Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tanong ng mga Mambabasa

Dapat Bang Turuan ng mga Magulang ang Kanilang mga Anak Tungkol sa Sex?

Dapat Bang Turuan ng mga Magulang ang Kanilang mga Anak Tungkol sa Sex?

▪ Ginagawa ng maraming magulang ang lahat para proteksiyunan ang kanilang mga anak mula sa nakahahawang mga sakit. Ganiyan din ang pagsisikap na dapat gawin ng mga magulang para proteksiyunan ang kanilang mga anak mula sa nakapipinsalang saloobin sa moral. Ang isang paraan para magawa ito ay sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng tamang impormasyon tungkol sa sex. (Kawikaan 5:3-23) Ang gayong pagsasanay at patnubay ng mga magulang ay napakahalaga dahil mas marami na ngayong nakikitang malalaswang materyal ang mga bata mula sa TV, Internet, aklat, at komiks.

“Hindi problema kung natututo man ang ating mga anak tungkol sa sex,” ang paliwanag ng propesor at awtor na si Diane Levin. “Ang problema ay kung ano ang natututuhan nila, kung anong edad nila ito natututuhan, at kung sino ang nagtuturo sa kanila. Natututo ang mga bata ng napakasama at nakapipinsalang uri ng sex education mula sa mga advertiser at mga kausuhan.”

Kailangang proteksiyunan ng mga magulang ang kanilang mga anak mula sa pilipit at imoral na mga pananaw na sumisira sa lipunan. (Kawikaan 5:1; Efeso 6:4) Kailangang malaman ng mga bata kung paano gumagana ang kanilang katawan, kung paano ito aalagaan, at poproteksiyunan mula sa imoral na mga tao. Bago maging tin-edyer ang anak na babae​—kung kailan nagsisimula nang lumitaw ang mga palatandaan ng pagdadalaga​—kailangang malaman niya ang mga pagbabagong mangyayari sa kaniyang katawan at maunawaan kung bakit at kung paano nagkakaroon ng menstruation. Gayundin, dapat malaman na ng anak na lalaki ang tungkol sa wet dreams bago pa man ito mangyari. Habang maliliit pa ang mga anak, puwede nang ituro sa kanila ng mga magulang ang tamang pangalan ng maseselang bahagi ng katawan. Itinuturo ng mapagmahal na mga magulang sa kanilang mga anak ang tatlong mahahalagang impormasyon tungkol sa mga bahaging ito ng katawan: (1) Ang mga ito ay espesyal at pribado. (2) Hindi dapat pag-usapan ang mga ito nang may malisya. (3) Hindi ipinahihipo ang mga ito o ipinakikita sa iba. Habang lumalaki ang mga anak, kailangang malaman ng mga magulang kung kailan nila dapat ipaliwanag kung paano nagdadalang-tao ang isang babae. *

Kailan dapat simulan ng mga magulang ang gayong pagtuturo? Mas maaga kaysa sa inaakala ng marami. Ang isang batang babae ay maaaring magkaregla sa edad na 10 o mas maaga pa. Ang isang batang lalaki ay maaaring makaranas ng wet dreams sa edad pa lang na 11 o 12. Baka labis na mag-alala ang mga bata kapag hindi nila naiintindihan ang nangyayari. Kailangan nilang malaman antimano na normal lang ang gayong mga pagbabago sa kanilang katawan. Ito rin ang panahon para tulungan silang maunawaan ang kahalagahan ng pagsunod sa mga pamantayang moral ng Bibliya​—isang bagay na hindi naituturo ng karamihan sa sekular na mga programa sa sex education.​Kawikaan 6:27-35.

[Talababa]

^ par. 5 Makatutulong sa mga magulang ang sumusunod na mga publikasyong inilathala ng mga Saksi ni Jehova: Gumising! ng Mayo 2006, sa artikulong “Paghahanda sa Iyong Anak sa Kaniyang Unang Regla,” pahina 10-13; Ang mga Tanong ng mga Kabataan​Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2, kabanata 6, “Ano’ng Nangyayari sa Aking Katawan?”; at Ang Bantayan ng Nobyembre 1, 2010, “Susi sa Maligayang Pamilya​—Ipakipag-usap sa Iyong mga Anak ang Tungkol sa Sex,” pahina 12-14.