Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gumawa ng mga Desisyong Magpaparangal sa Diyos

Gumawa ng mga Desisyong Magpaparangal sa Diyos

Gumawa ng mga Desisyong Magpaparangal sa Diyos

“Pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.”​—KAW. 14:15.

1, 2. (a) Ano ang dapat na pinakamahalaga sa atin kapag nagdedesisyon tayo? (b) Anong mga tanong ang tatalakayin natin?

NAPAKADALAS nating gumawa nito araw-araw. Ang karamihan ay di-gaanong mahalaga. Pero ang ilan ay may malaking epekto sa ating buhay. Ano ito? Mga desisyon. Sa lahat ng desisyon natin, malaki man o maliit, ang pinakamahalaga sa atin ay ang maparangalan si Jehova.​—Basahin ang 1 Corinto 10:31.

2 Madali ba sa iyo ang magdesisyon, o mahirap? Para sumulong sa espirituwal na pagkamaygulang, dapat nating makilala ang tama at mali at saka magdesisyon ayon sa ating paniniwala at hindi ayon sa paniniwala ng iba. (Roma 12:1, 2; Heb. 5:14) Ano ang iba pang mahahalagang dahilan kung bakit dapat tayong matutong gumawa ng mahuhusay na desisyon? Bakit napakahirap gumawa nito kung minsan? At ano ang mga hakbang para matiyak na magpaparangal sa Diyos ang ating mga desisyon?

Bakit Nga ba Kailangang Magdesisyon?

3. Ano ang hindi dapat makaapekto sa paggawa natin ng desisyon?

3 Kung hindi tayo makapagdesisyon sa mga bagay na nagsasangkot sa pamantayan ng Bibliya, baka isipin ng ating mga kaklase o katrabaho na hindi talaga tayo kumbinsido sa ating mga pinaniniwalaan at na madali tayong maimpluwensiyahan. Baka sila’y magsinungaling, mandaya, o magnakaw at pagkatapos ay himukin tayong ‘sumunod sa karamihan’​—makisama sa kanila o pagtakpan man lang ang ginawa nila. (Ex. 23:2) Pero kapag alam ng isa kung paano gagawa ng mga desisyong magpaparangal sa Diyos, hindi siya gagawi nang salungat sa kaniyang budhing sinanay sa Bibliya dahil lang sa takot o paghahangad na tanggapin ng iba.​—Roma 13:5.

4. Bakit gusto ng iba na sila ang magdesisyon para sa atin?

4 Hindi lahat ng gustong magdesisyon para sa atin ay may masamang layunin. Baka igiit ng nagmamalasakit na mga kaibigan na sundin natin ang payo nila. Kahit hindi na tayo kapisan ng ating pamilya, malamang na interesado pa rin sila sa kapakanan natin at baka gusto pa rin nilang tumulong sa paggawa natin ng mahahalagang desisyon. Kuning halimbawa ang tungkol sa pagpapagamot. Malinaw na hinahatulan ng Bibliya ang maling paggamit ng dugo. (Gawa 15:28, 29) Pero pagdating sa iba pang paraan ng pangangalaga sa kalusugan, hindi ito nagbibigay ng tuwirang tagubilin kaya kailangang tayo ang gumawa ng desisyon kung anong paraan ng paggamot ang tatanggapin natin o tatanggihan. * Baka igiit ng ating mga kapamilya ang kanilang opinyon. Gayunman, sa pagdedesisyon sa gayong mga bagay, bawat nakaalay at bautisadong Kristiyano ay dapat magdala ng “kaniyang sariling pasan” ng pananagutan. (Gal. 6:4, 5) Ang pinakamahalaga sa atin ay ang pagpapanatili ng mabuting budhi sa harap ng Diyos, hindi sa harap ng mga tao.​—1 Tim. 1:5.

5. Paano natin maiiwasang mawasak ang ating pananampalataya?

5 Nanganganib tayo kapag hindi tayo makapagpasiya. Sinabi ng alagad na si Santiago na ang taong di-makapagpasiya ay “di-matatag sa lahat ng kaniyang mga daan.” (Sant. 1:8) Gaya ng isang taong nakasakay sa bangkang walang timon na nasa gitna ng maalong dagat, kung saan-saan siya tatangayin ng pabagu-bagong opinyon ng tao. Madaling mawawasak ang pananampalataya ng gayong tao at pagkatapos ay isisisi niya iyon sa iba! (1 Tim. 1:19) Paano ito maiiwasan? Dapat tayong maging ‘matatag sa pananampalataya.’ (Basahin ang Colosas 2:6, 7.) Para tumatag, kailangan tayong matutong gumawa ng mga desisyong magpapakita na may pananampalataya tayo sa kinasihang Salita ng Diyos. (2 Tim. 3:14-17) Pero ano ang posibleng makahadlang sa paggawa natin ng mahuhusay na desisyon?

Kung Bakit Nagiging Mahirap ang Pagdedesisyon

6. Paano tayo maaaring maapektuhan ng takot?

6 Baka hindi tayo makapagdesisyon dahil sa takot​—takot na magkamali, mabigo, o magtinging katawa-tawa. Natural lang naman iyon. Walang sinumang gustong makagawa ng maling desisyon na posibleng maging sanhi ng problema at kahihiyan. Gayunman, matutulungan tayo ng pag-ibig sa Diyos at sa kaniyang Salita para mabawasan ang ating takot. Paano? Ang pag-ibig sa Diyos ang mag-uudyok sa atin na palaging kumonsulta sa kaniyang Salita at sa salig-Bibliyang mga publikasyon bago gumawa ng mahahalagang desisyon. Sa gayon, malilimitahan ang ating mga pagkakamali. Bakit? Dahil ang Bibliya ay ‘nagbibigay ng katalinuhan sa mga walang-karanasan, ng kaalaman at kakayahang mag-isip sa kabataan.’​—Kaw. 1:4.

7. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Haring David?

7 Aasahan ba natin na laging tama ang desisyon natin? Hindi naman. Tayong lahat ay nagkakamali. (Roma 3:23) Halimbawa, si Haring David ay marunong at tapat. Pero nakagawa pa rin siya ng mga maling desisyon na nagdulot ng pagdurusa sa kaniya at sa iba. (2 Sam. 12:9-12) Gayunman, hindi niya hinayaang makaapekto iyon sa kakayahan niyang gumawa ng mga desisyong sinasang-ayunan ng Diyos. (1 Hari 15:4, 5) Makagagawa pa rin tayo ng desisyon sa kabila ng ating mga pagkakamali kung, tulad ni David, tatandaan nating palalampasin ni Jehova ang ating mga pagkakamali at patatawarin ang ating mga kasalanan. Patuloy niyang susuportahan ang mga umiibig at sumusunod sa kaniya.​—Awit 51:1-4, 7-10.

8. Ano ang matututuhan natin sa sinabi ni Pablo tungkol sa pag-aasawa?

8 May magagawa tayo para mabawasan ang takot sa paggawa ng desisyon. Ano iyon? Isipin natin na kung minsan, hindi lang iisa ang tamang desisyon. Tingnan natin ang pangangatuwiran ni apostol Pablo tungkol sa pag-aasawa. Sumulat siya: “Kung iniisip ng sinuman na gumagawi siya nang di-nararapat sa kaniyang pagkabirhen, kung iyan ay lampas na sa kasibulan ng kabataan, at ganito ang dapat maganap, gawin niya kung ano ang ibig niya; hindi siya nagkakasala. Hayaan silang mag-asawa. Ngunit kung ang sinuman ay nakatayong panatag sa kaniyang puso, na walang pangangailangan, kundi may awtoridad sa kaniyang sariling kalooban at ginawa ang pasiyang ito sa kaniyang sariling puso, na ingatan ang kaniyang sariling pagkabirhen, siya ay mapapabuti.” (1 Cor. 7:36-38) Inirerekomenda ni Pablo na ang pinakamabuting gawin ay huwag nang mag-asawa, pero hindi lang iyon ang tamang desisyon.

9. Dapat ba nating ikabahala ang pangmalas ng iba tungkol sa ating mga desisyon? Ipaliwanag.

9 Dapat ba nating ikabahala ang pangmalas ng iba tungkol sa ating mga desisyon? May mga pagkakataong kailangan. Pansinin ang sinabi ni Pablo tungkol sa pagkain ng mga pagkaing posibleng inihain sa mga idolo. Sinabi niya na ang isang desisyon ay maaaring hindi naman mali, pero posibleng makapinsala ito sa isa na may mahinang budhi. Ano ang ipinasiya ni Pablo? “Kung ang pagkain ay nagpapatisod sa aking kapatid,” ang sabi niya, “hindi na ako muling kakain ng karne, upang hindi ko matisod ang aking kapatid.” (1 Cor. 8:4-13) Gaya ni Pablo, dapat din nating isaalang-alang kung paano makaaapekto sa budhi ng iba ang ating mga desisyon. Siyempre pa, ang pinakamahalaga ay ang magiging epekto nito sa ating pakikipagkaibigan kay Jehova. (Basahin ang Roma 14:1-4.) Anong mga simulain sa Bibliya ang makatutulong sa atin sa paggawa ng mga desisyong magpaparangal sa Diyos?

Anim na Hakbang sa Paggawa ng Mahuhusay na Desisyon

10, 11. (a) Paano natin maiiwasang maging pangahas sa loob ng pamilya? (b) Ano ang dapat tandaan ng mga elder kapag gumagawa ng mga desisyong makaaapekto sa kongregasyon?

10 Huwag maging pangahas. Bago magpasiya, tanungin ang sarili, ‘Ako ba ang dapat magdesisyon?’ Sumulat si Haring Solomon: “Dumating ba ang kapangahasan? Kung gayon ay darating ang kasiraang-puri; ngunit ang karunungan ay nasa mga mahinhin.”​—Kaw. 11:2.

11 Maaaring pahintulutan ng mga magulang ang kanilang mga anak na gumawa ng ilang desisyon pero hindi naman nila dapat isipin na may awtoridad na sila. (Col. 3:20) Ang mga asawang babae at ina ay may awtoridad din naman sa loob ng pamilya pero dapat nilang kilalanin ang pagkaulo ng kanilang asawa. (Kaw. 1:8; 31:10-18; Efe. 5:23) Sa katulad na paraan, dapat ding kilalanin ng mga asawang lalaki na limitado ang kanilang awtoridad at na sakop sila ni Kristo. (1 Cor. 11:3) Ang mga elder ay gumagawa ng mga desisyong nakaaapekto sa kongregasyon. Pero tinitiyak nilang ‘hindi nila hinihigitan ang mga bagay na nakasulat’ sa Bibliya. (1 Cor. 4:6) Maingat din nilang sinusunod ang mga tagubilin mula sa tapat na alipin. (Mat. 24:45-47) Maiiwasan ang maraming kabalisahan at pighati kung gagawa lang tayo ng desisyon kapag binigyan tayo ng awtoridad na gawin iyon.

12. (a) Bakit dapat tayong magsaliksik? (b) Ipaliwanag kung paano gagawin ang pagsasaliksik.

12 Magsaliksik. “Ang mga plano ng masikap ay tiyak na magdudulot ng kapakinabangan,” ang sabi ni Solomon, “ngunit ang bawat isa na padalus-dalos ay tiyak na patungo sa kakapusan.” (Kaw. 21:5) Halimbawa, pinag-iisipan mo ba kung tatanggapin mo ang negosyong iniaalok sa iyo? Huwag kang magpadala sa emosyon. Mag-ipon ng makatutulong na impormasyon, sumangguni sa mga makaranasan sa gayong bagay, at alamin ang nasasangkot na mga simulain sa Bibliya. (Kaw. 20:18) Gumawa ng dalawang listahan​—mga bentaha at disbentaha. Bago magdesisyon, ‘tuusin ang gastusin.’ (Luc. 14:28) Pag-isipan ang posibleng maging epekto nito hindi lang sa iyong pananalapi kundi pati na sa iyong espirituwalidad. Kailangan ang panahon at pagsisikap sa pagsasaliksik. Pero makatutulong ito para maiwasan mong magdesisyon nang padalus-dalos na maaaring magdulot ng di-kinakailangang kabalisahan.

13. (a) Ano ang tinitiyak ng Santiago 1:5? (b) Paano tayo matutulungan ng pananalangin ukol sa karunungan?

13 Manalangin ukol sa karunungan. Ang ating mga desisyon ay magpaparangal sa Diyos tangi lamang kung magpapatulong tayo sa kaniya. Sumulat ang alagad na si Santiago: “Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, patuloy siyang humingi sa Diyos, sapagkat siya ay saganang nagbibigay sa lahat at hindi nandurusta; at ibibigay ito sa kaniya.” (Sant. 1:5) Hindi nakahihiyang aminin na kailangan natin ang karunungan ng Diyos kapag gumagawa ng desisyon. (Kaw. 3:5, 6) Ang totoo, malamang na magkamali tayo kung aasa lang tayo sa sariling pagkaunawa. Kapag humihiling tayo ng karunungan at naghahanap ng mga simulain sa Bibliya, nagpapatulong tayo sa banal na espiritu para malaman ang tunay nating motibo sa paggawa ng isang bagay.​—Heb. 4:12; basahin ang Santiago 1:22-25.

14. Bakit dapat iwasan ang pagpapaliban?

14 Gumawa ng desisyon. Huwag gawin ang hakbang na ito kung hindi ka pa nakapagsasaliksik at nakapananalangin ukol sa karunungan. “Pinag-iisipan” muna ng marunong “ang kaniyang mga hakbang.” (Kaw. 14:15) Pero huwag itong ipagpaliban. Ang taong nagpapaliban ay umiimbento ng kung anu-anong dahilan. (Kaw. 22:13) Pero ang totoo, may desisyon na siya​—nagdesisyon na siyang kontrolin ng iba ang buhay niya.

15, 16. Ano ang nasasangkot sa pagsasagawa ng desisyon?

15 Isagawa ang desisyon. Sayang lang ang pagsisikap na gumawa ng mahusay na desisyon kung hindi naman natin ito puspusang isasagawa. “Ang lahat ng masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo ng iyong buong kapangyarihan,” ang sabi ni Solomon. (Ecles. 9:10) Para magtagumpay, dapat na handa nating gawin kung ano ang kinakailangan. Halimbawa, nagdesisyon ang isang mamamahayag na magpayunir. Magtatagumpay kaya siya? Malamang, kung hindi niya uubusin ang kaniyang panahon at lakas sa sobrang pagtatrabaho at paglilibang.

16 Ang pinakamahuhusay na desisyon ay karaniwan nang mahirap isagawa. Bakit? Dahil “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Dapat tayong makipagbuno sa “mga tagapamahala ng sanlibutan ng kadilimang ito, laban sa balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako.” (Efe. 6:12) Sinabi ni apostol Pablo at ng alagad na si Judas na ang mga nagpapasiyang magparangal sa Diyos ay may gagawing pakikipaglaban.​—1 Tim. 6:12; Jud. 3.

17. Pagdating sa pagdedesisyon, ano ang inaasahan ni Jehova sa atin?

17 Pag-isipang muli ang desisyon at gumawa ng mga pagbabago kung kailangan. Hindi lahat ng desisyon ay natutupad ayon sa isinaplano. “Ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari” ay sumasapit sa ating lahat. (Ecles. 9:11) Gayunman, inaasahan ni Jehova na manghahawakan pa rin tayo sa ilang desisyon sa kabila ng mga pagsubok. Ang pag-aalay ng sarili kay Jehova o panunumpa ng panata sa pag-aasawa ay mga desisyong hindi puwedeng bawiin. Inaasahan ng Diyos na tutuparin natin ang mga desisyong iyon. (Basahin ang Awit 15:1, 2, 4.) Pero ang karamihan sa mga desisyon ay hindi naman ganoon kaseryoso. Sa pana-panahon, muling pinag-iisipan ng taong marunong ang mga ginawa niyang desisyon. Hindi niya hahayaan na ang pagmamapuri o katigasan ng ulo ay makahadlang para baguhin ang kaniyang desisyon. (Kaw. 16:18) Ang pinakamahalaga sa kaniya ay ang matiyak na laging nagpaparangal sa Diyos ang kaniyang paraan ng pamumuhay.

Sanayin ang Iba na Gumawa ng mga Desisyong Magpaparangal sa Diyos

18. Paano sasanayin ng mga magulang ang kanilang mga anak sa paggawa ng mahuhusay na desisyon?

18 Matuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na gumawa ng mga desisyong magpaparangal sa Diyos. Malaki ang maitutulong ng mabuting halimbawa. (Luc. 6:40) Kung angkop, maaaring ipaliwanag ng mga magulang sa kanilang mga anak kung anong mga hakbang ang ginawa nila sa isang partikular na desisyon. Maaari din nilang pahintulutan ang kanilang mga anak na gumawa ng ilang desisyon at bigyan ng komendasyon kapag mabuti ang naging resulta nito. Pero paano kung magkamali ang anak sa pagdedesisyon? Natural lang na protektahan ng magulang ang kaniyang anak sa mga resulta ng desisyon nito, pero hindi ito ang laging pinakamabuti para sa bata. Halimbawa, pinayagan ng magulang ang anak na makakuha ng lisensiya sa pagmamaneho. Ipagpalagay nang lumabag ito sa batas trapiko at pinagmumulta. Puwede itong bayaran ng magulang. Pero kung sasabihin ng magulang sa anak na bayaran iyon sa kaniya, mas malamang na maging responsable siya.​—Roma 13:4.

19. Ano ang dapat nating ituro sa ating mga Bible study, at paano natin ito magagawa?

19 Inutusan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na magturo sa iba. (Mat. 28:20) Ang isa sa pinakamahahalagang bagay na maituturo natin sa ating mga Bible study ay ang paggawa ng mahuhusay na desisyon. Para maging epektibo sa pagtuturo nito, huwag basta sabihin sa kanila kung ano ang dapat gawin. Mas makabubuti na turuan silang mangatuwiran ayon sa mga simulain ng Bibliya para sila mismo ang gumawa ng desisyon. Oo, “ang bawat isa sa atin ay magsusulit sa Diyos para sa kaniyang sarili.” (Roma 14:12) Kaya naman tayong lahat ay may mabuting dahilan para gumawa ng mga desisyong magpaparangal sa Diyos.

[Talababa]

^ par. 4 Para sa pagtalakay sa paksang ito, tingnan ang insert na “Ano ang Aking Pananaw Tungkol sa Blood Fractions at sa Paggamot na Ginagamitan ng Sarili Kong Dugo?” na inilathala sa Ating Ministeryo sa Kaharian ng Enero 2007, pahina 3-6.

Paano Mo Sasagutin?

• Bakit kailangan nating matutuhan kung paano gagawa ng mga desisyon?

• Paano tayo maaaring maapektuhan ng takot, at paano natin iyon mapagtatagumpayan?

• Ano ang anim na hakbang para matiyak na ang ating mga desisyon ay magpaparangal sa Diyos?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon/Larawan sa pahina 16]

Mga Hakbang sa Paggawa ng Mahuhusay na Desisyon

1 Huwag Maging Pangahas

2 Magsaliksik

3 Manalangin Ukol sa Karunungan

4 Gumawa ng Desisyon

5 Isagawa ang Desisyon

6 Pag-isipang Muli at Gumawa ng Pagbabago

[Larawan sa pahina 15]

Ang isang taong di-makapagpasiya ay parang nakasakay sa bangkang walang timon sa gitna ng maalong dagat