Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Isang Lupaing Inaagusan ng Gatas at Pulot-pukyutan”

“Isang Lupaing Inaagusan ng Gatas at Pulot-pukyutan”

“Isang Lupaing Inaagusan ng Gatas at Pulot-pukyutan”

NANG iligtas ng Diyos na Jehova ang mga Israelita mula sa Ehipto, ipinangako niyang dadalhin niya sila sa “isang lupaing mabuti at maluwang, sa isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.”​—Exodo 3:8.

Nang manirahan na ang mga Israelita sa Lupang Pangako, nag-alaga sila ng mga baka, tupa, at kambing, kaya naging sagana sila sa gatas. Kumusta naman ang pulot-pukyutan? Ang ilang salin ng Bibliya ay gumagamit ng salitang “pulot” sa nabanggit na teksto. Kaya naniniwala ang ilan na tumutukoy ito, hindi sa pulot na mula sa pukyutan, kundi sa matamis na sirup mula sa datiles, igos, o ubas. At sa Bibliya, karamihan sa mga binabanggit na pulot-pukyutan ay pulot-pukyutang ligáw. (Hukom 14:8, 9; 1 Samuel 14:27; Mateo 3:1, 4) Talaga bang “inaagusan” ng pulot-pukyutan at gatas ang lupain?

Makatutulong sa atin ang natagpuan ng mga arkeologo kamakailan sa makabagong Israel. Tungkol dito, ganito ang ibinigay na pahayag ng Hebrew University: “Sa kasalukuyan, ito ang pinakamatandang apiary [kolonya ng mga bahay-pukyutan] na nahukay ng mga arkeologo sa Sinaunang Gitnang Silangan, ayon kay Propesor (Amihai) Mazar. Sinasabing ito ay umiral sa pagitan ng ika-10 at unang bahagi ng ika-9 na siglo B.C.E.”

Ang mga arkeologo ay may natagpuang isang lugar na may tatlong hanay ng mahigit 30 bahay-pukyutan, at tinataya nilang mga 100 bahay-pukyutan ang nasa lugar na iyon noon. Nang suriin ang mga bahay-pukyutan, mayroon pang nasumpungang mga bahagi ng katawan ng mga pukyutan at mga molekula ng beeswax. Tinataya ng mga iskolar na “hanggang kalahating tonelada ng pulot-pukyutan ang makukuha taun-taon sa mga bahay-pukyutan na ito.”

Noong sinaunang panahon, ang pulot-pukyutan ay isang masarap na pagkain. Ngunit ang beeswax ay ginagamit sa mga industriya ng metal at katad. Ang beeswax ay ibinubuhos din sa mga tablang kahoy para pagsulatan at puwedeng tunawin para muling magamit. Ano ang naging konklusyon ng mga arkeologo?

Sinabi pa ng pahayag: “Bagaman ang Bibliya ay walang binabanggit na pag-aalaga ng pukyutan sa Israel, ipinakikita ng natagpuang apiary sa Tel Rehov na ang pag-aalaga ng pukyutan, at pagkuha ng mga pulot-pukyutan at bahay-pukyutan ay isang maunlad na industriya noon pa mang panahon ng Unang Templo [ni Solomon]. Kaya posible na ang terminong ‘pulot’ sa Bibliya ay tumutukoy talaga sa pulot na mula sa mga pukyutan.”

[Picture Credit Line sa pahina 15]

Institute of Archaeology/Hebrew University © Tel Rehov Excavations