Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Malapít sa Diyos

May Damdamin ba si Jehova?

May Damdamin ba si Jehova?

KUNG oo ang sagot, may isa pang tanong: Naaapektuhan ba ng ating paggawi ang damdamin ng Diyos? Sa ibang salita, napasasaya o nasasaktan ba natin siya dahil sa ating mga ginagawa? Sinasabi ng ilang sinaunang pilosopo na walang damdamin ang Diyos at walang sinumang makaiimpluwensiya sa kaniya. Pero ayon sa Bibliya, si Jehova ay may magiliw na damdamin at talagang interesado sa ating mga ginagawa. Tingnan natin ang sinasabi sa Awit 78:40, 41.

Binabanggit sa Awit 78 ang mga pakikitungo ng Diyos sa sinaunang Israel. Matapos palayain ni Jehova ang bansa mula sa pagkaalipin sa Ehipto, inalok niya sila na magkaroon ng isang pantanging kaugnayan sa kaniya. Nangako siya na kung mananatili silang masunurin sa kaniyang mga kautusan, sila’y magiging “pantanging pag-aari” niya at gagamitin niya sila sa isang pambihirang paraan upang matupad ang kaniyang layunin. Pumayag ang bayan at nangakong susundin ang Kautusan. Tumupad ba sila sa kasunduan?​—Exodo 19:3-8.

Wala nang mas mahalagang bagay tayong maibibigay kay Jehova kundi ang mamuhay sa paraang magpapasaya sa kaniyang puso

Sinasabi ng salmista: “Kay dalas nilang maghimagsik laban sa kaniya sa ilang!” (Talata 40) Idinagdag pa ng sumunod na talata: “Paulit-ulit nilang inilalagay ang Diyos sa pagsubok.” (Talata 41) Pansinin na sinabi ng manunulat na paulit-ulit na nagrebelde ang bayan. Nagsimula ang masamang ugaling ito noong nasa ilang sila, hindi pa natatagalan matapos silang palayain mula sa Ehipto. Nagbulung-bulungan ang bayan, anupat kinuwestiyon nila kung may kakayahan ang Diyos na pangalagaan sila at kung handa siyang gawin ito. (Bilang 14:1-4) Sinasabi ng isang reperensiya para sa mga tagapagsalin ng Bibliya na ang mga salitang “maghimagsik laban sa kaniya” ay puwedeng “isalin bilang ‘pinatigas nila ang kanilang puso laban sa Diyos’ o ‘sinabi nila sa Diyos na “Hindi.”’” Pero dahil maawain si Jehova, pinatatawad niya ang kaniyang bayan sa tuwing magsisisi sila. Ngunit paulit-ulit pa rin silang nagrerebelde.​—Awit 78:10-19, 38.

Ano ang nadarama ni Jehova sa tuwing magrerebelde ang kaniyang bayan? “Pinagdaramdam nila siya,” ang sabi sa talata 40. Sinasabi ng isa pang salin na “pinalulungkot [nila] siya.” Ganito ang paliwanag ng isang reperensiya sa Bibliya: “Nangangahulugan ito na ang paggawi ng mga Hebreo ay nakasasakit,​—gaya ng paggawi ng isang masuwayin at rebeldeng anak.” Kung paanong pinasasakitan ng isang anak na matigas ang ulo ang kaniyang mga magulang, “pinasakitan [ng mga rebeldeng Israelita] maging ang Banal ng Israel.”​—Talata 41.

Ano ang matututuhan natin sa awit na ito? Nakatutuwang malaman na talagang napakalapít sa puso ni Jehova ang kaniyang mga mananamba at hindi niya basta tinatalikuran ang mga ito. Makatuwiran ding isipin na may damdamin si Jehova at naaapektuhan siya ng ating paggawi. Ano ang masasabi mo rito? Napakikilos ka ba nito na gawin kung ano ang tama?

Sa halip na gumawa ng mali at saktan ang puso ni Jehova, gawin natin ang tama at pasayahin ang puso niya. At iyan naman talaga ang hinihiling niya sa kaniyang mga mananamba: “Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso.” (Kawikaan 27:11) Wala nang mas mahalagang bagay tayong maibibigay kay Jehova kundi ang mamuhay sa paraang magpapasaya sa kaniyang puso.

Pagbabasa ng Bibliya para sa Hulyo: