Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tularan ang Kanilang Pananampalataya

Nanindigan Siya Para sa Bayan ng Diyos

Nanindigan Siya Para sa Bayan ng Diyos

SINISIKAP ni Esther na maging kalmado habang papalapit sa looban ng palasyo sa Susan. Hindi ito madali. Ang lahat ng makikita sa palasyo​—ang makukulay, makikintab, at gawa-sa-laryong eskultura ng mga torong may pakpak, mga mámamanà, at mga leon, ang mga haligi at naglalakihang estatuwa, maging ang lokasyon ng palasyo na malapit sa Kabundukan ng Zagros na mula roo’y matatanaw ang malinaw na tubig ng Ilog Choaspes​—ay dinisenyo para ipaalaala sa mga panauhin ang nakasisindak na kapangyarihan ng lalaking kakausapin ni Esther, ang isa na tumawag sa kaniyang sarili bilang “ang dakilang hari.” Ang lalaki ring ito ay asawa niya.

Asawa! Ibang-iba nga si Ahasuero sa pinapangarap na maging asawa ng sinumang tapat na babaing Judio! * Malayung-malayo siya kay Abraham, isang mapagpakumbabang lalaki na sumunod sa utos ng Diyos na pakinggan ang asawa niyang si Sara. (Genesis 21:12) Halos walang ideya ang hari tungkol sa Diyos ni Esther, si Jehova, o sa Kaniyang Kautusan. Pero alam ni Ahasuero ang mga batas ng Persia, pati na ang batas na nagbabawal sa mismong gagawin ni Esther. Ano iyon? Ayon sa batas, sinumang lumapit sa hari ng Persia nang hindi niya ipinatatawag ay papatayin. Si Esther ay hindi ipinatawag, pero pupunta pa rin siya sa hari. Habang papalapit sa kinaroroonan ng trono kung saan matatanaw siya ng hari, malamang na pakiramdam ni Esther ay papalapit na siya sa kaniyang kamatayan.​—Esther 4:11; 5:1.

Bakit kaya niya sinuong ang panganib na iyon? At ano ang matututuhan natin sa pananampalataya ng katangi-tanging babaing ito? Alamin muna natin kung paano naging reyna ng Persia si Esther.

‘Kahali-halina’

Si Esther ay ulila. Wala tayong gaanong alam tungkol sa kaniyang mga magulang na nagbigay sa kaniya ng pangalang Hadasa, salitang Hebreo para sa “mirto,” isang magandang palumpong na may puting mga bulaklak. Nang mamatay ang mga magulang ni Esther, inampon siya ng mabait na lalaking si Mardokeo. Magpinsan sila, pero malaki ang tanda ni Mardokeo sa kaniya. Itinuring siya nito bilang sarili niyang anak.​—Esther 2:5-7, 15.

Sina Mardokeo at Esther ay mga tapong Judio na nakatira sa lunsod ng Susan, kabisera ng Persia. Malamang na hinahamak sila dahil sa kanilang relihiyon at sa Kautusang sinisikap nilang sundin. Tiyak na lalong nápapalapít si Esther sa kaniyang pinsan habang tinuturuan siya nito tungkol kay Jehova, ang maawaing Diyos na paulit-ulit na nagligtas at magliligtas sa Kaniyang bayan. (Levitico 26:44, 45) Maliwanag na sina Esther at Mardokeo ay naging malapít at mapagmahal sa isa’t isa.

Lumilitaw na si Mardokeo ay may tungkulin sa kastilyo ng Susan, at regular na umuupo sa pintuang-daan nito kasama ng iba pang mga lingkod ng hari. (Esther 2:19, 21; 3:3) Hindi natin alam kung paano ginugol ni Esther ang kaniyang kabataan, pero malamang na siya ang nag-asikaso sa nakatatanda niyang pinsan at sa maliit na bahay nito na nasa kabila ng ilog mula sa kastilyo ng hari. Marahil ay gustung-gusto niyang pumupunta sa palengke sa Susan, kung saan nakadispley ang mga paninda ng mga panday-ginto, panday-pilak, at ng iba pang negosyante. Walang kamalay-malay si Esther na magiging pangkaraniwan na lang sa kaniya ang gayong mga luho; wala siyang kaide-ideya sa kinabukasang naghihintay sa kaniya.

Inalis ang Reyna

Isang araw, kumalat ang tsismis sa Susan tungkol sa problema sa sambahayan ng hari. Sa isang malaking piging, naghanda si Ahasuero ng masasarap na pagkain at alak para sa kaniyang maharlikang mga panauhin. Ipinatawag niya ang kaniyang magandang reyna, si Vasti, na may piging din kasama naman ang mga babae. Pero tumanggi si Vasti. Napahiya ang hari at nagalit kaya tinanong niya ang kaniyang mga tagapayo kung ano ang dapat na maging parusa kay Vasti. Ang pasiya? Inalis si Vasti sa pagiging reyna. Ang mga lingkod ng hari ay nagsimulang maghanap ng magagandang dalaga sa buong lupain; at mula sa mga ito ay pipili ang hari ng kaniyang bagong reyna.​—Esther 1:1–2:4.

Sa panahong ito, si Esther ay dalaga na. Maiisip natin na magkahalong tuwa at pag-aalala ang nadarama ni Mardokeo dahil ito’y lumaking napakaganda. Mababasa natin: “Ang kabataang babae ay may magandang tindig at kahali-halinang anyo.” (Esther 2:7) Ang pisikal na kagandahan ay nakalulugod, pero dapat itong samahan ng karunungan at kapakumbabaan, dahil kung hindi, maaari itong pagmulan ng pagmamapuri, pagmamalaki, at iba pang pangit na mga ugali. (Kawikaan 11:22) Napatunayan mo na bang totoo iyan? Sa kaso ni Esther, makatutulong kaya o makasásamâ ang kagandahan? Panahon lang ang makapagsasabi.

Napansin ng mga lingkod ng hari si Esther. Kinuha nila siya mula kay Mardokeo at dinala sa palasyo sa kabila ng ilog. (Esther 2:8) Tiyak na napakasakit nito para sa dalawa dahil para na silang mag-ama. Hindi gugustuhin ni Mardokeo na makapag-asawa si Esther ng isang di-kapananampalataya kahit isa pa itong hari, pero wala siyang magawa. Tiyak na nakinig na mabuti si Esther sa mga payo ni Mardokeo bago siya dinala ng mga lingkod ng hari! Habang papunta sa kastilyo ng Susan, napakarami niyang tanong na naiisip. Ano kaya ang magiging buhay niya roon?

Nagtamo Siya ng Lingap “sa Paningin ng Lahat ng Nakakakita sa Kaniya”

Dinala si Esther sa isang mundo na ibang-iba sa dati niyang ginagalawan. Isa siya sa “maraming kabataang babae” na tinipon mula sa lahat ng lugar sa Imperyo ng Persia. Tiyak na iba-iba ang kanilang mga kostumbre, wika, at ugali. Sa ilalim ng pangangasiwa ng opisyal na si Hegai, ang mga dalagang ito, sa loob nang isang taon, ay isasailalim sa isang programa ng pagpapaganda na may kasamang pagmamasahe ng mababangong langis. (Esther 2:8, 12) Dahil dito, maaaring maging pangunahin sa mga babaing ito ang kanilang pisikal na hitsura, at mahulog sila sa pagmamapuri at pakikipagkompetensiya. Kumusta kaya si Esther?

Tiyak na alalang-alala si Mardokeo kay Esther. Mababasa natin na araw-araw siyang gumagawa ng paraan para makalapit sa bahay ng mga babae at malaman ang kalagayan ni Esther. (Esther 2:11) Kapag may nababalitaan siya, marahil mula sa mababait na lingkod sa bahay, tuwang-tuwa siya. Bakit?

Hangang-hanga si Hegai kay Esther kaya binigyan niya siya ng pitong lingkod na kabataang babae at ng pinakamainam na dako sa bahay ng mga babae. Sinasabi pa nga ng ulat: “Patuloy na nagtatamo si Esther ng lingap sa paningin ng lahat ng nakakakita sa kaniya.” (Esther 2:9, 15) Dahil lang kaya ito sa kaniyang kagandahan? Hindi, may iba pang mas mahalagang dahilan.

Halimbawa, mababasa natin: “Hindi sinabi ni Esther ang tungkol sa kaniyang bayan o ang tungkol sa kaniyang mga kamag-anak, sapagkat si Mardokeo ang nag-utos sa kaniya na huwag niyang sabihin.” (Esther 2:10) Tinagubilinan ni Mardokeo si Esther na huwag sabihing siya’y isang Judio dahil alam niyang napakababa ng tingin ng mga maharlika ng Persia sa mga Judio. Tuwang-tuwa siyang malaman na kahit malayo si Esther sa kaniya, nananatili pa rin siyang marunong at masunurin!

Mapasasaya rin ng mga kabataan sa ngayon ang kanilang mga magulang o ang mga kumukupkop sa kanila. Kapag malayo sa kanilang mga magulang at napalilibutan ng mga taong ignorante, imoral, o marahas, puwede nilang labanan ang masasamang impluwensiya at patuloy na gawin kung ano ang alam nilang tama. Kapag ginawa nila ito, tulad ni Esther, mapasasaya rin nila ang kanilang Ama sa langit.​—Kawikaan 27:11.

Nang panahon na para iharap si Esther sa hari, hinayaan muna siyang pumili ng mga gamit para lalo siyang maging maganda. Pero sinunod niya ang payo ni Hegai, hindi siya humiling ng anuman maliban sa mga bagay na ibinigay sa kaniya. (Esther 2:15) Malamang na naisip ni Esther na hindi lang ganda ang makabibihag sa puso ng hari; mas mahalaga ang kahinhinan at kapakumbabaan. Tama kaya siya?

Sinasabi ng ulat: “Inibig ng hari si Esther nang higit kaysa sa lahat ng iba pang babae, anupat ito ay nagtamo ng higit na lingap at maibiging-kabaitan sa harap niya kaysa sa lahat ng iba pang dalaga. At ang maharlikang putong ay inilagay niya sa ulo nito at ginawa niya itong reyna na kahalili ni Vasti.” (Esther 2:17) Tiyak na nanibago ang mapagpakumbabang dalagang Judiong ito sa kaniyang bagong buhay bilang reyna ng pinakamakapangyarihang hari noong panahong iyon! Lumaki kaya ang ulo ni Esther dahil sa bago niyang posisyon?

Hinding-hindi! Nanatiling masunurin si Esther kay Mardokeo. Pinanatili niyang sekreto ang tungkol sa kaniyang pagiging Judio. Bukod diyan, nang malaman ni Mardokeo ang tungkol sa planong pagpatay kay Ahasuero, sinabi niya kay Esther na ipaalam ito sa hari. Sumunod naman si Esther, kaya nabigo ang plano. (Esther 2:20-23) Ipinakita pa rin ni Esther ang pananampalataya niya sa kaniyang Diyos sa pamamagitan ng pagiging mapagpakumbaba at masunurin. Sa ngayon, halos hindi na pinahahalagahan ang pagkamasunurin at sa halip, nagiging pangkaraniwan na lang ang pagsuway at pagrerebelde. Pero para sa mga taong may tunay na pananampalataya gaya ni Esther, napakahalaga ng pagkamasunurin.

Nasubok ang Pananampalataya ni Esther

Isang lalaki na nagngangalang Haman ang naging prominente sa korte ni Ahasuero. Inatasan siya ng hari bilang punong ministro, anupat naging pangunahing tagapayo ng hari at pangalawa sa kapangyarihan sa buong imperyo. Ipinag-utos pa nga ng hari na lahat ng makakita sa opisyal na ito ay dapat yumukod sa kaniya. (Esther 3:1-4) Ang batas na iyan ay nagdulot ng problema kay Mardokeo. Naniniwala siyang dapat sundin ang hari pero hindi naman dapat umabot sa puntong susuway siya sa Diyos. Si Haman ay isang “Agagita.” Isa siyang inapo ni Agag, ang haring Amalekita na pinatay ng propeta ng Diyos na si Samuel. (1 Samuel 15:33) Napakasama ng mga Amalekita, anupat kinalaban nila si Jehova at ang Israel. Bilang isang bayan, ang Amalek ay tuwirang hinatulan ng Diyos. * (Deuteronomio 25:19) Yuyukod ba ang isang tapat na Judio sa isang maharlikang Amalekita? Hinding-hindi iyan magagawa ni Mardokeo! Sa ngayon, mayroon pa ring mga tapat na lalaki at babae na nagsasapanganib ng kanilang buhay para masunod ang prinsipyong ito: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”​—Gawa 5:29.

Galít na galít si Haman at hindi siya kontento na si Mardokeo lang ang maipapatay. Gusto rin niyang lipulin ang lahat ng kababayan ni Mardokeo! Kinausap ni Haman ang hari para siraan ang mga Judio. Pinalabas niyang wala silang kuwentang tao, isang bayan na “nakapangalat at nakahiwalay sa gitna ng mga bayan.” Ang mas masama pa, sinabi niyang hindi sila sumusunod sa mga utos ng hari at sila raw ay mapanganib na mga rebelde. Nag-alok siya ng napakalaking abuloy sa ingatang-yaman ng hari para sa gagastusin sa paglipol sa lahat ng Judio sa buong imperyo. * Ibinigay ni Ahasuero kay Haman ang kaniyang singsing na panlagda para itatak sa anumang iuutos ni Haman.​—Esther 3:5-10.

Di-nagtagal, sakay ng kani-kanilang kabayo, mabilis na inihatid ng mga mensahero sa bawat sulok ng imperyo ang hatol na kamatayan sa lahat ng Judio. Isip-isipin na lang ang naging epekto ng balita nang makarating ito sa Jerusalem. Sinisimulan pa lang noon ng mga Judiong bumalik mula sa pagkatapon sa Babilonya na itayong muli ang lunsod at ang mga pader nito. Malamang na naisip sila ni Mardokeo, pati na ang kaniyang mga kaibigan at kamag-anak sa Susan, nang marinig niya ang kahindik-hindik na balitang ito. Dahil sa sobrang pag-aalala, hinapak niya ang kaniyang kasuutan, nagsuot ng telang-sako, naglagay ng abo sa kaniyang ulo, at sumigaw nang malakas sa gitna ng lunsod. Samantalang si Haman naman ay nakikipag-inuman ng alak sa hari at walang pakialam sa pamimighating idinulot niya sa mga Judio at sa kanilang mga kaibigan sa Susan.​—Esther 3:12–4:1.

Alam ni Mardokeo na kailangan siyang kumilos. Pero paano? Nabalitaan ni Esther ang pagdadalamhati ni Mardokeo, kaya nagpadala siya ng damit pero tinanggihan ito ni Mardokeo. Marahil ay matagal nang palaisipan kay Mardokeo kung bakit hinayaan ng kaniyang Diyos, si Jehova, na kunin sa kaniya ang minamahal niyang pinsan na si Esther para maging reyna ng isang paganong tagapamahala. Mukhang unti-unti nang lumilinaw kung bakit. Nagpadala si Mardokeo ng mensahe sa reyna, anupat nakiusap kay Esther na mamagitan sa hari at manindigan “para sa kaniyang bayan.”​—Esther 4:4-8.

Tiyak na gayon na lang ang takot ni Esther nang makarating sa kaniya ang mensaheng iyon. Malaking pagsubok ito sa kaniyang pananampalataya. Sinabi niya kay Mardokeo ang kaniyang ikinatatakot. Ipinaalaala niya rito ang batas ng hari. Ang pagpunta sa hari nang hindi ipinatatawag ay nangangahulugan ng tiyak na kamatayan. At maliligtas lang ang nagkasala kung iuunat sa kaniya ng hari ang ginintuang setro. May dahilan ba si Esther na umasang kaaawaan siya ng hari, lalo na kung iisipin ang nangyari kay Vasti nang tumanggi itong humarap sa hari noong ipatawag ito? Sinabi rin niya kay Mardokeo na 30 araw na siyang hindi ipinatatawag ng hari! Dahil dito, inisip niya na baka nawala na sa kaniya ang pabor ng hari na mabilis magbago ang isip. *​—Esther 4:9-11.

Pinalakas ni Mardokeo ang pananampalataya ni Esther. Sinabi niya kay Esther na kung hindi ito kikilos, tiyak na may ibang pagmumulan ng kaligtasan. At hindi rin nakatitiyak si Esther na makaliligtas siya kapag tumindi na ang pag-uusig. Ipinakita rito ni Mardokeo ang kaniyang matinding pananampalataya kay Jehova, na hindi kailanman papayag na malipol ang Kaniyang bayan at mabigo ang Kaniyang mga pangako. (Josue 23:14) Pagkatapos ay itinanong ni Mardokeo kay Esther: “Sino ang nakaaalam kung dahil nga sa pagkakataong katulad nito kaya nagkamit ka ng maharlikang dangal?” (Esther 4:12-14) Lubusang nagtiwala si Mardokeo sa kaniyang Diyos na si Jehova. Ganiyan din ba tayo?​—Kawikaan 3:5, 6.

Pananampalatayang Mas Malakas Kaysa sa Takot na Mamatay

Kailangan na ngayong magdesisyon ni Esther. Hiniling niya kay Mardokeo na tipunin ang kanilang mga kababayan para makipag-ayuno sa kaniya nang tatlong araw, at bilang pagtatapos ay sinabi niya ang kilaláng pananalitang ito ng pananampalataya at lakas ng loob: “Kung mamamatay ako ay mamamatay nga ako.” (Esther 4:15-17) Sa loob ng tatlong araw na iyon, tiyak na noon lang nanalangin si Esther nang gayong kataimtim. Sa wakas, dumating na ang panahon para pumunta siya sa hari. Isinuot niya ang kaniyang pinakamagandang kasuutan bilang isang reyna, at ginawa ang lahat para maging maganda sa paningin ng hari. At pumunta na siya sa hari.

Gaya ng sinabi sa umpisa ng artikulong ito, papunta na si Esther sa korte ng hari. Naguguniguni mo ba si Esther na takót na takót at taimtim na nananalangin? Pumasok siya sa looban, kung saan natatanaw na niya si Ahasuero na nakaupo sa kaniyang trono. Marahil ay sinisikap niyang basahin ang ekspresyon ng mukha nito, na halos natatakpan ng kaniyang kulot na buhok at kuwadradong balbas. Kung maghihintay pa siya, baka hindi na niya ito makayanan. Pero nakita siya ng kaniyang asawa. Tiyak na nagulat ito, pero umaliwalas ang mukha nito. Iniunat ng hari ang kaniyang ginintuang setro!​—Esther 5:1, 2.

Si Esther ay pinakinggan ng hari. Nanindigan siya para sa kaniyang Diyos at mga kababayan. Isa nga itong magandang halimbawa ng pananampalataya para sa lahat ng lingkod ng Diyos hanggang sa ngayon! Pero simula pa lang ito. Paano kaya niya mapapaniwala ang hari na ang paborito nitong tagapayo, si Haman, ang utak ng isang maitim na balak? Paano kaya niya maililigtas ang kaniyang mga kababayan? Sasagutin natin ang mga tanong na ito sa isang artikulo sa hinaharap.

[Mga talababa]

^ par. 4 Marami ang nagsasabing si Ahasuero ay siya ring si Jerjes I, na namahala sa Imperyo ng Persia noong pasimula ng ikalimang siglo B.C.E.

^ par. 24 Malamang na isa si Haman sa ilang natirang Amalekita, yamang ang mga “nalabi ng Amalek” ay nilipol noong panahon ni Haring Hezekias.​—1 Cronica 4:43.

^ par. 25 Nag-alok si Haman ng 10,000 talentong pilak, na nagkakahalaga ng milyun-milyong dolyar sa ngayon. Kung si Ahasuero ay si Jerjes I nga, talagang magugustuhan niya ang alok ni Haman. Malaking kayamanan ang nawala kay Jerjes nang matalo siya sa pakikidigma sa mga Griego, malamang na noong bago niya pakasalan si Esther.

^ par. 28 Si Jerjes I ay kilaláng pabagu-bago ang isip at marahas. Iniulat ng Griegong istoryador na si Herodotus ang ilang halimbawa noong nakikipagdigma si Jerjes laban sa Gresya. Nagpagawa ang hari ng isang tulay sa kipot ng Hellespont. Nang masira ng bagyo ang tulay na ito, iniutos ni Jerjes na pugutan ng ulo ang mga inhinyerong gumawa nito at “parusahan” ang Hellespont sa pamamagitan ng paghampas sa tubig nito habang binabasa nang malakas ang isang nakaiinsultong proklamasyon. Sa digmaan ding iyon, nang makiusap ang isang mayamang lalaki na huwag nang isama ang kaniyang anak sa hukbo, ipinahati ni Jerjes ang katawan ng anak nito at idinispley bilang babala.

[Larawan sa pahina 19]

May dahilan si Mardokeo para ipagmalaki ang kaniyang anak-anakan

[Larawan sa pahina 20]

Alam ni Esther na higit na mas mahalaga ang kapakumbabaan at karunungan kaysa sa pisikal na hitsura

[Larawan sa pahina 22, 23]

Isinapanganib ni Esther ang kaniyang buhay para protektahan ang bayan ng Diyos