayo mula roon upang magturo at mangaral sa kanilang mga lunsod.”​—Mat. 10:5-7; 11:1; Luc. 10:1.

4. Sa anong paraan tinularan ni Pablo si Jesu-Kristo?

4 Si Jesus ay sakdal na huwaran ng sigasig at debosyon para sa lahat ng kaniyang tagasunod. Binanggit ito ni apostol Pablo nang himukin niya ang kaniyang mga kapananampalataya: “Maging mga tagatulad kayo sa akin, gaya ko naman kay Kristo.” (1 Cor. 11:1) Sa anong paraan tinularan ni Pablo si Kristo? Pangunahin na, sa paggawa ng kaniyang buong makakaya sa pangangaral ng mabuting balita. Sa mga liham ni Pablo, mababasa natin ang mga pananalitang “huwag magmakupad sa inyong gawain,” “magpaalipin kayo para kay Jehova,” “laging maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon,” at “anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ito nang buong kaluluwa na gaya ng kay Jehova.” (Roma 12:11; 1 Cor. 15:58; Col. 3:23) Hindi kailanman nalimutan ni Pablo ang kaniyang karanasan nang kausapin siya ng Panginoong Jesu-Kristo habang papunta siya sa Damasco at ang mga salita ni Jesus sa pamamagitan ni Ananias: “Ang taong ito ay isang piniling sisidlan sa akin upang dalhin ang aking pangalan sa mga bansa at gayundin sa mga hari at sa mga anak ni Israel.”​—Gawa 9:15; Roma 1:1, 5; Gal. 1:16.

“Ang Lalong Kaayaayang Panahon”

5. Ano ang nag-udyok kay Pablo na maging masigasig sa ministeryo?

5 Sa aklat ng Mga Gawa, kitang-kita natin ang tapang at sigasig ni Pablo sa ministeryo. (Gawa 13:9, 10; 17:16, 17; 18:5) Alam ni Pablo ang kahalagahan ng panahong kinabubuhayan niya. Sinabi niya: “Narito! Ngayon ang lalong kaayaayang panahon. Narito! Ngayon ang araw ng kaligtasan.” (2 Cor. 6:2) Noong 537 B.C.E., kaayaayang panahon iyon para bumalik sa kanilang sariling bayan ang mga tapon sa Babilonya. (Isa. 49:8, 9) Pero ano kaya ang tinutukoy ni Pablo? Makikita natin sa konteksto kung ano ang nasa isip niya.

6, 7. Anong malaking karangalan ang ibinigay sa mga pinahirang Kristiyano sa ngayon? Sino ang gumagawang kasama ng mga pinahiran?

6 Sa naunang kabanata ng kaniyang liham, binanggit ni Pablo ang malaking karangalang ibinigay sa kaniya at sa mga kapuwa niya pinahirang Kristiyano. (Basahin ang 2 Corinto 5:18-20.) Ipinaliwanag niya na tinawag sila ng Diyos para sa isang espesipikong layunin, ang magsagawa ng “ministeryo ng pakikipagkasundo,” anupat magsusumamo sa mga tao na ‘makipagkasundo sa Diyos.’ Nangangahulugan iyan ng muling pakikipagkaibigan o pakikipagpayapaan sa Diyos.

7 Mula nang maghimagsik ang unang mag-asawa sa Eden, ang sangkatauhan ay naging hiwalay kay Jehova. (Roma 3:10, 23) Ang mga tao sa pangkalahatan ay nalugmok sa espirituwal na kadiliman, na nagdulot ng pagdurusa at kamatayan. “Alam natin na ang buong sangnilalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama hanggang ngayon,” ang sabi ni Pablo. (Roma 8:22) Ngunit kumilos ang Diyos para manghikayat, o ‘magsumamo’ pa nga, sa mga tao na manumbalik, o makipagkasundo, sa kaniya. Iyan ang ministeryong ipinagkatiwala kay Pablo at sa kaniyang mga kapuwa pinahirang Kristiyano noon. Ang ‘kaayaayang panahong’ iyon ay maaaring maging “araw ng kaligtasan” para sa sinumang mananampalataya kay Jesus. Sa ngayon, ang lahat ng pinahirang Kristiyano at ang “ibang mga tupa,” na gumagawang kasama nila, ay patuloy na nag-aanyaya sa mga tao na makinabang sa “kaayaayang panahon.”​—Juan 10:16.

8. Bakit talagang pambihira ang panawagan na makipagkasundo?

8 Talagang pambihira ang panawagan na makipagkasundo dahil bagaman ang tao ang sumira ng kaugnayan nila sa Diyos nang maghimagsik sila sa Eden, ang Diyos pa mismo ang gumawa ng paraan para maisauli ang ugnayang iyon. (1 Juan 4:10, 19) Ano ang ginawa Niya? Sumagot si Pablo: “Sa pamamagitan ni Kristo ay ipinakikipagkasundo ng Diyos ang isang sanlibutan sa kaniyang sarili, na hindi ibinibilang sa kanila ang kanilang mga pagkakamali, at ipinagkatiwala niya sa amin ang salita ng pakikipagkasundo.”​—2 Cor. 5:19; Isa. 55:6.

9. Ano ang ginawa ni Pablo para ipakitang pinahahalagahan niya ang awa ng Diyos?

9 Sa pamamagitan ng paglalaan ng haing pantubos, ginawang posible ni Jehova na ang mga nananampalataya ay mapatawad sa kanilang mga pagkakamali at muling makipagkaibigan sa kaniya. Bukod diyan, isinugo rin niya ang kaniyang mga kinatawan para himukin ang mga tao na makipagpayapaan sa kaniya habang may panahon pa. (Basahin ang 1 Timoteo 2:3-6.) Palibhasa’y alam ang kalooban ng Diyos at ang panahong kinabubuhayan niya, ginawa ni Pablo ang kaniyang buong makakaya sa “ministeryo ng pakikipagkasundo.” Hindi pa rin nagbabago ang kalooban ni Jehova. Bukás pa rin ang pagkakataong makipagkasundo sa kaniya. Kapit pa rin sa ngayon ang pananalita ni Pablo na “ngayon ang lalong kaayaayang panahon” at “ngayon ang araw ng kaligtasan.” Talaga ngang napakamaawain ng Diyos na Jehova!​—Ex. 34:6, 7.

Huwag “Sumala sa Layunin Nito”

10. Ano ang kahulugan ng “araw ng kaligtasan” para sa mga pinahirang Kristiyano, noon at ngayon?

10 Ang unang nakinabang sa di-sana-nararapat na kabaitang ito ay ang mga “kaisa ni Kristo.” (2 Cor. 5:17, 18) Para sa kanila, “ang araw ng kaligtasan” ay nagsimula noong Pentecostes 33 C.E. Mula noon, ipinagkatiwala sa kanila ang atas na ihayag “ang salita ng pakikipagkasundo.” Sa ngayon, isinasagawa pa rin ng nalabi ng mga pinahirang Kristiyano “ang ministeryo ng pakikipagkasundo.” Nauunawaan nila na ang apat na anghel na nakita ni Juan sa pangitain ay ‘nakahawak nang mahigpit sa apat na hangin ng lupa, upang walang hanging humihip sa lupa.’ Kaya hanggang ngayon, ito pa rin ang “araw ng kaligtasan” at ang “lalong kaayaayang panahon.” (Apoc. 7:1-3) Dahil dito, mula noong unang bahagi ng ika-20 siglo, masigasig na isinasagawa ng pinahirang nalabi ang “ministeryo ng pakikipagkasundo” hanggang sa malalayong sulok ng lupa.

11, 12. Paano ipinakita ng mga pinahirang Kristiyano noong pasimula ng ika-20 siglo na alam nila ang panahong kinabubuhayan nila? (Tingnan ang larawan sa pahina 15.)

11 Halimbawa, ayon sa aklat na Mga Saksi ni Jehova​Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos, noong pasimula ng ika-20 siglo, “malakas ang kutob ni C. T. Russell at ng kaniyang mga kasama na sila’y nasa panahon ng pag-aani at na ang mga tao ay nangangailangang makarinig ng nakapagpapalayang katotohanan.” Ano ang ginawa nila? Palibhasa’y kumbinsidong nasa panahon sila ng pag-aani, isang “lalong kaayaayang panahon,” hindi lang basta inanyayahan ng mga kapatid na ito ang mga tao na dumalo sa isang relihiyosong serbisyo gaya ng matagal nang ginagawa ng klero ng Sangkakristiyanuhan. Sa halip, sinubukan nila ang iba pang mga praktikal na paraan para mapalaganap ang mabuting balita. Kasama na rito ang matalinong paggamit ng pinakabagong teknolohiya sa ikasusulong ng kanilang gawain.

12 Para mapalaganap ang mabuting balita ng Kaharian, ang maliit na grupong iyon ng masisigasig na ministro ay gumamit ng mga tract, pamplet, magasin, at mga aklat. Naglathala rin sila ng mga sermon at artikulo sa libu-libong pahayagan. Nagbrodkas sila ng salig-Bibliyang mga programa sa nasyonal at internasyonal na mga istasyon ng radyo. Gumawa sila at gumamit ng mga pelikulang sinasabayan ng ponograpo, bago pa man makagawa ng mga palabas na may sound ang industriya ng pelikula. Ano ang resulta ng gayong di-nagbabagong sigasig? Sa ngayon, mga pitong milyon katao na ang tumugon anupat nakikibahagi sa paghahayag ng mensahe: “Makipagkasundo kayo sa Diyos.” Oo, ang naunang mga lingkod na iyon ni Jehova ay maiinam na halimbawa ng sigasig sa kabila ng kanilang kalagayan noon.

13. Anong layunin ng Diyos ang dapat nating isapuso?

13 Totoo pa rin ang sinabi ni Pablo na “ngayon ang lalong kaayaayang panahon.” Tayong mga nakatanggap ng di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova ay nagpapasalamat sa pagkakataong marinig at tanggapin ang mensahe ng pakikipagkasundo. Sa halip na maging kampante, isinasapuso natin ang sumunod na sinabi ni Pablo: “Namamanhik din kami sa inyo na huwag tanggapin ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos at sumala sa layunin nito.” (2 Cor. 6:1) Layunin ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos na ‘ipagkasundo sa kaniyang sarili ang isang sanlibutan’ sa pamamagitan ni Kristo.​—2 Cor. 5:19.

14. Anong magagandang pagbabago ang nangyayari sa maraming lupain?

14 Ang karamihan sa mga tao, na binulag ni Satanas, ay hiwalay pa rin sa Diyos at walang kaalam-alam sa layunin ng di-sana nararapat na kabaitan ng Diyos. (2 Cor. 4:3, 4; 1 Juan 5:19) Pero dahil sa lumulubhang kalagayan ng daigdig, marami ang tumutugon kapag ipinaliwanag sa kanila na ang pagiging hiwalay sa Diyos ang siyang ugat ng kasamaan at pagdurusa ng tao. Kahit sa mga lupain kung saan walang interes ang karamihan sa mga tao, marami na ngayon ang tumatanggap ng mabuting balita at nagsisikap makipagkasundo sa Diyos. Kung gayon, nauunawaan ba nating ito na ang panahon para maging mas masigasig sa paghahayag ng panawagan: “Makipagkasundo kayo sa Diyos”?

15. Sa halip na mangaral ng isang mensahe na magpapagaan lang ng kalooban ng mga tao, ano ang gusto nating malaman ng lahat?

15 Ang atas natin ay hindi lang basta sabihin sa mga tao na kapag bumaling sila sa Diyos, tutulungan niya sila sa lahat ng kanilang problema at gagaan ang kalooban nila. Iyan lang ang hinahanap ng marami kapag nagsisimba sila, at iyon naman ang ibinibigay ng mga simbahan. (2 Tim. 4:3, 4) Hindi iyan ang tunguhin ng ating ministeryo. Ipinangangaral natin na si Jehova, dahil sa kaniyang pag-ibig, ay handang magpatawad ng mga pagkakamali sa pamamagitan ni Kristo. Kaya naman ang mga indibiduwal ay posible nang mápalapít sa Diyos at makipagkasundo sa kaniya. (Roma 5:10; 8:32) Pero ang “lalong kaayaayang panahon” ay mabilis na nauubos.

“Maging Maningas Kayo sa Espiritu”

16. Ano ang tumulong kay Pablo na maging matapang at masigasig?

16 Kung gayon, paano tayo magkakaroon ng sigasig sa tunay na pagsamba at paano natin mapananatili iyon? Maaaring ang ilan ay likas na mahiyain o tahimik at hindi makapagpakita ng kanilang nadarama. Pero tandaan na ang sigasig ay hindi lang basta pagpapakita ng emosyon; hindi rin ito nakadepende sa personalidad ng isa. Binanggit ni Pablo ang paraan nang himukin niya ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano: “Maging maningas kayo sa espiritu.” (Roma 12:11) Ang espiritu ni Jehova ay napakalaking tulong kay Pablo para maging matapang at masigasig sa pangangaral. Mula nang kausapin siya ni Jesus hanggang sa mabilanggo siya at patayin sa Roma​—na sumaklaw ng mahigit 30 taon​—hindi nawala ang sigasig ni Pablo. Palagi siyang umaasa sa Diyos, na nagbigay sa kaniya ng kinakailangang lakas sa pamamagitan ng espiritu. “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin,” ang sabi niya. (Fil. 4:13) Tiyak na makikinabang tayo kung tutularan natin ang kaniyang halimbawa!

17. Paano tayo magiging ‘maningas sa espiritu’?

17 Ang salita na isinaling “maningas” ay literal na nangangahulugang “kumukulo.” (Kingdom Interlinear) Para manatiling kumukulo ang tubig sa kaldero, kailangang tuluy-tuloy ang apoy. Sa katulad na paraan, para ‘maging maningas sa espiritu,’ kailangan natin ang tuluy-tuloy na pagdaloy ng espiritu ng Diyos. Kung gayon, gamitin natin ang lahat ng paglalaan ni Jehova para mapalakas tayo sa espirituwal. Nangangahulugan ito na dapat nating seryosohin ang ating pampamilya at pangkongregasyong pagsamba​—pagiging regular sa personal at pampamilyang pag-aaral, pananalangin, at pagdalo sa mga pulong. Makatutulong iyan sa atin na magkaroon ng “apoy” na magpapanatili sa atin na “kumukulo,” wika nga, o ‘maningas sa espiritu.’​—Basahin ang Gawa 4:20; 18:25.

18. Bilang nakaalay na mga Kristiyano, sa anong tunguhin tayo dapat nakapokus?

18 Ang isang taong nakaalay ay nakapokus sa isang tunguhin at hindi madaling magambala o masiraan ng loob sa pag-abot sa tunguhing iyon. Bilang nakaalay na mga Kristiyano, tunguhin nating gawin ang anumang ipinagagawa sa atin ni Jehova, gaya ng ginawa ni Jesus. (Heb. 10:7) Sa ngayon, kalooban ni Jehova na maipagkasundo sa kaniya ang pinakamaraming tao hangga’t maaari. Kaya naman maging masigasig tayo​—bilang pagtulad kina Jesus at Pablo​—sa pinakamahalaga, oo, sa pinakaapurahang gawain sa ngayon.

Natatandaan Mo Ba?

• Ano ang “ministeryo ng pakikipagkasundo” na ipinagkatiwala kay Pablo at sa iba pang mga pinahirang Kristiyano?

• Paano sinasamantala ng pinahirang nalabi ang “lalong kaayaayang panahon”?

• Paano magiging ‘maningas sa espiritu’ ang mga ministrong Kristiyano?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 12]

Hindi kailanman nalimutan ni Pablo nang kausapin siya ng Panginoong Jesu-Kristo