Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Makikita ba sa mga sinaunang tatak na luwad ang mga pangalang binabanggit sa Bibliya?

Noong sinaunang panahon, ang opisyal na mga dokumento ay inirorolyo at tinatalian ng mga nag-aasikaso nito. Pagkatapos, isang kapirasong basang luwad ang inilalagay sa buhol ng panali at tinatatakan. Gumagamit sila ng mga marka ng pantatak upang lagdaan, saksihan, at patotohanan ang mga dokumento.

Kung minsan ang mga pantatak ay inilalagay sa mga singsing na panlagda at itinuturing na mahalaga. (Genesis 38:18; Esther 8:8; Jeremias 32:44) Karaniwan na, makikita sa pantatak ang pangalan ng may-ari, ang kaniyang titulo, at ang pangalan ng kaniyang ama.

Ang mga mananaliksik ay may natagpuan na daan-daang sinaunang marka ng pantatak, na tinatawag na bulla. Ang ilan sa mga ito ay may pangalan ng mga taong binabanggit sa Bibliya. Halimbawa, ang mga arkeologo ay may natagpuang mga tatak na pinaniniwalaang mula sa personal na mga pantatak ng dalawang hari ng Juda. Ang isa ay kababasahan: “Kay Ahaz [anak ni] Yehotam [Jotam], Hari ng Juda.” Ang isa pa ay kababasahan: “Kay Hezekias [anak ni] Ahaz, Hari ng Juda.” (2 Hari 16:1, 20) Sina Ahaz at Hezekias ay naghari noong ikawalong siglo B.C.E.

Sinuri din ng mga iskolar ang maraming iba pang bulla na ginamitan ng pantatak na pinaniniwalaang pag-aari ng mga tauhan sa Bibliya. Ang ilan sa kanila ay binabanggit sa mga isinulat ni Jeremias, gaya ni Baruc (kalihim ni Jeremias), Gemarias (“anak ni Sapan”), Jerameel (“anak ng hari”), Jucal (“anak ni Selemias”), at Seraias (kapatid ni Baruc).​—Jeremias 32:12; 36:4, 10, 26; 38:1; 51:59.

Paano tinutukoy sa Bibliya ang oras?

Ang Hebreong Kasulatan ay gumagamit ng mga terminong “umaga,” “tanghali,” “katanghaliang tapat,” at “pagabi na.” (Genesis 24:11; Deuteronomio 28:29; 1 Hari 18:26) Hinati ng mga Hebreo ang gabi sa tatlong yugto ng pagbabantay na may mga tig-apat na oras. Ngunit nang maglaon, ginamit na nila ang sistema ng mga Griego at Romano na apat na yugto ng pagbabantay sa gabi. Maliwanag na ito ang tinutukoy ni Jesus nang sabihin niya: “Patuloy kayong magbantay, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan darating ang panginoon ng bahay, kung sa pagabi na o sa hatinggabi o sa pagtilaok ng manok o maaga sa kinaumagahan.” (Marcos 13:35) Ang pagbabantay na “pagabi na” ay mula sa paglubog ng araw hanggang 9:00 n.g. Ang susunod naman ay hanggang hatinggabi, at ang ikatlo, ang “pagtilaok ng manok,” ay hanggang mga alas tres ng umaga. Ang huli, ang “maaga sa kinaumagahan,” ay hanggang sa pagsikat ng araw. Sa “ikaapat na yugto ng pagbabantay sa gabi” naglakad si Jesus sa ibabaw ng Dagat ng Galilea.​—Mateo 14:23-26.

Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang terminong “oras” ay tumutukoy sa 1/12 ng buong maghapon mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito. (Juan 11:9) Yamang ang oras ng pagsikat at paglubog ng araw sa Israel ay depende sa kapanahunan, karaniwan nang hindi eksakto ang iniuulat na oras ng isang pangyayari, halimbawa, “bandang ikaanim na oras.”​—Gawa 10:9.

[Larawan sa pahina 15]

Mga tatak na luwad na may pangalan nina Hezekias at Ahaz (harap) at posibleng pangalan ni Baruc (likod)

[Credit Lines]

Likod: Courtesy of Israel Museum, Jerusalem

Harap: www.BibleLandPictures.com/Alamy

[Larawan sa pahina 15]

Sundial, panahon ng imperyo ng Roma (27 B.C.E.–476 C.E.)

[Credit Line]

© Gerard Degeorge/The Bridgeman Art Library International