Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Liham Mula sa Madagascar

Parang Isang Magandang Musika

Parang Isang Magandang Musika

PATUNGO kaming mag-asawa sa aming bagong atas bilang misyonero​—sa isla ng Madagascar. Nagpaalam na kami sa aming pamilya at mga kaibigan at nagpakatatag kami. Alam naming si Jehova ang nag-atas sa amin at tutulungan niya kaming magtagumpay.

Hinding-hindi namin malilimutan ang unang pulong na dinaluhan namin sa aming bagong atas. Dahil limitado lamang ang nauunawaan namin sa wika, ang naririnig namin ay parang isang magandang musika. Ang brother na nangangasiwa sa Pag-aaral sa Bantayan ay parang konduktor naman sa isang orkestra. Matatagalan pa bago namin maunawaan ang sinasabi nila.

Nang una kong maintindihan ang isang karagdagang tanong, di-sinasadyang napasagot ako nang malakas. Narinig ito ng mga katabi ko sa upuan, kaya pinigil ko ang aking pagtawa. Napahiya ako pero natuwa rin dahil may naintindihan na ako!

Sa halip na ako ang tumulong sa kanila sa ministeryo, nadama kong ako pa ang tinutulungan nila. Maibigin akong tinuruan ng mga kapatid kung ano ang sasabihin at aling teksto ang gagamitin sa pangangaral sa bahay-bahay.

Isang araw habang nagbabahay-bahay, isang bata ang sumigaw, “Vazaha! Vazaha!” na nangangahulugang “banyaga” sa wikang Malagasy. Binilisan na namin ang aming paglakad bago pa dumating ang ibang bata at sumigaw rin ng gayon. Sinaway ng isang batang lalaki ang batang sumisigaw. Sinabi niya: “Hindi siya banyaga. Marunong siya ng salita natin!” Ipinaliwanag ng kasama kong sister ang sinabi nila kasi napakabilis nilang magsalita at wala akong maintindihan. Pero masaya na rin ako. Sa wakas, ang Madagascar ay parang tahanan ko na rin.

Paminsan-minsan nalulungkot din ako. Pero kapag may mga batang humahawak sa kamay ko at nakangiti sa akin kahit hindi ako masyadong makapagsalita ng wika nila, sumasaya na ako. Ang mga batang ito sa kongregasyon ay isang pagpapala mula kay Jehova. Si Hasina, isang batang sister ang naging interpreter ko. Kapag walang nakaiintindi sa akin, tila nauunawaan niya ako. At madalas na tinutulungan niya akong ipaliwanag sa mga kaibigan ko sa kongregasyon kung ano talaga ang gusto kong sabihin.

Kaming mag-asawa ay kaugnay sa kongregasyong hahatiin na para bumuo ng isa pang kongregasyon. Kaya ang ilang tinuturuan sa Bibliya ay kailangang ipasa sa ibang kapatid sa bagong kongregasyon. Ibinigay sa akin ng isang sister ang isa sa kaniyang mga tinuturuan sa Bibliya. Natakot ako at sinabi kong hindi ko pa kaya, pero pinasigla niya ako. Tiniyak niya sa akin na sa tulong ni Jehova, di-magtatagal at makakaya ko ring magturo sa iba. Talagang napatibay ako sa sinabi niya.

Mula noon, mabilis na sumulong ang estudyanteng iyon. Isang araw nang nasa labas ako, tinawag niya ako. Magpapakasal na raw silang mag-asawa. Nag-aaral na ng Bibliya ang mister niya, at tunguhin nilang magkaroon ng mabuting kaugnayan sa Diyos at magpabautismo. Tuwang-tuwa ako, kahit alam kong hindi kami ang naglalapit sa isang tao kay Jehova, kundi Siya rin mismo.

Marami kaming natutuhan sa bagong atas na ito. Bagaman nami-miss namin ang aming mga kaibigan at pamilya, parang kasama rin namin sila. Madalas kasi namin silang ikuwento sa mga kapatid, at ngayon kinukumusta rin sila ng bago naming mga kaibigan. Umaasa kami na darating ang panahon na magkakasama-sama kaming lahat.

Parang “musika” pa rin sa akin ang pagsasalita ng mga tao. Pero naiintindihan ko na sila ngayon. Umaasa akong makapagsasalita rin ako ng kanilang wika at makasasabay sa kanilang musika. Sinabi ni Jesus: “Huwag kayong mabalisa tungkol sa susunod na araw, sapagkat ang susunod na araw ay magkakaroon ng sarili nitong mga kabalisahan.” (Mateo 6:34) Kaya sisikapin naming unti-unting matuto ng kanilang wika, at patuloy kong sasanayin ang aking tainga, isip, at puso upang gumawang kasama ng aming matiyaga at maibiging mga kapatid dito sa Madagascar.

[Larawan sa pahina 25]

Pangangaral kasama ni Hasina