Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ginagawa Mo Bang Iyong Bahagi si Jehova?

Ginagawa Mo Bang Iyong Bahagi si Jehova?

Ginagawa Mo Bang Iyong Bahagi si Jehova?

“Patuloy . . . na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.”​—MAT. 6:33.

1, 2. (a) Kanino tumutukoy ang “Israel ng Diyos” na binanggit sa Galacia 6:16? (b) Kanino tumutukoy ang “labindalawang tribo ng Israel” sa Mateo 19:28?

ANO ang naiisip mo kapag nababasa mo ang pangalang Israel sa Bibliya? Naiisip mo ba ang anak ni Isaac na si Jacob, na ang pangalan ay pinalitan ng Israel? O baka ang mga inapo niya, ang sinaunang bansang Israel? Kumusta naman ang espirituwal na Israel? Kapag tinutukoy ang Israel sa makasagisag na diwa, kadalasan ay kumakapit ito sa “Israel ng Diyos,” ang 144,000 pinahiran ng banal na espiritu na magiging mga hari at saserdote sa langit. (Gal. 6:16; Apoc. 7:4; 21:12) Pero pansinin ang natatanging pagtukoy sa 12 tribo ng Israel sa Mateo 19:28.

2 Sinabi ni Jesus: “Sa muling-paglalang, kapag ang Anak ng tao ay umupo sa kaniyang maluwalhating trono, kayo na sumunod sa akin ay uupo rin mismo sa labindalawang trono, na hahatol sa labindalawang tribo ng Israel.” Sa talatang ito, ang “labindalawang tribo ng Israel” ay tumutukoy sa mga hahatulan ng pinahirang mga tagasunod ni Jesus at nakahanay na tumanggap ng buhay na walang hanggan sa paraisong lupa. Makikinabang sila sa makasaserdoteng paglilingkod ng 144,000.

3, 4. Anong magandang halimbawa ang ipinakikita ng tapat na mga pinahiran?

3 Tulad ng mga saserdote at mga Levita noon, itinuturing ng mga pinahiran ang kanilang paglilingkod bilang pribilehiyo. (Bil. 18:20) Hindi umaasa ang mga pinahiran na tatanggap sila ng teritoryo o lupa bilang pag-aari. Sa halip, ayon sa Apocalipsis 4:10, 11, ipagpapatuloy nila ang kanilang paglilingkod kay Jehova sa langit, kung saan sila’y magiging mga hari at saserdote kasama ni Jesu-Kristo.​—Ezek. 44:28.

4 Habang nasa lupa, pinatutunayan ng mga pinahiran na si Jehova ang kanilang bahagi. Inuuna nila ang pribilehiyong maglingkod sa kaniya. Nananampalataya sila sa haing pantubos ni Kristo at patuloy na sumusunod sa kaniya, sa gayo’y ‘tinitiyak ang pagtawag at pagpili sa kanila.’ (2 Ped. 1:10) Iba-iba ang kanilang mga kalagayan at kakayahan. Pero hindi nila idinadahilan ang kanilang mga limitasyon para gumawa lang nang kaunti sa paglilingkod sa Diyos. Sa halip, ito ang priyoridad nila, at ginagawa nila ang kanilang makakaya. Magandang halimbawa sila para sa mga may pag-asang mabuhay sa paraisong lupa.

5. Paano magiging bahagi ng lahat ng Kristiyano si Jehova, at bakit isang hamon iyan?

5 Makalangit man o makalupa ang ating pag-asa, dapat nating ‘itatwa ang ating sarili at buhatin ang ating pahirapang tulos at patuloy na sundan si Kristo.’ (Mat. 16:24) Milyun-milyon na umaasang mabuhay sa paraisong lupa ang sumasamba sa Diyos at sumusunod kay Kristo sa ganiyang paraan. Hindi sila kontentong gumawa nang kaunti kung alam nilang makagagawa pa sila nang higit. Marami ang nagpasimple ng kanilang buhay at nagpayunir. Ang iba naman ay nagpapayunir nang ilang buwan taun-taon. At bagaman hindi makapagpayunir ang ilan, nagpapagal naman sila sa ministeryo. Katulad sila ng tapat na si Maria na nagbuhos ng mabangong langis kay Jesus. Sinabi ni Jesus: “Gumawa siya ng isang mainam na gawa sa akin. . . . Ginawa niya ang magagawa niya.” (Mar. 14:6-8) Isang hamon na gawin ang buong makakaya natin dahil nabubuhay tayo sa sanlibutang kontrolado ni Satanas. Pero nagpupunyagi tayo at nagtitiwala kay Jehova. Talakayin natin kung paano natin ito magagawa sa apat na espesipikong paraan.

Hanapin Muna ang Kaharian ng Diyos

6. (a) Paano ipinakikita ng maraming tao na ang kanilang bahagi ay nasa buhay na ito lamang? (b) Bakit mas mabuting tularan ang pangmalas ni David?

6 Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na hanapin muna ang Kaharian at ang katuwiran ng Diyos. Pero inuuna ng mga tao sa sanlibutan ang kanilang personal na kapakanan dahil sila’y “mga tao ng sistemang ito ng mga bagay, na ang kanilang bahagi ay nasa buhay na ito.” (Basahin ang Awit 17:1, 13-15.) Palibhasa’y hindi interesado sa Maylalang, nakapokus sila sa pagkakaroon ng komportableng buhay, pagpapamilya, at pag-iiwan ng mana. Ang kanilang bahagi ay nasa buhay na ito lamang. Ibang-iba si David, na gustong gumawa ng mabuting pangalan kay Jehova, gaya ng inirekomenda ng kaniyang anak nang maglaon. (Ecles. 7:1) Gaya ni Asap, naunawaan ni David na mas importanteng maging Kaibigan niya si Jehova kaysa unahin ang pansariling kapakanan. Nagalak siyang lumakad kasama ng Diyos. Sa ngayon, inuuna ng maraming Kristiyano ang espirituwal na mga gawain kaysa sa kanilang trabaho.

7. Paano pinagpala ang isang brother dahil inuna niya ang Kaharian?

7 Kuning halimbawa si Jean-Claude mula sa Republika ng Sentral Aprika. Siya’y isang elder na may asawa at tatlong anak. Sa bansang iyon, napakahirap makakuha ng trabaho, at gagawin ng mga empleado ang lahat huwag lang silang masesante. Isang araw, sinabihan ng production manager si Jean-Claude na ililipat siya sa panggabi​—simula alas seis y media gabi-gabi. Nagpaliwanag si Jean-Claude na bukod sa paghahanapbuhay, kailangan din niyang asikasuhin ang espirituwalidad ng kaniyang pamilya. Sinabi rin niya na may pananagutan siyang tumulong sa kongregasyon. Ang tugon ng manager? “Kapag sinuwerte kang magkatrabaho, kalimutan mo na ang lahat, pati na ang asawa mo, mga anak, at problema. Trabaho lang ang dapat mong isipin. Pumili ka: relihiyon o trabaho?” Kung ikaw si Jean-Claude, ano ang pipiliin mo? Alam ni Jean-Claude na mawalan man siya ng trabaho, hindi siya pababayaan ng Diyos. Mas makapaglilingkod siya sa Diyos, at tutulungan siya ni Jehova na mailaan ang materyal na pangangailangan ng pamilya niya. Kaya naman dumalo siya sa sumunod na pulong. Pagkatapos, naghanda siyang pumasok kahit hindi niya alam kung may trabaho pa siya. Bigla siyang nakatanggap ng tawag sa telepono. Nasesante ang manager, pero may trabaho pa rin si Jean-Claude.

8, 9. Tulad ng mga saserdote at mga Levita, paano natin maipakikitang si Jehova ang ating bahagi?

8 Kapag nanganganib mawalan ng trabaho ang ilan, baka maitanong nila, ‘Paano ko magagampanan ang pananagutan kong maglaan sa aking pamilya?’ (1 Tim. 5:8) Naranasan mo man iyan o hindi, alam mong hindi ka bibiguin ng Diyos kung siya ang gagawin mong bahagi at uunahin mo ang paglilingkod sa Kaniya. Nang sabihin ni Jesus sa kaniyang mga alagad na patuloy nilang hanapin muna ang Kaharian, tiniyak niya: “Ang lahat ng iba pang mga bagay na ito”​—ang kanilang pagkain, inumin at kasuutan​—“ay idaragdag sa inyo.”​—Mat. 6:33.

9 Isip-isipin ang mga Levita, na walang tinanggap na lupaing mana. Yamang ang dalisay na pagsamba ang kanilang pangunahing pinagkakaabalahan, kailangan nilang umasa sa paglalaan ni Jehova, na nagsabi: “Ako ang iyong bahagi.” (Bil. 18:20) Kahit hindi tayo naglilingkod sa literal na templo gaya ng mga saserdote at mga Levita noon, matutularan natin ang saloobin nila at makapagtitiwalang paglalaanan tayo ni Jehova. Habang papalapít ang wakas ng mga huling araw, lalo nating kailangang magtiwala sa kakayahan ng Diyos na maglaan para sa atin.​—Apoc. 13:17.

Hanapin Muna ang Katuwiran ng Diyos

10, 11. Paano nagtiwala sa Diyos ang ilan pagdating sa kanilang hanapbuhay? Magbigay ng halimbawa.

10 Hinimok din ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na ‘hanapin muna ang katuwiran ng Diyos.’ (Mat. 6:33) Ibig sabihin, kailangan nating unahin ang pamantayan ni Jehova sa tama at mali sa halip na pamantayan ng tao. (Basahin ang Isaias 55:8, 9.) Noon, may mga nagtatanim o nagbebenta ng mga produktong tabako, nagsasanay ng iba sa pakikipagdigma, o gumagawa at nagbebenta ng mga sandatang pandigma. Pero nang malaman nila ang katotohanan, karamihan sa kanila ay nagbago ng trabaho at naging kuwalipikadong mabautismuhan.​—Isa. 2:4; 2 Cor. 7:1; Gal. 5:14.

11 Isang halimbawa nito ay si Andrew. Nang siya at ang kaniyang asawa ay matuto tungkol kay Jehova, nagpasiya silang maglingkod sa kaniya. Ipinagmamalaki ni Andrew ang kaniyang trabaho pero iniwan niya ito. Bakit? Nagtatrabaho siya para sa militar, pero gusto na niyang unahin ang katuwiran ng Diyos. Nang magbitiw siya, may dalawa siyang anak, walang kinikita, at sapat lang ang pera para makaraos nang ilang buwan. Sa tingin ng mga tao, parang wala siyang ‘mana.’ Naghanap siya ng trabaho at nagtiwala sa Diyos. Napatunayan nilang mag-anak na hindi maikli ang kamay ni Jehova. (Isa. 59:1) Dahil namuhay sila nang simple, nakapaglingkod pa nga silang mag-asawa nang buong panahon. “Oo, may mga panahong nagkakaproblema kami sa pera, bahay, at kalusugan. At tumatanda na rin kami,” ang sabi ni Andrew. “Pero laging nasa tabi namin si Jehova. . . . Masasabi naming ang paglilingkod kay Jehova ang pinakamaganda at pinakakasiya-siyang magagawa ng tao.” *​—Ecles. 12:13.

12. Anong katangian ang kailangan para magawa nating unahin ang katuwiran ng Diyos? Magbigay ng mga halimbawa sa inyong lugar.

12 Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kung kayo ay may pananampalataya na kasinlaki ng butil ng mustasa, sasabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka mula rito patungo roon,’ at lilipat ito, at walang magiging imposible para sa inyo.” (Mat. 17:20) Kaya mo rin bang unahin ang katuwiran ng Diyos kahit magdulot ito ng kahirapan? Kung may alinlangan ka, makipag-usap sa mga kapatid sa kongregasyon. Tiyak na mapatitibay ka ng kanilang mga karanasan.

Pahalagahan ang Espirituwal na Paglalaan ni Jehova

13. Ano ang maaasahan natin kung nagpapagal tayo sa paglilingkod kay Jehova?

13 Kung pinahahalagahan mo ang iyong pribilehiyong maglingkod kay Jehova, makatitiyak kang ilalaan niya ang mga pangangailangan mo sa pisikal at espirituwal, gaya ng ginawa niya sa mga Levita. Isaalang-alang si David. Kahit nasa yungib, nakatitiyak siyang paglalaanan siya ng Diyos. Makapagtitiwala rin tayo kay Jehova kahit sa tingin natin ay wala tayong matatakbuhan. Alalahanin na nang pumaroon si Asap sa “maringal na santuwaryo ng Diyos,” naunawaan niya kung ano ang bumabagabag sa kaniya. (Awit 73:17) Dapat din tayong bumaling kay Jehova, ang Pinagmumulan ng ating espirituwal na pagkain. Sa gayo’y pinahahalagahan natin ang ating pribilehiyong maglingkod sa Diyos anuman ang kalagayan natin at ginagawang ating bahagi si Jehova.

14, 15. Paano tayo dapat tumugon kapag nagkaroon ng higit na liwanag sa ilang kasulatan, at bakit?

14 Paano ka tumutugon kapag si Jehova, ang Pinagmumulan ng espirituwal na kaliwanagan, ay nagbibigay-liwanag sa “malalalim na bagay ng Diyos” sa Bibliya? (1 Cor. 2:10-13) Magandang tularan ang reaksiyon ni apostol Pedro nang sabihin ni Jesus sa Kaniyang mga tagapakinig: “Malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng tao at inumin ang kaniyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili.” Dahil literal ang pagkaunawa rito ng maraming alagad, sinabi nila: “Ang pananalitang ito ay nakapangingilabot; sino ang makapakikinig nito?” Kaya naman, “bumalik [sila] sa mga bagay na nasa likuran.” Pero sinabi ni Pedro: “Panginoon, kanino kami paroroon? Ikaw ang may mga pananalita ng buhay na walang hanggan.”​—Juan 6:53, 60, 66, 68.

15 Hindi lubusang naunawaan ni Pedro ang sinabi ni Jesus tungkol sa pagkain ng Kaniyang laman at pag-inom ng Kaniyang dugo. Pero nagtiwala siya na maglalaan ang Diyos ng espirituwal na kaliwanagan. Kapag nagkaroon ng bagong liwanag sa isang katotohanan sa Bibliya, sinisikap mo bang maunawaan kung bakit ginawa ang pagbabago? (Kaw. 4:18) Tinanggap ng unang-siglong mga taga-Berea ang salita “nang may buong pananabik ng kaisipan, na maingat na sinusuri ang Kasulatan sa araw-araw.” (Gawa 17:11) Kung tutularan mo sila, lalalim ang pagpapahalaga mo sa iyong pribilehiyong maglingkod kay Jehova, sa gayo’y ipinakikitang siya ang iyong bahagi.

Mag-asawa Tangi Lamang sa Panginoon

16. Batay sa 1 Corinto 7:39, paano maaaring ipakita ng mga Kristiyanong walang asawa na si Jehova ang kanilang bahagi?

16 May isa pang aspekto kung saan kailangan ding isaisip ng mga Kristiyano ang mga layunin ng Diyos. Ito ay ang pagkakapit sa sinabi ng Bibliya na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.” (1 Cor. 7:39) Marami ang nagpasiyang manatiling walang asawa sa halip na labagin ang payong ito ng Diyos. Hindi sila pababayaan ni Jehova. Ano ang ginawa ni David nang makadama siya ng kalungkutan at tila walang tumutulong sa kaniya? “Sa harap [ng Diyos] ay patuloy kong ibinuhos ang aking pagkabahala,” ang sabi niya. “Sa harap niya ay patuloy kong isinaysay ang tungkol sa aking kabagabagan, nang ang aking espiritu ay manlupaypay sa loob ko.” (Awit 142:1-3) Posibleng ganiyan din ang nadama ni propeta Jeremias, na tapat na naglingkod sa Diyos nang walang asawa sa loob ng maraming dekada. Maaari mong pag-aralan ang kaniyang halimbawa na tinalakay sa kabanata 8 ng aklat na Mensahe ng Diyos sa Atin sa Pamamagitan ni Jeremias.

17. Ano ang ginagawa ng isang sister na walang asawa kapag nalulungkot siya?

17 “Hindi ko pinangarap na manatiling dalaga,” ang sabi ng isang sister sa Estados Unidos. “Gusto ko ring mag-asawa kapag nakilala ko ang taong nararapat sa akin. Pinipilit ako ng nanay ko, na hindi Saksi, na magpakasal, kahit kanino. Tinanong ko siya kung gusto ba niyang sisihin ko siya kapag hindi nagtagumpay ang pag-aasawa ko. Nang maglaon, nakita niyang mayroon akong magandang trabaho, naaalagaan ko ang sarili ko, at masaya ako. Huminto na siya sa pamimilit sa akin.” Kung minsan, nakadarama rin ng kalungkutan ang sister na ito. “Sa ganitong mga pagkakataon, nagtitiwala ako kay Jehova. Hindi niya ako pinababayaan,” ang sabi niya. Ano ang nakatulong sa kaniya na magtiwala kay Jehova? “Nakatutulong sa akin ang panalangin para madama ko na totoo ang Diyos at hindi ako nag-iisa. Nakikinig ang Kataas-taasan ng buong uniberso, kaya bakit hindi lalakas ang loob ko at magagalak?” Palibhasa’y alam niyang “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap,” sinabi niya: “Sinisikap kong tumulong sa iba nang hindi umaasa ng kapalit. Nagiging masaya ako kapag iniisip ko, ‘Ano ang magagawa ko para tulungan ang taong ito?’” (Gawa 20:35) Oo, si Jehova ang kaniyang bahagi, at nasisiyahan siyang maglingkod sa kaniya.

18. Sa anong diwa maaari kang maging bahagi ni Jehova?

18 Anuman ang iyong kalagayan, maipakikita mong si Jehova ang iyong bahagi. Kapag ginawa mo ito, mapapabilang ka sa kaniyang maligayang bayan. (2 Cor. 6:16, 17) Sa gayo’y maaari kang maging bahagi ni Jehova, gaya ng mga lingkod niya noon. (Basahin ang Deuteronomio 32:9, 10.) Kung paanong ang Israel ay naging bahagi ng Diyos sa gitna ng mga bansa, maaari ka rin niyang ituring na kaniya at maibigin ka niyang pangangalagaan.​—Awit 17:8.

[Talababa]

^ par. 11 Tingnan ang Gumising!, Nobyembre 2009, pahina 12-14.

Paano Mo Sasagutin?

Paano mo maipakikitang si Jehova ang iyong bahagi sa pamamagitan ng

• paghanap muna sa Kaharian ng Diyos at sa kaniyang katuwiran?

• pagpapahalaga sa espirituwal na pagkain?

• pagsunod sa utos ng Diyos na mag-asawa tangi lamang sa Panginoon?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Blurb sa pahina 13]

Si Jehova ang ating bahagi kung inuuna natin ang paglilingkod sa kaniya

[Larawan sa pahina 15]

Nakapagpapatibay ang halimbawa ni Jeremias