Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Si Jehova ang Aking Bahagi

Si Jehova ang Aking Bahagi

Si Jehova ang Aking Bahagi

“Ako ang iyong bahagi at ang iyong mana sa gitna ng mga anak ni Israel.”​—BIL. 18:20.

1, 2. (a) Kung tungkol sa lupaing mana, ano ang sitwasyon ng mga Levita? (b) Anong katiyakan ang ibinigay ni Jehova sa kanila?

NANG masakop ng mga Israelita ang malaking bahagi ng Lupang Pangako, sinimulang hati-hatiin ni Josue ang lupain sa pamamagitan ng palabunutan. Para magawa ito, nakipagtulungan siya sa mataas na saserdoteng si Eleazar at sa mga ulo ng mga tribo. (Bil. 34:13-29) Pero di-tulad ng ibang tribo, ang mga Levita ay hindi tatanggap ng lupaing mana. (Jos. 14:1-5) Bakit walang teritoryo, o bahagi, sa Lupang Pangako ang tribo ng mga Levita? Pinagkakaitan ba sila?

2 Tiniyak ni Jehova sa mga Levita na hindi sila pababayaan: “Ako ang iyong bahagi at ang iyong mana sa gitna ng mga anak ni Israel.” (Bil. 18:20) Isa ngang nakaaantig na katiyakan: “Ako ang iyong bahagi”! Ano ang madarama mo kung sabihin iyan sa iyo ni Jehova? Baka masabi mo, ‘Karapat-dapat ba ako sa katiyakang iyan mula sa Makapangyarihan-sa-lahat?’ Baka maisip mo rin, ‘Talaga kayang maaaring maging bahagi si Jehova ng isang di-sakdal na Kristiyano sa ngayon?’ Mahalaga sa iyo at sa iyong mga mahal sa buhay ang mga tanong na iyan. Kaya alamin natin kung ano ang kahulugan ng sinabi ni Jehova para maunawaan natin kung paano siya magiging bahagi ng mga Kristiyano sa ngayon. Mauunawaan din natin kung paano mo magiging bahagi si Jehova bilang indibiduwal, ang pag-asa mo man ay sa langit o sa paraisong lupa.

Naglaan si Jehova Para sa mga Levita

3. Paano nangyaring kinuha ng Diyos ang mga Levita para maglingkod sa kaniya?

3 Noong hindi pa ibinibigay ni Jehova ang Kautusan sa mga Israelita, mga ulo ng pamilya ang nagsisilbing saserdote ng bawat mag-anak. Pero nang ibigay na ng Diyos ang Kautusan, nagtalaga siya ng mga saserdoteng maglilingkod nang buong panahon at ng mga katulong ng mga ito mula sa tribo ni Levi. Paano ito nangyari? Nang puksain ng Diyos ang mga panganay ng Ehipto, pinabanal niya ang mga panganay ng Israel at ibinukod, o itinalaga, ang mga ito para sa kaniya. Pagkatapos, gumawa siya ng pagbabago: “Kinukuha ko ang mga Levita . . . kahalili ng lahat ng panganay sa mga anak ni Israel.” Ayon sa sensus, mas marami ang mga panganay na lalaki ng Israel kaysa sa mga lalaking Levita kung kaya kailangang magbayad ng pantubos para sa mga lumabis. (Bil. 3:11-13, 41, 46, 47) Sa gayo’y maaari nang gampanan ng mga Levita ang kanilang papel sa paglilingkod sa Diyos ng Israel.

4, 5. (a) Sa anong diwa si Jehova ang magiging bahagi ng mga Levita? (b) Paano pinaglaanan ng Diyos ang mga Levita?

4 Ano ang ibig sabihin ng atas na iyan para sa mga Levita? Sinabi ni Jehova sa kanila na sa halip na tumanggap ng lupaing mana, siya ang magiging bahagi nila sa diwang pagkakalooban sila ng napakahalagang pribilehiyo. Ang “pagkasaserdote kay Jehova” ang magiging mana nila. (Jos. 18:7) Ipinakikita ng konteksto ng Bilang 18:20 na hindi naman sila naghikahos. (Basahin ang Bilang 18:19, 21, 24.) Ibibigay sa mga Levita “ang lahat ng ikasampung bahagi sa Israel na pinakamana bilang ganti sa kanilang paglilingkod.” Tatanggap sila ng 10 porsiyento ng lahat ng ani at ng idinami ng mga alagang hayop sa Israel. Samantala, ibibigay naman ng mga Levita ang ikasampung bahagi ng tinanggap nila, ang “pinakamainam niyaon,” sa mga saserdote bilang panustos. * (Bil. 18:25-29) Ibinibigay rin sa mga saserdote “ang lahat ng banal na abuloy” na dinadala ng mga anak ni Israel sa Diyos sa dako ng pagsamba. Kaya talagang makapagtitiwala ang mga saserdote na paglalaanan sila ni Jehova.

5 Lumilitaw na may probisyon ang Kautusang Mosaiko para sa ikalawang ikapu, na ibinubukod para magamit na panustos ng mga pamilyang Israelita sa panahon ng banal na mga kombensiyon taun-taon. (Deut. 14:22-27) Pero sa pagwawakas ng ikatlo at ikaanim na taon ng pitong-taóng siklo ng sabbath, ang ikapung ito ay inilalagay sa pintuang-daan para sa kapakanan ng mga dukha at ng mga Levita. Bakit kasama rito ang mga Levita? Dahil “wala [silang] bahagi o mana” sa Israel.​—Deut. 14:28, 29.

6. Yamang walang manang lupain sa Israel ang mga Levita, saan sila titira?

6 Pero saan titira ang mga Levita kung wala silang lupain? Binigyan sila ng Diyos ng 48 lunsod, 6 sa mga ito ay mga kanlungang lunsod, kasama ang mga nakapalibot na pastulan. (Bil. 35:6-8) Kaya naman, may matitirhan ang mga Levita kapag hindi sila naglilingkod sa santuwaryo ng Diyos. Saganang pinaglaanan ni Jehova ang mga nagtalaga ng kanilang sarili sa paglilingkod sa kaniya. Maliwanag na maipakikita ng mga Levita na si Jehova ang bahagi nila kung magtitiwala sila sa kaniyang pagnanais at kakayahang maglaan para sa kanila.

7. Ano ang kahilingan sa mga Levita para maging bahagi nila si Jehova?

7 Sa Kautusan, walang itinakdang parusa para sa Israelitang hindi nakapagbigay ng ikapu. Pero nang maging pabaya ang bayan sa pagbibigay ng ikapu, naapektuhan ang mga saserdote at mga Levita. Ganiyan ang nangyari noong panahon ni Nehemias. Kaya naman napilitang magtrabaho ang mga Levita sa kanilang mga bukid at napabayaan ang kanilang paglilingkod. (Basahin ang Nehemias 13:10.) Kung gayon, maliwanag na ang panustos ng tribo ng mga Levita ay nakadepende sa espirituwalidad ng bansa. Kailangan ding manampalataya ang mga saserdote at mga Levita kay Jehova at sa kaniyang paraan ng paglalaan para sa kanila.

Naging Bahagi Nila si Jehova

8. Ano ang ikinabahala ni Asap?

8 Si Jehova ang bahagi ng mga Levita bilang isang tribo. Pero ginamit din ng indibiduwal na mga Levita ang pananalitang “si Jehova ang aking bahagi” para ipahayag ang kanilang debosyon at pananalig sa Diyos. (Panag. 3:24) Isa sa kanila ang mang-aawit at mangangatha na tatawagin nating Asap. Pero posibleng isa lamang siya sa mga miyembro ng sambahayan ni Asap, ang Levitang nanguna sa mga mang-aawit noong panahon ni Haring David. (1 Cro. 6:31-43) Sa Awit 73, mababasa natin na si Asap (o isa sa kaniyang mga inapo) ay nabahala. Nainggit siya sa mga balakyot na namumuhay nang sagana at nasabi niya: “Tunay na walang kabuluhan ang paglilinis ko ng aking puso at ang paghuhugas ko ng aking mga kamay sa kawalang-sala.” Lumilitaw na naiwala niya ang pagpapahalaga sa kaniyang pribilehiyo; nalimutan niyang si Jehova ang kaniyang bahagi. Nanghina siya sa espirituwal, “hanggang sa [siya] ay pumasok sa maringal na santuwaryo ng Diyos.”​—Awit 73:2, 3, 12, 13, 17.

9, 10. Bakit nasabi ni Asap na ang Diyos ang “bahagi [niya] hanggang sa panahong walang takda”?

9 Sa santuwaryo, nagsimulang makita ni Asap ang mga bagay-bagay ayon sa pangmalas ng Diyos. Baka naranasan mo na iyan. Baka may pagkakataong naiwala mo ang pagpapahalaga sa iyong mga pribilehiyo at nagsimula kang maghanap ng materyal na mga bagay. Pero dahil sa pag-aaral ng Salita ng Diyos at pagdalo sa mga pulong, nakita mo ang mga bagay-bagay ayon sa pangmalas ni Jehova. Naunawaan ni Asap ang kahahantungan ng mga balakyot. Nag-isip siya at natanto niya na tatanganan ni Jehova ang kaniyang kanang kamay at aakayin siya. Kaya naman nasabi ni Asap kay Jehova: “Bukod sa iyo ay wala na akong ibang kaluguran sa lupa.” (Awit 73:23, 25) Pagkatapos ay tinukoy niya ang Diyos bilang kaniyang bahagi. (Basahin ang Awit 73:26.) Kahit ‘manghina ang katawan at puso’ ng salmista, ang Diyos ang magiging “bahagi [niya] hanggang sa panahong walang takda.” May tiwala ang salmista na aalalahanin siya ni Jehova bilang kaibigan. Hindi Niya kalilimutan ang kaniyang tapat na paglilingkod. (Ecles. 7:1) Talagang napatibay si Asap! Umawit siya: “Kung tungkol sa akin, ang paglapit sa Diyos ay mabuti para sa akin. Ang Soberanong Panginoong Jehova ang ginawa kong aking kanlungan.”​—Awit 73:28.

10 Nang sabihin ni Asap na si Jehova ang bahagi niya, hindi lang ang panustos na tinatanggap niya bilang Levita ang tinutukoy niya. Sa halip, ito ay ang kaniyang pribilehiyo at kaugnayan kay Jehova, ang pakikipagkaibigan niya sa Kataas-taasan. (Sant. 2:21-23) Para maingatan ang kaugnayang iyon, kailangan niyang patuloy na manampalataya kay Jehova. Kailangang magtiwala si Asap na magiging makabuluhan ang buhay niya kung mamumuhay siya ayon sa pamantayan ng Diyos. Maaari ka ring magkaroon ng ganiyang tiwala sa Makapangyarihan-sa-lahat.

11. Ano ang itinanong ni Jeremias kay Jehova, at paano siya sinagot?

11 Isa pang Levita na kumilalang si Jehova ang kaniyang bahagi ay si propeta Jeremias. Pag-isipan natin kung ano ang ibig niyang sabihin sa pananalitang iyan. Si Jeremias ay nakatira sa Anatot, isang lunsod ng mga Levita malapit sa Jerusalem. (Jer. 1:1) Nabahala si Jeremias: Bakit umuunlad ang balakyot samantalang nagdurusa ang matuwid? (Jer. 12:1) Nang makita niya ang nangyayari sa Jerusalem at Juda, ‘dumaing’ siya. Alam ni Jeremias na matuwid si Jehova. Ang mga hulang ipinasulat ni Jehova kay Jeremias at ang pagtupad Niya sa mga hulang iyon ay naging sagot sa tanong ng propeta. Gaya ng inihula, ang mga sumunod sa tagubilin ni Jehova ay tumanggap ng ‘kanilang kaluluwa bilang samsam,’ samantalang ang mga balakyot na hindi nakinig sa babala ay napuksa.​—Jer. 21:9.

12, 13. (a) Bakit nasabi ni Jeremias: “Si Jehova ang aking bahagi,” at anong saloobin ang taglay niya? (b) Bakit kailangang magkaroon ng mapaghintay na saloobin ang lahat ng tribo ng Israel?

12 Nang makita ni Jeremias ang kagibaan ng kaniyang bayan, pakiramdam niya’y naglalakad siya sa kadiliman. Para bang “pinaupo [siya ni Jehova] tulad ng mga taong mahabang panahon nang patay.” (Panag. 1:1, 16; 3:6) Hinimok ni Jeremias ang suwail na bansa na manumbalik sa kanilang makalangit na Ama, pero umabot sa sukdulan ang kanilang kasamaan kung kaya hinayaan ng Diyos na mapuksa ang Jerusalem at Juda. Masakit ito para kay Jeremias, bagaman siya mismo ay walang kasalanan. Sa panahon ng kaniyang kapighatian, naalaala ng propeta ang kaawaan ng Diyos. “Hindi pa tayo nalilipol,” ang sabi niya. Ang kaawaan ni Jehova ay bago sa bawat umaga! Kaya naman nasabi ni Jeremias: “Si Jehova ang aking bahagi.” Patuloy siyang naglingkod kay Jehova bilang propeta.​—Basahin ang Panaghoy 3:22-24.

13 Sa loob ng 70 taon, mawawalan ng sariling lupain ang mga Israelita. Magiging tiwangwang ito. (Jer. 25:11) Pero sa pagsasabing “si Jehova ang aking bahagi,” ipinakita ni Jeremias na nagtitiwala siya sa awa ng Diyos. Dahil dito, nagkaroon siya ng “mapaghintay na saloobin.” Nawalan ng mana ang lahat ng tribo ng Israel, kaya naman kailangan nilang magkaroon ng saloobing katulad ng sa propeta. Si Jehova ang tanging pag-asa nila. Pagkaraan ng 70 taon, ang bayan ng Diyos ay bumalik sa kanilang sariling lupain at nagkapribilehiyong maglingkod sa kaniya roon.​—2 Cro. 36:20-23.

Maaari Ding Maging Bahagi ng Iba si Jehova

14, 15. Bukod sa mga Levita, sino pa ang nagsabing bahagi niya si Jehova, at bakit?

14 Parehong nagmula sa tribo ni Levi sina Asap at Jeremias. Pero mga Levita lang ba ang may pribilehiyong maglingkod kay Jehova? Siyempre hindi! Sinabi ng kabataang si David, ang magiging hari ng Israel, na ang Diyos ang kaniyang “bahagi sa lupain ng mga buháy.” (Basahin ang Awit 142:1, 5.) Nang kathain ni David ang awit na ito, wala siya sa palasyo o sa bahay man. Nasa yungib siya at nagtátagô sa mga kalaban. Dalawang beses nanganlong si David sa mga yungib​—isa na malapit sa Adulam at noong minsan sa ilang ng En-gedi. Posibleng kinatha niya ang Awit 142 sa isa sa mga yungib na iyon.

15 Kung ganito nga ang sitwasyon, ang tumutugis kay David ay si Haring Saul na gustong pumatay sa kaniya. Tumakas si David patungo sa isang yungib. (1 Sam. 22:1, 4) Sa liblib na lugar na ito, baka naisip ni David na wala siyang kaibigang matatakbuhan. (Awit 142:4) Kaya naman tumawag si David sa Diyos.

16, 17. (a) Bakit pinanghinaan ng loob si David? (b) Kanino makahihingi ng tulong si David?

16 Nang kathain ni David ang Awit 142, baka nabalitaan na niya ang nangyari sa mataas na saserdoteng si Ahimelec, na walang kamalay-malay na nakatulong sa pagtakas ni David kay Saul. Dahil sa paninibugho ni Haring Saul, ipinapatay niya si Ahimelec at ang sambahayan nito. (1 Sam. 22:11, 18, 19) Sinisi ni David ang kaniyang sarili. Para bang ipinapatay niya ang saserdoteng tumulong sa kaniya. Kung ikaw si David, ganoon din kaya ang madarama mo? Ang masahol pa, walang kapahingahan si David dahil sa walang-tigil na pagtugis ni Saul.

17 Di-nagtagal, namatay naman si propeta Samuel, na nagpahid ng langis kay David para maging hari ng Israel. (1 Sam. 25:1) Malamang na lalong nanghina ang loob ni David. Pero alam niya kung kanino siya makahihingi ng tulong​—kay Jehova. Bagaman iba ang pribilehiyo ni David sa mga Levita, magsasagawa naman siya ng pantanging uri ng paglilingkod​—siya ang magiging hari ng bayan ng Diyos. (1 Sam. 16:1, 13) Kaya naman, ibinuhos ni David kay Jehova ang laman ng kaniyang puso at patuloy na nanalig sa patnubay ng Diyos. Maaari mo ring maging bahagi at kanlungan si Jehova habang nagsisikap kang maglingkod sa kaniya.

18. Paano ipinakita ng mga halimbawang tinalakay natin na si Jehova ang bahagi nila?

18 Si Jehova ang naging bahagi ng mga halimbawang tinalakay natin, sa diwang tumanggap sila ng atas sa paglilingkod sa kaniya. Nanalig silang paglalaanan sila ni Jehova habang naglilingkod sila sa kaniya. Si Jehova ang naging bahagi hindi lang ng mga Levita kundi pati ng mga kabilang sa ibang tribo ng Israel, gaya ni David. Kumusta ka naman? Paano mo magiging bahagi si Jehova? Tatalakayin natin iyan sa susunod na artikulo.

[Talababa]

^ par. 4 Para sa mga detalye kung paano tinutustusan ang mga saserdote, tingnan ang Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2, pahina 1100.

Paano Mo Sasagutin?

• Sa anong diwa naging bahagi si Jehova ng mga Levita?

• Paano ipinakita nina Asap, Jeremias, at David na si Jehova ang bahagi nila?

• Anong katangian ang kailangan mong taglayin para maging bahagi mo si Jehova?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Blurb sa pahina 8]

Ang mga Levita ay hindi tumanggap ng lupaing mana. Sa halip, si Jehova ang kanilang bahagi dahil mayroon silang dakilang pribilehiyo na maglingkod sa kaniya

[Larawan sa pahina 7]

Paano naging bahagi ng mga saserdote at mga Levita si Jehova?

[Larawan sa pahina 9]

Ano ang nakatulong kay Asap para patuloy niyang maging bahagi si Jehova?