Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Puwedeng Maging Maligaya ang Nababahaging Sambahayan

Puwedeng Maging Maligaya ang Nababahaging Sambahayan

“Paano mo malalaman kung maililigtas mo ang iyong asawa?”​—1 COR. 7:16.

1. Ano ang maaaring maging epekto kapag isang miyembro ng pamilya ang tumanggap sa mensahe ng Kaharian?

MINSAN, nang isugo ni Jesus ang kaniyang mga apostol, sinabi niya: “Samantalang humahayo kayo, mangaral, na sinasabi, ‘Ang kaharian ng langit ay malapit na.’” (Mat. 10:1, 7) Ang mga tatanggap at magpapahalaga sa mabuting balitang ito ay magiging mapayapa at maligaya. Pero binabalaan ni Jesus ang mga apostol na marami ang sasalansang sa kanilang gawaing pangangaral. (Mat. 10:16-23) At kapag galing mismo sa mga kapamilya ang pagsalansang, mas mahirap itong harapin.​—Basahin ang Mateo 10:34-36.

2. Bakit puwedeng maging maligaya ang mga Kristiyano sa sambahayang nababahagi sa relihiyon?

2 Ibig bang sabihin, imposibleng maging maligaya ang mga tagasunod ni Kristo na kabilang sa sambahayang nababahagi sa relihiyon? Hindi naman. Kung minsan, matindi ang pagsalansang ng mga kapamilya, pero hindi laging ganito. Hindi rin naman ito permanente. Anuman ang ating sitwasyon, puwede pa rin tayong maging maligaya, depende sa pagtugon natin sa pagsalansang o kawalang-interes ng mga kapamilya. Tinutulungan din ni Jehova ang mga tapat sa kaniya na maging maligaya sa kabila ng mahihirap na kalagayan. Puwede tayong maging maligaya kung (1) sisikapin nating linangin ang kapayapaan sa tahanan at (2) taimtim nating tutulungan ang mga kapamilya na tanggapin ang tunay na pagsamba.

LINANGIN ANG KAPAYAPAAN SA TAHANAN

3. Bakit dapat linangin ng isang Kristiyano ang kapayapaan sa tahanan?

3 Mas malamang na tumanggap ng katotohanan ang mga kapamilya kung mapayapa ang kalagayan sa tahanan. (Basahin ang Santiago 3:18.) Kahit nababahagi sa relihiyon ang sambahayan ng isang Kristiyano, dapat siyang magsikap na linangin ang kapayapaan sa tahanan. Paano?

4. Paano mapananatili ng mga Kristiyano ang kanilang panloob na kapayapaan?

4 Dapat panatilihin ng mga Kristiyano ang kanilang panloob na kapayapaan. Para magawa ito, kailangan nating hingin sa panalangin ang walang-katulad na “kapayapaan ng Diyos.” (Fil. 4:6, 7) Ang pagkuha ng kaalaman tungkol kay Jehova at pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya ay magdudulot ng kaligayahan at kapayapaan. (Isa. 54:13) Kailangan din ang pakikibahagi sa mga pulong at sigasig sa ministeryo para maging mapayapa at maligaya tayo. Kadalasan, puwedeng makibahagi sa mga gawaing ito ang mga Kristiyano kahit sila’y nasa nababahaging sambahayan. Kuning halimbawa si Enza. * Ang mister niya ay salansang na salansang. Nangangaral si Enza pagkatapos ng kaniyang mga gawain sa bahay. Sinabi niya, “Pinagpapala ako ni Jehova sa tuwing nagsisikap akong ibahagi sa iba ang mabuting balita.” Ang pagpapalang ito ay nagdudulot ng kapayapaan, kasiyahan, at kaligayahan.

5. Anong mga hamon ang napapaharap sa mga Kristiyano sa nababahaging sambahayan? Saan sila makakakuha ng tulong?

5 Kailangan tayong magsikap na linangin ang mapayapang kaugnayan sa di-sumasampalatayang mga kapamilya. Kung minsan, mahirap itong gawin dahil salungat sa mga simulain ng Bibliya ang mga bagay na gusto nilang ipagawa sa atin. Baka ikagalit nila ang ating paninindigan. Pero sa kalaunan, ang ating pananatiling tapat ay magbubunga ng kapayapaan. Siyempre pa, hindi tayo dapat magmatigas kung hindi naman labag sa simulain ng Bibliya ang hinihiling nila. Sa ganitong paraan, maiiwasan natin ang di-kinakailangang pagtatalo. (Basahin ang Kawikaan 16:7.) Kapag napapaharap sa problema, mahalagang isaalang-alang ang payo ng Kasulatan mula sa mga publikasyon ng uring tapat at maingat na alipin at mula sa mga elder.​—Kaw. 11:14.

6, 7. (a) Bakit sinasalansang ng iba ang mga kapamilyang nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova? (b) Paano dapat tumugon sa pagsalansang ang isang inaaralan sa Bibliya o isang Saksi?

6 Para malinang ang kapayapaan sa sambahayan, kailangan ang tiwala kay Jehova at unawa sa damdamin ng mga kapamilya. (Kaw. 16:20) Magagawa ito kahit ng mga bagong inaaralan sa Bibliya. May mga asawa na hindi naman tutol kung mag-aaral ng Bibliya ang kanilang kabiyak. Baka iniisip pa nga nila na makabubuti ito sa pamilya. Pero may ilan na talagang salansang. Halimbawa, inamin ni Esther, ngayon ay isa nang Saksi, na galít na galít siya nang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ang mister niya. “Itinatapon ko ang kaniyang mga literatura o kaya naman ay sinusunog ang mga ito,” ang sabi niya. Ganito naman ang sabi ni Howard, na dating salansang sa pag-aaral ng asawa niya: “Maraming lalaki ang nag-aalala na baka niloloko ang misis nila para sumali sa isang sekta. Dahil hindi nila alam kung ano ang dapat gawin, baka maging magaspang ang pakikitungo nila sa kanilang asawa.”

7 Ipaunawa natin sa ating inaaralan sa Bibliya na hindi siya dapat huminto dahil lang sa salansang ang asawa niya. Kadalasan, malulutas ang mga problema kung siya’y magiging mahinahon at magpapakita ng paggalang sa kaniyang kabiyak. (1 Ped. 3:15) Sinabi ni Howard, “Nagpapasalamat ako na nanatiling kalmado ang misis ko sa halip na magalit!” Ganito naman ang paliwanag ng kaniyang maybahay: “Inutusan ako ni Howard na huminto sa pag-aaral ng Bibliya. Sinabi niya na bine-brainwash daw ako. Sa halip na makipagtalo, sinabi ko sa kaniya na posibleng tama siya, pero hindi rin ako sigurado. Kaya sinabi kong puwede niyang basahin ang aklat na pinag-aaralan ko. Ginawa niya iyon at hindi niya matutulan ang mga sinasabi roon. Ito ang nakaantig sa kaniya.” Mahalaga ring tandaan na baka iniisip ng di-sumasampalatayang asawa na siya’y inaabandona o na nanganganib ang kanilang pagsasama kapag umaalis ang asawa niya para dumalo sa pulong o maglingkod sa larangan. Kaya naman mahalagang ipakipag-usap ito sa kaniya para maalis ang kaniyang pag-aalala.

TULUNGAN SILANG TANGGAPIN ANG TUNAY NA PAGSAMBA

8. Ano ang ipinayo ni apostol Pablo sa mga Kristiyano na may asawang di-sumasampalataya?

8 Pinayuhan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na huwag iwan ang kanilang kabiyak dahil lang sa ito’y di-sumasampalataya. * (Basahin ang 1 Corinto 7:12-16.) Mananatiling maligaya ang isang Kristiyano kung tatandaan niya na maaaring tumanggap ng katotohanan ang kaniyang asawa balang-araw. Pero sa pagtulong sa kaniyang asawa, kailangan siyang maging maingat, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na mga karanasan.

9. Ano ang hindi dapat gawin ng isang Kristiyano kapag ibinabahagi ang katotohanan ng Bibliya sa di-sumasampalatayang mga kapamilya?

9 Tuwang-tuwa si Jason nang malaman niya ang katotohanan mula sa Bibliya. Sinabi niya, “Gusto ko itong sabihin sa lahat!” Kapag naunawaan ng isang inaaralan sa Bibliya ang katotohanan, sa sobrang tuwa niya ay baka ito na lang ang bukambibig niya. Marahil inaasahan niya na agad itong tatanggapin ng kaniyang mga kapamilya, pero baka kabaligtaran ang mangyari. Ano ang naging reaksiyon ng asawa ni Jason sa kaniyang sigasig? “Narindi ako,” ang sabi niya. Isang babae naman na tumanggap sa katotohanan 18 taon matapos maging Saksi ang kaniyang asawa, ang nagsabi, “Kailangan ko itong matutuhan nang unti-unti.” Ang inaaralan mo ba sa Bibliya ay may asawa na walang interes sa katotohanan? Makabubuting ipakita sa kaniya kung paano niya ipaliliwanag sa kaniyang asawa ang katotohanan sa mataktikang paraan. Sinabi ni Moises: “Ang aking turo ay papatak na gaya ng ulan, ang aking pananalita ay tutulo na gaya ng hamog, gaya ng ambon sa damo.” (Deut. 32:2) Mas mabuti ang mangilan-ngilang patak ng katotohanan kaysa paulanan siya ng mga salita.

10-12. (a) Ano ang ipinayo ni apostol Pedro sa mga Kristiyanong may asawang di-sumasampalataya? (b) Paano ikinapit ng isang inaaralan sa Bibliya ang payo sa 1 Pedro 3:1, 2?

10 Ganito ang kinasihang payo ni apostol Pedro para sa mga Kristiyanong asawang babae sa nababahaging sambahayan: “Magpasakop kayo sa inyu-inyong asawang lalaki, upang, kung ang sinuman ay hindi masunurin sa salita, mawagi sila nang walang salita sa pamamagitan ng paggawi ng kani-kanilang asawang babae, dahil sa pagiging mga saksi sa inyong malinis na paggawi na may kalakip na matinding paggalang.” (1 Ped. 3:1, 2) Kung ang asawang babae ay magpapasakop at magpapakita ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki kahit di-maganda ang pakikitungo nito sa kaniya, baka matulungan niya itong tumanggap ng katotohanan. Sa katulad na paraan, ang isang nananampalatayang asawang lalaki ay dapat gumawi sa makadiyos na paraan at maging maibiging ulo ng kaniyang pamilya, kahit sinasalansang siya ng kaniyang asawang babae.​—1 Ped. 3:7-9.

11 Marami ang nakinabang nang ikapit nila ang payo ni Pedro. Isang halimbawa si Selma. Nang makipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, hindi natuwa ang asawa niyang si Steve. Inamin ni Steve na siya ay nagalit, nagselos, at natakot. Ganito ang sabi ni Selma: “Bago pa man ako matuto ng katotohanan, de-numero na ang kilos ko kay Steve. Laging mainit ang ulo niya. Lalo pa siyang naging magagalitin nang mag-aral ako ng Bibliya.” Ano ang nakatulong kay Selma?

12 Naalaala ni Selma ang isang aral na natutuhan niya sa Saksing nagtuturo sa kaniya. Sinabi niya: “Isang araw, wala akong ganang mag-Bible study. Noong nagdaang gabi kasi, sinaktan ako ni Steve habang nagpapaliwanag ako, kaya nalungkot ako at naawa sa aking sarili. Nang ikuwento ko sa sister kung ano ang nangyari at kung ano ang nadarama ko, ipinabasa niya sa akin ang 1 Corinto 13:4-7. Pagkabasa ko, nasabi ko, ‘Hindi naman ganito si Steve sa akin.’ Pero pinag-isip ako ng sister nang tanungin niya ako, ‘Kumusta ka naman? Naipapakita mo ba ang ganitong pagmamahal sa asawa mo?’ Sumagot ako, ‘Hindi, kasi napakahirap niyang pakisamahan.’ May-kabaitang sinabi ng sister, ‘Selma, sino ba ang nagsisikap na maging Kristiyano? Ikaw o si Steve?’ Natauhan ako at nanalangin kay Jehova na tulungan akong maging mas mabait kay Steve. Unti-unting nagbago ang mga bagay-bagay.” Pagkaraan ng 17 taon, tinanggap ni Steve ang katotohanan.

KUNG PAANO MAKATUTULONG ANG IBA

13, 14. Ano ang magagawa natin para tulungan ang mga kapatid na nasa nababahaging sambahayan?

13 Gaya ng ambon na dumidilig sa lupa at nakatutulong para tumubo ang mga halaman, ang mga indibiduwal sa kongregasyon ay makatutulong para maging maligaya ang mga Kristiyano sa nababahaging sambahayan. Ganito ang sabi ni Elvina na taga-Brazil, “Ang pag-ibig ng mga kapatid ay nakatulong sa akin na manindigan sa katotohanan.”

14 Ang kabaitan at interes ng mga kapatid sa kongregasyon ay makaaantig din sa puso ng di-sumasampalatayang kapamilya. Isang lalaki sa Nigeria ang tumanggap ng katotohanan 13 taon pagkatapos maging Saksi ang kaniyang asawa. Sinabi niya: “Minsan, naglalakbay ako kasama ng isang Saksi. Nasira ang kaniyang sasakyan, kaya hinanap niya ang mga Saksi sa isang kalapit na nayon. Pinatuloy nila kami nang gabing iyon at inasikaso na para bang matagal na matagal na kaming magkakakilala. Agad kong naramdaman ang pag-ibig Kristiyano na bukambibig ng asawa ko.” Sa Inglatera, ganito ang sabi ng isang babae na tumanggap ng katotohanan 18 taon pagkaraang maging Saksi ang kaniyang mister: “Iniimbita kami ng mga Saksi na kumaing kasalo nila. Palagay na palagay ang loob ko sa kanila.” * Sa bansa ring iyon, isang asawang lalaki na naging Saksi ang nagsabi: “Dinadalaw kami ng mga kapatid, o kaya naman ay inaanyayahan nila kami sa kanilang tahanan, at nakita kong mapagmalasakit sila. Lalo ko itong napansin nang maospital ako at marami ang dumalaw sa akin.” Maaari ka bang magpakita ng gayon ding interes sa di-sumasampalatayang mga kapamilya?

15, 16. Ano ang makatutulong sa isang Kristiyano sa nababahaging sambahayan na manatiling maligaya?

15 Siyempre pa, kahit ginagawa natin ang tama at nagpapatotoo tayo nang may kabaitan sa loob ng maraming taon, hindi lahat ng kapamilya ay tatanggap ng katotohanan. Ang ilan ay mananatiling walang interes o patuloy na sasalansang. (Mat. 10:35-37) Pero kung magpapakita tayo ng mga katangiang Kristiyano, maaari itong magkaroon ng magandang resulta. Isang asawang lalaki na naging Saksi ang nagsabi: “Hindi mo alam kung ano ang magiging epekto ng mabubuting katangiang Kristiyano sa isip at puso ng asawang di-sumasampalataya. Kaya huwag na huwag susuko sa inyong di-sumasampalatayang kabiyak.”

16 Puwede pa ring maging maligaya ang isang Kristiyano kahit hindi tumanggap ng katotohanan ang kaniyang mga kapamilya. Isang sister ang nagsikap na magpatotoo sa kaniyang asawa sa loob ng 21 taon. Sa kabila nito, hindi pa rin tinanggap ng mister niya ang katotohanan. Sinabi ng sister: “Napananatili ko ang kagalakan sa pamamagitan ng pagsisikap na palugdan si Jehova, pananatiling tapat sa kaniya, at pagpapatibay sa aking espirituwalidad. Dahil lagi akong abala sa espirituwal na mga gawain​—personal na pag-aaral, pagdalo sa pulong, paglilingkod sa larangan, at pagtulong sa iba sa kongregasyon​—napalapít ako kay Jehova at naingatan ko ang aking puso.”​—Kaw. 4:23.

HUWAG SUMUKO!

17, 18. Ano ang makatutulong sa isang Kristiyano sa nababahaging sambahayan na huwag mawalan ng pag-asa?

17 Kung isa kang tapat na Kristiyano sa nababahaging sambahayan, huwag kang sumuko. Tandaan mo na “hindi pababayaan ni Jehova ang kaniyang bayan alang-alang sa kaniyang dakilang pangalan.” (1 Sam. 12:22) Si Jehova ay sasaiyo hangga’t nangungunyapit ka sa kaniya. (Basahin ang 2 Cronica 15:2.) Kaya naman, ‘magkaroon ka ng masidhing kaluguran kay Jehova.’ Oo, “igulong mo kay Jehova ang iyong lakad, at manalig ka sa kaniya.” (Awit 37:4, 5) “Magmatiyaga [ka] sa pananalangin,” at manampalataya na tutulungan ka ng ating maibiging Ama sa langit para mabata mo ang lahat ng uri ng paghihirap.​—Roma 12:12.

18 Sa panalangin, hingin mo ang banal na espiritu ni Jehova na makatutulong sa iyo na magtaguyod ng kapayapaan sa tahanan. (Heb. 12:14) Oo, puwedeng magkaroon ng mapayapang kalagayan sa tahanan na sa bandang huli ay maaaring makaantig sa puso ng iyong di-sumasampalatayang mga kapamilya. Mararanasan mo ang kaligayahan at kapayapaan ng puso’t isip habang “[ginagawa mo] ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.” (1 Cor. 10:31) At makaaasa ka sa maibiging suporta ng iyong mga kapatid sa kongregasyong Kristiyano!

[Mga talababa]

^ par. 4 Binago ang mga pangalan.

^ par. 8 Hindi ipinagbabawal ng payo ni Pablo ang legal na pakikipaghiwalay sa ilalim ng malulubhang kalagayan. Iyan ay isang seryosong bagay na dapat pagpasiyahan ng mga indibiduwal. Tingnan ang Manatili sa Pag-ibig ng Diyos, pahina 220-221.

^ par. 14 Hindi ipinagbabawal ng Kasulatan ang pagkain kasalo ng mga di-kapananampalataya.​—1 Cor. 10:27.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 28]

Pumili ng tamang panahon para ipaliwanag ang iyong mga paniniwala

[Larawan sa pahina 29]

Magpakita ng malasakit sa di-sumasampalatayang kabiyak ng ating mga kapatid