Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

3 Mapaghiganti ang Diyos—Totoo ba Ito?

3 Mapaghiganti ang Diyos—Totoo ba Ito?

3 Mapaghiganti ang Diyos​—Totoo ba Ito?

Ang maaaring narinig mo: “Binibilang ng Diyos ang lahat ng ating kasalanan at pinagbabayad niya ang mga tao sa pamamagitan ng walang-hanggang pagpapahirap sa apoy ng impiyerno.”

“Pinarurusahan ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng mga kalamidad.”

Ang itinuturo ng Bibliya: Sinasabi ng 2 Pedro 3:9 na ‘hindi nais ni Jehova na ang sinuman ay mapuksa kundi nais niya na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.’ Sa halip na magpokus sa ating mga kasalanan, ang tinitingnan niya ay ang ating magagandang katangian. ‘Ang mga mata ng Diyos ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.’​—2 Cronica 16:9.

Ang apoy ng impiyerno ay hindi itinuturo ng Bibliya​—ang mismong ideya ng walang-hanggang pagpapahirap ay kasuklam-suklam sa Diyos. Ang pinakasukdulang parusa niya sa napakasasamang tao ay patayin ang mga ito. (Jeremias 7:31; Roma 6:7) At ang mga kalamidad, na walang pinipiling biktima, ay hindi gawa ng Diyos, kundi mga di-inaasahang pangyayari na maaaring sumapit kaninuman.​—Eclesiastes 9:11.

Kung paano makatutulong sa iyo ang pagkaalam sa katotohanan: Mápapalapít tayo sa Diyos kung kikilalanin nating siya ay “handang magpatawad” at hindi madaling humatol. (Awit 86:5) Hindi tayo dapat maglingkod sa Diyos dahil sa sumbat ng budhi o takot na maparusahan. Sa halip, manampalataya nang may tamang motibo​—pag-ibig kay Jehova. Ang gayong pag-ibig ay tutulong sa atin na gawin ang pinakamabuti para palugdan siya.​—Mateo 22:36-38; 1 Juan 5:3.

Bagaman gusto ng Diyos na lahat ng tao ay gumawa ng mabuti, alam niyang marami ang hindi gagawa nito. Kung hindi siya kikilos laban sa mga determinadong gumawa ng masama, wala rin siyang ipinagkaiba sa isang tagapamahalang gumagawa ng batas pero hindi naman ito ipinatutupad, anupat hinahayaang lumago ang kawalang-katarungan at pagdurusa. (Eclesiastes 8:11) Ang pagkaalam na hindi kukunsintihin ng Diyos ang kasamaan ay nagbibigay sa atin ng matatag na pag-asa sa hinaharap. Nangako ang Diyos na aalisin niya ang patuloy na gumagawa ng masama para masiyahan ang “maaamo” na mamuhay nang walang hanggan sa lupa, gaya ng orihinal niyang layunin.​—Awit 37:10, 11, 29. *

[Talababa]

^ par. 7 Para sa higit pang impormasyon kung paano gagawing paraiso ng Diyos ang lupa, tingnan ang kabanata 3 at 8 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?

[Blurb sa pahina 6]

Gugustuhin kaya ng Diyos na sambahin natin siya dahil lang sa takot na maparusahan?

[Picture Credit Line sa pahina 6]

Engravings by Doré