Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Malapít sa Diyos

Kapag Muling Bumata ang mga Matanda

Kapag Muling Bumata ang mga Matanda

SINO sa atin ang gustong tumanda​—kumulubot ang balat, lumabo ang paningin, humina ang pandinig, at maging uugud-ugod? Baka itanong mo, ‘Bakit pa tayo lalalangin ng Diyos taglay ang lakas ng kabataan kung tatanda rin lang pala tayo?’ Pero hindi iyan ang layunin ng Diyos para sa atin. Sa halip, gusto niyang palayain tayo mula sa pagtanda! Pansinin ang mga salitang sinabi sa patriyarkang si Job, na nasa Job 33:24, 25.

Si Job ay isang lalaking matapat at minamahal ni Jehova. Lingid sa kaalaman ni Job, kinuwestiyon ni Satanas ang katapatan niya, na sinasabing naglilingkod lamang siya sa Diyos dahil sa pansariling kapakinabangan. Pero nagtitiwala si Jehova kay Job, at magagawa rin Niyang alisin ang anumang pinsalang maaaring gawin ni Satanas kay Job. Kaya pinayagan Niyang subukin ni Satanas si Job. Pagkatapos, “sinaktan [ni Satanas] si Job ng malulubhang bukol mula sa talampakan ng kaniyang paa hanggang sa tuktok ng kaniyang ulo.” (Job 2:7) Inuod ang laman ni Job, at ang kaniyang balat ay naglangib, nangitim, at nabakbak. (Job 7:5; 30:17, 30) Naiisip mo ba ang matinding paghihirap niya? Gayunman, nanatiling tapat si Job, na sinasabi: “Hanggang sa pumanaw ako ay hindi ko aalisin sa akin ang aking katapatan!”​—Job 27:5.

Pero si Job ay nakagawa ng malaking pagkakamali. Nang inaakala niyang mamamatay na siya, labis niyang ikinabahala ang pagbabangong-puri sa kaniyang sarili, na “ipinahahayag niyang matuwid ang kaniyang sariling kaluluwa sa halip na ang Diyos.” (Job 32:2) Sinaway si Job ni Elihu na tagapagsalita ng Diyos. Pero sinabi rin ni Elihu kay Job ang isang positibong mensahe mula sa Diyos: “Sagipin siya [si Job] mula sa pagkababa sa hukay [ang karaniwang libingan]! Nakasumpong ako ng pantubos! Maging higit na sariwa pa ang kaniyang laman kaysa noong kabataan; mabalik siya sa mga araw ng lakas ng kaniyang kabataan.” (Job 33:24, 25) Ang mga pananalitang iyon ay tiyak na nagbigay ng pag-asa kay Job. Hindi niya kailangang magdusa hanggang sa mamatay siya. Kung magsisisi si Job, malulugod ang Diyos na tanggapin ang isang pantubos alang-alang sa kaniya at palalayain siya sa kaniyang mga paghihirap. *

Mapagpakumbabang tinanggap ni Job ang pagtutuwid at nagsisi siya. (Job 42:6) Maliwanag na tinanggap ni Jehova ang isang pantubos alang-alang kay Job, upang takpan ang kaniyang pagkakamali at magbukas ng daan para isauli ng Diyos ang mga nawala sa kaniya at gantimpalaan siya. “Pinagpala [ni Jehova] ang huling wakas ni Job nang higit pa kaysa sa kaniyang pasimula.” (Job 42:12-17) Isip-isipin ang ginhawang nadama ni Job nang tumanggap siya ng mga pagpapala, gumaling ang kaniyang nakapandidiring sakit, at ang kaniyang laman ay naging ‘higit na sariwa kaysa noong kaniyang kabataan’!

Limitado lamang ang halaga ng pantubos na tinanggap ng Diyos alang-alang kay Job, yamang nanatili siyang di-perpekto at nang maglaon ay namatay. Pero mayroon tayong mas mainam na pantubos. Maibiging ibinigay ni Jehova ang kaniyang Anak, si Jesus, bilang pantubos para sa atin. (Mateo 20:28; Juan 3:16) Lahat ng nananampalataya sa pantubos na iyon ay may pag-asang mabuhay magpakailanman sa paraisong lupa. Sa darating na bagong sanlibutan, palalayain ng Diyos ang tapat na mga tao mula sa pagtanda. Bakit hindi alamin nang higit pa kung paano mo masasaksihan ang panahon kapag ang ‘laman ng mga matanda ay naging higit na sariwa kaysa noong kanilang kabataan’?

Pagbabasa ng Bibliya para sa Abril:

Job 16-37

[Talababa]

^ par. 3 Sa wikang Hebreo, ang salitang “pantubos” na ginamit dito ay nangangahulugang “pantakip.” (Job 33:24) Sa kaso ni Job, ang pantubos ay maaaring isang haing hayop, na tatanggapin ng Diyos bilang pantakip, o pambayad-sala, sa pagkakamali ni Job.​—Job 1:5.