Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Anong mga krimen ang nagawa ni Barabas?

Si Barabas ay binabanggit sa apat na Ebanghelyo. Siya ang lalaking pinalaya ng tagapamahalang Romano na si Poncio Pilato sa halip na si Jesus. Si Barabas ay tinatawag na “bantog na bilanggo” at “magnanakaw.” (Mateo 27:16; Juan 18:40) Nasa kustodiya siya noon ng mga Romano sa Jerusalem “kasama ng mga sedisyonista, na sa kanilang sedisyon ay gumawa ng pagpaslang.”​—Marcos 15:7.

Walang masusumpungang impormasyon tungkol sa mga krimeng nagawa ni Barabas. Ngunit dahil inihanay siya sa mga sedisyonista, iniuugnay siya ng mga iskolar sa mga subersibong grupo sa Israel noong unang siglo. Ayon sa ulat ng istoryador na si Flavius Josephus, madalas na sangkot sa mga kaguluhan sa lipunan ang mga pangkat ng mga tulisan; inaangkin ng mga kriminal na ito na binibigyang-katarungan lamang nila ang mga naaaping maralitang Judio. Pagsapit ng kalagitnaan ng unang siglo C.E., naging palasak ang paghihimagsik laban sa diumano’y kawalang-katarungan ng mga Romano at ng mga may-kaya at prominenteng Judio. Karamihan sa mga puwersang Judio na tumugis sa mga Romano mula Judea noong 66 C.E. ay kabilang sa mga pangkat ng mga tulisan.

“Si Barabas ay maaaring isang tulisan sa kanayunan,” ang sabi ng The Anchor Bible Dictionary. “Ang mga tulisang ito ay bayani sa paningin ng mga karaniwang mamamayan dahil ang pinupuntirya nila ay ang mayayamang establisimyento sa Israel at naghahasik sila ng kaguluhan laban sa pamahalaang Romano.”

Noong panahon ng Roma, anu-anong krimen ang may parusang kamatayan gaya ng kay Jesus?

Ang parusang ginamit ng mga Romano sa mga subersibo, tulisan, at iba pang rebelde ay ang pagbabayubay sa isang instrumento sa pagpapahirap, anupat hinahayaan silang mamatay roon. Itinuturing ito bilang ang pinakakalunus-lunos na kamatayan.

“Ito ay lantaran, kahiya-hiya, at napakasakit,” ang sabi ng aklat na Palestine in the Time of Jesus, “at dinisenyo ito upang maghasik ng takot sa puso ng sinumang mangangahas na maging banta sa kaayusan ng mga bagay-bagay.” Ganito ang binanggit ng isang manunulat na Romano noong sinaunang panahon tungkol sa pagpatay sa mga kriminal: “Pinipili ang pinakamatataong lansangan, para marami ang makasaksi rito at makadama ng ganitong takot.”

Ayon kay Josephus, nang salakayin ang Jerusalem noong 70 C.E., isang bilanggo ng digmaan na nabihag ng hukbo ni Tito ang pinatay sa ganitong paraan sa harap ng mga pader ng lunsod upang takutin at pasukuin ang mga tagapagtanggol. Nang bumagsak ang lunsod, marami pa ang pinatay sa ganitong paraan.

Sa kasaysayan, ang pinakalansakang pagpatay sa ganitong paraan ay nangyari noong magwakas ang isang rebelyong pinangunahan ni Spartacus (73-71 B.C.E.), kung saan 6,000 alipin at gladyador ang pinatay sa kahabaan ng lansangan mula Capua patungong Roma.

[Larawan sa pahina 10]

“Give us Barabbas” ni Charles Muller, 1878