Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

ANO ang nagtulak sa isang sugarol at magnanakaw para magbago? Basahin ang kaniyang kuwento.

“Mahilig Ako sa mga Kabayo at Karera.”​—RICHARD STEWART

ISINILANG: 1965

BANSANG PINAGMULAN: JAMAICA

DATING SUGAROL AT KRIMINAL

ANG AKING NAKARAAN: Lumaki ako sa isang mahirap at mataong lunsod ng Kingston, ang kabisera ng Jamaica. Marami ritong walang trabaho at laganap ang krimen. Takót ang mga tao dahil sa mga gang. Araw-araw akong nakaririnig ng mga putok ng baril.

Dugo’t pawis ang pinuhunan ng aking ina para mabuhay kaming magkakapatid. Pinag-aral niya kami sa magandang paaralan. Pero mas mahilig ako sa mga kabayo at karera kaysa sa pag-aaral. Sa halip na pumasok sa eskuwela, pumupunta ako sa karerahan. Sumasakay pa nga ako sa kabayo.

Di-nagtagal, nalulong ako sa pagtaya sa karera. Naging imoral ako at sobrang babaero. Humihithit ako ng marihuwana at nagnanakaw para tustusan ang mga bisyo ko. Marami akong baril, pero buti na lang at hindi ako nakapatay sa dami ng pinagnakawan ko.

Nang dakong huli, nadakip ako ng mga pulis at ibinilanggo. Nang makalaya ako, balik na naman ako sa aking masasamang gawain. Sa katunayan, naging mas masahol pa ako kaysa sa dati. Mukha akong mabait, pero magagalitin ako, malupit, at matigas ang ulo. Wala akong pakialam sa iba.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Noong panahong iyon, nag-aral ng Bibliya si Inay at naging Saksi ni Jehova. Napansin ko ang magagandang pagbabago sa kaniyang personalidad. Gusto kong malaman ang dahilan ng pagbabago niya kaya nagsimula akong makipag-usap sa mga Saksi tungkol sa Bibliya.

Naiiba ang mga turo ng mga Saksi ni Jehova sa ibang mga relihiyon at ang lahat ng kanilang sinasabi ay batay sa Bibliya. Sila lang ang grupong kilala kong nagbabahay-bahay, gaya ng mga Kristiyano noon. (Mateo 28:19; Gawa 20:20) Nakumbinsi akong ito na ang tunay na relihiyon nang makita ko ang tunay na pag-ibig nila sa isa’t isa.​—Juan 13:35.

Natutuhan ko sa Bibliya na kailangan kong baguhin ang buhay ko. Nalaman kong nasusuklam ang Diyos na Jehova sa pakikiapid, at para mapaluguran siya, dapat ko nang itigil ang marurumi kong gawain. (2 Corinto 7:1; Hebreo 13:4) Naantig ako nang malaman kong maaari palang masaktan o matuwa si Jehova sa aking mga ginagawa. (Kawikaan 27:11) Kaya nagdesisyon akong itigil na ang pagmamarihuwana, idispatsa ang aking mga baril, at baguhin ang aking personalidad. Pero ang pinakamahirap sa lahat ay ang itigil ang aking imoral na pamumuhay at pagsusugal.

Noong una, inilihim ko sa aking mga kaibigan na nakikipag-aral ako ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Pero natauhan ako nang mabasa ko ang sinabi ni Jesus sa Mateo 10:33: “Sinumang nagtatatwa sa akin sa harap ng mga tao, itatatwa ko rin siya sa harap ng aking Ama na nasa langit.” Ito ang nagtulak sa akin para sabihin sa aking mga kaibigan na nakikipag-aral ako sa mga Saksi. Gulat na gulat sila. Hindi sila makapaniwalang gusto kong maging Kristiyano. Pero sinabi ko sa kanilang gusto ko nang talikuran ang dati kong buhay.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Tuwang-tuwa si Inay nang magsimula akong mamuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya. Hindi na siya nag-aalala na baka gumawa na naman ako ng kalokohan. Ang pinag-uusapan na namin ay ang aming pag-ibig kay Jehova. Kung minsan, naiisip ko ang dati kong buhay at hindi ako makapaniwala sa mga pagbabagong nagawa ko sa tulong ng Diyos. Hindi ko na hinahanap-hanap ang imoral at materyalistikong pamumuhay ko noon.

Kung binale-wala ko ang mensahe ng Bibliya, malamang na patay na ako o kaya’y nakabilanggo. Pero ngayon, masaya ako sa piling ng aking pamilya. Masayang-masaya akong naglilingkod sa Diyos na Jehova kasama ang aking matulunging asawa at masunuring anak. Nagpapasalamat ako kay Jehova dahil pinahintulutan niya akong maging bahagi ng isang maibiging kapatirang Kristiyano. Laking pasasalamat ko at may nagtiyagang magturo sa akin ng katotohanan sa Bibliya. At pinahahalagahan ko ang mga pagkakataong makatulong sa iba na matutuhan ang itinuturo ng Bibliya. Higit sa lahat, nagpapasalamat ako sa Diyos na Jehova dahil sa kaniyang maibiging-kabaitan sa akin.

[Blurb sa pahina 11]

‘Nalaman kong maaari palang masaktan o matuwa si Jehova sa aking mga ginagawa’

[Larawan sa pahina 11]

Kasama ang aking asawa at anak

[Larawan sa pahina 11]

Napansin ko ang magagandang pagbabago sa personalidad ni Inay