Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Seryosohin ang Paglilingkod kay Jehova

Seryosohin ang Paglilingkod kay Jehova

Seryosohin ang Paglilingkod kay Jehova

“Anumang bagay na seryosong pag-isipan, . . . patuloy na isaalang-alang ang mga bagay na ito.”​—FIL. 4:8.

1, 2. Bakit maraming tao sa ngayon ang hindi seryoso sa buhay? Anong mga tanong ang bumabangon?

NABUBUHAY tayo sa pinakamahirap at pinakamiserableng panahon sa buong kasaysayan ng tao. Ang mga taong hindi matatag ang espirituwalidad ay tiyak na mahihirapang makayanan ang “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Tim. 3:1-5) Umaasa lang sila sa sarili nilang lakas sa araw-araw​—pero hindi ito sapat. Marami ang bumabaling sa iba’t ibang uri ng libangan para hindi maging masyadong seryoso ang buhay.

2 Para hindi maging tensiyonado, kadalasan nang inuuna ng mga tao ang mga kaluguran. Kung hindi mag-iingat ang mga Kristiyano, madali rin silang masisilo ng gayong istilo ng pamumuhay. Paano natin ito maiiwasan? Nangangahulugan bang magiging seryoso na tayo sa lahat ng panahon? Paano tayo magiging timbang pagdating sa kaluguran at sa pananagutan? Anong mga simulain sa Bibliya ang dapat nating maging gabay para kahit seryoso tayo sa buhay, hindi naman tayo sobrang seryoso?

Pagiging Seryoso sa Isang Sanlibutang Maibigin sa Kaluguran

3, 4. Paano ipinakikita ng Bibliya na kailangan tayong maging seryoso?

3 Sabihin pa, ang sanlibutang ito ay labis na “maibigin sa mga kaluguran.” (2 Tim. 3:4) Ang idiniriin nitong pagpapasarap sa buhay ay puwedeng magsapanganib sa ating espirituwalidad. (Kaw. 21:17) Dahil dito, inilakip ni apostol Pablo sa kaniyang mga liham kina Timoteo at Tito ang payo tungkol sa pagiging seryoso. Kung ikakapit ito, mapaglalabanan natin ang di-seryosong pangmalas ng sanlibutan sa buhay.​—Basahin ang 1 Timoteo 2:1, 2; Tito 2:2-8.

4 Ilang siglo bago nito, isinulat ni Solomon na may mga pagkakataong kailangan nating ipagpaliban ang kaluguran at maging seryoso sa buhay. (Ecles. 3:4; 7:2-4) Oo, dahil maikli lang ang buhay, dapat tayong ‘magpunyagi nang buong-lakas’ ukol sa kaligtasan. (Luc. 13:24) Para matamo iyon, dapat nating patuloy na isaalang-alang ang lahat ng bagay na “seryosong pag-isipan.” (Fil. 4:8, 9) Ibig sabihin, maingat nating bigyang-pansin ang bawat pitak ng ating buhay bilang Kristiyano.

5. Ano ang isang pitak ng buhay na dapat nating seryosohin?

5 Halimbawa, bilang pagtulad kay Jehova at kay Jesus, ang mga Kristiyano ay seryoso sa kanilang pananagutang maging masipag sa trabaho. (Juan 5:17) Dahil dito, madalas silang napupuri sa pagiging masikap at maaasahan. Nagsisikap ang mga ulo ng pamilya na maging masipag sa trabaho para matustusan ang kanilang pamilya. Ang totoo, kung hindi nila paglalaanan ng materyal ang kanilang sambahayan, para na rin nilang “itinatwa si Jehova”!​—1 Tim. 5:8, tlb. sa Reference Bible.

Seryoso Pero Masaya sa Pagsamba

6. Bakit dapat nating seryosohin ang pagsamba kay Jehova?

6 Isang seryosong bagay kay Jehova ang tunay na pagsamba. Halimbawa, sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, nagdusa ang mga Israelita nang lumihis sila sa pagsamba kay Jehova. (Jos. 23:12, 13) Noong unang siglo C.E., kinailangan ng mga tagasunod ni Kristo na puspusang makipagdigma para hindi mabahiran ng maling turo at saloobin ang tunay na pagsamba. (2 Juan 7-11; Apoc. 2:14-16) Sa ngayon, sineseryoso rin ng mga tunay na Kristiyano ang kanilang pagsamba.​—1 Tim. 6:20.

7. Paano pinaghandaan ni Pablo ang kaniyang ministeryo?

7 Ang ating ministeryo sa larangan ay nagdudulot ng kagalakan. Gayunman, para mapanatili ang kagalakang ito, kailangan nating seryosong pag-isipan at paghandaan ang ating ministeryo. Ipinaliwanag ni Pablo kung paano niya isinaalang-alang ang kalagayan ng mga taong tinuruan niya. Sinabi niya: “Ako ay naging lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao, upang sa anumang paraan ay mailigtas ko ang ilan. Ngunit ginagawa ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mabuting balita, upang maging tagapamahagi ako nito sa iba.” (1 Cor. 9:22, 23) Nasiyahan si Pablo sa pagbibigay ng espirituwal na tulong, at seryoso niyang pinag-isipan kung paano niya mailalaan ang espesipikong mga pangangailangan ng kaniyang mga tagapakinig. Kaya naman naganyak niya sila at napatibay na sumamba kay Jehova.

8. (a) Ano ang dapat nating maging saloobin sa ating mga tinuturuan sa ministeryo? (b) Paano nakapagdudulot ng higit na kagalakan sa ministeryo ang pagkakaroon ng Bible study?

8 Gaano kaseryoso si Pablo sa kaniyang ministeryo? Handa siyang “magpaalipin” para kay Jehova at sa mga nakikinig sa mensahe ng katotohanan. (Roma 12:11; 1 Cor. 9:19) Kapag nagtuturo tayo ng Salita ng Diyos​—sa pantahanang pag-aaral sa Bibliya, sa pulong, o sa Pampamilyang Pagsamba​—nadarama ba natin na may pananagutan tayo sa mga tinuturuan natin? Baka iniisip nating pabigat ang pagkakaroon ng isang regular na Bible study. Totoo, maaaring kumuha ito ng panahon na para sana sa ating personal na mga gawain. Pero hindi ba iyan ang diwa ng sinabi ni Jesus na “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap”? (Gawa 20:35) Ang pagtuturo sa iba tungkol sa daang patungo sa kaligtasan ay magdudulot ng walang-katulad na kaligayahan.

9, 10. (a) Ang pagiging seryoso ba ay nangangahulugang hindi na tayo magrerelaks at makikihalubilo sa iba? Ipaliwanag. (b) Ano ang makatutulong sa isang elder para maging nakapagpapatibay at madaling lapitan?

9 Ang pagiging seryoso ay hindi naman nangangahulugang hindi na tayo magrerelaks at magsasaya kasama ng iba. Nagpakita si Jesus ng mahusay na halimbawa​—naglaan siya ng panahon hindi lang sa pagtuturo kundi maging sa pagrerelaks at makabuluhang pakikipagsamahan sa iba. (Luc. 5:27-29; Juan 12:1, 2) Hindi rin iyon nangangahulugang lagi tayong pormal na pormal. Kung si Jesus ay istrikto at napakaseryoso, tiyak na hindi siya kagigiliwan ng mga tao. Pati nga ang mga bata ay malapít sa kaniya. (Mar. 10:13-16) Paano natin matutularan ang pagiging timbang ni Jesus?

10 Tungkol sa isang elder, sinabi ng isang brother, “Mataas ang pamantayan niya para sa kaniyang sarili, pero hindi niya inaasahang magiging perpekto ang iba.” Ganiyan ka rin ba? Angkop lang naman kung may inaasahan tayo sa iba, basta makatuwiran ito. Halimbawa, madaling sumunod ang mga bata kapag ang mga magulang ay nagtatakda ng makatuwirang mga tunguhin at tumutulong sa kanila na maabot ito. Sa katulad na paraan, maaaring himukin ng mga elder ang mga kapatid sa kongregasyon na sumulong sa espirituwal at bigyan ang mga ito ng espesipikong mga mungkahi kung paano iyon magagawa. Bukod diyan, kapag timbang ang pangmalas ng elder sa kaniyang sarili, makapagpapatibay siya at kagigiliwan ng mga kapatid. (Roma 12:3) Sinabi ng isang sister: “Ayoko sa isang elder na dinadaan sa biro ang lahat ng bagay. Pero kung lagi naman siyang seryoso, mahirap siyang lapitan.” Ang isa naman ay nagsabi na may mga elder na “nakakatakot lapitan dahil masyado silang seryoso.” Hindi gugustuhin ng mga elder na mabawasan ang kagalakang dapat taglayin ng lahat ng mananampalataya hinggil sa kanilang pagsamba kay Jehova, ang “maligayang Diyos.”​—1 Tim. 1:11.

Pag-abót ng Pananagutan sa Kongregasyon

11. Ano ang ibig sabihin ng “umaabot” sa loob ng kongregasyon?

11 Nang payuhan ni Pablo ang mga lalaki sa kongregasyon na magsikap na maging kuwalipikado para sa higit na pananagutan, hindi niya sila hinihimok na maging ambisyoso. Sa halip, isinulat niya: “Kung ang sinumang lalaki ay umaabot sa katungkulan ng tagapangasiwa, siya ay nagnanasa ng isang mainam na gawa.” (1 Tim. 3:1, 4) Ang mga Kristiyanong lalaki na “umaabot” ay nagsisikap na magkaroon ng kinakailangang espirituwal na mga katangian para makapaglingkod sa mga kapatid. Kung ang isang brother ay isang taon nang bautisado at nakaaabot na sa mga kuwalipikasyon para sa mga ministeryal na lingkod na nakaulat sa 1 Timoteo 3:8-13, puwede na siyang irekomenda. Pansinin na espesipikong binabanggit sa talata 8: “Ang mga ministeryal na lingkod ay dapat ding maging seryoso.”

12, 13. Banggitin ang ilang paraan para makaabót ng pananagutan ang mga kabataang brother.

12 Ikaw ba ay isang seryosong brother na malapit nang magbeinte anyos? May mga paraan para makaabót ka ng pananagutan. Isa na rito ang pagpapasulong sa iyong pakikibahagi sa ministeryo sa larangan. Nasisiyahan ka bang makapartner sa larangan ang mga kapatid, bata man o matanda? Nagsisikap ka bang makakita ng Bible study? Kapag tinuturuan mo ang iyong Bible study ayon sa mga mungkahing tinatalakay sa pulong, susulong ang kakayahan mong magturo. Bukod diyan, matututo kang magkaroon ng empatiya sa isa na nag-aaral tungkol sa mga daan ni Jehova. Habang nakikita ng estudyante na kailangan siyang gumawa ng mga pagbabago, matututo kang maging matiyaga at mataktika sa pagtuturo kung paano niya ikakapit ang mga simulain ng Bibliya.

13 Kayong mga kabataang brother, maaari kayong magboluntaryong tumulong sa mga may-edad sa kongregasyon. Maaari din kayong tumulong sa pangangalaga sa Kingdom Hall, anupat pinananatili itong malinis at maayos. Kapag nagboboluntaryo kayong tumulong sa abot ng inyong makakaya, ipinakikita ninyong seryoso kayo sa ministeryo. Tulad ni Timoteo, matututo kayong magpakita ng tunay na pagmamalasakit sa kongregasyon.​—Basahin ang Filipos 2:19-22.

14. Paano ‘masusubok kung karapat-dapat’ maglingkod sa kongregasyon ang mga kabataang brother?

14 Kayong mga elder, huwag kaliligtaang bigyan ng atas ang mga kabataang brother na nagsisikap ‘tumakas mula sa mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan’ at nagtataguyod ng “katuwiran, pananampalataya, pag-ibig, kapayapaan,” at iba pang magagandang katangian. (2 Tim. 2:22) Kung aatasan ninyo sila ng mga gawain sa kongregasyon, ‘masusubok kung sila ay karapat-dapat’ bumalikat ng pananagutan, upang ang kanilang “pagsulong ay mahayag sa lahat ng mga tao.”​—1 Tim. 3:10; 4:15.

Pagiging Seryoso sa Kongregasyon at sa Pamilya

15. Ayon sa 1 Timoteo 5:1, 2, paano natin maipakikita ang pagiging seryoso sa pakikitungo sa iba?

15 Kasama sa pagiging seryoso ang pagbibigay-dangal sa ating mga kapatid. Sa payo ni Pablo kay Timoteo, ipinakita niyang dapat pakitunguhan ang iba nang may paggalang. (Basahin ang 1 Timoteo 5:1, 2.) Lalo nang mahalaga ito kapag nakikitungo sa mga di-kasekso. Dapat tularan ang halimbawa ni Job sa pagbibigay-dangal sa mga babae, lalo na sa kaniyang asawa. Nagsikap siyang huwag tumingin sa ibang babae nang may pagnanasa. (Job 31:1) Kung seryoso tayo sa pakikitungo sa mga kapatid, hindi tayo makikipagligaw-biro sa kanila o gagawa ng anumang bagay na magiging dahilan para maasiwa sila sa atin. Lalo nang mahalaga ang pagbibigay-dangal kapag ang dalawa ay magkasintahan. Hinding-hindi paglalaruan ng isang seryosong Kristiyano ang damdamin ng isang di-kasekso.​—Kaw. 12:22.

16. Paghambingin ang pangmalas ng sanlibutan at ng Bibliya sa papel ng asawang lalaki at ama.

16 Dapat din nating sikaping mapanatili ang isang seryosong saloobin sa ating bigay-Diyos na papel sa loob ng pamilya. Ginagawang katatawanan ng sanlibutan ni Satanas ang papel ng asawang lalaki at ama. Sa telebisyon at pelikula, tinutuya at nilalapastangan ang ulo ng pamilya. Pero sa Bibliya, ang asawang lalaki ay binibigyan ng napakalaking pananagutan, anupat inatasan bilang “ulo ng kaniyang asawang babae.”​—Efe. 5:23; 1 Cor. 11:3.

17. Ipaliwanag kung paanong ang pakikibahagi sa pampamilyang pagsamba ay nagpapakitang seryoso tayo sa ating mga pananagutan.

17 Ang asawang lalaki ay maaaring naglalaan ng materyal na pangangailangan ng kaniyang pamilya. Pero kung hindi naman siya naglalaan ng espirituwal na patnubay, hindi niya naipakikita ang karunungan at mahusay na pagpapasiya. (Deut. 6:6, 7) Kaya naman sinasabi sa 1 Timoteo 3:4 na kung ikaw ay ulo ng pamilya at umaabót ng karagdagang pribilehiyo sa kongregasyon, dapat na isa kang lalaking “namumuno sa kaniyang sariling sambahayan sa mahusay na paraan, may mga anak na nagpapasakop nang buong pagkaseryoso.” Tanungin ang sarili, ‘Regular ba akong naglalaan ng panahon para sa pampamilyang pagsamba?’ May mga asawang babae na kailangan pang makiusap sa kanilang asawa para manguna sa espirituwal na gawain. Dapat na seryosong suriin ng bawat asawang lalaki ang kaniyang pangmalas sa pananagutang ito. Siyempre pa, ang asawang babae ay dapat sumuporta sa Pampamilyang Pagsamba at makipagtulungan sa kaniyang asawa para magtagumpay ito.

18. Paano matututo ang mga bata na maging seryoso?

18 Hinihimok din ang mga bata na maging seryoso sa buhay. (Ecles. 12:1) Hindi makasásamâ sa mga bata kung matututo silang magtrabaho at gumawa ng mga gawaing bahay na angkop sa kanilang edad at kakayahan. (Panag. 3:27) Noong bata pa si Haring David, natuto siyang maging isang mabuting pastol. Natuto rin siyang maging manunugtog at kompositor​—mga kasanayang naging dahilan para makapaglingkod siya sa tagapamahala ng Israel. (1 Sam. 16:11, 12, 18-21) Tiyak na naglalaro din si David noong bata pa siya, pero natuto rin siya ng mahahalagang kasanayang nagamit niya sa pagpuri kay Jehova noong malaki na siya. Nakatulong ang kasanayan niya bilang pastol para matiyagang makapanguna sa Israel. Mga kabataan, ilang kasanayan ang alam ninyo​—mga kasanayang tutulong sa inyo para makapaglingkod sa inyong Maylalang at maging handa sa mga pananagutan sa hinaharap?

Pagiging Timbang

19, 20. Anong timbang na pangmalas sa iyong sarili at sa iyong pagsamba ang determinado mong panatilihin?

19 Tayong lahat ay maaaring magsikap na maging timbang sa ating pangmalas sa sarili, anupat hindi masyadong seryoso. Ayaw nating maging ‘lubhang mapagmatuwid.’ (Ecles. 7:16) Ang kaunting pagbibiro ay mag-aalis ng tensiyon sa loob ng tahanan, sa trabaho, o kapag nakikitungo sa ating mga kapatid na Kristiyano. Ang mga miyembro ng pamilya ay hindi dapat na maging labis na mapamuna para hindi masira ang kapayapaan sa loob ng tahanan. Sa kongregasyon, ang lahat ay puwedeng makipagbiruan at masiyahan sa pakikipagsamahan sa isa’t isa, anupat pinananatiling nakapagpapatibay at positibo ang mga pag-uusap at paraan ng pagtuturo.​—2 Cor. 13:10; Efe. 4:29.

20 Nabubuhay tayo sa isang sanlibutang nagwawalang-bahala kay Jehova at sa kaniyang mga kautusan. Subalit para sa bayan ni Jehova, napakahalaga ng pagsunod at katapatan sa kanilang Diyos. Talagang nakagagalak na mapabilang sa napakalaking grupong ito ng mga taong sumasamba kay Jehova “nang buong pagkaseryoso”! Maging determinado sana tayong mapanatili ang seryosong pangmalas sa ating buhay at pagsamba.

Paano Mo Sasagutin?

• Bakit natin dapat paglabanan ang di-seryosong pangmalas ng sanlibutan sa buhay?

• Paano tayo maaaring maging masaya pero seryoso sa ating ministeryo?

• Paano ipinakikita ng pangmalas natin sa pag-abót ng pananagutan kung tayo’y seryoso o hindi?

• Ipaliwanag kung bakit isang seryosong bagay ang pagbibigay-dangal sa ating mga kapananampalataya at mga kapamilya.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 12]

Ang asawang lalaki ay dapat maglaan sa kaniyang pamilya sa materyal at espirituwal na paraan