Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Umawit kay Jehova!

Umawit kay Jehova!

Umawit kay Jehova!

“Aawit ako sa aking Diyos hangga’t ako ay nabubuhay.”​—AWIT 146:2.

1. Ano ang naging inspirasyon ni David sa pagkatha ng ilan sa kaniyang mga awit?

NOONG bata pa si David, palagi siyang nasa parang malapit sa Betlehem para alagaan ang kawan ng kaniyang ama. Habang binabantayan ang mga tupa, namamasdan ni David ang kamangha-manghang mga gawa ni Jehova: ang mabituing kalangitan, “mga hayop sa malawak na parang,” at “mga ibon sa langit.” Hangang-hanga siya sa mga nakikita niya anupat naging inspirado siyang kumatha ng nakaaantig-damdaming mga awit ng papuri sa Maylikha ng mga ito. Nasa aklat ng Mga Awit ang marami sa mga komposisyon ni David. *​—Basahin ang Awit 8:3, 4, 7-9.

2. (a) Paano maaaring makaapekto sa isang tao ang musika? Magbigay ng halimbawa. (b) Ano ang matututuhan natin sa Awit 34:7, 8 at Awit 139:2-8 tungkol sa kaugnayan ni David kay Jehova?

2 Malamang na sa panahong ito naging bihasa si David sa pagtugtog. Napakahusay niya anupat inanyayahan siyang tumugtog ng alpa para kay Haring Saul. (Kaw. 22:29) Nakaginhawa sa nababagabag na hari ang musika ni David, gaya ng epekto ng magagandang musika sa mga tao kahit sa ngayon. Sa tuwing tutugtog si David, “may kaginhawahan para kay Saul at bumubuti siya.” (1 Sam. 16:23) Nakatutulong pa rin hanggang ngayon ang mga awiting kinatha ng manunugtog at kompositor na ito na may takot sa Diyos. Isip-isipin na lang! Sa ngayon, mahigit 3,000 taon matapos isilang si David, milyun-milyong taong may iba’t ibang kalagayan sa buhay at naninirahan sa iba’t ibang lupain ang regular na nagbabasa ng mga awit ni David para sa kaaliwan at pag-asa.​—2 Cro. 7:6; basahin ang Awit 34:7, 8; 139:2-8; Amos 6:5.

Ang Marangal na Dako ng Musika sa Tunay na Pagsamba

3, 4. Anong mga kaayusan ang ginawa noong panahon ni David may kaugnayan sa sagradong musika?

3 May talento si David, at ginamit niya ito sa pinakamabuting layunin​—para luwalhatiin si Jehova. Nang maging hari ng Israel si David, isinaayos niyang maging bahagi ng mga paglilingkod sa tabernakulo ang magagandang musika. Mahigit ikasampung bahagi ng lahat ng aktibong Levita​—mga 4,000​—ang inatasan bilang “tagapagbigay ng papuri,” kasama na rito ang 288 “sinanay sa pag-awit kay Jehova, ang lahat ay mga bihasa.”​—1 Cro. 23:3, 5; 25:7.

4 Si David mismo ang kumatha ng marami sa mga awiting tinugtog at inawit ng mga Levita. Tiyak na naantig ang damdamin ng lahat ng Israelitang nakarinig sa mga awit na kinatha ni David. Nang maglaon, nang dalhin sa Jerusalem ang kaban ng tipan, “sinabi . . . ni David sa mga pinuno ng mga Levita na ilagay ang kanilang mga kapatid na mga mang-aawit na may mga panugtog para sa pag-awit, mga panugtog na de-kuwerdas at mga alpa at mga simbalo, na tumutugtog nang malakas upang pumukaw ng ingay ng pagsasaya.”​—1 Cro. 15:16.

5, 6. (a) Bakit gayon na lang ang pagpapahalaga sa musika noong naghahari si David? (b) Paano natin nalaman na naging mahalagang bahagi ng pagsamba sa Israel ang musika?

5 Bakit gayon na lang ang pagpapahalaga sa musika noong panahon ni David? Dahil lang ba sa manunugtog ang hari? Hindi, may iba pang dahilan, na isiniwalat pagkaraan ng ilang siglo nang ibalik ni Haring Hezekias ang paglilingkod sa templo. Sinasabi sa 2 Cronica 29:25: “Inilagay niya [ni Hezekias] ang mga Levita sa bahay ni Jehova, na may mga simbalo, may mga panugtog na de-kuwerdas at may mga alpa, ayon sa utos ni David at ni Gad na tagapangitain ng hari at ni Natan na propeta, sapagkat ang utos ay nagmula sa kamay ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta.”

6 Oo, ginamit ni Jehova ang mga propeta para utusan ang kaniyang mga mananamba na purihin siya sa pamamagitan ng awit. Ang mga mang-aawit mula sa makasaserdoteng tribo ay hindi na binigyan ng mga tungkuling hinihiling sa ibang mga Levita para magkaroon sila ng sapat na panahon sa pagkatha ng mga awitin at, malamang, sa pag-eensayo.​—1 Cro. 9:33.

7, 8. Pagdating sa mga awiting pang-Kaharian, ano ang mas mahalaga kaysa sa talento sa pag-awit?

7 Baka sabihin mo, “Kung pag-awit ang pag-uusapan, siguradong hindi ako mapapabilang sa mga bihasang mang-aawit sa tabernakulo!” Pero hindi naman lahat ng mang-aawit at manunugtog na Levita ay bihasa. Ayon sa 1 Cronica 25:8, ang iba’y “nag-aaral” pa lang. Pansinin din na maaaring may mahuhusay na manunugtog at mang-aawit sa ibang mga tribo ng Israel, pero mga Levita ang inatasan ni Jehova na mangasiwa sa musika. Makatitiyak tayo na lahat ng tapat na Levita, “bihasa” man o “nag-aaral” pa lang, ay gumanap ng kanilang atas sa abot ng makakaya nila.

8 Mahilig si David sa musika at bihasa siya rito. Pero talento lang ba ang mahalaga sa Diyos? Sa Awit 33:3, sumulat si David: “Pagbutihin ninyo ang pagtugtog sa mga de-kuwerdas kasabay ng mga sigaw ng kagalakan.” Maliwanag ang ibig sabihin: Ang mahalaga ay ang “pagbutihin” natin ang pagpuri kay Jehova.

Ang Musika Pagkatapos ng Panahon ni David

9. Ilarawan ang maaaring nakita mo at narinig kung naroroon ka sa inagurasyon ng templo noong naghahari si Solomon.

9 Noong naghahari si Solomon, malaking bahagi ang ginampanan ng musika sa tunay na pagsamba. Sa inagurasyon ng templo, may malaking orkestra na kinabibilangan ng 120 manunugtog ng trumpeta. (Basahin ang 2 Cronica 5:12.) Sinasabi ng Bibliya na ‘ang mga manunugtog ng trumpeta [lahat ay saserdote] at ang mga mang-aawit ay nagkaisa sa pagpaparinig ng isang tunog ng papuri at pasasalamat kay Jehova, . . . “sapagkat siya ay mabuti, sapagkat hanggang sa panahong walang takda ang kaniyang maibiging-kabaitan.”’ Sa gitna ng masayang awitang iyon, “ang bahay ay napuno ng ulap,” na nagpapahiwatig ng pagsang-ayon ni Jehova. Tiyak na nakapangingilabot ngang marinig ang tunog ng lahat ng trumpetang iyon kasabay ng tinig ng libu-libong mang-aawit!​—2 Cro. 5:13.

10, 11. Ano ang nagpapakitang gumamit ng musika sa pagsamba ang unang mga Kristiyano?

10 Gumamit din ng musika ang unang mga Kristiyano sa kanilang pagsamba. Siyempre pa, hindi sila sa mga tabernakulo o templo nagtipon, kundi sa mga pribadong bahay. Dahil sa pag-uusig at iba pang problema, madalas na di-gaanong maganda ang mga kalagayan kapag nagtitipon sila. Pero pinuri pa rin ng mga Kristiyanong iyon ang Diyos sa pamamagitan ng awit.

11 Pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano sa Colosas: “Patuloy na . . . magpaalalahanan sa isa’t isa sa pamamagitan ng mga salmo, mga papuri sa Diyos, mga espirituwal na awit na may kagandahang-loob.” (Col. 3:16) Nang ibilanggo sina Pablo at Silas, sila’y ‘nanalangin at pumuri sa Diyos sa pamamagitan ng awit,’ kahit wala silang aklat-awitan noon. (Gawa 16:25) Kung sakaling mabilanggo ka, ilan sa mga awiting pang-Kaharian ang saulado mo?

12. Paano natin maipakikita ang ating pagpapahalaga sa mga awiting pang-Kaharian?

12 Yamang may marangal na dako ang musika sa ating pagsamba, makabubuting tanungin ang ating sarili: ‘Pinahahalagahan ko ba ito? Sinisikap ko bang dumating nang maaga sa mga pulong, asamblea, at kombensiyon para makasama ng mga kapatid sa pambukas na awit, at umaawit ba ako mula sa puso? Ipinaliliwanag ko ba sa aking mga anak na ang pag-awit sa pagitan ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at ng Pulong sa Paglilingkod o ng Pahayag Pangmadla at ng Pag-aaral sa Bantayan ay hindi intermisyon, anupat puwede na silang umalis sa upuan kahit hindi kailangan?’ Ang pag-awit ay bahagi ng ating pagsamba. Oo, “bihasa” man o “nag-aaral” pa lang, tayong lahat ay puwede, at dapat talaga, na magkaisa sa pagpuri kay Jehova.​—Ihambing ang 2 Corinto 8:12.

Bagong Panahon, Bagong Pangangailangan

13, 14. Bakit mahalaga ang pag-awit nang buong puso sa mga pulong ng kongregasyon? Ipaliwanag.

13 Mahigit 100 taon na ang nakalilipas, ipinaliwanag ng Zion’s Watch Tower ang isa sa mga dahilan kung bakit napakahalaga ng ating mga awiting pang-Kaharian. Sinabi nito: “Ang pag-awit ng tungkol sa katotohanan ay isang mahusay na paraan upang maitimo ito sa isip at puso ng bayan ng Diyos.” Ang maraming liriko ng ating mga awit ay mula sa Bibliya, kaya kapag nasasaulo natin ang mga salita ng kahit ilan man lang sa mga awit, naititimo natin sa ating puso ang katotohanan. Kadalasan nang naaantig sa taos-pusong pag-awit ng kongregasyon ang mga nakadalo sa ating mga pulong sa unang pagkakataon.

14 Isang gabi noong 1869, pauwi na si C. T. Russell mula sa trabaho nang makarinig siya ng pag-aawitan mula sa bulwagan sa isang basement. Noong panahong iyon, wala na siyang pag-asang masumpungan pa ang katotohanan tungkol sa Diyos. Kaya ipinasiya niyang magnegosyo na lang, anupat iniisip na kung kikita siya, matutulungan niya ang mga tao sa materyal kung hindi man sa espirituwal. Pumasok si Brother Russell sa maalikabok at madilim na bulwagan at nakita niya na may relihiyosong pagtitipon doon. Naupo siya at nakinig. Nang maglaon, isinulat niya na ang narinig niya nang gabing iyon ay “sapat na, upang sa patnubay ng Diyos, maitatag-muli ang [kaniyang] aandap-andap na pananampalataya sa maka-Diyos na pagkasi sa Bibliya.” Oo, ang pag-aawitan ang unang nakatawag ng kaniyang pansin sa pagtitipong iyon.

15. Dahil sa anong mga pagbabago sa ating unawa kung kaya kinailangang baguhin ang ating aklat-awitan?

15 Sa paglipas ng panahon, nagkaroon ng mga pagbabago sa ating unawa sa Kasulatan. Ayon sa Kawikaan 4:18: “Ang landas ng mga matuwid ay tulad ng maningning na liwanag na lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ang araw ay malubos.” Dahil sa mas malinaw na pagkaunawa, kinailangang baguhin ang paraan ng ating ‘pag-awit ng katotohanan.’ Sa nakalipas na 25 taon, ginamit ng mga Saksi ni Jehova sa maraming lupain ang aklat-awitang Umawit ng mga Papuri kay Jehova. * Mula nang ilathala ang aklat na iyon, ang katotohanan tungkol sa ilang paksa ay patuloy pang lumiwanag, at ang ilang pananalita sa aklat-awitang iyon ay hindi na ginagamit. Halimbawa, hindi na natin sinasabing “bagong kaayusan” kundi “bagong sanlibutan.” Gayundin, ang pangalan ni Jehova ay hindi “ipagbabangong-puri” kundi “pababanalin.” Maliwanag na pagdating sa doktrina, kailangang baguhin ang ating aklat-awitan.

16. Paano makatutulong ang bagong aklat-awitan para masunod natin ang payo ni Pablo sa Efeso 5:19?

16 Dahil diyan at sa iba pang mga kadahilanan, inaprubahan ng Lupong Tagapamahala ang paglalathala ng bagong aklat-awitan na pinamagatang Umawit kay Jehova. Mayroon na lamang itong 135 awit. Dahil mas kakaunti ito, maisasaulo natin ang liriko ng kahit ilan man lang sa mga bagong awit. Kaayon iyan ng payo ni Pablo sa Efeso 5:19.​—Basahin.

Maipakikita Mo ang Iyong Pagpapahalaga

17. Ano ang makatutulong sa atin para hindi tayo mahiyang umawit sa mga pulong?

17 Dapat ba tayong mahiyang umawit nang malakas sa mga pulong? Isipin ito: May kaugnayan sa pagsasalita, hindi ba’t “tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit”? (Sant. 3:2) Pero pinupuri pa rin natin si Jehova sa bahay-bahay kahit hindi tayo sobrang husay sa pagsasalita. Kaya bakit tayo mahihiyang umawit ng papuri sa Diyos dahil lamang sa hindi tayo magaling kumanta? Si Jehova, na “gumawa ng bibig ng tao,” ay natutuwang makinig habang umaawit tayo ng papuri sa kaniya.​—Ex. 4:11.

18. Magbigay ng mga mungkahi kung paano masasaulo ang liriko ng mga awit.

18 Ang mga CD na pinamagatang Umawit kay Jehova​—Inawit ng Koro ay inilabas sa maraming wika. Mapapakinggan dito ang mga bagong awit na inawit ng koro sa saliw ng orkestra. Ang pakikinig sa magagandang musikang ito ay talagang kasiya-siya. Palagi mong pakinggan ang mga ito; di-magtatagal, masasaulo mo ang liriko ng ilan sa mga bagong awit. Ang liriko ng maraming awit ay madaling tandaan anupat kapag inawit mo ang isang linya, halos alam mo na ang kasunod. Kaya kapag pinatutugtog mo ang mga CD, bakit hindi mo sabayan ang koro? Kapag naging pamilyar ka sa liriko at himig, tiyak na magkakaroon ka ng kumpiyansang umawit nang malakas sa Kingdom Hall.

19. Paano inihahanda ang musika ng orkestra ng ating mga awiting pang-Kaharian?

19 Baka hindi natin gaanong pinahahalagahan ang mga musika ng orkestra na pinatutugtog sa araw ng pantanging asamblea, pansirkitong asamblea, at pandistritong kombensiyon. Pinaghirapan ito ng mga kapatid. Pagkatapos piliin ang mga awit, maingat itong nilalapatan ng musikang pang-orkestra, na tutugtugin naman ng 64 na miyembro ng orkestra ng Watchtower. Matapos silang gumugol ng napakaraming oras sa pagsasanay, eensayuhin nila at saka irerekord ang mga awit sa studio sa Patterson, New York. Ang sampu sa mga kapatid na ito ay mula pa sa ibang bansa. Para sa kanilang lahat, isang pribilehiyo ang makibahagi sa paglalaan ng magandang musika sa ating mga teokratikong pagtitipon. Maaari nating ipakita ang ating pagpapahalaga sa kanilang pagsisikap. Kapag sinabi ng chairman sa mga asamblea at kombensiyon na magsiupo na, sumunod tayo kaagad at tahimik na makinig sa musika na maibiging inihanda ng mga kapatid.

20. Ano ang determinado mong gawin?

20 Pinakikinggan ni Jehova ang ating mga awit ng papuri. Mahalaga sa kaniya ang mga ito. Mapasasaya natin ang kaniyang puso sa pamamagitan ng pag-awit nang buong puso sa ating mga pulong. Oo, tayo man ay bihasa o nag-aaral pa lang, ‘umawit tayo kay Jehova.’​—Awit 104:33.

[Mga talababa]

^ par. 1 Kapansin-pansin, sampung siglo pagkamatay ni David, inianunsiyo ng mga anghel ang pagsilang ng Mesiyas sa mga pastol na nagbabantay sa kanilang mga kawan sa parang malapit sa Betlehem.​—Luc. 2:4, 8, 13, 14.

^ par. 15 Ang lahat ng 225 awit nito ay isinalin sa mahigit 100 wika.

Ano ang Masasabi Mo?

• Anong mga halimbawa sa Bibliya ang nagpapakitang mahalaga ang musika sa ating pagsamba?

• Ano ang kaugnayan ng pagsunod sa utos ni Jesus sa Mateo 22:37 at ng buong-pusong pag-awit ng mga awiting pang-Kaharian?

• Ano ang ilang paraan para maipakita ang pagpapahalaga sa ating mga awiting pang-Kaharian?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 23]

Pinagsasabihan mo ba ang iyong mga anak na huwag umalis sa upuan kapag panahon ng pag-awit kung hindi naman kailangan?

[Larawan sa pahina 24]

Isinasaulo mo ba ang liriko ng ating mga bagong awit kapag nasa bahay?