Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mababasa sa Genesis 6:3: “Ang aking espiritu ay hindi kikilos sa tao nang habang panahon sapagkat siya ay laman din. Kaya ang kaniyang mga araw ay aabot ng isang daan at dalawampung taon.” Itinatakda ba ni Jehova na hanggang 120 taon lang ang haba ng buhay ng tao, at ganoon ba katagal nangaral si Noe tungkol sa Baha?

Ang sagot sa dalawang bahagi ng tanong ay hindi.

Bago ang Baha, maraming tao ang nabuhay nang daan-daang taon. Si Noe ay 600 taóng gulang nang dumating ang Baha, at nabuhay siya nang 950 taon. (Gen. 7:6; 9:29) Ang ilan na isinilang pagkatapos ng Baha ay nabuhay rin nang mahigit 120 taon. Namatay si Arpacsad sa edad na 438 at si Shela naman sa edad na 433. (Gen. 11:10-15) Gayunman, noong panahon ni Moises, 70 o 80 taon na lang ang karaniwang haba ng buhay. (Awit 90:10) Kaya sa Genesis 6:3, hindi itinatakda na hanggang 120 taon lang ang haba ng buhay ng tao.

Kung gayon, kinakausap ba ng Diyos si Noe sa talatang iyon nang sabihin niya ang tungkol sa kapahamakang darating pagkaraan ng 120 taon? Hindi. Totoo, maraming beses na nakipag-usap ang Diyos kay Noe. Mababasa natin sa talata 13: “Sinabi ng Diyos kay Noe: ‘Ang wakas ng lahat ng laman ay dumating sa harap ko, sapagkat ang lupa ay punô ng karahasan.’” Noong sumunod na mga taon, natapos ni Noe ang napakabigat na atas na gumawa ng isang arka, at sa pagkakataong iyon “sinabi ni Jehova kay Noe: ‘Pumasok ka, ikaw at ang iyong buong sambahayan, sa loob ng arka.’” (Gen. 6:13; 7:1) At may iba pang mga pagkakataon na kinausap ni Jehova si Noe tungkol sa ilang bagay.​—Gen. 8:15; 9:1, 8, 17.

Pero iba naman ang pananalita sa Genesis 6:3; hindi binabanggit dito si Noe ni sinasabi man na kausap siya rito ng Diyos. Maaari itong unawain bilang isang simpleng kapahayagan ng layunin o ipinasiyang gawin ng Diyos. (Ihambing ang Genesis 8:21.) Pansinin na sa ulat ng mga pangyayari bago lalangin si Adan, mababasa natin ang mga salitang gaya ng: “Sinabi ng Diyos.” (Gen. 1:6, 9, 14, 20, 24) Maliwanag, si Jehova ay walang kausap na tao sa lupa dahil wala pa namang tao noon.

Kaya sa Genesis 6:3, sinasabi lang ng Diyos ang kaniyang pasiyang wakasan ang masamang sistema ng mga bagay sa lupa. Itinalaga ni Jehova na gagawin niya iyon pagkaraan ng 120 taon, bagaman hindi pa ito alam ni Noe. Pero bakit nagtakda ng panahon? Bakit kailangan pang maghintay?

Ibinigay ni apostol Pedro ang dahilan: “Ang pagtitiis ng Diyos ay naghihintay noong mga araw ni Noe, habang itinatayo ang arka, na doon ay iilang tao, samakatuwid nga, walong kaluluwa, ang dinalang ligtas sa tubig.” (1 Ped. 3:20) Oo, nang magtakda ang Diyos ng 120 taon, mayroon pang mga bagay na kailangang gawin. Pagkalipas ng mga 20 taon, si Noe at ang kaniyang asawa ay nagkaanak. (Gen. 5:32; 7:6) Ang kanilang tatlong anak ay lumaki at nag-asawa, anupat ang pamilya ay naging “walong kaluluwa.” Pagkatapos, kinailangan nilang gawin ang arka, na isang napakahirap na atas dahil napakalaki nito at kakaunti lang sila. Oo, dahil nagtiis ang Diyos sa loob ng 120 taon, naisagawa ang lahat ng iyon at naingatan ang buhay, anupat walong tapat na tao ang “dinalang ligtas sa tubig.”

Hindi binabanggit sa Bibliya kung kailan sinabi ni Jehova kay Noe na may darating na Baha. Yamang ang kaniyang mga anak ay isinilang, lumaki, at nag-asawa, posibleng 40 o 50 taon pa ang natitira bago ang Baha. Pagkatapos ay sinabi ni Jehova kay Noe: “Ang wakas ng lahat ng laman ay dumating sa harap ko.” Sinabi rin niya na si Noe ay dapat gumawa ng isang pagkalaki-laking arka at pumasok doon kasama ang kaniyang pamilya. (Gen. 6:13-18) Sa natitirang mga dekada, si Noe ay naging isang halimbawa ng matuwid na pamumuhay. Siya rin ay naging “mangangaral ng katuwiran” na nagpahayag ng isang mariing babala​—ang pasiya ni Jehova na lipulin ang di-makadiyos na mga tao noong panahong iyon. Hindi agad nalaman ni Noe kung kailan ito mangyayari, pero alam niyang tiyak na magaganap iyon. At alam mo na talagang naganap iyon.​—2 Ped. 2:5.