Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nakita Ko ang Kapangyarihan ng Salita ng Diyos

Nakita Ko ang Kapangyarihan ng Salita ng Diyos

Nakita Ko ang Kapangyarihan ng Salita ng Diyos

Ayon sa salaysay ni Vito Fraese

MALAMANG na ngayon mo lang narinig ang pangalang Trentinara. Isa itong maliit na bayan sa timog ng Naples, Italya. Doon ipinanganak ang aking mga magulang at ang kuya kong si Angelo. Pagkapanganak sa kaniya, nandayuhan ang mga magulang namin sa Estados Unidos at nanirahan sa Rochester, New York, kung saan ako ipinanganak noong 1926. Unang nakilala ni Itay ang mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova, noong 1922. Di-nagtagal, naging mga Estudyante ng Bibliya na rin sina Itay at Inay.

Si Itay ay tahimik at mahinahon, pero galít siya kapag may naaapi. Hindi niya masikmura ang pagiging pabaya ng mga klero sa pagtuturo sa mga tao, kaya naman sinasamantala niya ang bawat pagkakataong maipangaral ang katotohanan mula sa Bibliya. Nang magretiro siya sa trabaho, naglingkod siya bilang buong-panahong ministro hanggang sa mapilitan siyang huminto sa edad na 74 dahil sa sakit at matitinding taglamig. Gayunman, nakapag-uulat pa rin siya ng 40 hanggang 60 oras buwan-buwan hanggang sa edad na mahigit 90. Napakalaki ng epekto sa akin ng halimbawa ni Itay. Bagaman marunong siyang magbiro, seryoso siyang tao. Palagi niyang sinasabi, “Dapat seryosohin ang katotohanan.”

Sinikap nina Itay at Inay na ituro sa aming limang magkakapatid ang Salita ng Diyos. Nabautismuhan ako noong Agosto 23, 1943, at nagpayunir noong Hunyo 1944. Ang aking ate naman na si Carmela ay payunir sa Geneva, New York, kapartner ang masayahing si Fern. Naramdaman ko agad na si Fern ang babaing gusto kong makasama habambuhay. Kaya noong Agosto 1946, nagpakasal kami.

Pagmimisyonero

Ang unang dalawang atas namin ay bilang mga special pioneer sa Geneva at sa Norwich, New York. Noong Agosto 1948, nagkapribilehiyo kaming mag-aral sa ika-12 klase ng Gilead. Pagkatapos, ipinadala kami sa Naples, Italya, kasama ang isa pang mag-asawang misyonero na sina Carl at Joanne Ridgeway. Nagsisimula pa lang noon na makabangon ang Naples mula sa digmaan. Mahirap humanap ng bahay, kaya ilang buwan din kaming nanirahan sa isang napakaliit na apartment na may dalawang kuwarto.

Naririnig ko noon sa aking mga magulang ang diyalektong Neapolitan, kaya medyo marunong din ako ng Italyano, puntong Ingles nga lang. Pero nahirapan si Fern sa wikang iyon. Di-nagtagal, natutuhan na rin niya ito at naging mas mahusay pa nga kaysa sa akin.

Sa simula, isang pamilya lang sa Naples ang nagkainteres sa aming gawain. Apat silang lahat. Nagtitinda sila ng mga kontrabandong sigarilyo. Araw-araw, magugulat ka sa pagbabago ng hitsura ni Teresa, isang miyembro ng pamilyang iyon. Sa umaga, mataba siyang tingnan dahil siksik ng sigarilyo ang maraming bulsa ng palda niya. Sa gabi naman, para siyang tingting sa kapayatan. Lubusang binago ng katotohanan ang buhay ng pamilyang ito. Nang maglaon, 16 sa pamilya ang naging Saksi. Sa ngayon, halos 3,700 na ang Saksi sa lunsod ng Naples.

Pagsalansang sa Aming Gawain

Siyam na buwan pa lang kaming apat sa Naples, pinaalis na kami ng mga awtoridad. Pumunta kami sa Switzerland at namalagi roon nang mga isang buwan, pero nakakabalik kami sa Italya bilang turista. Kaming mag-asawa ay inatasan sa Turin. Sa simula, pinaupahan sa amin ng isang babae ang isang kuwarto, at ipinagamit niya sa amin ang kaniyang banyo at kusina. Nang dumating sa Turin ang mag-asawang Ridgeway, magkakasama kaming nangupahan sa isang apartment. Nang maglaon, limang mag-asawang misyonero ang nagsama-sama sa iisang bahay.

Nang paalisin kami ng mga awtoridad sa Turin noong 1955, mayroon nang apat na kongregasyon doon at may maiiwan nang mga kuwalipikadong brother na puwedeng mangasiwa. Ang sabi sa amin ng mga awtoridad, “Tiyak na kapag kayong mga Amerikano ay nakaalis na, mawawala na rin ang inyong mga pinaghirapan.” Pero nakita sa sumunod na mga pagsulong na ang tagumpay ng gawain ay nakadepende sa Diyos. Sa ngayon, mayroon nang mahigit 4,600 Saksi sa 56 na kongregasyon sa Turin.

Florence​—Isang Napakagandang Lunsod

Ang sumunod naming atas ay sa Florence. Madalas naming marinig ang lunsod na ito dahil dito naglingkod bilang mga misyonero ang kapatid kong si Carmela at ang kaniyang asawang si Merlin Hartzler. Isip-isipin na lang ang paninirahan doon. Napakaganda ng lunsod na iyon dahil sa mga pasyalang gaya ng Piazza della Signoria, Ponte Vecchio, Piazzale Michelangelo, at Palazzo Pitti! Nakatutuwang makita ang reaksiyon ng ilang tagaroon sa mabuting balita.

Isang pamilya ang nakipag-aral sa amin, at nabautismuhan ang mga magulang. Pero ang ama ay naninigarilyo. Noong 1973, ipinaliwanag sa The Watchtower na marumi ang paninigarilyo at hinimok ang mga mambabasa na ihinto ang bisyong ito. Nakiusap ang dalawang nakatatandang anak na huwag na siyang manigarilyo. Nangako siyang hihinto pero hindi niya ito natupad. Isang gabi, sinabihan ng ina ang kaniyang nuwebe-anyos na kambal na matulog na, pero hindi pa niya sila napangungunahan sa panalangin. Nakonsiyensiya siya kaya pinuntahan niya sila sa kuwarto, pero nakapanalangin na pala sila. “Ano’ng ipinanalangin n’yo?” ang tanong niya. “Diyos na Jehova, tulungan n’yo po sana si Daddy na huwag nang manigarilyo.” Tinawag niya ang kaniyang asawa, “Halika, pakinggan mo ang panalangin ng iyong kambal.” Nang marinig ito ng ama, napaiyak siya at sinabi, “Hinding-hindi na talaga ako maninigarilyo!” Tinupad niya ang kaniyang pangako, at ngayon, mahigit nang 15 ang Saksi sa pamilyang iyon.

Paglilingkod sa Aprika

Noong 1959, inatasan kami sa Mogadishu, Somalia, kasama ang dalawa pang misyonero, si Arturo Leveris at si Kuya Angelo. Mainit ang sitwasyon sa pulitika nang dumating kami roon. Tinutulungan ng Italya ang Somalia na magsarili ayon sa utos ng United Nations, pero parang lalong lumulubha ang sitwasyon. Umalis na ng bansa ang ilang Italyanong nakikipag-aral sa amin, at imposible nang mag-organisa ng kongregasyon doon.

Nang panahong iyon, iminungkahi ng tagapangasiwa ng sona na maglingkod ako bilang katulong niya. Dumalaw kami sa karatig na mga lupain. Sumulong ang ilang nakikipag-aral sa amin pero kinailangan nilang mangibang-bayan dahil sa pagsalansang. Hindi umalis ang iba kahit dumanas sila ng matinding paghihirap. * Naiiyak pa rin kami sa tuwing maaalaala namin ang kanilang pag-ibig kay Jehova at ang mga tiniis nila para makapanatiling tapat.

Madalas na napakaalinsangan sa Somalia at Eritrea. Nakadagdag pa sa init ang ilang pagkain doon. Noong una kaming makakain ng isa sa gayong mga putahe sa bahay ng isang estudyante sa Bibliya, pabirong sinabi ng aking asawa na parang nagbabaga ang mga tainga niya!

Nang atasan sa ibang lugar sina Kuya Angelo at Arturo, kami na lang ang naiwan doon. Hindi ito madali dahil wala nang magpapatibay sa amin. Pero naging mas malapít naman kami kay Jehova at lubos kaming nagtiwala sa kaniya. Sa totoo lang, napatibay kami ng pagdalaw sa mga bansang bawal ang gawain.

Sa Somalia, iba’t ibang hirap ang dinanas namin. Wala kaming repridyeretor, kaya bumibili lang kami ng pagkain para sa isang araw, iyon man ay karne ng pating o mga prutas, gaya ng mangga, papaya, suha, buko, o saging. Problema rin namin ang mga insekto. Kung minsan, dumadapo ito sa aming leeg habang nagdaraos kami ng pag-aaral sa Bibliya. Mabuti’t may scooter kami, kaya hindi na namin kailangang maglakad nang ilang oras sa ilalim ng nakapapasong init ng araw.

Balik sa Italya

Dahil sa pinansiyal na tulong ng mga kaibigan namin, nakásakay kami sa isang barkong nagbibiyahe ng saging pabalik sa Italya para dumalo sa internasyonal na kombensiyon sa Turin noong 1961. Nalaman namin na bibigyan kami ng ibang atas. Noong Setyembre 1962, bumalik kami sa Italya, at naglingkod ako roon bilang tagapangasiwa ng sirkito. Bumili kami ng isang maliit na kotse, na ginamit namin sa pagdalaw sa dalawang sirkito sa loob ng limang taon.

Matapos maranasan ang init sa Aprika, magtitiis naman kami ngayon ng matinding lamig. Sa unang taglamig na naranasan namin, noong dumadalaw kami sa isang kongregasyon sa paanan ng Alps, natulog kami sa isang kuwartong walang heater, sa atik ng isang kamalig. Dahil sa sobrang lamig, natulog kami nang naka-coat. Nang gabing iyon, apat na manok at dalawang aso ang namatay sa ginaw!

Nang maglaon, naglingkod din ako bilang tagapangasiwa ng distrito. Nilakbay namin ang buong Italya. Maraming beses naming dinalaw ang mga lugar na gaya ng Calabria at Sicilia. Pinatibay namin ang mga kabataan na sumulong sa espirituwal at gawing tunguhin na maging tagapangasiwa ng kongregasyon, naglalakbay na ministro, o Bethelite.

Marami kaming natutuhan mula sa tapat na mga kaibigan na buong-pusong naglilingkod kay Jehova. Pinahahalagahan namin ang kanilang mga katangian, gaya ng katapatan kay Jehova, pagkabukas-palad, pag-ibig sa mga kapatid, at pagiging mapagsakripisyo at madaling makibagay. Nakadalo kami sa mga kasalan sa mga Kingdom Hall. Ang mga ito ay pinangasiwaan ng mga Saksing kinikilala ng pamahalaan bilang mga ministro ng relihiyon, na dati’y imposibleng mangyari doon. Ang mga kapatid ay hindi na nagpupulong sa mga kusina o nakaupo lang sa mga tabla, gaya ng ginagawa noon sa Turin. Sa halip, ang karamihan sa mga kongregasyon ay mayroon nang magagandang Kingdom Hall na nagpaparangal kay Jehova. Hindi na kami nagdaraos ng asamblea sa mga mumurahing sinehan dahil mayroon nang malalaking Assembly Hall. At nakatutuwang makita na mahigit nang 243,000 ang mamamahayag doon. Nang dumating kami sa Italya, 490 pa lang sila.

Tama ang Aming mga Pasiya

Marami kaming pinagdaanang hirap, gaya ng pagka-homesick at pagkakasakit. Laging naho-homesick si Fern kapag nakakakita ng dagat. Sumailalim din siya sa tatlong maseselan na operasyon. Minsan naman, habang papunta sa isang estudyante niya sa Bibliya, sinugod siya ng isang taong may hawak na tinidor ng dayami. Naospital din siya dahil dito.

Bagaman may mga panahong pinanghihinaan kami ng loob, ‘naghintay kami kay Jehova,’ gaya ng sinasabi sa Panaghoy 3:24. Siya ang Diyos ng kaaliwan. Noong minsang lungkot na lungkot kami, nakatanggap si Fern ng isang nakapagpapatibay na liham mula kay Brother Nathan Knorr. Yamang ipinanganak siya malapit sa Bethlehem, Pennsylvania, kung saan nagsimulang magpayunir si Fern, sinabi niyang alam na alam niya na ang mga babaing taga-Pennsylvania na may lahing Aleman gaya ni Fern ay likas na matatag at determinado. Tama siya. Sa paglipas ng mga taon, tumanggap kami ng iba’t ibang pampatibay-loob mula sa maraming tao.

Sa kabila ng mga problema, sinikap naming manatiling masigasig sa ministeryo. Ikinumpara ni Fern ang masigasig na espiritu sa Lambrusco, isang masarap at mabulang alak sa Italya, at pabirong sinabi, “Huwag nating hayaang sumingaw ang bula ng ating espiritu.” Pagkatapos ng mahigit 40 taon sa gawaing pansirkito at pandistrito, nagkapribilehiyo naman kaming dumalaw at mag-organisa ng mga grupo at kongregasyon sa ibang mga wika bukod sa Italyano. Ang mga grupong iyon ay nangangaral sa mga tao mula sa Bangladesh, Eritrea, Etiopia, Ghana, India, Nigeria, Pilipinas, Sri Lanka, Tsina, at iba pang lupain. Kulang ang isang aklat para isalaysay ang nakita naming mga kahanga-hangang paraan kung paano binago ng kapangyarihan ng Salita ng Diyos ang buhay ng mga nakatanggap ng awa ni Jehova.​—Mik. 7:18, 19.

Araw-araw kaming nananalangin kay Jehova na patuloy sana kaming bigyan ng emosyonal at pisikal na lakas para maisagawa ang aming ministeryo. Ang kagalakan sa Panginoon ang aming lakas. Ito ang nagpapaningning sa aming mga mata at kumukumbinsing tama ang aming mga pasiya habang ipinangangaral namin ang katotohanan mula sa Bibliya.​—Efe. 3:7; Col. 1:29.

[Talababa]

^ par. 18 Tingnan ang 1992 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 95-184.

[Chart/Mga larawan sa pahina 27-29]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ang mga magulang ko sa Rochester, New York

1948

Sa South Lansing para sa ika-12 klase ng Gilead

1949

Kami ni Fern bago pumunta sa Italya

Capri, Italya

1952

Sa Turin at Naples kasama ang ibang mga misyonero

1963

Si Fern kasama ang ilang estudyante niya sa Bibliya

“Huwag nating hayaang sumingaw ang bula ng ating espiritu”