Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Talaga Bang May mga Kamelyo Noon si Abraham?

Talaga Bang May mga Kamelyo Noon si Abraham?

Talaga Bang May mga Kamelyo Noon si Abraham?

ANG mga kamelyo ay kasama sa mga hayop na ibinigay ni Paraon kay Abraham, ang sabi sa Bibliya. (Gen. 12:16) Nang maglakbay ang lingkod ni Abraham patungong Mesopotamia, siya ay “kumuha ng sampung kamelyo mula sa mga kamelyo ng kaniyang panginoon.” Kaya maliwanag na sinasabi ng Bibliya na may mga kamelyo si Abraham noong pasimula ng ikalawang milenyo B.C.E.​—Gen. 24:10.

Hindi sang-ayon dito ang ilan. Iniulat ng New International Version Archaeological Study Bible: “Pinagtatalunan ng mga iskolar kung tama ang mga pagbanggit sa mga kamelyo dahil marami ang naniniwalang naging alaga lang ang mga hayop na ito noong mga 1200 B.C., mahabang panahon pa ang lumipas pagkamatay ni Abraham.” Kung gayon, ang anumang mas maagang pagbanggit ng Bibliya sa mga kamelyo ay maituturing na isang anakronismo, o hindi tugma sa kronolohiya.

Gayunman, ikinakatuwiran ng ibang mga iskolar na bagaman noong pagtatapos lang ng ikalawang milenyo naging pangkaraniwan ang pag-aalaga ng kamelyo, hindi naman ito nangangahulugan na hindi ginagamit ang kamelyo bago nito. Sinasabi sa aklat na Civilizations of the Ancient Near East: “Ipinahihiwatig ng pagsasaliksik kamakailan na ang mga kamelyo ay inaalagaan sa timog-silangang Arabia noong mga ikatlong milenyo [B.C.E.]. Sa pasimula, maaaring pinagkukunan lang ito ng gatas, balahibo, katad, at karne, pero di-nagtagal, malamang na nakitang puwede itong gamitin bilang hayop na pantrabaho.” Ang petsang ito​—bago ang panahon ni Abraham​—ay waring sinusuportahan ng natagpuang mga piraso ng buto at iba pang arkeolohikal na mga labí.

Nariyan din ang nakasulat na mga katibayan. Sinasabi rin sa aklat na iyon: “Sa Mesopotamia, binabanggit ang gayong hayop [kamelyo] sa mga listahang cuneiform at makikita ito sa ilang pantatak, anupat nagpapahiwatig na mayroon nang ganitong hayop sa Mesopotamia pagsapit ng ikalawang milenyo,” samakatuwid nga, noong panahon ni Abraham.

Naniniwala ang ilang iskolar na ang mga negosyante ng insenso mula sa Timog Arabia ay gumamit ng mga kamelyo para maghatid ng kanilang mga kalakal sa gawing hilaga. Binabagtas nila ang disyerto patungong Ehipto at Sirya at sa gayo’y natuto rin ang mga tagaroon na gumamit ng kamelyo. Malamang na ang negosyong ito ay pangkaraniwan na noon pa mang 2000 B.C.E. Kapansin-pansin, binanggit sa Genesis 37:25-28 ang tungkol sa mga negosyanteng Ismaelita na gumamit ng mga kamelyo para maghatid ng mga sangkap ng insenso sa Ehipto mga sandaang taon pagkamatay ni Abraham.

Hindi pa marahil uso ang paggamit ng kamelyo sa sinaunang Gitnang Silangan noong pasimula ng ikalawang milenyo B.C.E., pero waring ipinakikita ng katibayan na ginagamit na rin ito noon. Kaya ganito ang konklusyon ng The International Standard Bible Encyclopedia: “Hindi na ngayon maituturing na anakronismo ang pagbanggit sa mga kamelyo sa mga salaysay noong panahon ng mga patriyarka, dahil maraming arkeolohikal na ebidensiya ang nagpapatunay na mayroon nang mga alagang kamelyo bago pa man ang panahon ng mga patriyarka.”