Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Abraham—Isang Taong May Pag-ibig

Abraham—Isang Taong May Pag-ibig

Lungkot na lungkot si Abraham. Ang kaniyang minamahal na asawang si Sara ay namatay na. Nagbabalik sa isipan ni Abraham ang masasayang alaala nilang mag-asawa habang nagpapaalam siya kay Sara sa huling pagkakataon. Hindi na rin niya napigilan ang kaniyang mga luha. (Genesis 23:1, 2) Ang mga luhang iyon ay hindi tanda ng kahinaan ni dapat mang ikahiya. Sa halip, iyon ay katunayan ng isa sa pinakamagandang katangian ni Abraham​—ang pag-ibig.

ANO ANG PAG-IBIG? Ito ay ang pagkadama ng mainit at personal na pagkagiliw o masidhing pagmamahal. Sa pamamagitan ng mga gawa, ipinakikita ng isang taong may pag-ibig ang nadarama niya sa kaniyang mga minamahal, kahit na may kaakibat itong sakripisyo.

PAANO NAGPAKITA NG PAG-IBIG SI ABRAHAM? Ipinakita ni Abraham na iniibig niya ang kaniyang pamilya. Tiyak na si Abraham ay isang napakaabalang tao. Pero hindi niya kailanman isinaisantabi ang emosyonal at espirituwal na pangangailangan ng kaniyang pamilya. Sa katunayan, alam ni Jehova na mapangungunahan ni Abraham ang kaniyang pamilya sa pagsamba. (Genesis 18:19) Binanggit pa nga mismo ni Jehova ang tungkol sa pag-ibig ni Abraham sa kaniyang pamilya nang tukuyin Niya si Isaac bilang ang “anak na pinakaiibig” ni Abraham.​—Genesis 22:2.

Makikita rin natin ang pag-ibig ni Abraham sa naging reaksiyon niya nang mamatay ang kaniyang asawang si Sara. Umiyak si Abraham. Bagaman isang matatag at tunay na lalaki, hindi siya natakot na ipakita ang kaniyang pagdadalamhati. Ipinakita ni Abraham ang magandang kombinasyon ng katatagan at pagkakaroon ng malambot na puso.

Ipinakita ni Abraham na iniibig niya ang Diyos. Makikita sa buong buhay niya ang gayong pag-ibig. Paano? Malamang na maaalaala natin ang sinasabi sa 1 Juan 5:3: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga utos.” Tunay ngang namumukod-tanging halimbawa si Abraham sa pagpapakita ng pag-ibig sa Diyos!

Kapag inuutusan ni Jehova si Abraham, sinusunod niya ito agad. (Genesis 12:4; 17:22, 23; 21:12-14; 22:1-3) Hindi mahalaga kay Abraham kung madali o mahirap itong sundin; hindi rin mahalaga sa kaniya kung bakit ito iniutos ni Jehova sa kaniya. Kung may gustong ipagawa sa kaniya ang kaniyang Diyos, handa niyang gawin ito. Itinuring ni Abraham na mga pagkakataon ito para maipakita ang kaniyang pag-ibig kay Jehova.

ANO ANG MATUTUTUHAN NATIN? Matutularan natin si Abraham sa pamamagitan ng pagpapakita ng pag-ibig sa iba, lalo na sa ating pamilya. Huwag na huwag nating hayaan na maagaw ng mga kabalisahan ang panahon natin para sa ating mga mahal sa buhay.

Makabubuti rin kung lilinangin natin ang ating pag-ibig kay Jehova. Ito ay maaaring maging napakalakas na puwersa sa ating buhay. Halimbawa, maaari itong mag-udyok sa atin na baguhin ang ating saloobin, pagsasalita, at paggawi para mapasaya ang Diyos.​—1 Pedro 1:14-16.

Totoo, hindi laging madaling sumunod sa mga utos ni Jehova. Pero makaaasa rin tayo sa suporta ng Isa na tumulong kay Abraham​—ang Isa na tumawag sa kaniya na “aking kaibigan.” (Isaias 41:8) Ipinangangako ng Salita ng Diyos, ang Bibliya: “Patatatagin niya kayo, palalakasin niya kayo.” (1 Pedro 5:10) Talaga ngang isang nakaaantig na pangako mula sa pinagkakatiwalaang Kaibigan ni Abraham!

[Kahon sa pahina 11]

Nakababawas ba sa Pagkalalaki ang Pag-iyak?

Marami ang sasagot ng oo. Marahil ay magugulat silang malaman na isa lang si Abraham sa matatapang at tapat na lalaking umiyak ayon sa ulat ng Bibliya. Kabilang sa mga ito sina Jose, David, ang apostol na si Pedro, ang matatanda sa kongregasyon sa Efeso, at maging si Jesus. (Genesis 50:1; 2 Samuel 18:33; Lucas 22:61, 62; Juan 11:35; Gawa 20:36-38) Maliwanag, hindi itinuturo ng Bibliya na nakababawas sa pagkalalaki ang pag-iyak.