Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

5 Tinatanggap ng Diyos ang Lahat ng Taimtim na Pagsamba—Totoo ba Ito?

5 Tinatanggap ng Diyos ang Lahat ng Taimtim na Pagsamba—Totoo ba Ito?

5 Tinatanggap ng Diyos ang Lahat ng Taimtim na Pagsamba​—Totoo ba Ito?

Ang maaaring narinig mo: “Kung paanong maraming daan patungo sa iisang destinasyon, marami ring daan patungo sa Diyos. Dapat hanapin ng bawat isa ang kaniyang daan patungo sa Diyos.”

Ang itinuturo ng Bibliya: Dapat tayong maging taimtim sa ating pagsamba, anupat iniiwasan ang pagkukunwari at pagpapaimbabaw. Sinabi ni Jesus sa mga relihiyosong lider noong panahon niya kung bakit sila tinanggihan ng Diyos: “Angkop ang inihula ni Isaias tungkol sa inyo na mga mapagpaimbabaw, gaya ng nasusulat, ‘Ang bayang ito ay nagpaparangal sa akin sa kanilang mga labi, ngunit ang kanilang mga puso ay malayung-malayo sa akin.’” (Marcos 7:6) Pero ang kataimtiman ay hindi garantiya na tatanggapin ng Diyos ang ating pagsamba.

Nilinaw ito ni Jesus nang ibunyag niya ang malaking pagkakamali ng mga relihiyosong lider at ng kanilang mga tagasunod. Ikinapit niya sa kanila ang mga salita ng Diyos: “Walang kabuluhan ang patuloy na pagsamba nila sa akin, sapagkat itinuturo nila bilang mga doktrina ang mga utos ng mga tao.” (Marcos 7:7) Ang kanilang pagsamba ay “walang kabuluhan” dahil mas inuna nila ang kanilang relihiyosong tradisyon kaysa sa mga kahilingan ng Diyos.

Sa halip na suportahan ang ideya na maraming katanggap-tanggap na daan patungo sa Diyos, itinuturo ng Bibliya na mayroon lang iisang daan. Sinasabi ng Mateo 7:13, 14: “Pumasok kayo sa makipot na pintuang-daan; sapagkat malapad at maluwang ang daan na umaakay patungo sa pagkapuksa, at marami ang mga pumapasok dito; samantalang makipot ang pintuang-daan at masikip ang daan na umaakay patungo sa buhay, at kakaunti ang mga nakasusumpong nito.”

Kung paano makatutulong sa iyo ang pagkaalam sa katotohanan: Isipin na maraming buwan kang nagsanay para sa isang maraton. Ikaw ang unang nakatapos sa maraton pero sinabi sa iyo na hindi ikaw ang nanalo dahil sa paglabag sa isang alituntuning hindi mo naman alam. Sayang ang lahat ng iyong pagsisikap. Puwede rin bang mangyari iyan sa ating pagsamba sa Diyos?

Inihambing ni apostol Pablo ang ating pagsamba sa isang kompetisyon sa isport, anupat isinulat niya: “Kung ang sinuman ay nakikipaglaban maging sa mga palaro, hindi siya pinuputungan malibang nakipaglaban siya ayon sa mga alituntunin.” (2 Timoteo 2:5) Matatanggap natin ang pagsang-ayon ng Diyos kung sasambahin natin siya “ayon sa mga alituntunin,” samakatuwid nga, sa paraang sinasang-ayunan niya. Ang isang mananakbo sa maraton ay hindi puwedeng basta na lang tumakbo kung saan niya gusto at pagkatapos ay aasang siya ang panalo. Sa katulad na paraan, hindi tayo ang pipili ng ating daan patungo sa Diyos.

Para mapasaya ang Diyos, ang ating pagsamba ay dapat na walang bahid ng mga kasinungalingan tungkol sa kaniya. Sinabi ni Jesus: “Sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:23) Sa tulong ng kaniyang Salita, ang Bibliya, matutunton natin ang tunay na daan patungo sa Diyos.​—Juan 17:17. *

[Talababa]

^ par. 8 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pagsambang sinasang-ayunan ng Diyos, tingnan ang kabanata 15 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?

[Blurb sa pahina 8]

Ang lahat ba ng relihiyon ay nagtuturo na sambahin ang Diyos sa paraang sinasang-ayunan niya?