Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tanong ng mga Mambabasa

Bakit Gumamit si Satanas ng Ahas Para Makipag-usap kay Eva?

Bakit Gumamit si Satanas ng Ahas Para Makipag-usap kay Eva?

▪ Batay sa tinalakay sa pahina 8, maaaring sang-ayon ka rin na si Satanas ang nakipag-usap kay Eva sa pamamagitan ng serpiyente, o ahas. Ito nga ang itinuturo ng Bibliya. Pero baka maitanong mo, ‘Bakit naman kokontrolin na parang papet ng isang makapangyarihang espiritu ang isang ahas?’

Inilalarawan ng Bibliya ang mga taktika ni Satanas bilang “mga pakana,” o “tusong mga gawa,” at pinatutunayan iyan ng naganap sa Eden. (Efeso 6:11; talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures​—With References) Ang pangyayaring ito ay hindi basta isang kuwento tungkol sa nagsasalitang hayop; isa itong halimbawa ng tusong pakana na dinisenyo para ilayo ang mga tao sa Diyos. Paano?

Pinag-aralang mabuti ni Satanas kung sino ang kaniyang pupuntiryahin. Nang panahong iyon, si Eva ang pinakabata sa lahat ng matatalinong nilalang sa langit at sa lupa. Kulang pa siya sa karanasan kaya siya ang dinaya ni Satanas. Sa paggamit ng ahas, isang hayop na maingat, naitago ni Satanas ang kaniyang pangahas at ambisyosong hangarin. (Genesis 3:1) Tingnan din kung ano ang nagawa niya nang pangyarihin niyang tila nagsasalita ang ahas.

Una, nakuha ni Satanas ang atensiyon ni Eva. Alam ni Eva na hindi nagsasalita ang ahas; malamang na pinag-aralan munang mabuti ng kaniyang asawa ang lahat ng hayop, pati na ang isang ito, bago niya pinanganlan ang mga iyon. (Genesis 2:19) Marahil, naobserbahan din ni Eva ang nilalang na ito. Dahil sa pakana ni Satanas, nagsimulang mag-usisa si Eva. Naibaling ang pansin niya sa kaisa-isang bagay na ipinagbabawal sa kaniya sa buong hardin. Ikalawa, kung nakapulupot ang ahas sa mga sanga ng ipinagbabawal na punungkahoy, ano kaya ang iisipin ni Eva? Hindi kaya inisip niya na kinain nito ang bunga kung kaya nakapagsalita ito? Kung ganoon ang naging epekto ng bunga sa ahas, ano naman kaya ang magiging epekto nito sa kaniya? Hindi natin alam kung ano ang inisip ni Eva o kung kumain nga ba ng bunga ang ahas. Pero alam natin na nang sabihin ng ahas kay Eva na siya ay magiging “tulad ng Diyos” kung kakainin niya ang bunga, nakumbinsi si Eva na paniwalaan ang kasinungalingang iyon.

Malamán din ang mga pananalitang ginamit ni Satanas. Naghasik siya ng pag-aalinlangan sa isipan ni Eva. Pinalitaw ni Satanas na ang Diyos ay napakahigpit at may ipinagkakait na mabuting bagay kay Eva. Ang tagumpay ng pakana ni Satanas ay nakadepende sa posibilidad na mahigitan ng pag-ibig ni Eva sa kaniyang sarili ang pag-ibig niya sa Diyos na nagbigay sa kaniya ng lahat ng tinataglay niya. (Genesis 3:4, 5) Nakalulungkot, nagtagumpay ang estratehiya ni Satanas. Hindi nalinang ni Eva o maging ni Adan ang matinding pag-ibig at pagpapahalaga kay Jehova. Hindi ba ganiyan ding estratehiya ang ginagamit ni Satanas ngayon?

Kumusta naman ang motibo ni Satanas? Ano ba ang gusto niya? Sa Eden, sinikap niyang itago kung sino talaga siya at kung ano ang kaniyang motibo. Pero nang maglaon, lumantad na rin siya. Nang tuksuhin ni Satanas si Jesus, alam niyang hindi uubra ang kaniyang pagpapanggap. Kaya tuwiran niyang hinimok si Jesus: ‘Sumubsob ka at gumawa ng isang gawang pagsamba sa akin.’ (Mateo 4:9) Maliwanag, noon pa ma’y naiinggit na si Satanas sa pagsambang iniuukol sa Diyos na Jehova. Gagawin niya ang lahat upang hadlangan ang mga tao na sumamba kay Jehova o maging di-katanggap-tanggap sa Diyos ang kanilang pagsamba. Gusto niyang sirain ang katapatan natin sa Diyos.

Maliwanag, ipinakikita ng Bibliya na napakatuso ni Satanas sa paggawa ng estratehiya upang ipahamak ang kaniyang mga biktima. Mabuti na lang, puwedeng hindi tayo malinlang na gaya ni Eva, “sapagkat hindi naman tayo walang-alam sa kaniyang mga pakana.”​—2 Corinto 2:11.