Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tanong ng mga Mambabasa

Pupunta ba sa Langit ang Lahat ng Tapat na Kristiyano?

Pupunta ba sa Langit ang Lahat ng Tapat na Kristiyano?

▪ Marami ang pamilyar sa pananalita ni Jesus: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Sinasabi ba rito ni Jesus na lahat ng tapat na mananamba ng kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova, ay pupunta sa langit upang mabuhay nang walang hanggan at maging tunay na maligaya?

Pansinin ang sinabi ni Jesus: “Walang taong umakyat sa langit maliban sa kaniya na bumaba mula sa langit, ang Anak ng tao.” (Juan 3:13) Nangangahulugan ito na ang tapat na mga mananamba noon, gaya nina Noe, Abraham, Moises, at David, ay hindi umakyat sa langit. (Gawa 2:34) Nasaan sila? Ang tapat na mga lingkod noon ng Diyos ay nasa libingan, natutulog sa kamatayan, walang nalalaman, at naghihintay na buhaying muli.​—Eclesiastes 9:5, 6; Gawa 24:15.

Sa Bibliya, si Jesus din ang unang nagsabi na may mga taong mabubuhay sa langit pagkamatay nila. Sinabi niya sa kaniyang mga apostol na ipaghahanda niya sila ng dako sa langit. (Juan 14:2, 3) Bagong bagay ito para sa mga lingkod ng Diyos. Ipinaliwanag ni apostol Pablo na nang mamatay si Jesus at buhaying muli sa langit, ‘pinasinayaan Niya para sa kaniyang mga alagad ang isang bago at buháy na daan.’ Wala pang sinumang tao ang dumaan dito.​—Hebreo 10:19, 20.

Nangangahulugan ba ito na mula noon, ang lahat ng tapat na lingkod ng Diyos ay pumupunta sa langit? Hindi, dahil ang pagkabuhay-muli tungo sa langit ay nauugnay sa isang atas na para lamang sa iilang tao. Noong huling gabing magkakasama sila, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol na sila ay ‘uupo sa mga trono upang humatol’ sa kaniyang Kaharian sa langit. Kaya ang atas nila ay magharing kasama ni Jesus sa langit.​—Lucas 22:28-30.

Hindi lang ang mga apostol ang binigyan ng kamangha-manghang atas na ito. Sa isang pangitain, nakita ni apostol Juan si Jesus na may kasamang isang grupo ng mga binuhay-muli sa langit na inilarawan bilang ‘isang kaharian at mga saserdote na mamamahala sa lupa.’ (Apocalipsis 3:21; 5:10) Ilan sila? Sa bawat gobyerno, limitado lamang ang bilang ng namamahala. Ganiyan din sa Kaharian sa langit. Ang mamamahala roon ay si Jesus, ang Kordero ng Diyos, at ang 144,000 na “binili mula sa sangkatauhan.”​—Apocalipsis 14:1, 4, 5.

Totoo, kaunti lamang ang 144,000 kumpara sa bilang ng lahat ng tapat na lingkod ng Diyos, noon at ngayon. Pero makatuwiran naman ito, dahil ang 144,000 ay bubuhaying muli tungo sa langit para sa isang espesipiko at sagradong atas. Kung magtatayo ka ng bahay, kukunin mo ba ang lahat ng may-kakayahang magtayo ng bahay sa inyong lugar? Hindi. Ilan lamang ang kakailanganin mo para sa proyektong ito. Sa katulad na paraan, hindi lahat ng tapat na lingkod ng Diyos ay pinili niya upang magharing kasama ni Kristo sa langit.

Isasakatuparan ng gobyernong ito sa langit ang orihinal na layunin ng Diyos para sa mga tao. Pangangasiwaan ni Jesus at ng 144,000 kasama niyang tagapamahala ang pagpapaganda sa buong lupa para maging paraiso, kung saan walang-hanggang maninirahan sa kaligayahan ang di-mabilang na tapat na lingkod ng Diyos. (Isaias 45:18; Apocalipsis 21:3, 4) Makakasama rito ang mga nasa alaala ng Diyos na bubuhaying muli.​—Juan 5:28, 29.

Lahat ng tapat na mananamba ni Jehova​—noon at ngayon​—ay maaaring tumanggap ng kamangha-manghang regalo na buhay na walang hanggan. (Roma 6:23) May ilan na tatanggap ng buhay sa langit para sa isang espesyal na atas, at ang karamihan naman ay tatanggap ng buhay sa isang paraisong lupa.