Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Makapananatiling Tapat sa Isang Daigdig na Di-tapat

Kung Paano Makapananatiling Tapat sa Isang Daigdig na Di-tapat

Kung Paano Makapananatiling Tapat sa Isang Daigdig na Di-tapat

GAYA ng hanging nilalanghap natin, ang kawalang-katapatan ay nasa lahat ng dako. Ang mga tao ay nagsisinungaling, nagpapatubo nang sobra, nagnanakaw, hindi nagbabayad ng utang, at nandaraya sa negosyo. Sa ganitong kapaligiran, madalas tayong napapaharap sa mga sitwasyong susubok sa determinasyon nating maging tapat. Paano natin mapaglalabanan ang tendensiyang maging di-tapat? Talakayin natin ang tatlong mahahalagang bagay na makatutulong sa atin​—pagkatakot kay Jehova, mabuting budhi, at pagkakontento.

Wastong Pagkatakot kay Jehova

Sumulat si propeta Isaias: “Si Jehova ang ating Hukom, si Jehova ang ating Tagapagbigay-batas, si Jehova ang ating Hari.” (Isa. 33:22) Ang pagkilala sa posisyon at awtoridad ni Jehova ay nagbubunga ng makadiyos na takot, na nagpapatibay sa ating determinasyong labanan ang tendensiyang maging di-tapat. Sinasabi sa Kawikaan 16:6: “Dahil sa pagkatakot kay Jehova ay lumalayo sa kasamaan ang isa.” Ang gayong takot ay hindi nakapanghihilakbot na takot sa isang mapaghiganting Diyos, kundi wastong pagkabahala na hindi natin mapaluguran ang ating makalangit na Ama, na lubos na nagmamalasakit sa atin.​—1 Ped. 3:12.

Ipinakikita ng isang tunay na karanasan ang mabuting epekto ng gayong pagkatakot. Si Ricardo at ang kaniyang asawang si Fernanda ay nag-withdraw sa bangko ng halagang katumbas ng pitong daang dolyar (U.S.). * Basta na lang inilagay ni Fernanda ang pera sa kaniyang bag nang hindi binibilang. Pagdating sa bahay matapos magbayad ng ilang utang, nagulat sila dahil halos hindi nabawasan ang pera sa bag ni Fernanda. “Tiyak na sobra ang ibinigay ng kahera,” ang sabi nila. Sa pasimula, natukso silang huwag isauli ang pera dahil marami pa silang bayarin. Nagpaliwanag si Ricardo: “Nanalangin kami kay Jehova na bigyan kami ng lakas na ibalik ang pera. Gusto naming palugdan siya ayon sa hinihiling niya sa Kawikaan 27:11 kaya ibinalik namin iyon.”

Budhing Sinanay sa Bibliya

Magkakaroon tayo ng sensitibong budhi kung mag-aaral tayo ng Bibliya at magsisikap na ikapit ang ating natututuhan. Sa gayon, ‘ang salita ng Diyos, na buháy at may lakas,’ ay tatagos hindi lang sa ating isip kundi pati sa ating puso. Pakikilusin tayo nito na “gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.”​—Heb. 4:12; 13:18.

Kuning halimbawa si João. Nagkautang siya ng malaking halaga, na katumbas ng limang libong dolyar (U.S.). Lumipat siya ng ibang bayan para takasan ang kaniyang utang. Pagkaraan ng walong taon, natuto ng katotohanan si João, at pinakilos siya ng kaniyang budhing sinanay sa Bibliya na kontakin ang pinagkakautangan niya at bayaran ito! Dahil maliit lang ang kita niya at may sinusuportahang asawa at apat na anak, pumayag ang nagpautang na hulugan na lang niya iyon buwan-buwan.

Pagkakontento

Sumulat si apostol Pablo: “Ito ay isang paraan ng malaking pakinabang, itong makadiyos na debosyon kalakip ang kasiyahan sa sarili. . . . Sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, magiging kontento na tayo sa mga bagay na ito.” (1 Tim. 6:6-8) Kung isasapuso natin ang matalinong payo ni Pablo, maiiwasan nating masilo ng sakim at kuwestiyunableng mga gawain sa negosyo o ng mga pamamaraang biglang-yaman. (Kaw. 28:20) Matutulungan din tayo nito na unahin ang Kaharian ng Diyos, anupat nagtitiwalang ilalaan sa atin ang mahahalagang pangangailangan natin.​—Mat. 6:25-34.

Gayunman, dahil sa “mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan,” hindi natin dapat bale-walain ang panganib na masilo ng kasakiman at kaimbutan. (Mat. 13:22) Alalahanin ang nangyari kay Acan. Nasaksihan niya ang makahimalang pagtawid ng mga Israelita sa Ilog Jordan. Pero palibhasa’y nadaig ng kasakiman, hindi niya napaglabanan ang tuksong magnakaw ng pilak at ginto at mamahaling kasuutan mula sa mga samsam sa lunsod ng Jerico. Naging dahilan iyon ng kaniyang kamatayan. (Jos. 7:1, 20-26) Kaya hindi nakapagtatakang pagkaraan ng maraming siglo, nagbabala si Jesus: “Maging mapagmasid kayo at magbantay kayo laban sa bawat uri ng kaimbutan”!​—Luc. 12:15.

Maging Tapat sa Trabaho

Talakayin natin ngayon ang ilang sitwasyon na maaaring sumubok sa determinasyon nating manatiling tapat sa lahat ng bagay. Kung tapat tayo sa trabaho, ‘hindi tayo magnanakaw’​—kahit pangkaraniwan lang ito sa iba. (Tito 2:9, 10) Si Jurandir, na nagtatrabaho sa isang ahensiya ng gobyerno, ay tapat sa pag-uulat ng nagastos niya sa mga biyaheng may kaugnayan sa trabaho. Pero ang mga katrabaho niya ay nandaraya. Nagagawa nila iyon dahil pinagtatakpan sila ng superbisor ng departamento. Sa katunayan, pinagalitan niya si Jurandir sa pagiging tapat at hindi na niya ito pinagbiyahe. Nang maglaon, na-audit ang ahensiya, at pinuri si Jurandir sa kaniyang katapatan. Binigyan din siya ng promosyon.

Si André, isang ahente, ay sinabihan ng kaniyang amo na doblehin ang singil ng service fee sa account ng mga kostumer. Nanalangin ang ating kapatid na bigyan siya ni Jehova ng lakas ng loob na manghawakan sa simulain ng Bibliya. (Awit 145:18-20) Sinubukan din niyang ipaliwanag sa kaniyang amo kung bakit hindi niya puwedeng sundin ang iniutos sa kaniya​—pero walang nangyari. Dahil dito, ipinasiya ni André na magbitiw sa kaniyang trabaho kahit malaki ang suweldo niya. Subalit pagkaraan ng mga isang taon, kinuha uli siya ng kaniyang dating amo, at tiniyak na hindi na sisingilin nang sobra ang mga kostumer. Si André ay ginawang manedyer.

Magbayad ng Utang

Pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano: “Huwag kayong magkautang sa kaninuman ng anumang bagay.” (Roma 13:8) Baka ipagmatuwid natin ang hindi pagbabayad ng utang, anupat iniisip na mayaman naman ang nagpautang at hindi niya kailangan ang pera. Pero nagbabala ang Bibliya: “Ang balakyot ay nanghihiram at hindi nagbabayad.”​—Awit 37:21.

Gayunman, paano kung dahil sa “di-inaasahang pangyayari” ay hindi natin mabayaran ang utang? (Ecles. 9:11) Nangutang si Francisco kay Alfredo ng halagang katumbas ng pitong libong dolyar (U.S.) para ipantubos sa kaniyang isinangla. Pero dahil sa ilang problema sa negosyo, hindi niya ito nabayaran sa pinag-usapang petsa. Nagkusang lumapit si Francisco kay Alfredo para ipakipag-usap ito, at pumayag si Alfredo na bayaran siya nang hulugan.

Iwasan ang Pagpapaimbabaw

Alalahanin ang masamang halimbawa ng mag-asawang Ananias at Sapira na kabilang sa unang-siglong kongregasyong Kristiyano. Matapos ipagbili ang kanilang bukid, dinala nila sa mga apostol ang isang bahagi ng pinagbilhan at sinabing iyon ang buong halaga ng bukid. Gusto nilang pahangain ang iba sa kanilang pagkabukas-palad. Pero sa patnubay ng banal na espiritu ng Diyos, ibinunyag ni apostol Pedro ang kanilang panlilinlang at pinuksa sila ni Jehova.​—Gawa 5:1-11.

Hindi gaya ng di-tapat na mag-asawang iyon, ang mga manunulat ng Bibliya ay prangka at tapat. Buong-katapatang iniulat ni Moises na hindi siya nakapagpigil ng galit, na naging dahilan kung bakit hindi siya pinayagang pumasok sa Lupang Pangako. (Bil. 20:7-13) Hindi pinagtakpan ni Jonas ang mga kahinaang nakita sa kaniya bago at pagkaraan niyang mangaral sa mga Ninevita. Sa halip, iniulat niya ang mga iyon.​—Jon. 1:1-3; 4:1-3.

Kailangan ang lakas ng loob sa pagsasabi ng totoo, anuman ang kahihinatnan nito, gaya ng makikita sa karanasan ng 14-anyos na estudyanteng si Nathalia. Pagkatapos ng isang exam, napansin niyang minarkahan ng kaniyang guro ng tama ang isang maling sagot sa papel niya. Kahit alam niyang bababa ang kaniyang grade, sinabi pa rin iyon ni Nathalia sa kaniyang guro. “Palaging itinuturo sa akin ng mga magulang ko na para mapasaya si Jehova, dapat akong maging tapat. Makokonsiyensiya ako kung hindi ko iyon sasabihin sa aking guro,” ang paliwanag niya. Pinahalagahan ng guro ang katapatan ni Nathalia.

Katapatan​—Isang Katangiang Nagpaparangal kay Jehova

Si Giselle, isang 17-anyos na kabataan, ay nakapulot ng pitaka na may mga dokumento at halagang katumbas ng $35 (U.S.). Nagpatulong siya sa mga awtoridad ng paaralan para maibalik ito sa may-ari. Pagkaraan ng isang buwan, isang liham ang binasa ng vice-principal sa harap ng buong klase. Pinupuri sa liham ang katapatan ni Giselle pati na ang pamilya nila dahil pinalaki siyang may takot sa Diyos. Ang kaniyang “maiinam na gawa” ay nagdulot ng kaluwalhatian kay Jehova.​—Mat. 5:14-16.

Kailangan ang pagsisikap para maging tapat dahil napalilibutan tayo ng mga taong ‘maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mapagmapuri sa sarili, palalo, at di-matapat.’ (2 Tim. 3:2) Gayunman, tutulungan tayo ng wastong pagkatakot kay Jehova, ng budhing sinanay sa Bibliya, at ng pagkakontento para makapanatiling tapat sa isang daigdig na di-tapat. Malilinang din natin ang mas matalik na pakikipagkaibigan kay Jehova, na ‘matuwid at umiibig sa matuwid na mga gawa.’​—Awit 11:7.

[Talababa]

^ par. 5 Binago ang ilang pangalan.

[Mga larawan sa pahina 7]

Pinatitibay ng wastong pagkatakot kay Jehova ang determinasyon nating maging tapat

[Larawan sa pahina 8]

Nagdudulot ng kaluwalhatian kay Jehova ang ating katapatan